Chapter One

2040 Words
Chapter One             “Wala ka talagang kuwenta!” sigaw sa kanya ni Ernesto, ang lalaking kumupkop sa kanya. Kasabay ng sigaw nito ay ang pagdapo ng malutong na sampal sa kanyang pisngi dahilan para bumaling sa kabila ang mukha niya. Tiningnan niya ng masama ang lalaki na lalong ikinagalit nito.  “Ano? Anong tinitingin-tingin mo diyan? Wala ka na ngang ambag dito, ganyan ka pa makatingin?” bulyaw nito sa kanya at naiharang niya ang kanyang braso dahil muli na naman siyang sinampal nito. “Tama na po, Mang Erning,” pakiusap niya. “Pasensya na pero wala po akong nabiktima ngayon,” paliwanag niya at kitang-kita niya ang pag-apoy ng mata nito sa galit. “Wala akong pakialam kung wala kang biktima! Ang gusto ko lang may maiuwi ka ditong pera! Gumawa ka ng paraan para magkapera ako!” Lumayo ang lalaki sa kanya saka kinuha ang isang bote ng alak mula sa sirang lamesita na nasa gitna ng barung-baro nilang bahay. Inisang lagok niya ang laman nito bago ibinato sa bata ang bote, mabuti na lamang ay nakailag ang bata.  “Lumayas ka!” sigaw sa kanya at sinipa siya palabas ng barung-barong. Nahulog siya mula dito at tumama ang siko niya sa simento dahilan para dumugo ito. “Huwag kang uuwi hangga’t wala kang dalang pera! Wala akong pakialam kung magnakaw o mang-snatch ka man! Ang gusto ko pera!” Wala na siyang magawa kung di ang tumayo at sundin ang lalaking kumupkop sa kanya.             Habang naglalakad palayo ay hindi niya maiwasang isipin kung bakit ganito ang kanyang buhay. Siya si Roman, isang batang ulila na ng lubos. Wala siyang kinalakihan na magulang, hanggang ngayon nga ay iniisip niya kung bakit hanggang ngayon ay buhay pa siya. Pinagpasa-pasahan na siya ng mga kamag-anak niya hanggang sa napunta siya kay Ernesto, ang sabi ay pinsan ito ng kanyang ina. Ni hindi niya alam kung totoo bang pinsan ito ng kanyang ina sapagkat hindi naman niya nakikilala ang kanyang ina.             Kailangan niyang magkapera ngayon, dahil kung hindi ay hindi na naman siya makakakain ng hapunan. Tatlong araw na siyang hindi kumakain at gutom na gutom na siya. Sa kanyang paglalakad ay napadaan siya sa isang simbahan. Naisipan niyang pumasok dito, pagpasok niya ay kakaunti lamang ang mga taong nagdarasal dito. Umupo siya sa hulihang parte ng simabahan, sa harap niya ay isang babae na taimtim na nagdadasal. Dito niya napansin ang bag sa tabi nito at tanaw na tanaw niya ang malaman nitong pitaka. Wala siyang pakialam kung nasaan man siya, kung tama o mali ba ang gagawin niya. Ang nasa isip lang niya ay makuha ang pitaka, makakain at makapagpahinga. Sinilip niyang maigi ang babae na pikit-mata kung manalangin at dahan-dahan niyang kinuha ang pitaka mula sa bag nito.             Wala na siyang pakialam kung nakikita ba siya ng Diyos. Para sa kanya, walang Diyos. Hindi totoo ang Panginoon dahil kung totoo man ito bakit hinahayaan siyang danasin ang ganitong buhay. Nakangiti siyang lumabas ng simbahan ay dumeretso sa isang abandonadong parke. Dito ay binuksan niya ang pitaka at nangislap ang mga mata niya nang makita ang laman nito. Mahigit dalawampung tig-isang libo ang nasa loob nito at may kasama pang mga alahas. “Sa wakas! Makakakain na ako,” sabi niya sa kanyang sarili. Kinuha na niya ang laman nito at basta na lang itinapon ang pitaka. “Siguradong ngising aso na naman si Mang Erning kapag ibinigay ko sa kanya ito. Kakain muna ako bago umuwi,” bulong niya ngunit paalis pa lamang siya nang may biglang sumulpot na mga kabataan at hinarangan siya. Agad na napawi ang saya na naramdaman niya. Lumapit sa kanya ang isang batang mas matanda at malaki sa kanya, sa sobrang lapit nito ay napaatras siya. “A-anong kailangan niyo?” halos pabulong niyang tanong. Ngumisi sa kanya ang bata, kita niya ang itim at sira-sirang ngipin nito.  “Mukhang naka-jackpot ka Roman. Baka naman gusto mong mamahagi?” tanong nito sa kanya at hinawakan niya ng mahigpit ang pera at alahas. Umiling-iling siya bago sinagot ang bata.  “Hindi puwede. Para kay Mang Erning ito. Pinagpaguran ko ito!” Dahil sa pagsigaw niya ay nagbago ang timpla ng kausap niya. Nagulat siya ng bigla nitong hatakin ang gulanit niyang damit at inangat siya sa ere. Dinaluhong siya ng kaba dahil sa kakaibang titig na ibinibigay nito sa kanya.  “Aba! Marunong ka ng sumagot Roman ha? Kinakausap ka ng maayos tapos sisigaw-sigawan mo lang ako? Bakit? Sino ka ba?” Wala na siyang nagawa ng agawin ng batang ito ang hawak niyang pera. “Teka! Akin iyan! Ibalik mo sa akin iyan!” sigaw niya at nagpupumilit makawala sa pagkakahawak sa kanya ng bata ngunit ano nga ba ang magagawa niya? Isa lamang siyang patpatin na bata samantalang doble ang laki ng batang kadiskusyon niya.  “Alamin mo ang lugar mo, Roman. Kapag nanghingi akon sayo, wala kang ibang gagawin kundi ang sundin ako! Ako ang batas dito sa lansangan!” sigaw sa kanya at bigla siyang binitawan dahilan para lumagapak siya sa lupa. Nakita niyang sumenyas ang batang lalaki sa mga kasama nito bago ito tuluyang umalis. Nilukob ng takot ang kanyang damdamin ng nagsilapitan ang mga kapwa bat anito at narinig niya ang paglagatok ng mga kamao nila.             Niyakap na lamang niya ang kanyang sarili nang magsimulang saktan siya ng mga bata. Ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata, iniisip na isa lamang itong masamang panaginip. Suntok, hampas, sipa, tadyak at sabunot ang natatanggap niya mula sa mga batang walang habas kung siya’y pagtulungan. Halos hindi na niya maigalaw ang kanyang katawan at maidilat ang mga mata niya ng magsawa ang mga bata at parang walang nagyaring umalis sa lugar. Iniwan siyang nag-iisa, puno ng sugat at pasa at halos wala ng buhay.             “Bakit? Bakit ko kailangang maranasan ito?” tanong niya sa kanyang sarili. Dito na nagsimulang pumatak isa-isa ang mga luhang matagal na niyang pinipigilan. “Bakit ko nararanasan ito? Patayin niyo na lang ako…” halos piping bulong niya.  Nakaramdam siya ng paglakas ng hangin at napapikit nang makakita ng isang buhawi. Kahit halos hindi na niya maidilat ng maayos ang kanyang mata ay nakita niya ang abnormal na paghampas ng hangin. Ilang sandali lang ay napapikit siya dahil sa liwanag na bigla na lamang sumulpot mula sa kawalan. Pakiramdam niya ay gumaan ang kanyang pakiramdam ng madampian ang kanyang katawan ng liwanag. Saglit na lumiwanag ang buong paligid, bago ito tuluyang nawala.             Pilit niyang iginagalaw ang kanyang katawan ngunit hindi niya ito magawa. Dito na siya pumalahaw ng iyak, hinihiling n asana ay may tumulong sa kanya at alisin siya sa misirableng buhay na mayroon siya. “Tulong…” bulong niya, hinihiling na sana ay may makarinig sa kanya. Tuluyan na niyang ipinikit ang kanyang mata ngunit bago siya bumigay sa kawalan ay naramdaman niyang may bumuhat sa kanya. Naihilig pa niya ang kanyang ulo sa dibdib ng kung sino man ang may hawak sa kanya.             Tahimik na naglalakad si Archangel Michael sa madilim na kawalan. Iniisip pa din niya kung papaano maitatago ang batang mortal sa loob ng langit. Mahigpit na ipinagbabawal sa kanila ang pagdala ng mortal na hindi dumaan sa tamang proseso o ang tinatawag nilang judgement. Ngunit hindi naman dadaan sa judgement ang bata sapagkat hindi pa ito binabawian ng buhay. Natanaw na niya ang higanteng tarangkahan o ang Heaven’s Gate. Gamit ang kanyang espada ay kinatok niya ito at mukhang narinig siya ng mga tagabantay dahil unti-unti itong nagbukas.             “Maligayang pagbabalik Archangel Michael,” bati sa kanya ng punong-tagabantay ng tarangkahan. Ngumiti siya dito at tumango. “Maraming Salamat,” sagot niya at halos pigil ang kanyang hininga na naglalakad papasok sa kaharian ng Diyos. Nang makapasok siya ay panay bati ng mga nakakasalubong niyang anghel, mga tuwang-tuwa na mga anghel at ang iba pa ay nagsaboy ng bulaklak para sa kanya. Imbes na sa bulwagan ng Diyos siya magtungo ay nagtungo muna siya sa isang silid-aklatan, maituturing na abandonadong aklatan dahil dito nakatago ang mga mahahalagang dokumento simula pa ng malikha ang mundo. Alam niyang bihira lang ang mga nakakapuntang anghel sa silid na iyon. Dumeretso siya sa pinakasulok at doon ibinaba ang bata. Tinaggal niya ang ipinatong niyang balahibo dito at naging alikabok ito, indikasyon na wala na ang banal na mahika nito. “Dito ka lang muna, huwag ka sanang aalis habang wala ako,” bulong niya sa bata bago siya lumabas at nagtungo sa bulwagan ng Diyos.             Pagpasok niya dito ay may mga anghel na sumasayaw sa tuwa, mga cherubin ay masayang nagtatakbuhan sa kanyang paligid. Nang makalapit siya kay Ama ay nakangiti ito sa kanya. Dinaluhong ng kaba ang kanyang puso at iniisip kung ano ang maaari niyang kahinatnan kung malalaman nito ang kanyang ginawang paglabag. “Masaya ako sa iyong pagbabalik,” nakangiting sambit ni Ama sa kanya kaya siya ay lumuhod at yumuko. “Marami pong salamat sa basbas na ipinagkaloob mo po sa akin. Ibinabalita ko na matagumpay kong napuksa ang demonyong nagiging dahilan ng pagkatukso ng mga mortal,” sabi niya at humalaklak si Ama. “Magaling! Tunay ngang isa kang magiting na heneral na anghel!” Kitang-kita niya ang saya mula sa mukha ng Diyos. “Sino ang demonyong iyong napatay?” tanong nito sa kanya at bumuntong-hininga siya bago sinagot ang Diyos. “Si Lucifer po, Panginoon.” Rinig niya ang pagsinghap ng mga anghel na nakarinig sa kanyang sagot. Tumango-tango naman ang Diyos sa kanya at sinabing, “Magaling Michael. Sa ngayon ay magpahinga ka na lamang muna. Naging matagumpay ang misyong ibinigay ko sa iyo.” Tumayo na siya at nagbigay respeto sa Diyos bago nilisan ang bulwagan. Nagmamadali siyang umalis at pumunta kung saan niya iniwan ang mortal na bata. Narinig niyang may tumawag sa kanyang pangalan ngunit hindi na muna niya ito pinansin. Nag-aalalang baka lumabas ang bat amula sa pinagtataguan nito at mahuli ng ibang anghel.             “Michael!” sigaw ni Raphael paglabas nila ng bulwagan. Napansin niyang nagmamadali ang anghel, bagay na bihira lang makita sa kaibigan. Siya si Archangel Raphael- ang healer. Siya ay may banal na kapangyarihang healer ng ano mang uri ng sakit. Siya ang pinadadala ng Diyos sa lupa upang ibigay ang kahilingang mapagaling ang isang mortal. “Michael!” tawag niya ulit pero hindi siya nilingon ng anghel. “Ano kayang nangyari doon?” bulong niya sa sarili. Nagulat siya ng biglang may kumalabit sa kanya. “Hoy!” Agad siyang napalingon at kita niyang matawa-tawa ang salarin sa kanya. Sa inis niya ay inirapan niya ito at muling tinanaw ang papalayong si Michael.  “Ano bang tinatanaw-tanaw mo diyan?” tanong sa kanya ni Uriel- ang angel of wisdom. “Si Michael. Mukhang nagmamadali. Gustong-gusto na siguro magpahinga,” sagot niya at inakbayan naman siya ng anghel. “Ikaw ba namang ilang araw nagpalakad-lakad sa mundo eh. Masyado kayang magulo ang mundo, nakakapangilabot ang paggawa nila ng mga kasalanan,” sabi naman sa kanya ni Uriel. “Tara na nga muna, huwag na muna nating guluhin si Michael. Sa susunod na araw na lang natin siya usisain tungkol sa kanyang misyon,” sabi niya at tumalikod na para pumunta sa paborito niyang pahingahan. Agad din naming sumunod sa kanya si Uriel at inilabas pa ang paborito niyang plawta.             Nagmamadaling pumasok ng silid-aklatan si Archangel Michael, tila nabunutan siya ng tinik ng makitang tulog pa din ang mortal. “Papaano ko ba siya gagamutin?” tanong niya sa sarili. Hindi naman siya si Raphael na isang healer, isa siyang heneral kaya wala siyang kapangyarihang magpagaling ng ano mang karamdaman o sugat. Muli siyang lumabas ng silid at nagtungo sa kanyang kuwarto upang kumuha ng isang tela at plangganag may tubig.  Maingat siyang bumalik sa silid-aklatan at doon ay dahan-dahan niyang pinupunasan ng basang tela ang katawan ng bata. Bawat hagod niya ay sinusuklian ito ng munting buntong-hininga ng bat ana tila nagiginhawaan sa kanyang ginagawa. Naawa siya sa kalagayan ng mortal, napakabata pa nito ngunittila sinubok na ng pagkakataon ang kanyang katatagan. Bilib siya dahil nananatiling buhay ang bata. Ilang sandali pa ay narinig niya ang pag-ingit ng bata at unti-unti nitong binuksan ang kanyang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD