Sibley’s Point of View
“Kumusta kayo ni Rhyzon?”
Hindi ako agad nakapagsalita nang lumabas sa bibig ni Travis ang mga katagang ‘yon. Hindi ko ‘yon in-expect kaya natulala ako. Ilang segundo bago ako nag-react sa tanong niya. Marahan akong ngumiti bago uminom ng wine. Sinalubong ko ang mga mata niyang nag-aabang ng kasagutan mula sa akin.
“Maayos naman kami,” sagot ko sa kanya at ngumiti. “Gaya nga ng sabi ko kanina, nasa stage pa kami kung saan kapwa kaming nag-a-adjust sa married life. Pero so far, so good naman,” dagdag ko para makumbinsi siya. I know him very well. Alam kong hindi siya agad-agad na kakagat sa mga palusot ko. At isa pa, alam kong alam niya kung paano ako itrato ni Rhyzon noong ‘di pa kami mag-asawa.
Matamang tumingin sa akin si Travis, na para bang tinatantiya niya kung dapat niya ba akong paniwalaan o hindi. Walang pag-aalinlangan kong sinalubong ang mga mata niya. Hindi ako nagpatinag. I don’t want him to think that his assumptions are right. Dahil sa oras na malaman niyang tama siya, I know he will do something to deal with it. At ayokong mangyari ‘yon.
Travis has done a lot of things for me and my good already. Ayoko nang abalahin siya. At isa pa, ayoko ring siya ang sumalo sa problema ko. Hindi naman ako manhid para ‘di maramdaman na nasasaktan siya para sa akin; na naapektuhan siya sa tuwing napag-uusapan namin si Rhyzon. Hindi pa rin mawala-wala sa isipan ko ang pagtatapat niya.
“If ever saktan ka ni Rhyzon, just call me and I’ll come and rescue you,” aniya at ngumiti. Dinagdagan niya rin ang pagkain sa plato ko. At bago pa ako makaangal ay nagsalita na siya. “Huwag ka nang umalma riyan. Eat a lot, okay? Nangangayayat ka na.”
Hindi na ako nagsalita dahil tama naman siya. Hindi ko alam kung ilan, pero bumaba talaga ang timbang ko. And I am starting to worry dahil baka makasama sa bata. I should start dealing with stress from now on. Hindi pwedeng maapektuhan ang pagbubuntis ko dahil sa oras na mawala ang bata sa sinapupunan ko, wala ng magbibigkis sa aming dalawa ni Rhyzon. I know he will treat me even worse. Hindi na siya magpipigil pa. He will see our marriage as nothing but a void.
Habang kumakain kami ay marami pa siyang katanungan tungkol sa buhay ko. Nang matanong niya ako tungkol sa online business ko ay tanging isang hilaw na ngiti lamang ang naisagot ko sa kanya. “Hindi ko na natutukan ang online business ko, Trave. I decided to let it go dahil kailangan kong mag-focus sa pagbubuntis ko, at para na rin magamapanan ko nang maayos ang pagiging asawa kay Rhyzon.”
Isang tango lang ang pinakawalan niya, pero kitang-kita ko sa mukha niya ang labis na panghihinayang. Maging ako ay nanghihinayang din dahil malapit nang lumago ang business ko pero wala akong ibang magagawa kundi ang bitiwan ‘yon. Dahil baka isinabay ko pa ‘yon sa sitwasyon ko, baka malaglag ang bata nang wala sa oras.
“It’s getting late, Trave,” sambit ko matapos kong tingnan ang oras sa cellphone ko. Seven nang gabi na at baka hinahanap na ako ni Rhyzon. “Kailangan ko nang umuwi,” dagdag ko bago tumayo. Tiningnan ko siya at nginitian. “Thank you for this. I really appreciate it.”
Nginitian niya ako pabalik bago siya tumayo. “Hatid na kita, para ma-extend din ang pag-uusap natin,” aniya bago ako nilapitan. “And huwag ka nang umangal dahil hindi kita tatantanan hangga’t ‘di ka pumapayag.”
Tumango ako at ngumiti. “Hindi ako aangal diyan. Tara na.”
---
Pagkarating namin sa bahay ay namataan ko na ang kotse ni Rhyzon kaya agad akong bumaba. Nilingon ko si Trave at nginitian. “Thank you sa paghatid, Trave. Next time ulit,” sambit ko sa kanya. “Or you can just visit me here.”
“I prefer the latter since it’s more convenient on your side,” sagot niya at ngumisi. “Oh sige na, pumasok ka na roon at malamig na ang hangin. Aalis na rin ako dahil may kailangan pa akong asikasuhin,” aniya bago binuhay ang makina ng sasakyan. “Mamaya na ako aalis kapag nakapasok ka na.”
Tumango lang ako at kumaway bago naglakad papasok ng bahay. Nang nasa pinto na ako ay kumaway ako ulit sa kanya bago muling pumasok. Pagkasara ng pinto ay bumungad sa akin ang tahimik na sala. Nakapatay na ang ilaw at tanging ilaw na lang sa lampshades ang nagbibigay liwanag sa paligid.
Napakunot ang noo ko dahil sobrang aga pa para patayin ang mga ilaw. Agad kong hinanap si Nanay para tanungin siya pero siya na mismo ang sumalubong sa akin. Kitang-kita sa mukha niya ang labis na pagkabahala habang nakatingin sa akin. Kita ko sa mukha niyang may gusto siyang sabihin pero hindi niya masabi-sabi.
“May dinalang babae ang asawa ko, tama ba, ‘nay?” tanong ko sa kanya at matamlay na ngumiti.
Isang tipid na tango ang isinagot sa akin ni Nanay bago yumuko.
Hinawakan ko ang magkabilang balikat niya kaya napatingin siya sa akin. Tinanguan ko siya at nginitian. “Huwag mong ipagsabi sa iba, ‘nay, ha? Lalong-lalo na sa mga magulang niya,” sambit ko sa kanya bago huminga nang malalim para pakalmahin ang sarili ko. “Didiretso na ako sa kwarto ko, ‘nay. Medyo pagod ako at gusto ko na ring magpahinga,” sambit ko sa kanya.
Akmang aalis na sana ako nang hawakan niya ang kamay ko. Tumingin ako sa kanya at tumango. Pilit akong ngumiti para itago ang sakit na nararamdaman ko. Akala ko ay sanay na ako sa ginagawang ito ni Rhyzon, pero hindi pa pala. I feel so broken. Tila pinipiga anh dibdib ko sa sobrang sakit na nararamdaman ko. Tila isang sampal sa akin ang ginagawa niyang ito—paulit-ulit na sampal na palakas nang palakas sa bawat hampas.
Pero pinili ko 'to. Ako mismo ang nagdala nito sa sarili ko kaya wala akong ibang magagawa kundi ang harapin ito nang paulit-ulit hanggang sa masanay ako. Hanggang sa hindi ko na maramdaman ang sakit; hanggang sa hindi na makilala ng puso ko ang pighati at pagkadurog.
"'Nak, wala ka bang gagawin? Harap-harapan kang pinagtataksilan ng asawa mo."
Matamlay akong ngumiti bago tumingin sa hagdan papunta sa kwarto namin sana. "Hayaan na natin siya, ‘nay. Magkunwari na lang tayo na wala tayong nakita ngayon. Para din ‘to sa ikakabuti nating lahat.”
Iyon lang ang sinabi ko sa kanya bago ako nagpaalam na aalis na. Mabilis akong humakbang palayo sa kanya, 'di dahil sa ayaw kong marinig ang susunod niyang mga sasabihin kung hindi dahil hindi ko na kayang pigilan ang mga luha kong umagos sa aking pisngi.
Pagkasara na pagkasara ko ng pinto ay tuluyan akong bumagsak sa sahig habang nakasandal at hawak-hawak ang akong dibdib. Mariin akong pumikit at tahimik na umiyak.
Ang sakit. Sobrang sakit ng nararamdaman ko. Gusto kong sumigaw at magwala, pero wala rin namang mangyayari; wala rin namang magbabago. Kaya ang ginawa ko na lang ay huminga nang malalim at pilit na ngumiti at kinumbinsi ang sarili ko na imahinasyon ko lang 'yon; na walang dinalang babae ang asawa ko sa mismong tahanan namin; at wala siyang ikinakama sa mismong kama naming dalawa.
"Kaya mo 'to, Sibley. Konting tiis na lang, magbabago rin si Rhyzon," bulong ko bago pinahid ang mga luha sa aking pisngi.