Chapter Two
Naramadaman niyang may magaang kamay ang nagpupunas sa kanya. “Sino kaya ito?” tanong niya sa kanyang isipan. Ang huling natatandaan ay binugbog siya ng mga bata doon sa abandonadong parke at kinuha pa ang dinukot niyang pera at alahas.
“Lagot na naman ako nito kay Mang Erning,” bulong niya sa kanyang isipan.
Unti-unti niyang dinilat ang mga mata niya at napamaang siya sa kanyang nakita. Umayos siya ng upo at kinusot-kusot ang kanyang mga mata. Muli niyang tiningnan ang nasa harapan niya at hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Itinaas niya ang hintuturo niya at tinusok ang pisngi nito, agad niyang binawi ang kanyang daliri dahil parang totoo ang nakikita niya. Isang lalaki na may malaking pakpak, kulay brown ang buhok nito at medyo matipuno ang katawan nito. Higit sa lahat ay kulay dilaw ang pares ng mga mata nito.
“S-sino ka?” tanong niya dito at ngumiti naman sa kanya ang lalaki. “Ako si Michael,” sagot nito sa kanya.
Dahan-dahan siyang lumapit kay Michael at hinawakan ang pakpak nito.
“Angel ka?” tanong niya ulit at tumango naman si Michael.
“Oo, isa akong archangel. Ako si Archangel Michael. Ikaw? Ano bang pangalan mo?”
“Roman,” sagot niya. Kahit masakit ang katawan niya ay pinilit niyang tumayo at inikutan ag anghel. “Totoo bang angel ka? Nasaan baa ko?” tanong niya.
“Oo, isa akong angel. Totoo kaming mga anghel. Sa tanong mo naman kung nasaan ka, nasa langit ka,” sagot sa kanya at napamaang na naman siya.
“L-langit? Patay na ba ako?” tanong niya at pinigilan naman ng anghel ang mapatawa. “Bakit sa langit ako na punta? ‘Di ba dapat sa impyerno? Mukhang napuruhan ako ng mga bata kahapon kaya natepok na ako. Bakit dito ako? Magnanakaw ako, snatcher, nagsa-shoplift ako kaya bakit dito ako napunta?” sunud-sunod niyang tanong. Napatigil siya ng hawakan ng angel ang kanyang ulo at ginulo ang kanyang buhok. Naramdaman niya ang pagkalma ng katawan niya ng dumampi ang kamay ng anghel.
“Hindi ka pa patay, Roman,” sabi ni Michael sa kanya. Tiningnan niya ang mga braso niya at nakita ang ilang sugat at pasa, pinisil niya ang braso niya at napapikit dahil sa sakit nito. “Oo nga, hindi pa nga ako patay. Pero teka paano ako napunta dito sa langit?” tanong niya at napabuntong hininga naman ang aghel.
“Nakita kitang umiiyak at nanghihina sa parke. Hindi kita kayang iwanan na ganoon ang kalagayan mo kaya dinala kita dito sa langit. Pakiusap lang, huwag kang lalabas mula dito. Mahigpit na pinagbabawal ang mga mortal dito sa langit. Hindi ka pa patay kaya hindi ka makakadaan sa judgement o paghuhukom bago makapasok dito. Sa madaling salita, illegal kang nakapasok dito,” paliwanag sa kanya.
“Maraming salamat sa tulong mo angel Michael,” pasasalamat niya sa anghel. Ngumiti ang anghel sa kanya bago ito tumayo.
“Ikukuha kita ng pagkain kaya dito ka lang muna. Huwag kang lalabas dahil puwede kang mahuli ng ibang anghel. Kapag may pumasok dito ay agad kang magtago. Hindi ko alam ang mangyayari sa atin kapag nalaman ng Panginoon na nandito ka,” paalala sa kanya at tumango naman siya.
“Oo. Huwag kang mag-alala.”
Lumabas na ng silid-aklatan si Michael at nagtungo sa kanyang kuwarto. Pagpasok niya ay agad siyang kumuha ng isang puting tela at doon ibinalot ang dalawang tinapay. Kinuha niya din ang isang pitsel na tubig at agad bumalik sa silid-aklatan. Maingat at tinitiyak ni Michael na walang anghel ang makakakita sa kanya. Pagbalik niya kung nasaan si Roman ay naabutan niyang nakaupo lamang ito sa sulok at matiyagang naghihintay sa kanya. Nang makita siya ay agad itong ngumiti sa kanya.
“Ito, para sayo,” sabi niya sabay abot ng pagkain sa bata na agad ding tinanggap.
“Wow! Thank you!” sabi nito at agad kumain.
Kita niya kung gaano kagutom ang bata, bawat kagat ay talagang ninanamnam ni Roman. Nagulat siya ng bigla itong napaubo at nabubulunan kaya agad niyang sinalinan ng tubig at ininom agad ng bata. “Dahan-dahan lang kasi,” paalala niya at napangiti na lang si Roman sa kanya.
“Sorry, tagal ko na kasing hindi kumakain. Salamat dito ah.” At bumalik na sa pagkain ang bata. Nakangiti siyang pinagmamasdan ang kumakain na bata. Hindi niya maiwasang malungkot kapag nadadapuan niya ng tingin ang mga sugat at pasa nito sa katawan.
“Roman,” napatingin sa kanya ang bata. “Ano ba ang buhay mo sa lupa?” tanong niya. Nilunok muna ni Roman ang kanyang kinakain bago sinagot ang anghel.
“Malungkot,” sagot niya. “Malungkot kasi hindi masaya. Wala akong magulang, ang sabi patay na sila. Kung kani-kanino na ako pinapasa hanggang sa napasakamay ako ni Mang Erning. Lagi niya akong sinasaktan lalo na pagwala akong dalang pera. Kaya kahit alam kong masama ay napipilitan akong magnakaw para hindi lang niya ako saktan,” sagot nito sa kanya.
Nakaramdam ng habag ang anghel sa kuwento ni Roman. Napakabata pa nito pero nasampal na siya ng reyalidad sa buhay.
“Angel,” tawag nito sa kanya at napigil niya ang kanyang paghinga nang maramdamang hinaplos ng bata ang kanyang pakpak. Lumapit ng husto sa kanya si Roman at tinitigan ang kanyang mga mata.
“Ang ganda ng mga mata mo. Para kang araw, araw na nagbigay liwanag sa mundo ko.” Nakapagpasya na siya, poprotektahan niya si Roman, kahit anong mangyari.
“Nasaan ba kasi si Michael?” tanong ni Raphael habang naglalakad sa kaharian ng Diyos. Ilang araw na ang nakalipas simula nang makabalik ang anghel sa langit pero ni anino nito ay hindi niya makita. Paliko na sana siya sa isang pasilyo nang matanaw niya si Michael na may dalang putting tela at mukhang nagmamadali na naman ito.
“Bakit parang naghahabol ng oras itong si Michael?” tanong niya at naisipang sundan ang anghel. Nagtaka siya kung bakit sa lumang aklatan ito pumasok. Nagpalipas muna siya ng ilang minuto bago dahan-dahang pumasok. Madilim ang loob ng silid, kakaunting liwanag lang ang pumapasok mula sa siwang ng mga bintana. Naglakad siya papasok at nakarinig ng tila may nag-uusap. Sinundan niya ang pinanggagalingan ng mga boses at nagimbal siya sa kanyang nakita. Si Arcangel Michael ay may kausap na bata, isang batang mortal!
“Michael!” sigaw niya at gulat na gulat na napatingin ang dalawa sa kanya. “Ano itong ginagawa mo? Bakit may mortal na nakapasok dito sa langit?” histerikal na tanong niya.
Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita, sigurado siyang buhay pa ang batang iyon kaya bakit nandito sa langit?
“Raphael,” napatingin siya kay Michael. “Magpapaliwanag ako. Hindi ko kasi maatim na iiwan lang ang bata na halos mamatay na doon,” paliwanag sa kanya.
Napatampal siya sa kanyang noo dahil sa sagot na narinig niya mula rito.
“Michael, nahihibang ka na ba? Mortal iyan! Nasa batas na bawal magdala ng mortal dito sa langit. Anong gagawin mo kung malaman ng Diyos ito? Gusto mo bang matulad kay Lucifer?”
“Raphael, alam ko ganito din ang gagawin mo kung ikaw ang nasa kalagayan ko.” Napaamang siya sa sinabi ni Michael. Napatingin siya sa bata nang hawakan ang kamay niya, ito ang unang beses na mahawakan siya ng isang mortal.
“Angel, sorry dahil nandito ako lalabas dito sa kuwarto. Magtatago ako para hindi ako mahuli. Huwag mo ng pagalitan si Michael,” sabi ng bata sa kanya at sa hindi malamang dahilan ay parang natunaw ang puso niya sa sinabi nito. Kumalma ang kalooban niya at nawala ang inis na naramdaman kanina. Lumuhod siya para magpantay sila ng bata at nakita niya ang mga pasa at sugat nito sa katawan. Inilapat niya ang kamay niya sa dibdib nito at lumabas dito ang isang dilaw na liwanag. Nakita ni Michael ang unti-unting paggaling ng mga sugat ni Roman.
“Ako si Raphael. Ikaw?” tanong niya at ngumiti ang bata bago sumagot.
“Ako si Roman!” tumayo si Raphael at tiningnan ng seryoso si Michael. “Anong balak mo?” tanong niya at bumuntong hininga ang kapwa anghel.
“Ibabalik siya sa mundo. Humahanap lang ako ng tiyempo,” sagot nito sa kanya.
“Mahirap itong pinasok mo, Michael. Damay na din ako dito. Ang Heaven’s gate lang ang tanging daan papuntang mundo. Alam mong mahihirapan tayong dumaan doon.” Nagtaka si Michael sa sinabi niya.
“Tayo?”
Napangiti naman siya at inakbayan ang kaibigang anghel. “Oo tayo! Hindi kita puwedeng pabayaan ‘no. Alam kong mabait na bata itong si Roman. Nakikita ko na may masama siyang nagawa sa lupa pero nananatiling malinis ang kanyang puso. Tutulungan kitang maibalik sa mundo ang batang ito,” sagot niya at sa labis na tuwang nararamdaman ni Michael ay niyakap niya ng mahigpit ang kaibigan.
“Maraming salamat!”
“Wala iyon. Magkaibigan tayo, dapat nating tulungan ang isa’t isa.”
Hindi aakalain ni Michael na mabibisto siya ni Raphael. Hindi niya akalaing makikita ni Raphael ang kanyang lihim. Nabunutan siya ng tinik nang malamang tutulungan siya ng kaibigang anghel. Mabuti na lamang at maunawain si Raphael. Kapag hindi siya nakakapunta sa silid-aklatan ay si Raphael ang nag-aasikaso kay Roman. Nakikita naman niyang masaya ang anghel kapag kausap ang bata. Papunta na sana siyang silid-aklatan, galing siyang bulwagan ng Diyos para ibigay ang mga natapos niyang dokumento nang masalubong niya si Uriel. Kulay puti ang buhok ng anghel na ito at may kulay asul na mga mata.
“Uriel, parang may hinahanap ka ah?” tanong niya at napatigil naman ang anghel.
“Hinahanap ko si Raphael. Nitong mga nagdaang araw ay parang palos kung mawala si Raphael eh. Wala sa kanyang kuwarto o sa pahingahan naming. Iniisip ko tuloy nagsasawa na yata siya sa pagtugtog ko ng plawta,” sagot sa kanya at napangiti na lang siya ng alanganin.
“Nandiyan lang siguro siya, namamasyal. Baka kasama nila Jegudiel o kaya ni Gabriel.” Umiling naman si Uriel.
“Hindi. Magkakasama kami kaninang tatlo eh. Galing nga kami sa pahingahan.” Napakamot na siya ng ulo. “Ah baka kasama ni Barachiel. Hindi ko rin nakikita iyon eh,” sabi niya at halos ipikit ang mga mata dahil sa kanyang pagsisinungaling.
Patawarin sana ako ng Panginoon, usal niya sa kanyang isipan.
Hindi naman niya intensyong magsinungaling, kailangan lang niyang protektahan si Roman dahil hindi niya alam ang puwedeng gawin ng Diyos kapag nalaman ang kanilang nilabag. “Sige, babalik na lang ako sa aking kuwarto. Susulpot na lang siguro iyong si Raphael,” sabi ni Uriel at nagpaalam na sa kanya.
Halos liparin na niya ang papuntang silid-aklatan. Pagpasok niya doon ay agad niyang nilapitan ang dalawa na masayang naglalaro doon.
“Raphael,” tawag niya at napatingin sa kanya ang anghel.
“Bakit?” tanong niya.
“Hinahanap ka ni Uriel. Nagtataka siya bakit hindi ka niya makita. Magpakita ka kaya muna sa kaniya?”
“Hayaan mo siya. Wala na naman siyang makitang makukulit,” sagot sa kanya at napakamot na lang siya sa kanyang ulo.
“Aha! Nandito lang pala kayo!”
Halos mapatalon sila sa sumigaw sa kanilang likuran. Nakita nila si Uriel na nakangisi sa kanila. Agad na itinago ni Raphael si Roman sa kanyang likod, sa likod mismo ng kanyang pakpak.
“Ah ikaw pala Uriel,” alanganing sabi ni Raphael.
“Anong ginagawa niyo rito? Akala ko ba Michael hindi mo alam kung nasaan siya,” sabi ni Uriel kay Michael.
“Hindi ko alam na nandito siya, may kukunin lang sana ako dito,” paliwanag niya.
Pinagmasdan niya ang dalawa at napadako ang tingin niya sa lapag. Nakita niya ang ilang pirasong unan at kumot. Dito na siya sumeryoso, ramdam niyang itinatago ang dalawang anghel. Lumapit siya sa sulok pero hinarangan siya ni Michael, dito na niya tinapunan ng masamang tingin ang kapwa anghel.
“Ano ang tinatago niyo?” tanong niya at umiling naman ang dalawa.
“Wala kaming tinatago, Uriel,” sagot ni Michael. Hindi kumbinsido si Uriel kaya hinatak niya palayo kay Raphael si Michael.
“Uriel, maniwala ka wala kaming tinatago ni Michael, nagkataon lang na nagkita kami dito,” sabi naman ni Raphael. Seryosong nakatingin si Uriel kay Raphael at walang anu-ano’y hinatak niya ang bat amula sa kanyang likuran. Kitang kita nila ang gulat sa mukha ng bata. “Mga suwail!” sigaw niya.
“Bakit may mortal dito?” tanong niya at agad siyang hinawakan ng dalawang anghel.
“Uriel, teka lang pag-usapan natin ‘to,” sabi ni Michael.
“Magpapaliwanag kami. Kapag narinig mo kami saka ka magdesisyon kung ipapaalam mo ito sa Panginoon,” sabi naman ni Raphael.