Isang fountain ang nagtulak sa akin na humiling. Kahit sinong tao ang tatanungin mo na nag-aaral sa unibersidad na pinapasukan ko alam nila ang tungkol sa fountain na kayang tumupad ng mga ninais mo. Ang karamihan sa mga ito'y iyong madaling naniwala na matutupad ang hiling. Mga taong nawawalan na ng pag-asa kaya kahit sa tubig hinuhulog ang mga pangarap. Ako iyong taong hindi mahilig sa mga ganoong bagay. Pero nangmga oras na iyon, sinubukan kong humiling. Wala rin namang tao roon kaya walang makakita sa akin kahit magpapakabaliw pa ako.
Ang fountain na ito ay napakalapad kaya nga nagsisilbi itong atraksiyon ng unibersidad. Apat na anghel ang nasa gitna ng fountain na puro lalaki at natatakpan lamang ng tela ang masilang bahagi. Binunot ko sa aking bulsa ang mga barya na natitira sa akin. Nang biniliang ko nalaman kong limang piso na lamang ang natitira sa akin. Nagpunta lang naman ako sa dakong iyon ng unibersidad dahil kakausapin ko ang isang taong tutulong sa proyekto namin ngunit dahil nga napadaan narin ako roon sa founatian hindi ko sinayang ang pagkakataon.
Pinili ko pa kung ano ang iitsa ko sa tubig. Piso ba para mas epektibo. O bente singko sentimo lang.Tiningnan ko ang mga barya sa tubig na karamihan ay piso. Napagdesisyunan ko na lang na ang piso ang itapon. Ibinalik ko ang naiiwang barya sa bulsa ko. Ang sumunod kong ginawa ay pinikit ko ang aking mga mata sabay usal ng aking hiling sa isipan.
Ang nais ko lang naman ay may magmahal sa akin. Gusto ko ng seksi, matalino at magandang babae para kahit tingnan ko lang ito buong araw hindi ako magsasawa. Sinubukan ko ang kapangyarihan ng tadhana nang sandaling iyon, sinabi ko sa aking sarili na sa pagtingin ko sa aking likuran naroon na dapat ang taong magpapasaya sa akin. Ang taong magpupuno sa akin. Ang taong tatanggapin kung ano ako. Sobra man ngunit doon ko masasabi kung totoo nga ba talaga ang sinasabing tadhana.
Humugot ako nang malalim na hininga sabay tapon ng piso. Nang marinig kong tumama ang piso sa tubig, iminulat ko ang aking mata.
"Sana naman matupad," ang sabi ko pa.
Kinabahan ako nang hindi ko mawari dahil pakiramdam ko'y naroon na sa aking likuran ang babaeng para sa akin.
Ngunit isang pagkakamali ang naganap. Inilingon ko nga ang aking katawan para lamang magulat. Sapagkat isang lalaki ang nasa aking likuran na ilang hakbang ang layo mula sa akin. Nag-uunat ito ng katawan kaya ang kaniyang mga muscle sa katawan ay tila sumasayaw sa kaniyang paggalaw. Pinapakita nito na maganda ang pangangatawan niya. Kahit suot niya'y sweater at jogging pants mahahalata ito. Sa tingin ko'y galing siya sa pag-eehersisyo sapagkat maaga pa nang mga sandaling iyon. Hindi pa nga gaanong mainit ang araw.
Binalik ko ang aking mata sa fountain. Muling nagbunot ng piso saka inulit ang aking hiling. Nasabi ko pa nga na sana'y wala na ang lalaki sa aking likuran. Nang matapos sa pag-usal, tumingin ako ulit sa likuran nang dahan-dahan. Sa kasamaang palad naroon pa rin ang lalaki. Nakaupo na siya sa bench na tila isang model habang umiinom ng tubig. Napapatingin ako sa pagtaas-baba ng kaniyang adam's apple. Pinagmasdan pa niya nga ako kaya nagkasalubong ang aming mga mata.
Nakaramdam ako ng inggit kasi ubod ng guwapo ang lalaki. Kung sanang ganoon din ang itsura ko hindi sana ako mahihirapan na maghanap ng kasintahan.
Bumasangot na ang mukha ko dahil hindi parin umaalis ang lalaki. Pinakunotan niya naman ako ng noo. Sa huling pagkakataon, ginawa ko ulit ang pag-itsa ng piso. Dinahan-dahan ko kasi baka may epekto ang paraan nang pagtapon. Sa aking paglingon, nawala na ang lalaki. At walang babae na makikita roon. Nakaramdam ako ng pagkadismaya. Doon ko napagtanto na isa na akong baliw.
Bumuntong hininga ako't itinaas ko ang aking pantalon hanggang sa tuhod. Umakyat ako at lumusong sa tubig para kunin ang tatlong piso ko. Naka-tsinelas lang naman ako kaya walang naging problema. Kumuha ako ng tatlong piso sa mga barya sa ilalim ng tubig. Eksakto lang ang kinuha ko bago umalis ng fountain. Sa pag-suot ko ng aking tsinelas at pagbaba ng pantalon natanaw ko sa hindi kalayuan ang lalaki.
Ang sama ng tingin niya sa akin na para bagang may nagawa akong mali. Lumakad na rin siya nang tiningnan ko siya nang masama. Pumasok siya sa eskenita sa gitna ng dalawang gusali palayo ng parke. Itinaas ko ang suot kong bilugang salamin nang bahagyang dumulas iyon sa aking ilong.
Minabuti kong tumuloy sa sadya ko sa bahagi ng school na iyon. Nagsayang lang ako ng oras sa fountain. Inilabas ko ang mapang papel na ginawa pa ng leader namin para sa akin. Hindi kasi ako gumagamit ng cellphone kaya binigyan na lang ako ng direksiyon. Tiningnan ko ito habang naglalakad. Kaya nalaman ko na malapit na ako sa tambayan ng kailangan kong kumbinsihin.
Ang lalaking nagngangalang Gavin. Madali ko lang naman daw siya mahahanap basta dumiresto lang ako sa tambayan niya kasi roon siya naglalagi. Hindi ako puwedeng umalis hanggang hindi ko siya nakakausap. Hindi ko naman kilala ang lalaki pero ang sabi ng mga kasama ko kilala sa buong unibersidad. Tingin ko'y narinig ko na minsan ang pangalan niya na hindi ko lang maalala. Hindi ko kasi masyadong pinapansin kung anong nangyayari sa aking paligid sa sobra kong pokus sa aking pag-aaral.
Dumaan ako sa eskenita dahil dito ako tinuturo ng mapa. Kasya ang kotse sa eskenita kung papasok man rito ang may sasakyan. Ang alam ko lang sa lalaki ay kung ano ang sinabi sa akin ng kagrupo ko. Hindi ko nga alam kung bakit takot kausapin ng mga kasama ko ang lalaki. Para sa akin wala namang dapat ikatakot sa tao kung wala ka namang nagawang mali rito. Habang umiikli ang eskenita sa paglapit ko sa dulo nito napapaisip ako. Napakamot ako ng ulo kasi iyong lalaki na nag-ehersisyo ay posibleng si Gavin. Hindi ko tuloy mapigilang isipin na baka ano ng inisip niya tungkol sa nakita niya sa akin. Sa huli bumuntong hininga na lang ako dahil hindi naman mahalaga ang tingin niya sa akin, ang kailangan ko ay ang mapapayag siya.
Sa dulo ng eskenita ay naroon ang hagdanan paibaba. Sa ibaba ng hagdanan ay may isang pintuan na gawa sa metal. Humakbang ako pa-ibaba habang binabasa ang karatula na nakadikit sa sara. Isang babala na bawal pumasok ang sino man. Ilang saglit pa'y nasa harap na ako ng pinto. Nakakarinig pa ako ng ingay mula sa loob.
Kumatok ako nang makailang ulit. Tumigil ang ingay sa loob at maririnig ang pagpihit ng doorknob. Tahimik akong nakatayo sa unti-unting pagbukas ng pinto. Nasa harapan ko nga ang lalaki kanina na walang suot na pang-itaas. Pawisan ang kanyang katawan kaya tila kumikinang ang matigas na dibdib at mga pandesal sa tiyan sa pagtama ng sinag ng araw sa kanya. May kaunting buhok ang kanyang dibdib. Kaagad na nagsalubong ang kanyang kilay ng makita niya ako sa pinto.
"Anong ginagawa mo rito?" ang kaagad niyang tanong. Hindi ko siya sinagot bagkus ay pinagmasdan ko lang ang kanyang mukha. Aakma siyang isasara ang pinto kaya kaagad kong pinigilan ang pinto saka muling tinulak. Nagsumiksik ako sa espasyo sa pagitan niya at ng pinto kaya nagkakiskisan ang aming balikat sa hindi maiwasang pagtama ng mga ito.
"Papasok muna ako," ang sabi ko't tumuloy-tuloy ng pasok. Naiwan siyang nabigla sa pintuan dahil sa aking ginawa. Iniikot ko ang aking paningin sa loob ng kuwarto na iyon. May kama sa pinakagitna ng kuwarto dikit sa pader. Couch na nakaharap sa flastcreen tv na nasa kaliwa ng kama. Kasunod naman nito ay pintuan na marahil ay para sa banyo. Okay na sana ang lahat kaso ang kalat. Kung saan-saan nakasabit ang mga damit. Pagkatapos magulo ang mga libro at magazine sa maliit na mesa sa paanan ng kama. Sa sahig naman ay naglalaro ang mga basura. Napalo ko ang aking palad sa noo. "Sigurado ka ba anak mayaman ka? Tingnan mo nga itong tambayan mo."
"Nang-iinsulto ka ba? Wala akong hinahayaang makapasok dito. Mabuti pang lumabas ka na bago pa ako may magawa sa'yo."
"Ah talaga? Tutal nandito na ako sa loob. Ako siguro ang una. Uupo muna ako. Ako'y napagod sa paglakad papunta rito. Kung bakit kasi ang laki ng unibersidad na ito." Lumapit ako sa couch niya't sumalampak ng upo. Kinuha ko ang bumukol na aking naupuan. Pagkataas ko nito'y nalaman ko na lang na labahin niyang brief. Pinagmasdan ko pa't tinapon sa kanyang mukha. "Maglinis ka nga. Kahit lalaki ka dapat marunong karing maglinis. Taong ito. Paano na lang kung nalaman ng mga tao na burara ka."
Kinuha niya ang tumamang brief sa mukha sabay tapon sa tabi. "Lumabas ka na!" ang mariin niyang saad.
"Hindi ko pa nga nagagawa iyong dapat kong gawin. Sandali. Nauuhaw ako. Wala ka bang tubig?" Halatang nagtitimpi siya. Pero nang makakuha ng damit na nakasampay sa estante ng libro, tinapon niya sa akin nang malakas. Umilag ako saba'y tayo. Lumapit ako sa mini-ref niya sa tabi saka naglabas ng mineral water. Habang umiinom ng tubig may tumama sa likuran ko na matigas na bagay. Kinamot ko ang aking ulo habang nakatingin sa gumugulong na takip ng kanyang pabango. Ibinalik ko na lamang ang bottled water sa ref at muli siyang hinarap. Magsasalita ako ulit kung hindi lang dahil sa nakakalusaw niyang tingin.
"Aba. Kung makaasta ka parang dito ka nakatira?! Umalis ka na bago pa ako mapuno sa'yo," sumigaw siya nang malakas. At bago pa siya mayroong masabing iba ng pasigaw. Tinakpan ko ang aking tainga. Tiningnan ko siya kung sisigaw pa ba ito. Sumigaw nga siya pero hindi ko naman marinig. Humugot siya nang makailang beses upang kumalma.
Tinanggal ko ang pagkatakip ng aking tainga. At sinabi ko kung anong ang aking kailangan. "Ano bang dahilan at umalis ka sa grupo nina Mip?" ang sabi ko. Ganito ang sinabi ko para kunwari hindi ako kasali sa grupo. Napunta kasi ako sa grupo nila matapos na mahati ang sariling grupo na pinanggalingan ko mula sa block b. Ako ang naatasang kumbinsihin ang lalaking ito na bumalik sa grupo dahil siya lang naman ang taong nagtataglay ng looks para pumasa ang music video na gagawin namin. Napag-usapan kasi na kailangang ubod ng guwapp at kilala ang taong lalabas sa music video.
"Wala akong dahilan. Gusto ko lang," ang walang buhay niyang sagot. Nakatayo lang siya't mataman akong pinagmamasdan.
"Ganoon? Porket wala ka lang gana dadamayin mo ang grupo. Paano na lang sila makakapagtapos kung hindi ka sasali. Palibhasa kahit hindi ka sumali sa grupo makakakuha ka pa rin ng grado." Kung makapagsalita ako sa kanya parang matagal na kaming magkakilala.
"Kilala ako sa buong unibersidad na ito dahil sa pamilya ko. Hindi ko kailangang magkapakahirap," ang sabi niya na may pagmamalaki.
"'Di nga kita kilala kung hindi pa sinabi sa 'kin ni Mip bago ako pumunta rito." Naupo ako sa kama na malambot dahil napagod ako sa paglakad. Nangangalay ang tuhod ko.
"Seryoso ka?" ang bigla niyang tanong na may bahid ng pagkabigla.
"Oo. At hindi naman iyon importante." Nag-isip ako ng puwedeng ipain sa kanya para bumalik siya. Tiningnan ko ang kabuuan niya. Base sa kanyang personalidad panigurado mahilig siya sa babae. "Sayang naman iyong magiging partner mo. Balita ko'y seksi iyon. Malaki ang hinaharap. Higit sa lahat maganda." Pinag-sayaw sayaw ko ang dalawa kong kilay sa kanya.
Nagsalubong ang kilay niya. "Kaya kong kumuha ng babae kung kailan ko gusto." Hinubad niya ang kanyang jogging pants kaya nalantad sa aking paningin ang tinatago niyang kaangkinan na kahit natatabunan ng boxer brief ay mahahalatang malaki. Kapansin-pansin din ang pagkabalbon ng kanyang mga hita. Doon ko lang din napansin na mabalbon pati kamay niya.
Basta niya lang sinabit ang hinubad na jogging pants sa couch sabay diretso ng pasok sa banyo. Naiwang akong nakatunganga. Mariin akong kumamot ng ulo ko. Pinag-isipan ko na naman kung anong sasabihin ko para maingganyo ko siya. Hindi ako puwedeng umalis na bigo. Nakasalalay ang kinabukasan ko sa grado na makukuha. Tumayo ako't kumatok sa pinto ng banyo.
"Kailangan mo ba ng pera para bumalik ka? Magkano kailangan mo? Babayaran ka nina Mip," sabi ko. Nagsimulang umandar ang shower mula sa loob.
"Anong akala mo sa kain pulubi? Marami akong pera. Pagkalabas ko rito dapat wala ka na."
Pakiramdam ko nang sandaling iyon ako ang mapupuno sa kanya. Madadamay kami sa kataraman niya. Kung puwede lang na maghanap ng ibang paraan. Kaso wala naman ibang makita ang grupo para manalo. Pinihit ko ang doorknob at ng malamang hindi naka-lock pumasok ako. Nakatalikod siya habang nasa ilalim ng shower kaya nalantad sa akin ang kanyang maumbok na puwetan. "Maawa ka naman sa amin. Pumayag ka na bilang bida sa music video!" ang sabi ko.
"Gago ka ba ha! Ba't ka pumasok rito?!" sigaw niya nang malakas na halos ikatanggal ng tutuli sa aking tainga. Nilinis ko ang aking tainga sa pagharap niya sa akin. Nagpameywang siya sa akin na galit na galit. Hindi ko maiwasang tumingin sa kaangkinan niya na masyadong talagang malaki.
"Relaks brad. Pareho naman tayong lalaki. Ang oa mo," ang sabi ko sa kanya. Makasigaw siya ay parang wala ng bukas sa aming dalawa.
"Labas!" ang malakas niyang sigaw. Ang sama na ulit ng titig niya sa akin. Gusto na niya akong lamunin ng buo.
"Mamaya na. Hindi pa tayo tapos mag-usap."
"Sinabi ko ba sa iyo na mag-usap tayo?" Hinila nya ang nakasabit na tuwalya sabay balot sa kanyang pang-ibabang katawan. Mahigpit nya akong hinila sa braso hanggang sa harapang pinto sabay tulak sa akin palabas. "Huwag ka ng babalik rito."
Maging ako'y sinakluban narin ng inis sa marahas niyang pagsara ng pinto. Tumayo ako't pinagpag ang kumapit na buhangin sa aking suot na pantalon.
"Tangina! Kung alam ko lang na hindi ka naman pala talaga papayag! 'Di na sana ako nagpunta pa rito! Naaksaya lang oras ko! Naghanap na lang sana kami ng ibang paraan! Wala kang kuwentang tao! Mga katulad mo ang pinakaayawan ko sa mundo!" ang sigaw ko rin nang malakas para mailabas ang init ng aking ulo. Hindi pa ako nakuntento't pinagsisipa ko ang pinto niya.
Hapo akong tumigil saka lumakad. Ang malas ko nang araw na iyon. Umalis ako ng tambayan niya't tinahak ang daan pabalik ng fountain. Sumimangot pa ako ng marating ko ito. Hindi na talaga ako uulit na humiling, pero maling-mali ako sa isipin na iyon. Sapagkat sa paglipas ng mga araw napapahiling na lang ako ng wala sa sarili.
Patuloy ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa sakayan ng bus. Sa aking likuran ay ang malaking salamin na kinalalagyan ng mga posters. Dito ako sumandig sa aking pag-upo sa mahabang upuang bakal. Naghintay ako ng masasakyang bus. Pinag-isipan ko kung anong sasabihin ko kina Mip pagpunta ko sa chinese restaurant na tambayan ng grupo. Hindi ko nakumbinsi ang hinayupak na iyon. Itinaas ko ang aking paa't pinakrus sabay pikit ng aking mata. Dahil nga sa maaga akong gumising, inaantok pa ako, nakatulog ako nang nakaupo.
Ramdam ko ang pagsayaw ng aking katawan sa pagkawala ng balanse. Nagising na lamang ako ng mahulog ako sa upuan ng paharap. Sumubsob ang mukha ko sa semento.
"Istupido," ang sabi ng isang lalaki. Nakaramdam ako ng hiya nang malamang may nakakita sa nangyari sa akin. Dali-dali akong umayos ng upo sabay pagpag ng damit. Pagkatingin ko sa lalaki ay bahagya akong nagulat. Siya si Gavin na prenteng nakaupo sa aking kaliwa. Nakadipa ang kanyang kamay kaya ilang dangkal na lang abot na niya ako. Bihis na siya't mukhang may pupuntahan.
Umakto akong walang nangyari kaya pinalampas ko na lang ang kanyang sinabi. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na naka-idlip. Mataas na ang araw kaya sinangga ko ang aking kamay sa mata ko nang masilaw ako ng sumisilip na sinag ng araw sa mga dahon ng kalapit na puno. Walang nagsasalita sa aming dalawa. Parang kami lang ang dalawang tao sa isang palabas habang naghihintay. Kung pagmamasdan sa malayo mistula kaming magsing-irog. Malapit sa aking sarili ang mga ganitong senaryo sa pagiging manunulat ko. Bukas ang isipan ko sa lahat ng bagay. Pero paminsan-minsan hindi ko gusto ang mga ideya katulad nito. Pinalo ko ang aking ulo sa isipin na iyon. Tumawa pa ako nang kaunti sa kabaliwan kong naisip. Epekto siguro ng paghiling-hiling ko sa fountain kasi siya ang una kong nakita.
"Walanghiya naman," ang sabi ko pa. Napapatingin sa akin si Gavin habang hawak niya ang kanyang cellphone. "Sarili ko sinasabihan ko. Hindi ikaw."
"Mabuti," aniya sabay pindot sa kanyang iphone 11.
"Saan ang punta mo? Kung hindi mo mamasamain ang aking tanong pakisagot na lang." Sinubukan kong maging friendly baka sakaling magbago ang isip niya bigla.
"Hindi kita kailangang sagutin."
"Okay. Eh 'di wag. Para naman kung sino ka. Kung hindi lang talaga kailangan. Hindi kita kakausapin." Tinalikuran ko siya ng upo at sa malayo na lang tumingin.
Ilang saglit pa'y dumating narin ang bus na kulay berde na umiikot sa buong unibersidad. Sa laki at yaman ng unibersidad kompleto ito pagdating sa mga bagay-bagay, transportasyon at kung ano pa. Paghinto ng bus sa aming harapan kaagad akong tumayo. Ngunit hindi ako tuluyang nakatapak sa hamba ng pintuan sa paghila ni Gavin sa likurang kuwilyo ng aking suot na tshirt. Itinabi niya ako sa kaliwa niya't nagsabi siya ng: "Sasali na ako sa grupo. Pero siguraduhin mo lang na may sampung hakbang sa pagitan nating dalawa."
Nakaturo pa ang kanyang kamay sa akin. Ang isang kamay niya naman ay mahigpit na nakakapit sa aking braso. Ako'y kanyang mataman pang pinagmamasdan. Binitiwan niya ako matapos ng kanyang sinabi at siya'y sumakay. Kahit masakit ang ginawa niya sa braso ko. Pinabayaan ko lang kasi mas mahalaga na pumayag siya. Ang saya ko kaya para akong naestatwa sa kinatatayuan. Sa lahat ng kumumbinsi sa kanya sa akin siya bumigay.
"Ang saya ng araw na ito. Hindi rin pala malas," ang nasabi ko pa kahit mali-mali ang nangyari noong una.
"Anong ginagawa mo pa diyan? Diba mag-uusap ang grupo ngayon. Kinalimutan mo," pagpapaalala niya sa akin saka siya tumuloy ng lakad papasok ng bus.
"Oo nga noh," sabi ko't sumakay narin ng bus.
Pagkasara ng bus inalam ko kung saan ang kanyang puwesto. At iyon ay sa pinakagitna. Pinagtitinginan siya ng ibang nakasakay na estudyante. Dahil sa masunurin akong bata kung minsan. Binilang ko ang hakbang mula sa inuupuan niya. Salubong pa ang kilay niya na nakatingin sa akin. "Istupido na. Baliw pa," ang sabi niya pa sa akin. Nginitian ko lang siya na parang aso kaysa mainis sa kanyang pananalita.
Nagbilang ako ng sampung hakbang hanggang nasa likuran na ako ng bus. Ang layo ko sa kanya kaya paano ko siya makakausap. Naupo na lang ako kasabay ng pag-andar ng bus.
"Hoy! Gavin! Ano bang nagpabago sa isipan mo?" Hindi ko mapigilang isigaw. Matutuyuan ako ng laway kapag hindi ako nagsalita kapag ganoong natutuwa ako. Nilingon niya ako na may masamang titig. Pati iyong ibang nakasakay napalingon narin sa akin.
"Tumahimik ka nga!" ang sigaw niya sa akin bigla.
"Oo na. Nagtatanong lang naman. Gusto ko lang namang malaman," pagmamaktol ko katulad ng bubuyog.
Ibinaling ko ang aking paningin sa labas nang mapansin ko ang magandang senaryo. Nanatatanaw ko ang dalawang kabundukan sa malayo na ang tuktok ay maputi dahil sa niyebe. Nahuli ng paningin ko ang paglapit ng isang babae na sa itsura palang halatang humahanga kay Gavin. Mayroon itong sinabi kay Gavin na hindi ko marinig. Tumingin sa akin ang babae saka tumango. Sumunod nito'y lumapit sa akin ang babae kaya ako'y nagtaka.
"Puwede bang kumuha ng litrato kasama si Gavin?" ang sabi nito.
"Ba't ako ang tinatanong mo?" sabi ko naman.
"Sabi niya kasi tanungin mo na kita. Baka hindi ka pumayag."
"Bakit kailangang ako ang magdesisyon?"
"Hindi ko alam." Humawak ang babae sa sandigan ng upuan sa pag-liko ng bus.
"Tanong mo muna sa kanya." Utos ko sa babae na sinunod naman nito. Hindi ko alam kung ano naiisip nitong si Gavin. Hindi naman kami magkaibigan, magkapatid, o magkaklase. Matapos sabihin ng babae ang sinabi ko kay Gavin bumalik ito sa akin. "Anong sabi?" tanong ko.
"Ikaw nga raw ang tanungin ko,"ani ng babae.
"Paano iyan . Kung gusto mo talaga kunan siya ng litrato. Huwag ka ng magpaalam," suhestiyon ko sa babae.
"Ibig sabihin payag ka na?"
"Ano ba miss? 'Di kailangan magdesisyon ako para sa litrato na iyan. Kunan mo siya ng marami kung gusto mo. Sasaki tang ulo ko sa'yo."
"Ang gulo niyong dalawa," reklamo ng babae saka bumalik sa kanyang kinauupuan. Ito pa ang may ganang magalit.
Hindi rin nagtagal bumaba na ako ng bus. "Dito na tayo," sabi ko kay Gavin nang mapadaan ako sa kanya. Huminto ang bus ng bigla kaya muntikan na akong masubsob. Mabuti na lang nahawakan ako ni Gavin sa suot kong damit.
"Masyado kasing nagmamadali," ang sabi pa niya. Inalis ko ang kamay niya't naunang lumakad sabay baba ng bus. Pagkababa niya'y nagbilang ako ng sampung hakbang papalayo sa kanya. Nakatingin lang siya sa akin sa ginagawa ko. Umalis narin ang bus kaya naiwan kaming dalawa sa gilid ng daan. "Anong ginagawa mo?" ang nakuha niyang itanong sa paglayo ko sa kanya.
"Sabi mo kailangan may sampung hakbang sa pagitan natin. Sinusunod ko lang sinasabi mo. Baka magbago ang isip mo. Tupakin ka pa. Umayaw ka ulit." Isang malalim na buntong hininga ang kanyang pinakawalan. Sinuksok niya ang kanyang kamay sa bulsa sa pag-ihip ng malamig na hangin. Malapit na ang disyembre ng panahon na iyon kaya medyo malamig talaga.
"Istupido," aniya sabay nauna ng lumakad. Nasa hulihan niya lang ako. Kapag sumosobra ng hakbang umaatras ako para eksaktong sampu lang ang pagitan naming dalawa. Kinailangan naming lumakad bago makarating sa chinese raustarant na nakatayo sa loob ng unibersidad. Sa paglalakad bigla siyang nagtanong sa akin. "Hindi ka ba nilalamig?"
"Hindi. Bakit?" Nakatitig lang ako sa katawan niyang nababalot ng jacket.
"Wala. Abnormal ka nga talaga." Dahil sa sinabi niya'y sinamaan ko siya ng tingin. Kung nakakabutas lang ang titig ko kanina pa dumugo likod niya.
"Ano naman kung abnormal." Hindi talaga ako nilalamig kahit naka-tshirt lang. Kinalakihan ko ang malamig na panahon lalo pa't pinanganak ako sa dalampasigan kung saan hindi nawawala ang malakas na hangin mula sa karagatan.
"Proud ka pa." Malakas ang pag-sasalita naming dalawa para magkarinigan.
"Sa masaya ako sa pagiging abnormal." Hindi na rin nagtagal, natanaw na namin ang restaurant. Kumakaway si Mip sa bukana nito. Ang saya nito sapagkat kasama ko si Gavin sa pagtungo namin doon.
Wala ng sinabi si Gavin sa pagpasok niya sa restaurant. Nag-bow si Mip sa kanya bilang pagbati. Hinintay ko muna na tuluyang makapasok si Gavin bago ako sumunod. Napansin ako ni Mip na nakatayo kaya tinawag ako nito. "Halika na Nixon. Sunod ka na."
"Mamaya na," sabi ko na lamang sa kanya. Hindi naman puwedeng sabihin ko sa kanya ang gusto ni Gavin. Sumimangot si Mip kaya sinenyasan ko siyang tumuloy na. Nang makasiguradong malayo na distansiya ko kay Gavin pumasok narin ako.
Maganda ang ambiance ng chinese restaurant. Ito ang tambayan ng grupo kapag gustong kumain. Simula ng masali ako sa grupo nina Mip iyon ang palaging meeting place. Kasama nina Mip ang dalawa pa naming kagrupo na hindi ko gaanong kilala. Isang babae at lalaki. Katulad nga ng sabi ko, hindi ako masyadong nangingilala ng tao. Okay lang sa akin na wala akong gaanong kakilala. Basta huwag lang nila akong papakiaalaman kasi iba na iyon.
Sa ibang mesa ako naupo kaya napatingin sa akin ang grupo. Si Gavin nga kung makatingin sa aking salubong pa ang kilay. Hindi pa sila nag-uusap. Hinihintay nila siguro ang magiging kapareha ni Gavin.
Nilingon ako ni Mip sa pag-upo ko sa mesa. "Hoy! Ba't nandiyan ka?" ang tanong ni Mip sa akin.
"Ang sabi kasi sa akin ni Gavinn kailangang dumistansiya ako. Iyon ang gusto niya kaya pumayag siyang bumalik sa grupo," ang sigaw ko para marinig. Nasabi ko pa rin naman ang dahilan.
"Ganoon?" Tumango ako. Isang malalim na buntong hininga na lang ang ginawa nito. Mabuti na iyong sa ibang mesa ako kasi hindi ko naman makausap ang dalawang kasama nito. Ito lang talaga ang nakakausap ko bilang magkaibigan kaming dalawa. Alam naman nito ang pag-uugali ko kaya hinayaan na lang ako nito't umayos ng upo. Hinarap nito si Gavin. Nakamasid lang ako sa kanila habang sila'y nag-uusap.
"Sir, excuse me. Anong order niyo?" sabi ng waitress na lumapit sa akin.
"Kasama nila ako. Mamaya na siguro mag-oorder." Wala nga akong pera pangbayad.
"Kailangan niyo na pong mag-order. O 'di kaya lumipat nalang kayo sir sa table nila. May bakante naman pa roon. Kasi kung di pa po kayo oorder. Kailangan niyo pong umalis para maupuan po ng ibang customer namin."
"Pasensiya na. Aalis na lang ako." Tumayo ako't lumakad. Pagdaan ko sa table na kinauupuan nina Gavin nagpaalam ako sa kaibigan ko. "Maghihintay na lang ako sa labas. Tawagin niyo na lang ako kung tapos na kayo sa pag-uusap."
"'Wag na ka ng tumuloy. Tapos na kami sa pag-uusap. Kakain na tayo," ang sabi sa akin ni Mip.
"May usapan kami ni Gavin kaya sa labas na lang ako. Kayo na lang kumain." Umalis na ako pero hindi ako nakatuloy sa pagtayo ni Gavin at pinigilan ako sa pulsuhan. Sa ginawa niya't tila tumigil ang oras kasabay ng pagkawala ng ingay sa loob ng restaurant. Mistulang kami lang ni Gavin ang tao sa lugar na iyon. Kung hindi lang tumikhiim si Mip baka tatagal kami ni Gavin na ganoon.
"Maupo ka na. Kalimutan mo na ang sinabi ko. Masyado kang sineseryoso," ani Gavin sabay hila sa akin at pinaupo ako sa inalisan niyang silya. Binitiwan niya lang ako nang makaupo na ako't naupo siya kasunod ko.
"Okay. Sinabi mo sana agad," sabi ko na lamang at ngumiti nang malapad. Ang dalawang kasama namin ay tila wala namang pakialam. Sa kabilang side silang tatlo kasama si Mip.
"Anong nangyari sa inyo ni Gavin?" ang hindi maiwasang tanong ni Mip.
"Ano?" Masama ang tingin ni Gavin sa kanya.
"Wala. Huwag mo na lang akong pansinin. Order na lang tayo." Itinaas ni Mip ang kanyang kamay para lumapit ang waiter. Sumunod naman ang waiter bitbit ang menu. Apat lang ang menu kaya wala akong hawak.
"Isama mo nalang ako Mip," sabi ko sa kaibigan ko. Tumango ito kasi alam naman nito kung anong gusto kung kinakain sa restaurant na iyon.
"Chow mein sa aming dalawa kuya," ang sabi ng babaeng katabi ni Mip.
"Isang order ng wontons at dumplings para sa kaibigan ko," ani Mip na hindi tumitingin sa waiter. Kaagad na sinulat ng lalaki ang sinabi ng kaibigan ko. "Para sa akin naman ay tangyuan." Tiniklop nito ang menu sabay ibinalik sa naghihintay na waiter na inabot naman nito. Binaling nito ang tingin kay Gavin. "Sa'yo, anong order mo Gavin? Gusto mo ng chow mein. Diba masarap Hao?" dagdag Mip. Tumango si Hao, ang lalaking kasama namin.
Hindi sila pinansin ni Gavin. Sinara ni Gavin ang menu at inabot sa waiter. "Ano sa'yo sir?" tanong pa ng waiter.
"Wonton at dumplings," sabi ni Gavin na ikinalingon ko sa kanya. Sinulat ng waiter ang order niya bago ito umalis.
"Gaya-gaya ka ah," siniko ko si Gavin sa kanyang braso.
"Gusto ko lang subukan ang pagkain na gustong mong kinakain," ang sabi niya na ikinataas ng dalawang kong kilay. Magsasalita sana ako kung hindi lang sa sumingit na si Hao.
"Parang ang close niyong dalawa? Nakikita ko. Diba, Liling?" sabi ni Hao. Tumango naman ang babaeng nagngangalang Liling sa gitna nila ni Mip. Isang malapad na ngiti lang gumuhit sa bibig ng kaibigan ko. "Matagal na ba kayong magkaibigan?"
"Ha? Hindi kami magkaibigan," pagtanggi ko. "Ngayon nga lang kami nag-usap nito."
"Ano naman sa'yo?" ang mariing sabi ni Gavin na ikinayuko ng ulo ni Hao. Nangliit ito bigla sa klase ng titig ni Gavin sa kanya. Binatukan ko nga siya para matigil. Ako naman tuloy ang tiningnan niya ng masama.
"Tao talaga ito. Kaya wala ka sigurong mga kaibigan ganyan pag-uugali mo," sinabihan ko siya na para ako ang tatay niya. "Habang buhay kang mag-isa kung ganyan ka."
"Makapagsalita ka para ang dami mong kaibigan," ang sabi sa akin ni Gavin habang kinakamot niya ang kanyang batok.
"Pinili ko na huwag makipagkaibigan. Okay na ako kay Mip." Tinuro ko pa si Mip na ngumiti ng banggitin ko ang kanyang pangalan. Bumuntong hininga ng malalim si Gavin sabay kumyos ng kamao sa mesa. Matapos nito'y tumahimik ang lahat hanggang sa dumating ang aming mga order. Naroon parin ang katahimikan sa paglagay ng waiter ng pagkain sa mesa at sa pagsisimula naming kumain. Walang nagsasalita sa amin sa takot nila kay Gavin.
Mabilis akong lumamon kaya napapatingin sa akin si Gavin. Si Mip kasi sanay na sa akin na ganoon. Ilang sandali'y naubos ko ang inorder ko. Napapatitig ako sa dumplings ni Gavin kasi hindi pa niya nakakain iyon. Nilunok ko muna ang laman ng bibig ko. Mahilig kasi ako sa dumplings kaya inilapit ko ang chopsticks ko sa dumplings niya para kunin. Sa kasamaang palad bigla niya akong pinalo ng hawak niyang chopsticks. Sa lakas ng pagkapalo niya namula ang kamay ko. Uminom na lang ako ng tubig. Nang maibaba ko ang baso na wala ng laman, nilagay ni Gavin ang dumplings niya sa akin matapos niyang itabi ang wala ng laman kong pinggan. Lumaki ang puso ko sa pinakita niya. Wala siyang sinabi at patuloy lang sa pagkain ng wonton. Dahil labis ang tuwa ko, kinain ko ang binigay niya.
Nang matapos sa pagkain nagpaalam na ako sa kanila. "Mauna na ako ha," ang sabi ko.
"Sige. Kita na lang tayo bukas," ani Mip na mahinhing kung kumain.
"Paalam sa inyo." Umalis na ako't lumabas ng restaurant na hindi lumilingon.
Sa aking paglalakad pakiramdam ko'y may sumusunod sa akin. Pagkalingon ko'y nakita ko si Gavin na naglalakad. Nagsindi siya ng yosi sabay ipit sa kanyang bibig. Lumapit ako sa kanya kasi pakiramdam ko para na kaming magkaibigan. Sinabayan ko siya sa paglalakad na walang sinasabi. Nauubo ako sa usok ng sigarilyo. Nang mapansin ito ni Gavin nagsalita siya. "Hindi mo gusto ang sigarilyo?" aniya. Nagkibit-balikat lang ako sa kanya. "Ayaw mo pala. Tapos sumabay ka pa sa akin."
"Gusto ko lang." Tila nabigla siya sa sinabi ko. "Uuwi ka na?" ang tanong ko.
"Sa tingin mo?" aniya sabay tapon sa yosi sa tabi. Hindi ko alam kung bakit niya tinapon.
Pinag-isipan ko pa at tiningnan siya sa aming paglalakad kung uuwi na siya. "Mukhang hindi pa. Mukhang may pupuntahan ka pa. Iba ang direksyon mo," sabi ko. Hindi siya nagsasalita kaya ako na lang ang kumausap sa kanay. "Ano bang nagpabago sa isip mo talaga? Gusto mo ng makilala iyong makakapareha mo?"
"I told you. I can get girls anytime I want. Hindi ko kailanganing kilalanin iyong babae," aniya.
"May-ari ka ba ng brothel house?" Tumawa pa ako kaya sinamaan niya ako ng tingin. "Ganoon ang pagkasabi mo eh. So, ano nga ang dahilan?"
"Hindi mo ba makita?" seryosong niyang tanong. Naguguluhan ako sa kanya.
"Ang alin?"
"Hopeless ka talaga."
"Sabihin mo na kasi," pagpupumilit ko. Narating na namin ang parte ng unibersidad na puro pine tree ang nakatubo sa magkabilang ibayo ng kalsada.
"It's because of you." Sa malayo siya tumingin ng sinabi niya iyon. Napatigil ako sa kanyang sinabi. Dahil daw sa akin? Hindi ko siya maintindihan. Malayo na siya sa akin nang sumunod ako.
Sinabayan ko ulit siya sa paglalakad. "Bakit ako?"
"Gusto ko kasing malaman kung bakit mayroong weirdo, istupido, at baliw na tao dito sa unibersidad. Mukhang ka kasing ligaw."
"Ang dami mong masamang sinabi sa akin ah," sigaw ko sa kanya.
Tumawa lang siya ng bahagya na ikinatigil ko ulit sa paglalakad. Iyong tawa niya kasi kakaiba na bihirang maririnig. Sa pagkatulala ko'y lumiko siya sa kaliwa. Ako naman ay sa kanan kaya hindi na ako sumunod sa kanya. Labis ang ngiti ko pag-uwi ko sa narinig ko mula kay Gavin.