Kabanata 2

5235 Words
Maganda ang panahon ng araw na iyon. Maaliwalas. Nakakarinig pa nga ako ng huni ng mga ibon mula sa kalapit na puno. Tumingin ako sa kalangitan sabay bilang sa mga ulap. Pagkababa ko ng aking paningin ay natanaw ko ang paparating na mini-van na puti. Ito'y pagmamay-ari nina Mip. Isinara ko ang binabasa kong libro bago ipinasok sa bitbit kong bagpack. Tingin ko naman ay eksakto lang ang suot kong damit na pangporma. Puro kulay itim. Baka may makita akong chicks sa pupuntahan naming lugar. Ngumiti ako na isang parang baliw sa paglapit ng sasakyan. Alam ko namang nakikita nila ako sa loob. Paghinto ng sasakyan ay binuksan ko ang sara nito sa tagiliran. Bahagyang nagsalubong ang aking kilay nang makita ko si Gavin sa loob ng sasakyan. Sa tabi siya mismo naka-upo na animo'y ayaw madikit kay Liling na nasa kabilang dulo. "Isog ka," ang utos ko sa kanya. Dalawang araw ko na ng huli ko siyang makita. Nagbubunyi ang kalooban ko ng hindi ko nalalaman sa pagsabay ni Gavin. "No. Pumasok ka na," sabi niya kasama na ang matatalim niyang tingin. Pinagmamasdan lang kami ng tatlo naming kasama. Si Hao ang aming tagapagmaneho. "Paano ako papasok nakaharang ka." Hindi naman puwedeng sa likuran ako maupo kasi nakalagay roon ang mga gamit. "Baba ka muna." Pinakunot ni Gavin ang kanyang noo sabay hila sa akin papasok ng sasakyan. Dahil sa medyo may kasikipan, ang lapit ng mukha ko sa mukha niya. Kulang nalang maghalikan kami. Maliban pa roon napaupo ako sa kanyang mga hita. Pinalo ko siya sa kanyang noo sabay isog. Nang lumapat ang aking puwet sa upuan, itinaas ko ang aking paa palayo kay Gavin upang makaupo ng maayos. Siya naman ay inabala ang sarili na isara ang sara ng sasakyan. Sa pagtanggal ko ng aking bag sa likuran, umandar na ang bus. "Kamusta ang tulog Nixon?" ang tanong sa akin ni Mip sa pagtingin niya sa rearview mirror. Magdamag kasi naming pinag-usapan ang dapat gawin sa music video sa chat. Tinatanong lang naman nito ako kung maganda ba ang kanyang mga naisip na scene. "Okay naman," ang sagot ko naman sa kanya. Tumango-tango lang ito sa akin. May kanya-kanyang pinagkakabalahan ang lahat. Si Mip ay abala sa pagkalikot sa kanyang tablet. Si Liling naman na nasa kaliwa ko ay nagsusulat ng kung ano sa notebook. Samantalang si Gavin nakikinig ng music sa pamamagitan ng earphone na puti. Nakapikit pa siya ng mata. Ako lang ang walang magawa. Paniguradong mababagot ako sa isa't kalahating biyahe. "In-add mo na iyong babaeng sinasabi ko sa'yong may crush sa'yo?" Biglang tanong ni Mip sa akin. Ang sabi nito kasi may nagkakagusto sa akin na kaklase nila sa block a. "Ha? Nakalimutan ko," ang sabi ko. Totoo talagang nakalimutan ako. Natuwa naman ako na may nagkagusto sa akin. Ang kaso nang tinitingnan ko ang mukha ng babae wala akong maramdaman. Kahit maganda naman ito. Malalaki nga lang ang mata nito na bagay naman sa hugis ng kanyang mukha. "Add mo na. Tuwang-tuwa iyon sa iyo." Sa tablet parin nakabaling ang tingin nito. "Sinong babae?" ang biglang singit ni Gavin. Pinagmasdan ko siya sa pagmulat ng kanyang mata. Tinanggal niya ang isang earphone sa taenga. "Si Mia," sagot ko kay Gavin. Kaagad na nagsalubong ang kanyang dalawang kilay ng malaman niya ang pangalan ng nagkakagusto sa akin. "Ganoon ang type mong babae?" Tiningnan ako ni Gavin mula ulo hanggang paa. "Oo. Bakit masama ba?" "Ang baba naman ng taste mo. Pero habang tinitingnan kita ngayon. Bagay nga kayo." Sinuntok ko siya sa braso sa kanyang sinabi. "Ibig mong sabihin, wala akong taste?" "Nagtanong ka pa kung alam mo naman palang wala." Dinagdagan ko ng suntok ang kanyang braso. Sinamaan niya lang ako ng tingin. Kung makapagsalita ang hinayupak na ito. "At least 'yung babae nagkakagusto sa akin. Kaya kahit hindi ko ibalik may magmamahal sa akin," ang may pagmamalaki kong turan. Nang bigla-biglang sumama ang tingin ni Gavin sa akin. Tinulak niya ako hanggang sa magkadikit na kami ni Liling na abala parin sa pagsusulat. Umiwas pa nga ito para hindi ko mabangga ang kanyang kamay. "Huwag kang didikit sa akin," ang mariin sabi ni Gavin na animo'y may galit sa akin. "Eh 'di hindi," ang sabi ko na may inis. Wala naman akong ginagawa sa kanya. Tapos magagalit lang bigla. Nilingon ko na lang si Liling na tahimik lang. "Mabuti pa si Liling mabait. Ang iba diyan demonyo," ang pagpaparinig ko kay Gavin. Sinipa niya ako sa paa na ikinangiwi ko. Isang sipa rin sa paa ang ginawa ko sa kanya. Tumigil din naman siya't nakinig na lang ng music sabay pikit ng mata. Si Mip ay biglang natawa sa harap na nakatingin sa aming dalawa ni Gavin. "Para talaga kayong matagal ng magkakilala kung mag-away. O mas magandang sabihin na para kayong mag-on kung mag-away," ang makahulugan turan ni Mip bago ito umayos ng upo. "Anong mag-on? Sayang ang joke mo Mip. 'Di nakakatawa. Hindi ako magkakagusto sa taong ito kahit kaming dalawa na lang ang matira sa mundong ito," ang sabi ko naman. Tumawa lang si Mip. "Masyado kang apektado Nixon," ang sabi pa nito. "Hindi ah," pagsisinungaling ko. "Kahit ako, hindi magkakagusto sa'yo baliw," ani Gavin na nakapikit ang mata. Abay naririnig pala niya ang aming usapan ni Mip. "Hindi ako maglalaway sa walang malusog na dibdib." Manyak din pala itong si Gavin. "Patas lang, Gavin. Patas lang," sabi ko na tawa ng tawa para maikubli ang kaunting kirot sa aking dibdib na hindi ko mabigyan ng kahulugan. Matapos ng usapan na iyon minabuti kong ilabas na lang ang libro upang magbasa. Ngunit hindi pa ako nakakatagal ng basa nahihilo ako sa pagtitig ng mga letra kasabay ng pag-andar ng minivan. Ibinalik ko na lang ang libro sa bag. Madali akong mabagot lalo na kapag walang magawa. Tiningnan ko ang aking mp3 player sa loob ng aking bag pero wala ito roon. Naiwan ko sa sobrang pagmamadali. Niyakap ko na lang ang aking bag at tumingin ako sa kalsada. Binilang ko ang mga dilaw na linya sa gitna na aming nadadaanan. Wala paring nangyari, bagot parin ako. Nilingon ko si Gavin na walang imik. Nakakrus ang kanyang kamay sa dibdib. Pinagmasdan ko ang matangos niyang ilong at ang labing malambot. Umisog ako sa kanya kahiti ang sabi niya huwag akong dumikit. Dahan-dahan kong inilapit ang aking kamay sa kanyang taenga. Maingat kong tinanggal ang earphone sabay lagay sa aking taenga. Pagkalagay ko wala namang tugtog. Binalik ko na lang sa kanyang taenga. Pagkabalik ko'y bumukas ang kanyang mga mata't pagmasdan niya ako. Nagkasalubong ang aming paningin. Naglagay ako ng distansiya sa pagitan naming dalawa. Kasi baka bigla na naman siyang sumiklab. Sumandig na lang ako sa upuan at tumahimik. Inilabas niya ang kanyang iphone 6 sa bulsa ng suot niyang jacket saka pinindot ang play button sa screen. Inalis niya ang earphone sa kanang taenga. Lumapit siya sa akin hanggang nagkabangga ang aming katawan. Nakasunod lang ako ng tingin sa kanya sa pagsabit niya ng earphone sa kanan kong taenga. Pagkatapos nito'y isinandig niya ang kanyang ulo saka pumikit sabay suksok ng cellphone sa bulsa ng jacket. Samantalang ang t***k ng aking puso ay bumilis habang naririnig ko ang tugtog na 1, 2, 3, 4 ng Plain White T's. Pinikit ko na rin ang aking mata sa pagsilay ng ngiti sa labi ni Gavin. Pati ako'y napangiti narin. Ang saya ko na hindi ko alam ang dahilan. Ganoon lang ang posisyon namin sa kahabaan ng biyahe. Hanggang sa naramdaman ko na lamang ang pagakbay niya sa akin. Pinabayaan ko na lang siya na ganoon kasi wala namang problema sa akin kung akbayan niya man ako. Hanggang sa nakatulog na kami pareho. Nagising na lamang ako sa pag-uusap nina Mip at Hao. "Maganda sana ang ideyang naisip mo. Pero baka magahol tayo sa oras. Saka planado na natin ang lahat. Kung magpapalit pa tayo ng tema, masasayang ang pakikipag-usap natin kay Luna," ang sabi ni Mip na may tinitingnan na litrato sa kanyang tablet. Si Luna ay ang makakapareha ni Gavin. Pinagmasdan ko si Gavin na natutulog parin. Hindi na siya nakaakbay at nakapatong na lang ang ulo sa aking balikat. Kinabahan ako bigla lalo pa ng may maramdaman akong init ng ibang palad sa aking kamay. Nagsalubong ang kilay ko ng makitang magkahawak ang aming mga kamay. Mga daliring nakakonekta. "Pero mas makakuha tayo ng maraming views," ang sabi ni Hao. Hindi pa nila napansin na gising na ako. "Hindi tayo makakasigurado," ang sabi ni Mip. Dahan-dahan kong inalis ang kamay ko sa kapit ni Gavin na naalis ko naman. Hindi ako sigurado kung sino ang nag-kusa na maghawak kamay kami. Kung ako ba o siya. "Anong pinag-uusapan niyo?" ang bigla kong tanong na ikinalingon ng dalawa. Dali-daling pinatay ni Mip ang kanyang tablet bago ito sumagot. "Wala naman. Mga ideya lang," aniya. Halata namang nagsisinungaling ito. Kilala ko si Mip kaya alam ko kung nagsasabi ito ng tototo o hindi. "Ah," sabi ko na lang sabay tango. Napalingon ako sa bintana nang mapansing narating na namin ang lugar. Ginalaw ko ang aking balikat para magising si Gavin. Tinanggal ko ang earphone sa paggalaw niya sa upuan. Tumuwid siya ng upo na nakatingin sa akin. Ako naman ay sumilip sa labas. Ang lugar na pagkukuhanan namin ng senaryo ay malapad na damuhan. Napapaligiran ng mga luntiang puno. Sa gilid ay may mga bulaklak. Eksakto para sa pagpicnic ng magkasintahan. Maraming taong namasyal ng mga oras na iyon. Ipinark ni Hao ang sasakyan sa parking area sa bukana ng parke. Inantay kong bumaba si Gavin bago ako sumunod. Iniwan ko ang aking backpack sa loob. Pagkababa ko'y pinagmasdan ko ang natatanaw na karagatan. Nag-unat ako ng katawan at pinuno ang aking baga ng sariwang hangin. Si Gavin naman ay nakatayo lang sa aking kaliwa. "Gusto mo itong lugar?" ang hindi niya maiwasang itanong. "Oo, ako nga nagsuggest kina Mip ng lugar na ito," ang aking sagot naman sa kanya. "Kaya pala hindi magandang lugar para maging venue. Ikaw ang pumili." Sinamaan ko siya ng tingin. "May sira ata ang mata mo. Ang ganda kaya." Ngumiti lang siya. "Gaganda lang ang lugar na ito kapag may kasama kang mahalaga sa puso mo." "Hindi ko alam na romantiko ka pala." Nagkibit-balikat lang siya sa sinabi ko bago siya lumakad papalayo. Akala ko naman mamaliitiin niya ang gusto ko. Napalingon ako sa sasakyan ng marinig ko si Mip na tinatawag ang pangalan ko. "Nixon, palabas na lang iyong mga gamit ha," ang sabi ni Mip pagkababa nito ng sasakyan. "Sige." Sinunod ko ang sinabi ni Mip kasi iyon naman ang role ko sa grupo. Taga-dala ng mga gamit. Binuksan ko ang likurang sara ng min-van at nilabas ang dalawang tripod. Box na kinalalagyan ng camera. Pati ang sako bag na kinalalagyan ng panglatag at ilang gamit ay inalabas ko narin bago ko sinara ang pinto. Binitbit ko sa aking kaliwa ang sako bag at sa aking kanan ay ang box ng camera. Lumakad narin ako papasok ng damuhan. Si Hao at Mip ay nag-uusap habang nakasunod lang si Liling sa kanila na may sinusulat. Hindi ko alam kung saan pumunta si Gavin. Napapatingin ako sa mga taong naroroon. Masaya ang iba na naghahabulan. Ang iba naman ay mukhang nagdedate. Tinuturo ni Hao kung saan ang magandang anggulo kasi ito naman ang camera man at si Mip ang director. Ibinaba ko muna ang bitbit at binalikan ang tripod. Nagtatanong ako sa aking sarili kung saan pumunta si Gavin kasi 'di ko siya makita. Pagkakuha ko ng tripod mula sa lupa biglang may hinayupak na nanggulat. Akala niya naman magugulat ako. "Wooh!" ang sigaw ni Gavin sa mabilis niyang paglabas mula sa gilid ng mini-van. Tiningnan ko lang siya ng tuwid saka lumakad. "Hindi ka man lang nagulat?" pahabol niya habang nakasunod. "Hindi." Tiningnan ko siya sa paglalakad. "Para kang bata. Manggugulat wala namang epekto." Tinawanan ko pa siya. Si Hao at Liling ay inabala ang kanilang sarili sa pag-check sa kanilang mga camera. Pagkarating sa ibang gamit naupo ako sa damuhan. Sumunod naman itong si Gavin sa akin. Lumapit sa amin si Mip na mukhang problemado. "Anong problema? Bakit busangot ang mukha mo?" ang tanong ko sa kaibigan ko. "Ito kasing si Luna. Mukhang matatagalan papunta rito. Ano ba iyan!" Nakapameywang si Mip. "Alam mo gusto kong magreklamo kasi ang usapan maaga pa siya rito. Ang sabi pa niya, oo aagahan. Tapos ngayon ang tagal naman pala." Napansin ko ang malalim na pagbuntong hininga ni Gavin nang marinig niya ang pangalan ni Luna. "Baka may ginawa pa. Ganoon talaga ang mga magaganda. Masyadong abala," ang sabi ko kay Mip para mawala ang inis niya. Nagdabog ito na parang bata. "Ah ewan," ang sabi nito. Binaling nito ang tingin kay Gavin. "Okay lang sa'yo ang magantay?" Tumango si Gavin sa katanungan nito bago muling binalikan sina Hao at Liling. Tahimik lang kaming nakaupo ni Gavin sa damuhan. Pinagmamasdan lang namin ang tatlo habang nag-uusap. Binunot-bunot ko pa ang d**o sa harapan ko para malibang. Itong si Gavin nagbunot din tapos nilalagay sa ulo ko ang binunot na d**o. Nagbunot ako tapos tinapon sa mukha niya. Maging siya'y ganoon din ang ginawa. "Parang kilala mo si Luna," ang sabi ko sa kanya sa pagtigil namin. "Oo, magkakilala kami mula elementarya." "May gusto ka sa kanya noh?" Bumunot ako ulit ng d**o saka kinagat-kagat ang dulo. Kumunot ang no ni Gavin sa nakikita niya. Gusto ko lang naman lasahan ang d**o kasi paborito ng mga baka ang ganoon. Ang kaso panget ng lasa kaya dinura ko na lang. Medyo matagal bago sumagot si Gavin. "Maybe. Bakit magseselos ka ba kung mayroon?" Magseselos kanino? Ang gulo nitong si Gavin. "Hindi. Nainggit lang ako. Kung sana ako ang naging partner niya. Ang saya siguro noon. Akalain mo iyon, magiging kapareha ko ang pinakamagandang babae sa buong school. Magiging popular na ako. Tapos magkakakilala kami. Sumunod ay magkakagusto siya sa akin. Magiging kami sa huli. Magandang bagay." Nasabi ko lang ang posibilidad na magiging mangyari kung ako ang naging partner ni Luna. Hindi ko namang gustong maging popular talaga. Sa pagsasalita ko biglang tumayo si Gavin. Sinamaan niya ako ng tingin bago siya lumakad. "Malabong maging kayo!" sigaw pa niya sa akin. Naisip ko tuloy baka type niya si Luna kaya nagalit siya sa akin. Seneryoso niya ang sinabi ko na lumabas lang sa aking bibig dahil nagandahan ako kay Luna. Sinabi niya sana kung may gusto siya kay Luna, hindi na sana ako dumaldal. Nahiga na lang ako sa d**o para tingnan ang paglalaro ng mga ulap sa kalangitan. Gumuhit-guhit pa ako gamit ang aking daliri nang biglang may tumakip sa aking paningin na anino ng isang tao. Si Gavin nakatayo sa uluhan ko. Binuhusan niya ako ng tubig mula sa bottled water. Naupo ako bigla at inalis ang salamin ko para linisin. Umalis narin siya't lumapit sa tatlo naming mga kasama. "Gagu ka Gavin!" sigaw ko sa kanya pero hindi man lang niya ako nilingon. Labas litid ako sa aking pagsigaw. Pinunasan ko ang mukha ng tishirt ko para matanggal ang basa bago muling sinuot ang aking salamin. Tumayo ako ng kumaway si Mip sa akin para ako'y lumapit. Kaagad akong lumapit sa kanila. "Ikaw muna magsisilbing partner ni Gavin," balita nitong si Mip na hindi ko lubos mapaniwalaan. Bago pa ako magtaka mayroon siyang dinagdag. "Susubukan naming kunan kayong dalawa ni Gavin para mas makita namin kung anong magandang anggulo. Para kapag nandito na si Luna alam naming ang maganda at hindi," pagpapaliwanag nito. Akala ko naman ay kung ano na. "Ah. Sige. Madali lang ba?" tanong ko. Naupo si Gavin sa damuhan bitbit ang bottled water. Dahil sa tubig na binuhos niya sa mukha ko medyo nanlamig ako ng kaunti. Umiihip pa ang hangin. Mukhang nag-give up ang init ng katawan ko ng mga oras na iyon. "Oo. Samahan mo lang si Gavin. Tapos usap-usap kayo. Ganoon lang," ani Hao. "Tapos kami kukunan namin kayo ng bidyo." "Anong pag-uusapan naming dalawa?" ang tanong ko ulit. "Bahala na kayo." Tinulak ako ni Mip para lumapit kay Gavin. "Upo ka na." Sinunod ko na lang si Mip at hinarap si Gavin na ang sama ng tingin sa akin. "Tigilan mo ako Gavin. Iyang mga tinging mong ganyan, masusuntok kita," banta ko sa kanya. "Subukan mo. Kung kaya mo," pag-uudyok niya sa akin. Kasasabi pa lang niya pero sinuntok ko na siya sa braso na ikinabigla niya. Hinapo niya ang kanyang braso. "Akala mo ha. Di ko gagawin. Kung type mo si Luna. Sa'yo na. Akala mo naman magkakagusto sa akin ang tulad niya. Tingnan mo naman ako. Sa itsura kong ito. Kainis ka," sabi ko sa kanya sabay talikod. "Ganyan nga usap lang kayo," ang sabi ni Mip habang si Hoa ay abala sa pagkuha ng bidyo hawak ang camera. May initsa ito sa amin na dalawang libro. "Magbasa rin kayo." Kinuha ko ang isa, binasa kung ano ang title. Nang hindi magustuhan, pinalitan ko ng hawak na ni Gavin. Pinakrus ko ang paa saka binuklat ang libro. "Matagal pa ba?" ang tanong ko na nakatingin sa camera. "Huwag kang tumingin sa camera," ang sabi ni Hoa. "Ah pasensiya," sabi ko't naglipat ng mga pahina. Inilipat ko hanggang sa dulo. Pagkatapos binalik uli sa una. Gumalaw si Gavin sa kinauupuan niya't nahiga sabay patong ng ulo sa aking hita. Kunwari rin siyang nagbasa ng libro. "Infairness may chemistry kayong dalawa," ang biglang sabi ni Liling na nakangiti. Nakatayo ito sa tabi ni Mip at tuwang-tuwa sa nakikita. "Hindi ko nagugustuhan ang naiisip mo Liling," ang sabi ko't pinatong sa mukha ni Gavin ang libro. Inalis ni Gavin ang libro sabay tiningnan ako ng tuwid. Tinaas niya ang kanyang kamay sabay alis ng suot kong salamin. Kaya medyo lumabo paningin ko. Pagkatapos niyang makuha sinuot niya ito. Narinig na lang naming ang pagtili ni Mip at Liling na parang mga fan girl. Nanglalabo paningin ko kapag sa malapitan. Kaya hindi ko masigurado kung bagay kay Gavin ang salamin ko. Pero naisip ko din na bagay sa kanya dahil kahit ano man isuot niya damit man o hindi babagay sa kanya lahat. "Ano palitan na lang natin?" sabi ni Mip. Hindi ko maintindihan kung anong pinag-uusapan nila. "Hindi puwede. Paparating na yun si Luna," ani Hao. Pagkasabi nga nito'y may humimpil na kotseng pink katabi ng sinakyan naming mini van. Bumaba ang isang babae mula sa sasakyan na nakasuot ng mini-skirt at hanging na pang-itaas. Seksi itong naglakad papalapit sa amin. Ito ay si Luna. Napaupo si Gavin at halatang nakatutok ang kanyang paningin sa babae. Hindi ko gusto ang nakikita ko sa titig ni Gavin para kay Luna. Tumayo na lang ako't lumayo para mas makita ko sila sa pagkuha ng bidyo. Hindi ko na nakuha ang salamin kay Gavin kaya suot niya parin. Sinundan pa niya nga ako ng tingin sa aking paglalakad. Naupo ako sa d**o sa hindi kalayuan nang masiguradong maririnig ko sila na hindi sila sumisigaw. "Mabuti nakarating ka, Luna. Salamat," ang sabi ni Mip at nakipagkamay kay Luna. Iba ang paraan ng pagpisil ni Luna sa kamay ni Mip. May ibig ipagkahulugan ang nakita ko. Pati si Hao at Liling ay nakipagkamay rin sa bagong dating. "Oo, naman girl. May ginawa lang talaga ako. Sorry for being late," ani naman ni Luna sabay tingin kay Gavin. "It's really you. Akala ko nagjojoke lang sina Mip. But why? Gavin?" "Puwede magsimula na tayo," ang supladong sabi ni Gavin. Nag-iba ang aura niya, naging seryoso. "Sige, sige. Puwesto na kayong dalawa ni Gavin, Luna. Alam niyo ng dalawa ang gagawin niyo diba?" pagpapaala ni Mip sa babae. "Yes," ang pasweet na sabi ni Luna sabay tabi kay Gavin. Sumama ang tingin ni Gavin kay Luna ng sumandig ito sa kanyang dibdib. "Ikaw Gavin kung umakto ka parang hindi tayo mag-ex." Nabingi ako sa narinig ko mula kay Luna. Ibig sabihin naging sila ni Gavin na hindi ko man lang nalaman. 'Di ko alam ang balitang iyon. Hindi ko rin alam kung bakit interesado na ako ngayong malaman ng lahat kay Gavin. "That was long ago Luna," ani Gavin sa pagpatong ni Luna ng kamay sa kanyang dibdib. Umiikot si Hao para mukuha ng bidyo ang bawat galaw ng dalawa. Si Liling naman ay kumukuha ng litrato. Habang si Mip ay tuwang-tuwa kasi nagawa ang unang scene para sa music video. Ewan ko ba't nakakaramdam ako ng kirot sa nakikita ko sa dalawa. Ang tanging alam ko lang naiingit ako. Kung sanang kasing guwapo ako ni Gavin hindi sana ako mahihirapang maghanap ng magmamahal sa akin. Pagkatapos iyong kirot na naramdaman ko nadagdagan ng mabilis na pagtibok ng puso. At tinusok ng punyal ang dibdib ko ng makita ko ang paglapit ng mukha ni Luna sa mukha ni Gavin. Alam ko na part lang iyon ng project pero hindi ko nagugustuhan. Ito si Gavin pa hinayaan niya lang si Luna na gawin iyon. Para na silang maghahalikan na hindi naman nangyari. Hindi na ako nakatiis kaya umalis na lang ako. 'Di ko na alam ang aking nararamdaman. "Iikot lang ako. Balik naman ako kaagad," paalam ko kina Mip. Wala akong lingon sa aking paglalakad. Baka ano pang makita ko sa dalawa kapag pinihit ko ang ulo ko pabalik sa kanila. Namasyal na lang ako sa lugar na iyon para mawala ang nararamdaman ko. Bigla akong nalungkot habang pinagmamasdan ang paligid. Kaya nakailang buntong hininga ako sa aking paglalakad. Lakad ako ng lakad ng walang direksyon. Napapadaan ako sa pathway na puro bulaklak ang gilid. Tumigil lang ako sa paglalakad ng makarating ako sa hagdanan paakyat ng burol. Sa taas ng burol ay naroon ang isang templo ng mga monghe. Inakyat ko ang hagdanan. Dahan-dahan lang ako kasi hihingalin ako ng todo kapag mabilis. Pagkarating ko sa gate ng templo'y lumingon ako't namangha sa kagandahan ng tanawin. Nakikita ko ng malinaw ang malapad na karagatan. Nang makarinig ng tunog ng maliit na bell mula sa loob ng templo pumasok ng gate. Nakasalubong pa ako ng monghe na mukhang lalabas. "Magandang umaga po," ang agad kong bati sa monghe at nagbow. "Magandang umaga rin. Magdadasal ka. Diretso ka lang," mabait na sabi ng monghe. "Hindi po. Napadaan lang ako." Ngumiti ang monghe sa akin na tila baga may nakita sa akin. "Bata, itong sasabihin ko sa'yo kung nais mong matupad ang iyong dasal o hiling kailangang buong puso mo itong banggitin," ang makahulugang sabi ng monghe. "Aalahanin ko po ang sinabi niyo po," wika ko bago umalis ang monghe. Tama naman siguro ang monghe kaya nga siguro mali ang naibigay sa akin. Naupo na lang ako sa upuang naroon at tumitig sa altar sa aking harapan. Hindi ko alam kung matagal akong nakaupo kasi lumilipad ang isipan ko sa aking pagmuni-muni. Kapag ganoon kasing tahimik ang paligid kung anu-anong mga bagay-bagay ang pumapasok sa isipan ko. Nang oras na iyon ang pinaka-naisip ko, kung bakit tila nasaktan ako ng malaman naging magkasintahan sina Luna at Gavin. Kaya ba nasabi ni Gavin na mas gaganda ang lugar kung kasama mo mahalaga sa puso mo. Siguro may gusto parin si Gavin kay Luna. Napabuntong hininga na lang ako ng malalim. Si Luna kaya ang special someone niya? Letsugas na Gavin. Naniwala naman ako na dahil talaga sa akin kaya siya bumalik sa grupo. Hinapo ko ang aking braso sa pag-ihip ng malamig na hangin. Bigla akong nilamig sa lugar na iyon sa sobrang tahimik. Tatayo na sana ako kaso may sumaklob sa aking na jacket na nagpawala sa naramdaman kong lamig. Tiningnan ko kung sino ang naglagay kaya nalaman ko na lang si Gavin pala. "Anong ginagawa mo rito?" ang tanong ko sa kanya. Inalis ko ang jacket pero pinigilan niya ako. "Isuot mo muna," aniya sabay tapik sa aking balikat. Naupo siya sa tabi ko't tumingin rin sa templo. "Namamasyal din," dagdag niya para sa aking tanong. "Namamasyal daw. Diba ginagawa niyo unang scene." "Tapos na," ang simpleng sagot niya. "Ang bilis naman." "Ganoon talaga. Hindi naman kailangang umakteng kami ng todo kasi hindi naman kami magsasalita sa video." Tumango-tango na lang ako't sinuot ang kanyang jacket. Eksakto lang sa akin ang jacket at komportable ako. Nagpatuloy siya sa pagsasalita sa pananatili ng pagtikom ng aking bibig. "There's no love sa pagitan namin ni Luna when we're dating. Ang akala ng lahat mahal namin ang isa't isa since we're almost perfect na couple. 'Di nila alam we dated dahil lang sa pamilya namin. Alam mo naman siguro ang arrange marriage diba? Ganoon ang nangyari sa aming dalawa ni Luna." Napapatitig ako sa kanyang mukha sa kanyang pagkuwento. "Last year hindi ko na natiis kaya pinutol ko na ang walang kuwentang arrange marriage na iyon. Nagalit sa akin ang pamilya ko kaya hindi ako sinusuportahan. Kaya sa tambayan ko ako nag-stay mula noon." Iyon ang pinakamahabang nasabi niya sa akin. At hindi na naulit pa. "Bakit mo sinabi sa akin? Hindi naman ako nagtanong." "Para malaman mo talaga na walang namamagitan sa amin," aniya sabay tayo. "Tara na balik na tayo. Ah wait." Bumalik siya't tinanggal ang salamin bago isinuot sa aking mga mata. Sa kanyang paglalakad ay sumunod narin ako. Ang bilis niyang bumaba ng hagdanan. "Antayin mo ako. Walangya ka!" "Ang bagal mo naman!" sigaw niya't tumigil sa pinakababa ng hagdanan. Pagkalapit ko sa kanya'y kunwari siyang mayroong napansin sa akin. Nilapitan niya ako't tinaas ang suot kong jacket kasama ang tshirt. "May tastas ang garter ng brief mo. Wala ka bang pangbili?" Lumitaw ang aking tiyan na may mga pandesal din naman. Nakuha pa niyang ibaba ang garter ng suot kong brief sa ibaba ng aking pusod. Kaunting baba nalang baka may sumilip na hindi niya dapat makita. "Anong tastas? Bagong bili kaya itong suot ko." Inalis ko ang kanyang kamay at binaba ang suot kong jacket at shrit. Ngumisi siya ng matalim bago tumakbo. Anong ginawa niya? Para-paraan ang hayup! "Hoy! Maabot lang kita! Tatamaan ka sa akin!" Tumatawa siya habang tumatakbo. Hinabol ko siya't binato ko siya ng pinulot na boteng plastik. Mabuti hindi siya natamaan. Nang-asar pa ang gagu kasi ngumiting aso pa siya. Inantay niya ako't sabay kaming lumakad. Bigla siyang may sinabi. "'Wag kang magkagusto kay Luna," sabi ni Gavin sa paglalakad namin. "Bakit?" taka kong tanong. "Halika lapit ka. Ibubulong ko." Ako naman itong uto-uto, sumunod sa kanya. Nilapit ang aking taenga sa kanyang bibig. Nagsitayuan ang aking balahibo sa katawan sa pagdikit ng kanyang kamay sa aking balat at maramdaman ang init ng kanyang hininga. Akala ko naman mayroon talaga. Bigla ba naman niya akong sinigawan ng malakas sa taenga na ikinabingi ko. Inipit ko ang kanyang leeg sa pagtiklop ng aking siko habang siya'y tumatawa. Nag-eecho pa ang taenga ko sa lakas ng pagsigaw niya. Binitiwan ko lang siya nang matanaw ko si Mip na kumakaway sa amin mula sa parking area. Sabay kami ni Gavin na bumalik habang gumuhit ang usual niyang mukha, seryoso siya ulit. Naligpit na ang mga gamit na inilalagay ni Hao sa likuran ng mini van. "Nasaan na si Luna?" ang sabi ko kay Mip nang hindi ko makita ang sasakyan nito. "Umalis na. Pupunta pa raw ng birthday party," sagot ni Mip sa akin. Nakatayo lang si Gavin sa likuran ko. "Kaya pala mabilis natapos." Sabay-sabay kaming lumingon lahat ng tumigil ang isa kotse sa gilid ng daan. Sa lakas ng pagpreno umusok pa ang gulong. Kung makapag-park parang sanay-sanay ang nagmamaneho. Bumaba ang driver ng kotse na nakasuot ng leather jacket. Kaagad na gumuhit ang ngisi sa labi nito. Sinundan ko ang tingin nito na tumatama sa nakatayong si Hao. "Hi! Hao!" pagpapansin nito kay Hao. "Aba, nakatakas ka sa empiyerno!" sabi naman nitong si Hao. "Oo, isasama na kasi kita roon sa pagbalik ko," ani ng lalake sabay tawa ng malakas. Sa inis ni Hao malakas niyang sinara ang pinto ng mini van at umikot ng sasakyan. Akala ko naman si Hao ang kailangan ng lalake. Iyon pala hindi. Iyon pala'y si Gavin. "Tara na pre. Masyado ka ng nalilibang," pagtawag nito. Itong kaibigan ko may kausap sa cellphone at hindi pinapansin ang bagong dating saka sumakay ng sasakyan. "Tumahimik ka," ang mariing saad ni Gavin sa lalake bago siya lumapit sa sasakyan. Samantalng bumubukas ang bintana ng kotse at dumungaw pa isang lalake na mukhang ang bait. Inosente kasi ang mukha nito kabaliktaran ng lalakeng nakatayo sa labas kasi mukha talagang gagu. "Sino siya? Suot pa ang jacket mo ah," ang dinig kong sabi ng lalakeng nakadungaw. Nilingon ako ni Gavin at pinalapit niya ako. Sumunod naman ako na parang aso. "Bakit Gavin? May sasaibihin ka?" agad kong tanong sa paglapit ko. "Wala. Ipapakilala lang kita sa mga kaibigan ko," ani Gavin sabay akbay sa akin. Ngumiti ang dalawa niyang kaibigan habang nakatitig sa akin. "Akala ko'y wala kang kaibigan." Napatingin ako sa mukha niya. "Iyon lang ang akala mo." Ngumiti si Gavin na napansin ng kaibigan niya kaya tumikhim ang mga ito. Sumama ang tingin ni Gavin sa kanila. "Li Meng, brad," pagpakilala ng lalakeng nakadungaw. Inilahad nito ang kamay para sa akin pero pinigilan ito ni Gavin. "Huwag kang makipagkamay sa kanya. Hindi puwede," ani Gavin sabay irap kay Li Meng. Sumimangot lang ito sabay sara ng bintana ng kotse. "Ito namang tukmol na ito. Si Easton." Kinaway ni Easton ang kanyang kamay nang ipakilala ni Gavin. "Sakay na pre. Malelate tayo sa birthday party niyan." Bumalik ito sa loob ng kotse. "Anong birthday party? Pareho kayo ng pupuntahan ni Luna?" ang sabi ko kasi mukhang isa lang talaga sila ng pupuntahan ni Luna. Inalis ko ang kamay ni Gavin. "Yeah. But don't worry. Wala namang mangyayari sa amin. Lesbian iyon si Luna. Huwag mong ipagsabi sa iba." Tinakpan pa niya ang kanyang bibig baka may makarinig sa kanya. Sinimangutan ko siya kasi hindi ako makapaniwala. Sa ganda ni Luna, lesbian ito? Malabo naman ata iyon. Kasing labo ng pag-uugali ni Gavin. "Aalis na kami. Baka mainip pa mga kaibigan ko." "'Di mo kailangang magpaalam sa akin. Mabuti ka pa may mga kaibigan. Ako isa lang kaibigan ko." "Kahit isa lang kaibigan mo. Huwag kang mag-alala, narito naman ako." Ngumiti siya. Sinamaan ko siya ng tingin kaya sumunod na rin siya ng sakay. Pero bago makaalis sila bumukas ang pinto ng driver seat at sumilip si Easton. "Pakisabi kay Hao. Namiss ko siya," ani Easton sabay muling naupo sa sara sa pinto. Sa pagandar ng kotse, bumukas ang bintana at sumigaw si Gavin. "Ingatan mo iyang jacket ko." Binigyan ko siya ng dirty sign kasi iba ang ngiti niya. Kumaway pa siya sa paglayo ng sasakyan sa kinatatayuan ko. Bumalik narin ako sa mini-van. Pagkasakay ko'y kaagad akong tiningnan nina Mip, Hao at Liling. "Bakit anong mayroon?" ang sabi ko sa pagsara ko ng pinto. "Magkaibigan na kayo ni Gavin?" tanong ni Mip. "Siguro." "Mabuti. Para hindi ka sa akin lagging tumatakbo," ani Mip saka umayos ng upo. Nang paandarin ni Hao ang sasakyan doon ko na sinabi ang binilin ni Easton. "Hao, sabi ni Easton namiss ka raw niya. May gusto ka ba doon?" Biglang nitong prineno ang kotse sa pag-atras nito. Tumawa ako ng malakas. "Tigilan mo ako Nixon. Ikaw nga diyan ang may gusto kay Gavin," anito sabay muling minabora ang sasakyan papalis ng lugar na iyon. "No. Wala." "Iba ang sinasabi mo. Pero pinapakita ng galaw mo kabaliktaran," panama naman nitong si Liling. Bibig talaga nitong si Liling magsasalita lang kung may mga panama. "Dinga?" Isa-isa ko silang tiningnan. "Oo, may gusto ka kay Gavin. Obvious naman eh," sabay-sabay nilang sabi. Sumabog bigla ang isipan ko. Mga baliw! Hindi naman ako nagkakagusto kay Gavin. "Ito tingnan mo," ani Mip. Binigay ni Mip sa akin ang tab nito ng magplay ang isang bidyo na kinunan nito habang kami'y tulog ni Gavin. Sumasayaw ang ulo ko sa bidyo habang tulog kaya pinatong ng gising na si Gavin sa kanyang balikat. Nanglaki ang mata ko nang makita ang paggalaw ng kamay ko na kumapit sa braso ni Gavin. Habang ang isa'y pinagdaop ko sa kamay ni Gavin na tinanggap naman niya. "Hindi ako ito!" pagtanggi ko. Muli lang akong tinawan ng tatlo kaya nag-init ang dalawang kong taenga sa sobrang pagkahiya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD