Special Chapter Two: Dr. Raphael Rosario
Bata palang si Raphael ay alam na niya kung ano ang gusto niyang maging pangarap. Nagsimula siyang mangarap noong kasama pa niya ang kanyang lola. Pangarap na niyang maging doctor dahil ang kanyang lola ay madalas ng magkasakit. Napakalapit niya sa kanyang lola, dahil nga ang kanyang mga magulang ay parehong nagtatrabaho sa isang pribadong ospital. Ang kanyang ina na si Herlene Rosario ay isang nurse at ang kanyang ama na si Gregorio Rosario ay isa namang medical technologist. Madalas ang mga kalaro niya ay ang kanyang mga pinsan, at bata pa lang ay may nakikita na siyang hindi pangkaraniwan. Mga nilalang na nakikita ng mga katulad niyang mga especial.
“Raphael, may sakit na naman si Jobert,” sabi ng kanyang Auntie Isabel. Yayayain sana niyang maglaro ang isa niyang pinsan pero sinabi ng kanyang tiyahin na may sakit ito.
“Ganoon po ba? Sayang, may ibibigay pa naman sana ako sa kanya,” sabi niya sabay pakita ng isang balot na marshmallows. Ngumiti ang kanyang Auntie Isabel at pinapasok siya sa loob ng tahanan.
“Puntahan mo si Jobert sa taas. I’m sure matutuwa siya kapag nakita ka niya,” nakangiting sabi sa kanya. Umakyat na siya sa taas at kumatok ng tatlong beses saka niya dahn-dahang binuksan ang pinto. Nakita niya ang kanyang pinsan na nakahiga sa kama nito at balot na balot ng kumot ang kanyang katawan.
“Jobert?” tawag niya at nilapitan niya ang kanyang pinsan. Sa kanyang paglapit ay may napansin siyang kakaiba sa gilid ng kama ni Jobert. Inilapag niya sa lamesa ang hawak niyang marshmallows at sinilip ang kabilang bahagi ng kama. Napaatras siya sa kanyang nakita, nakita niya ang isang nilalang na nilalagay ang kamay nito sa noo ng kanyang pinsan. Isang nilalang na may mahahaba at itim na kuko, kulay pula ang balat nito at may malalaking pangil. May Malaki at mahaba ding sungay sa noo nito at ang mga tainga nito ay kahalintulad sa palikpik ng isang isda. Ngayon lang siya nakakita ng ganitong nilalang, tila may binubulong ang nilalang na iyon sa pinsan niya at nakikita niyang lalong nanginginig si Jobert. Kahit binabalot ng takot ang kanyang puso ay pinilit niyang maging matapang. Kinuha niya ang isang laruang bola ni Jobert na nasa tabi ng pinto at ibinato sa nilalang. Tumama sa balikat ng nilalang ang bola at napatingin sa kanya. Kita niya ang pagtataka sa mukha nito at kalaunan ay ngumti ng nakakatakot sa kanya. Parang ngipin ng pating ang mga ngipin ng nilalang na ito.
“L-layuan mo si Jobert!” sigaw niya. Tumingin sa kanya ang nilalang at dahang-dahang lumapit.
“Nakikita mo ako?” tanong nito sa kanya at dahan-dahan siyang tumango.
“Layuan mo si Jobert!” sigaw niya at humalakhak ang nilalang sa kanya.
“At kung ayoko? May magagawa ka ba?” tanong ulit sa kanya.
“I-isusumbong kita kay Auntie Isabel!” sagot niya at humalakhak lang ito sa kanya.
“Sige, sabihin mo. Tingnan mo kung may maniniwala sayo,” sabi sa kanya at bumalik sa tabi ni Jobert at umuusal na naman ng mahina.
“Anong ginagawa mo sa kanya?” tanong niya.
“Kinukuha ko ang kanyang kaluluwa. Masarap kainin ang batang kaluluwa. Pagkatapos ko dito ay isusunod kita,” sagot nito sa kanya. Dito na siya kumaripas ng takbo at tinawag ang kanyang Auntie Isabel.
“Auntie! Auntie!” sigaw niya at bumaba hanggang sa makarating siya sa kusina. Doon niya nakita ang kanyang Auntie Isabel na natigilan dahil sa kanyang pagsigaw.
“Tulungan niyo si Jobert! May gustong kumuha sa kanya!” sigaw niya at hinatak ang kamay ni Auntie Isabel paakyat sa kuwarto ni Jobert.
“Teka lang, ano bang sinasabi mo?” tanong sa kanya ngunit hindi na siya sumagot at hinatak lang ang kanyang tiyahin. Pagpasok nila ay nakita pa din niya ang nilalang na nasa tabi ni Jobert na nakangiti sa kanilang dalawa.
“Ano bang sinasabi mo, Raphael?” tanong ni Auntie Isabel at agad niyang itinuro ang nilalang na nasa tabi ng kanyang pinsan.
“Auntie! May monster sa tabi ni Jobert! Kukunin daw niya ang kaluluwa ni Jobert! Kakainin daw niya ang kaluluwa ni Jobert!” sigaw niya.
“Raphael, ano bai yang sinasabi mo. Walang monster, okay? Hindi totoo iyan. Nasobrahan ka na naman siguro sa kapapanuod ng Ultraman. Umuwi ka na lang muna,” sabi sa kanya. Tiningnan niya ang nilalang at tahimik itong tumatawa sa tabi ng kanyang pinsan. Wala siyang nagawa ng ihatid siya ng kanyang Auntie Isabel sa labas ng bahay. Tahimik at matamlay siyang naglakad pauwi sa bahay ng kanyang lola.
Nang makauwi ay agad siyang napansin ng lola niya.
“Anong nangyari at malungkot ka?” tanong sa kanya. Umupo siya sa tabi ng kanyang lola at yumakap.
“Lola, may monster sa tabi ni Jobert. Kukunin at kakainin daw niya ang kaluluwa ni Jobert. Sinabi ko kay Auntie Isabel ang nangyari pero hindi siya naniwala at pinauwi ako. Lola, kakainin si Jobert!” kuwento niya at nagsimula na siyang umiyak. Naramdaman niya ang paghaplos ng kanyang lola sa kanyang ulo.
“Apo, Raphael, may mga bagay sa mundo na hindi nakikita ng isang ordinaryong tao. Hindi naniwala si Auntie Isabel mo dahil hindi niya nakikita ang nakikita mo. Alam kong isa kang special na bata. Wala na tayong magagawa kung ayaw nilang maniwala sa iyo,” paliwanag ng kanyang lola. Pagkalipas ng apat na araw, namatay ang pinsan niyang si Jobert dahil sa hindi malamang sakit. Pero siya, alam niya ang dahilan. Nagtagumpay ang nilalang na makuha ang kaluluwa ng kanyang pinsan. Simula noon, sa tuwing may nakikita siyang kakaibang nilalang ay sinasarili na lamang niya. Hindi na niya sinasabi kung kanino man ang kanyang mga nakikita. Hanggang sa paglipas ng panahon ay nawala na ang kanyang abilidad na makakita ng mga kakaibang nilalang. Tila sa kanyang isipan ay produkto na lamang ng kanyang imahinasyon ang mga nakikita niya noon. Kaka-graduate lang niya sa highschool nang bawian na ng buhay ang kanyang lola dahil sa sakit na diabetis. Kaya’t napilitan na siyang pumunta sa Maynila para manirahan na kasama ng kanyang magulang.
“Anak,” napatingin siya sa kanyang in ana namamalantsa ng uniform nito.
“Ano bang course ang gusto mong kunin sa college?” tanong sa kanya.
“Kukuha muna ako Ma ng nursing then kukuha ako ng medicine,” sagot niya. Nakita niyang natigilan ang kanyang ina sa ginagawang pamamalantsa.
“Ha? Medicine? Magdoktor ka? Sa ospital ka din?” sunod-sunod na tanong sa kanya.
“Oo Ma. Bakit? May problema ba doon?” tanong niya.
“Ang gusto sana naming ay magteacher ka anak. Nasa ospital na nga kami nagtatrabaho tapos ikaw din ay sa ospital? Tapos magdoktor ka pa?” sabi sa kanya.
“Teacher? Ma, hindi ako mahilig sa bata. Baka kapag napikon ako ay bigla kong mabatukan ang bata, madep-ed pa ako,” sagot niya.
“Bakit ka magmedicine? Matagal ang pag-aaral diyan. Ilang taon pa ang gugugulin mot apos magbo-board exam ka pa bago ka makapagtrabaho.”
“Bakit ma? Bakit ayaw niyo?” tanong niya.
“Kasi anak, matanda na kami ng Papa mo. Malapit na kaming magretiro sa trabaho. Kung magdodoktor ka, papaano naming matutustusan ang matrikula mo? Hindi naman sapat ang sahod naming ng Papa mo sa ospital dahil sa dami ng gastusin dito sa bahay,” paliwanag sa kanya. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa sofa at nilapitan ang ina.
“Huwag niyong isipan pa iyan ma. Habang nag-aaral ako ay magtatrabaho ako. Magwo-working student ako. Pangarap kong maging doctor ma. Alam kong iyon ang calling ko,” sagot niya at niyakap ang kanyang ina.
Pagtuntong niya ng college ay kumuha siya ng kursong nursing sa St. Mary’s University. Dito niya pinagsabay ang pag-aaral at ang pagtatrabaho. Namasukan siya bilang isang crew sa isang fast food chain, pumasok din siya bilang waiter sa isang Italian restaurant. Naranasan din niyang maging salesman sa isang department store. Kahit hirap ay nagsumikap siyang makatapos. Third year college na siya ng mamatay ang kanyang ama dahil sa chronic kidney disease, at ang kanyang ina naman ay nadiagnosed na may stage two cervical cancer. Kahit pa maraming dagok ang ibinigay sa kanya ay pinilit niyang makapagtapos. Nang makagraduate ay kaagad siyang kumuha ng Nursing Board Exam at Salamat sa Diyos ay nakapasa siya. Pumasok siya bilang nurse sa Kairos Maternity and General Hospital at doon ay nakaipon siya para sa kanyang pag-aaral ng medicine. Kumuha siya ng medicine sa St. Mary’s University. Taong 2015 ay namatay naman ang kanyang ina dahil sa cervical cancer. Dahil dito ay mas lalo siyang nagpursiging makatapos ng medisina. Gusto niyang matupad ang kanyang pangarap. Alam niyang calling niya ang pagiging doctor. Nasa puso na niya ang pagiging doctor, mula pagkabata ay gusto na niyang maging manggagamot. Dahil sa kanyang sipag, tiyaga at determinasyon ay nakatapos din siya sa kanyang kursong medicine. Nagsunog siya ng kilay sa kanyang pagrereview at ng makakuha siya ng Physician Board Exam ay pinalad siyang makapasa. Pinalad din siyang makapasok sa Philippine General Hospital o PGH, isang public hospital.
Naalala niya ang sinabi ng kanyang lola, na ang may mga bagay na hindi nakikita ng mga ordinaryong tao. Tila pakiramdam niya ay nagkaroon ng thrill ang buhay niya simula ng makilala niya ang paring si Father Michael Dela Cruz. Hindi niya akalaing may mga makikilala siyang katulad niya, mga especial. Hanggang sa lumaki na ang grupo nila, si Father Michael, siya, si Uriel at si Roman. Ang mga nakikita niya ngayon ay nagkaroon ng linaw sa kanya simula noong makilala niya ang pari.
“O kumain ka pa doon,” napatingin siya kay Father Michael na may hawak na paper cup at alam niya ang laman ng basong iyon. Nandito siya ngayon sa Marilao, Bulacan. Ngayon kasi ang pista ng Our Lady of Guadalupe at inimbitahan sila ni Father Michael pagkatapos ng kaso nila kahapon. Bilib na bilib siya sa pari dahil nagawa nitong kontrahin ang kulam sa isa niyang pasyente.
“Salamat. Ang sarap ng caldereta ah. Sinong nagluto?” tanong niya.
“Ah si Nicka, ayun o.” Sabay turo ng pari sa isang dalaga na masayang nag-aasikaso sa iba pang bisita. Napatulala siya dahil sa gandang taglay ng dalaga. Maputi ito at may mahabang buhok.
“Ganda ba?” tanong sa kanya at tumango naman siya.
“Oo,” sagot niya habang nakatingin pa rin sa dalaga.
“Single ‘yan. No boyfriend since brith,” sabi ni Father Michael. Napatingin naman siya sa pari at tiningnan kung nagbibiro ito pero sa tingin niya ay hindi.
“Weh? NBSB?”
“Oo. Alam mo kung bakit?”
“Bakit?”
“Police major kasi ang tatay niya,” sabi sa kanya at halos mabulunan siya sa narinig.
“Kaya pala. Katakot ang tatay,” sabi niya.
“Hinay-hinay sa alak. Kawawa ang atay,” paalala niya at natawa na lang ang pari.
“Ibang klaseng pari ka. Ikaw lang ang bukod tanging ganyan,” he said at natawa ang pari.
“Old habits die hard,” sagot sa kanya.
“Hindi na iyan habits. Vices mo na iyan.” Tumawa na lang ang pari sa kanya. Umalis si Father Michael saglit at pagbalik nito ay may dala na itong isa pang paper cup at iniabot sa kanya. Napataas ang kilay niya at umiling.
“I’m not drinking,” sabi niya.
“Sige na. Minsan lang eh.” Naiiling siyang kinuha ang baso at inisang lagok ito. Napangiwi pa siya dahil sa pait na gumuguhit sa kanyang lalamunan.
“Tama na. magdadrive pa ako mamayang pag-uwi. Baka makita ka ng ibang tao, kung ano pa ang isipin nila sayo,” he said at itinapon na ang paper cup.
“Guys!” napatingin sila kay Roman na may dala-dalang isang malaking basket na punong-puno ng prutas. “O saan galling iyan?” tanong ni Father Michael.
“Nakalagay dito ay from Amelia Anastacio,” sagot ni Roman.
“Amelia?”
“Siya ‘yung patient kahapon na kinulam,” sagot niya.
“Ah okay. Nag-abala pa sila. Sige pakilagay na lang Roman doon sa table. Kumuha na lang kayo kung gusto niyo ng prutas,” sabi ni Father Michael.
Pinagmasdan niya ang kanyang mga kaibigan. May way talaga ang Panginoon, hindi niya akalaing makikilala ang mga kaibigan nila. Alam niyang calling niya ang pagiging doctor, ngayon alam din niyang pinagtagpo ang landas nilang magkakaibigan.
“Raphael,” napatingin ulit siya kay Father Michael at napalaki ang mata ng may kasama na ito.
“Dr. Raphael this is Nicka Gallego. Nicka, siya si Dr. Raphael Rosario,” pakilala sa kanilang dalawa ng pari. “Hello. Nice to meet you,” sabi ng dalaga at siya naman ay tumayo at tinanggap ang kamay ng dalaga. “Nice to meet you too.”