Prologue

2615 Words
Prologue:             “Pinatatawag ka ni Creator.” Napatingin siya sa pinaggalingan ng boses at nakita si Barachiel - isa sa mga respetadong anghel sa langit na nakasandal sa hamba ng kanyang kuwarto. Ibinaba niya ang hawak na libro bago tumayo, inayos niya ang suot na puting roba at pinagpag ang kanyang malaking pakpak. “Salamat,” sabi niya at sabay na silang naglakad patungo sa bulwagan kung nasaan ang Panginoon.             Bawat anghel na nadadaanan nila ay tumatabi at napapayuko, ipinapakita kung gaano dapat sila respetuhin sapagkat sila ang mga anghel na malalapit sa Panginoon. Pagpasok sa bulwagan ay sinalubong sila ng mahina at malambing na awitin ng mga cherubin. Nakita nila sa harapan, sa malaking upuan nakaupo ang gumawa sa lahat, ang may kapal, ang Panginoon. Lumapit silang dalawa at nakita niya ang mga kapwa niya anghel na nasa gilid lamang at mga nakayuko, napansin niyang tumayo sa gilid si Barachiel katabi si Gabriel. Muli niyang tiningnan ang Panginoon saka siya lumuhod upang magbigay galang sa nilalang na gumawa sa kanila.             “Magandang araw Panginoon, narito ako upang maglingkod sa iyo,” sigaw niya at yumuko siya. “Michael,” dumagundong ang boses ng Panginoon. “Muli na namang naghahasik ng kasamaan ang mga nilalang na mula sa ilalim ng lupa. Nilalason nila ang mga isip ng mga tao at ang mga tao naman ay bumibigay ang kalooban sa puso. Bilang ikaw ang heneral ng hukbo, nais kong ikaw mismo ang lumutas nito. Nais kong bigyan ng leksyon ang nilalang na ito. Humayo ka at iligtas ang mga natitirang tao mula sa kasamaan ng diyablo,” utos sa kanya ng Maykapal. “Tinatanggap ko po ang iyong utos Panginoon. Ako ay bababa sa mundo upang gawin ang inyong ipinag-utos,” tumayo na siya at muling tiningnan ang Panginoon, “Humayo ka dala ang aking basbas. Bumalik ka dito ng ligtas at matagumpay,” lumapit siya sa Panginoon habang tinatanggap ang isang banal na kalatas,  “Salamat po, Panginoon.”             Pabalik na siya sa kanyang silid nang akbayan siya ng kapwa niyang anghel na si Jegudiel, ngumiti siya dito habang sabay silang naglakad sa pasilyo ng kaharian ng Diyos. “Bakit kaya ikaw ang pinapunta ng Panginoon? ‘Di ba dapat ako kasi ang punisher?” tanong sa kanya at siya naman ay nilingon nito. “Kinukwestion mo ang Panginoon?” tanong niya dito at umiling naman ang kasama niya.  “Hindi naman sa ganoon, nagtataka lamang ako. Ikaw ang heneral ng hukbo ng mga anghel kaya bakit ikaw ang ipadadala niya sa mundo? Ano ang mangyayari kung sakaling magkagulo dito sa langit?” “Jegudiel, baka nakakalimutan mong nasa langit ka, ito ang langit. Walang paghihirap ang mararanasan dito, payapa ang lahat,” sagot niya dito at napatigil naman sila sa paglalakad.  “Kaibigan, baka nakakalimutan mo rin ang pag-aaklas ni Lucifer noon? Nasa langit tayo pero nagkaroon ng digmaan dito.” Napaisip siya sa sinabi ni Jegudiel. Tama naman siya, nasa langit sila pero nagkaroon ng pag-aaklas laban sa Diyos. “Wala ng magtatangka pang lumaban sa Panginoon. Siya ang may kapal, walang sino man pa ang makikipag-away sa kanya. Saksi tayong lahat kung papaano niya pinatapon si Lucifer kasama ng mga tauhan nito. Kitang kita natin kung papaano nasunog ang magandang pakpak ni Lucifer sa nangangalit na apoy. Walang anghel na nasa tamang pag-iisip ang gagawa nito, maliban na lang kung magpapakain sila sa bulong ng demonyo,” paliwanag niya at napatango na lang si Jegudiel.             Pagbalik sa kanyang silid ay inayos na niya ang mga gamit na dadalhin niya sa kanyang paglalakbay. Isinuot na niya ang kanyang balutin at inilagay sa baywang niya ang espadang iniregalo sa kanya ng Panginoon. Nang matiyak na ayos na ang lahat ay lumabas na siya ng silid. Mabagal ang ginawa niyang paglakad, pinagmamasdan ang ganda ng langit. Maaliwalas at tahimik dito, mayabong ang mga puno, makukulay at mahalimuyak ang mga bulaklak. Ang mga cherubin ay masayang naglalaro sa may parke, ang ilang mga anghel ay masayang tumutugtog ng kanilang paboritong instrumento.             Katulad ng sa mundo, ay may pinagbabawal ang Panginoon sa kanilang mga anghel. Ito ay ang pagdala ng mga mortal na hindi dumaan sa tamang proseso at ang paggamit ng Heaven’s Gate na walang permiso sa Panginoon. Mga batas na mariing sinusunod ng mga anghel na katulad niya. Sa likod ng kaharian ang Heaven’s Gate, ito lamang ang nag-iisang daanan patungo at pabalik mula sa mundo ng mga mortal. Dito ay higit na mahigpit ang pagbabantay. Tinatayang nasa Limampo ang mga nagbabantay sa gate na ito.             Paglabas niya sa kaharian ay agad niyang tinahak ang papuntang Heaven’s Gate. Nasa gitna ito ng gubat, habang naglalakad ay pinagmamasdan niya ang paggalaw ng mga halaman, indikasyon na natutuwa ang mga ito sa kanyang pagdaan. Pagdating doon ay kitang-kita niya ang napakataas at napakalaking tarangkahan nito. Kita niya ang mga anghel na walang pagod na magbantay ng tarangkahan.             “Magandang araw!” bati niya at napatingin sa kanya ang mga anghel. Mula sa taas ay lumipad pababa ang isa sa mga ito na siyang pinuno ng mga tagabantay. “Kayo pala, Archangel Michael,” bati nito sa kanya.  “Ano palang sadya mo dito?” May kinuha siya sa kanyang tagiliran at ipinakita ito sa tagabantay. “Ako ay inutusan ng Panginoon na bumaba sa lupa. Narito ang kanyang utos.” Ipinakita niya ang kalatas na agad tiningnan ng tagabantay. “Buksan ang gate!” sigaw ng tagabantay, nakita niyang may pinindot ang isa sa mga anghel na code na nasa gilid ng gate. Ilang sandali lang ay umalingawngaw ang napakalakas na tunog at kasabay nito ang unti-unting pagbukas ng gate. “Archangel Michael, deretsuhin mo lang iyang daan, ihahatid ka niyan sa bangin, mula doon ay tumalon ka pababa at makikita mo na ang mundo ng mga mortal.” Turo sa kanya ng tagabantay. Tumango siya at nagpasalamat.  “Maraming Salamat, kaibigan.”             Lumabas na siya ng Heaven’s Gate at sinalubong siya ng malamig at nakakakilabot na hangin. Nang makatapak siya sa labas ay unti-unting nagsara ang gate. Dito ay purong kadiliman lamang ang nakikita niya, sinunod lang niya ang sinabi ng tagabantay na deretsuhin lamang ang daan na ito. Mahigit isang oras na siyang naglalakad, pakiramdam niya ay walang katapusan ang kanyang paglalakad hanggang sa nakakita siya ng munting liwanag.  Binilisan niya ang paglalakad hanggang nakarating siya sa sinasabi ng taga-bantay na bangin. Ang liwanag na kanyang natanaw ay mula sa mundo. Tinanaw niya mula dito ang mundo, ang maliliit na ilaw na mula roon ay parang mga bituin na kumikislap. Huminga siya ng malalim bago siya tumalon.             Bumulusok siya pababa, sobrang bilis ng kanyang pagbagsak. Hindi niya aakalaing ganito pala kapag babagsak ka sa lupa. “Ganito ba naranasan ni Lucifer?” tanong niya sa sarili. Nagpanic siya nang makitang ilang talampakan na lang siya mula sa lupa, dito niya naisipang ibuka ang malaki at maganda niyang pakpak. Pinagaspas niya ito at naagapan niya ang napipinto niyang pagbagsak. Hindi nagtagal ay payapa siyang nakatapak sa lupa.             Ang una niyang napansin dito ay ang maingay at mabibilis na sasakyan, lumingon siya sa kanyang kanan at napapikit dahil sa napakasilaw na liwanag. Nang mapapikit siya ay nakarinig siya ng matinis na busina kasabay nito ang tila may bumangga sa kanyang katawan. Nang imulat niya ang kanyang mga mata ay nakita niyang umuusok ang isang sasakyan, bumangga pala sa kanya ito. Napansin niyang dumadami ang tao kaya dahan-dahan siyang umalis sa lugar, baka kasi may makakita sa kanya.             Ilang araw siyang nagpalakad-lakad sa mundo. Dito niya napansin na tama ang Panginoon, naghahari ang kasamaan dito sa mundo. Kaliwa’t kanan ang mga taong gumagawa ng kasamaan, ng kasalanan. Pagnanakaw, pagpatay, pakikiapid, kawalan ng respeto, pagsamba sa diyos-diyosan, kawalan ng pananampalataya. Parang hinahalukay ang kalooban niya sa kanyang mga nakikita. Tunay ngang madaling matukso ang mga tao, madaling sakupin ang kanilang mga puso. Bakit ba napakadali sa kanila ang gumawa ng mga kasalanan kaysa sa pananampalataya sa Diyos na siyang lumalang sa kanilang lahat? Bakit napakahina ng kalooban ng mga tao?             “Hindi ko na masikmura ito, kailangan ko ng mahanap ang salarin nito,” bulong niya sa kanyang sarili. Wala siyang kamalay-malay na pinagmamasdan lang din siya ng mga kampon ng kasamaan. “Hindi ba’t isang arkanghel iyan?” tanong ng isang babaeng halos makita na ang buong katawan.  “Oo nga, ano ang ginagawa niya sa dito sa mundo?” tanong pa ng isang lalaki na kulay luntian ang buhok. Nakangiti ang isa pang lalaki habang sumisimsim ng alak,  “Mukhang ipinadala ng Diyos ang anghel na iyan. He’s Michael. The Army general,” sagot niya sa kanyang mga kasama. “What will you do Lucifer?” tanong ng babae sa kanya.  “Let the bastard do his mission. Everything happens for a reason,” tiningnan naman niya ang lalaking may berdeng buhok. “Bakit ganyan ka makatingin?” tanong niya. “Wala lang, everything happens for a reason? Kaya pala pinatapon ka ng panginoon mo. Hahayaan mo siya kahit pa alam mong papatayin ka niya?” Ibinaba ni Lucifer ang hawak na baso at tiningnan ang naglalakad na anghel.  “I will not die Beelzebub. Hindi ako madaling patayin.” Tumayo na siya mula sa pagkaka-upo saka niya sinundan ang anghel.             Sa paglalakad ni Michael ay nakarating siya sa isang madilim at abandonandong parke. Dito ay nagtataka siya bakit walang katao-tao ang parke. Halatang wala ng nag-aalaga sa lugar na ito, ang mga palaruan ng bata ay sira at nangangalawang na, ang mga halaman ay lanta na, at ang buong paligid ay madumi. Naupo siya sa isang park bench na nadoon at napaisip, naisip niyang na pinagpala siya sapagkat hindi siya naging mortal bagkus naging isa siyang anghel. Napatayo siya nang biglang humangin ng malakas, napapikit pa siya ng biglang nagkaroon ng buhawi. Ilang segundo lang ay kumalma ang paligid at ang pagdilat niya ay laking gulat niya ng makita ang dating kasamahang anghel.             “Lucifer?” Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya. Malaki na ang pinagbago ni Lucifer mula noong huli niya itong nakita. Ang matamis at maamong ngiti nito ay napalitan ng nakakapangilabot na ngiti. Ang maaliwalas na awra ay napalitan ng kadiliman. “Kumusta na Archangel Michael? Anong ginagawa mo sa lugar na ito? Hindi ba’t dapat nasa itaas ka kasama ng panginoon mo?” tanong nito sa kanya. Napahawak si Michael sa espadang nasa tagiliran niya, “Nandito ako dahil sa misyong ibinigay sa akin ng Ama. Nandito ako para puksain ang demonyo na lumalason sa isipan ng mga tao,” sagot niya at napangiwi siya ng tumawa si Lucifer. Isang mapang-uyam at nakakainsultong tawa, tila iniinsulto siya at ang Panginoon.  “Nakakatawa talaga kayong mga nasa langit. Para bang napakabago sa inyo ang ganitong usapin. Tila ba nakalimutan ng panginoon mo na ang mga tao ay marurupok. Madaling madiktahan, madaling linlangin. Hindi ba ganyang ang ginawa ni Satan kina Adan at Eba?” Itinutok ni Michael ang espada kay Lucifer. “Isa kang hampas lupa! Bakit mo kinukwestyon ang desisyon ng Panginoon?”  “Panginoon mo, wala akong pakialam sa panginoon mo. May sarili akong desisyon at prinsipyo, Michael. Hindi tulad niyong mga anghel na sunud-sunuran lamang sa kanya. Sunud-sunuran sa mga batas niya, dahil gusto niya siya lang ang lamang sa lahat. Siya lang ang makapangyarihan.” “Bawiin mo ang sinabi mo!” sigaw niya at sinugod na si Lucifer.             Bawat wasiwas niya ng espada ay nasasalag ni Lucifer ng walang kahirap-hirap. “Alam ng Panginoon ang ginagawa niya! Bawat desisyon niya ay para sa ikakabuti ng lahat ng nilalang!” sigaw niya sabay sipa kay Lucifer. Lumipad ng ilang metro si Lucifer ngunit agad na tumayo ito at ngumisi sa kanya.  “Ikakabuti? Sigurado ka ba?” tanong sa kanya at lumipad ito papalapit sa kanya sabay suntok. Ilang metro ang itinalsik niya mula sa kinaroroonan niya. Tumayo siya at hindi nagpatinag, “Kahit kalian Lucifer, hindi nanalo ang kasamaan laban sa kabutihan! Patuloy kayong lalamunin ng apoy!” Ginamitan ng bilis ni Michael ang pagsugod niya kay Lucifer. Nabigla si Lucifer dahil tila kidlat ang pagsulpot nito sa kanya. Tinuhod siya ni Michael kaya napayuko siya sabay siniko ang likuran niya dahilan para mapadama siya sa lupa. Tatayo na sana siya ng biglang tinapakan ni Michael ang kanyang likuran. Pakiramdam niya ay tila ay may isang malaking bato ang nakadagan sa kanya dahil hindi niya magawang makagalaw. “Ang bawat kasalanan ay may karampatang kaparusahan. Huwag mong babastusin ang Panginoon naming na siyang lumalang sayo, Lucifer.” Nanlaki ang mga mata ni Lucifer ng lingunin niya ang gagawin ni Michael. Itinutok sa kanya ang espada at walang anu-ano’y itinarak ito sa kanyang leeg. Nakaramdam siya ng hapdi sa leeg niya, parang asido na sumusunog sa kanyang balat. Pakiramdam niya ay mas mahapdi ito kaysa noong nasunog siya sa impyerno. Wala na siyang nagawa hanggang sa tuluyan siyang nalagutan ng hininga. Nang masigurado ni Michael na wala ng buhay si Lucifer ay napatingin siya sa paligid. Ibinalik niya sa tagiliran niya ang espada saka niya pinagsaklob ang dalawa niyang kamay. Umusal siya ng isang panalangin, panalangin para sa mga taong nakagawa ng kasalanan, panalangin para bumalik sila sa pananampalataya, na mawala ang masamang adhikain na itinanim ng mga demonyo at malinis ang kanilang mga puso. Pagkatapos niyang mag-alay ng dasal ay lumiwanag siya at ang buong mundo ay nilikob ng liwanag niya.             “Maraming Salamat, Ama at hindi mo ako pinabayaan,” bulong niya sa kanyang sarili. Matapos ang ilang araw na paglalagi sa lupa ay babalik na siya sa langit. Paalis na sana siya ng parke nang mapatigil siya. Lumingon siya sa mga halaman dahil may narinig siyang kakaiba. Nilapitan niya ang halamanan at naging malinaw ang tunog na kanyang narinig. Iyak ng isang bata. Nakita niya ang isang bata na sa tingin niya ay pitong taong gulang lamang. Nakadapa ito at umiiyak, tila humihingi ng tulong. Nilapitan niya ito at hinawakan, pakiramdam niya parang mababasag ang bata. Kahit madilim ay kita niya ang mga pasa at sugat na bumabalot sa katawan nito, humihikbi ang bata at nang mahawakan siya ay ayaw na siyang pakawalan pa.             “Tulong…” bulong ng bata sa kanya. Hindi niya alam kung papaanong tulong ang gagawin niya, hindi naman siya mangagamot katulad ni Raphael. Hindi naman niya maatim na iwanan ang bata at hayaang mamatay ito. Hindi matigas ang puso niya. Tumingala siya sa itaas at nakikita ang bangin papasok ng Heaven’s Gate.  Binuhat niya ang bata at niyakap ito. Kumuha siya ng isang balahibo mula sa kanyang pakpak at ipinatong sa ulo ng bata, nang maipatong ay nagsimulang maglaho ang bata. Ginawa niya ito upang itago ang bata sa kanyang pagpasok sa langit.             Niyakap niya ng mahigpit ang bata habang lumilipad paitaas. Alam niyang mahigpit na ipinagbabawal ito ng Diyos pero hindi niya kayang pabayaan na lamang ang bata.             “Ano masakit?” tanong ni Asmodeus, the demon of lust. Umupo ito sa tabi ni Lucifer na halos matanggal na ang ulo sa katawan.  “You cannot die but you can be decapitated,” biro sa kanya ni Beelzebub, ang demon of Gluttony.  Napairap si Lucifer dahil sa sinabi ng dalawang demonyo. “Everything happens for a reason ka pa ah,” sabi sa kanya ni Asmodeus habang pinailaw ang kamay nito. May dilaw na apoy ang nagmula sa kamay nito at inilagay sa leeg ni Lucifer. Ilang sandali lang ay naghilom ang sugat ni Lucifer pero naiwan nito ang isang malaking peklat. Tumayo na si Lucifer at ginalaw-galaw ang leeg niya. “Just wait and see f*cking demons.” 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD