Ang aking ulo ay nakarating na ng alapaap sa sobrang pagkalutang. Mistula akong zombie na naglalakad papasok na eskwelahan. Hindi na naman ako nakatulog kagabi. Dahil lang sa ibang rason. Hindi dahil sa aking part time job kundi dahil sa isang tao. Ako'y labis na naguguluhan sa iginawi ni Gavin kagabi pagkauwi namin. Basta lang siyang bumaba ng kotse ni Mip upang sumakay na lang ng taxi kahit puwede naman siyang makisabay kay Mip. Ni isang salita o pagpapaalam ay wala siyang sinabi.
Isa siyang misteryo na hindi ko maarok.
Nagtuloy-tuloy ako ng lakad na wala sa sarili at papikit-pikit ang mata hanggang makarating ng gusali.
Sa paglalakad ko sa pasilyo nabuhayan ako ng dugo. Ang mata kong kanina pa bumibigay ay biglang lumaki nang makita ko ang pamilyar na bulto ni Gavin. Magkakasalubong kami sa paglalakad. Ang suot niya'y puting polo at pantalon kaya kung pagmamasdan siya'y nakakasilaw. Ang dibdib ko'y biglang kumabog na hindi ko malaman ang dahilan. Tuwid siyang naglalakad na hindi man lang akong makuhang tingnan. Kahit kaseryosohan ang nakaguhit sa kanyang mukha nagdadala parin iyon ng makabuhay dugong kaguwapohan.
"Good morning, Gavin!" ang pagbati ko sa kanya nang tuluyan kaming magkasalubong. Binuhusan ako ng hindi makitang sandamak-mak na balde ng tubig kasabay ng pamimilipit na aking dibdib. Hindi man lang niya ako pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad. Nanatili lang akong nakasunod ng tingin sa kanyang likuran.
Balak ko sanang huwag na lang pansinin ang pinapakita niya ngunit sa paglalakad ko'y napasunod na lang ako sa kanya.
Naisip ko na baka mayroon siyang problema kaya nagkakaganoon siya. Nasa second floor ang sunod niyang klase samantalang ako'y nasa first floor. Kahit alam kong magsisimula na ang klase ko sa arts, hindi ako tumuloy bagkus ay nakabuntot ako kay Gavin na parang asong ulol. Doon ko napagtanto na masyado na talaga akong napalayo sa mundo nitong mga nagdaang araw. Paano ba naman kasi iisang lugar lang ang kinalalagyan namin ni Gavin pero noong isang araw ko lang siya nakilala.
Pinaakyat ko muna siya ng second floor bago ako sumunod upang hindi niya ako mapansin. Napapatingin sa akin ang mga estudyanteng napapadaan kasi para akong baliw na sumisilip sa taas habang nasa hagdan. Nang masiguradong nakatuloy na si Gavin sumunod na ako ng akyat. Pagkarating ko sa pasilyo sa ikalawang palapag, hinanap ko siya sa bawat silid. Hanggang sa nakita ko nga siya sa silid na masyadong maliwanag.
Maingat akong sumilip sa iba-ba ng bintana at sinipat ang kinapuwepuwestohan ni Gavin na nasa pinakahuli. Wala man lang siyang katabi.
Nagsusulat ang professor nila na may katandaan naring babae sa harapan habang nagkokopya naman ang mga estudyante na mahigit dalawampu kasama si Gavin. Nilinga ko ang aking ulo't nakita ko sina Mip, Hao at Liling na magkasunod ang upuan. Nakalimutan ko na magkaklase nga pala silang apat. Itinigil ko ang pagsilip ko kasi baka magkaroon ako ng kung anong bukol sa mata. Gumapang ako ng dahan-dahan patungo sa pintuan. Sinigurado kong walang nakatingin sa akin bago ako pumasok sa pamamagitan ng paggapang sa aking tuhod at kamay.
Mabilis akong lumapit na tinutumbok ang kinauupuan ni Gavin. Nagtago ako sa likuran ng mesang kanyang katabi. Hindi man lang siya nagsusulat. Sa libro lang na hawak ang kanyang atensiyon. Naupo ako sa sahig saka tinawag ang kanyang pansin sa aking pagsitsit. Sa kasamaang palad hindi pa rin niya ako tinitingnan. Inulit ko ulit ang pagsitsit sa kanya pero wala paring resulta. Tutok parin ang kanyang mata sa libro.
Inunat ko ang aking paa na balot na sapatos at kinalabit siya sa kanyang paa. Nakailang kalabit ako sa kanya pero wala parin siyang reaksiyon. Pinapabayaan niya lang ako sa pagkalabit sa kanya. Ako ang kusang sumuko dahil sa pangangalay ng ginagawa ko. Bumusangot na lang ang mukha ko. Sinipa ko na lang siya sa kanyang upuan sa sobrang pagkabwisit na napuna ng kanilang professor. Tiniis niya lang ang sakit.
"Mister sa pinakalikod, anong ginagawa mo sa sahig? Maupo ng maayos," ang sabi nito na sa tingin ko'y ikinatigil ng mga estudyante sa kanilang ginagawa.
Kamot-ulo akong tumayo habang pilit na ngumingiti. Nagkasalubong kaagad ang kilay ng professor. "Pasensiya na ho ma'am," ang sabi ko pa.
Ang mga mata ng mga estduyante ay sa akin napako. Samantalng si Mip ay makahulugang tingin ang pinukol sa akin. Si Mip at Hao ay pinagpatuloy ang pagsusulat nang malamang ako lang pala ang taong nakaistorbo sa klase. Hindi naman ang reaksyon nila ang gusto kong makuha. Ang atensiyon ni Gavin ang kailangan dahil hindi niya ako pinapansin. Gusto kong malaman kung bakit siya biglang nagkakaganoon na mistulang bagyo.
"Ano bang ginagawa mo rito sa klase ko? Wala akong maalala na kinuha mo ito mula noong pasukan," ang sabi ng ginang. Hawak nito ang libro at chalk.
Nag-isip ako ng madadahilan sa klase na hindi ako mabubuko. Isa lang ang naisip na tamang-tama sa nangyari. "Nais ko po sanay mag-sit in sa klase niyo po," ang paggawa ko ng kuwento na sanay paniwalaan ng professor.
Pinakatitigan ako ng professor na tila baga pinag-aaralan niya ako. Bumuntong hininga ito ng malalim bago sumagot. "Okay. Just stay quiet para hindi mo maistorbo ang iba," anito saka pinagpatuloy ang kanyang pagsulat sa pisara.
"Salamat ma'am," ang magiliw na sabi ko sa ginang bago ako naupo.
Hindi ko naman nasunod ang sinabi ng ginang dahil pagkaupo ko palang nakatutok na ako kay Gavin. Nakasunod lang ang mata ko sa bawat paglipat niya sa pahina ng libro. Ang pagalitan siya ng ginang ay hindi man lang nangyayari kahit hindi siya nagsusulat ng lesson. Pinakititigan ko ang seryoso niyang mukha na nasisinagan ng araw. Mukha siyang demonyo na nagpanggap na tao sa paraan ng kanyang pag-upo at postura.
Sinakyan ako ng pagkabagot kaya, naglabas ako ng notebook saka nagpitas ng papel. Nagsulat ako ng katanungan sa papel bago ko tinupi ng dalawang beses.
Anong problema natin? Ito ang isinulat ko.
Ang sulat ay binigay ko sa kanya. Pumasok lang sa isipan ko na baka hindi niya gustong magsalita kaya sa pagsulat ko dinaan. Pinatong ko sa kanyang mesa ang sulat. Kinuha niya naman pero hindi naman niya binasa. Nilagay niya lang sa ilalim ng mesa kasama ng mga basurang naroon.
Nagsulat ako ulit kagaya ng dati. Pero ngayon dalawang pangungusap na. Sa bilis na pagsulat ko halos punitin ko ang papel.
Natamaan ka ba ng bulalakaw kaya ka nagkakaganyan? Magsalita ka naman.
Binasa ko pa kung tama ang sinulat ko bago tinupi saka nilagay ulit sa mesa niya. Kinuha niya naman pero isinama niya sa basura katulad ng una na ikinapang-init ng ulo ko. Huminga ako ng malalim para makontrol ko ang sarili ko. Baka magkagulo pa kaming dalawa sa klase. Tumahimik na lang ako't inantay siya na ako ang pansinin. Sa kasamaang palad bumigat na naman ang talukap ng mata ako. Isama pa ang sobrang nakakabagot na klase kaya tuluyan akong nakatulog sa mesa.
Nagising ako dahil sa isang topic sa aking balikat. Pagkamulat ko ng aking mata at pag-angat ko ng aking sumalubong sa akin ang nakangiting si Mip. Hindi ko ito pinansin bagkus ay aking nilingon si Gavin na wala na sa kanyang kinauupuan. Tumayo ako't inikot ang aking mata sa kabuuan ng classroom. Wala ng tao sa silid maliban sa amin ni Mip.
"Kung gusto mong malaman nasa cafeteria ngayon iyon si Gavin. Kapag walang klase doon iyon naglalagi," ang pagbibigay alam ni Mip sa akin.
Pagkarinig na pagkarinig ko ng kanyang sinabi kaagad akong lumakad na walang sinasabi sa kanya. Pero napansin ko ang ngiti nitong abot taenga.
Pagkaalis ko ng silid lakad-takbo ang ginawa ko pa-ibaba ng hagdanan. Muntikan pa akong makabangga kaya nahinto ako sa paghakbang. Nang tingnan ko kung sino nagulat na lang ako kasi ang mukha nito'y may mga band-aid dahil sa pagsuntok sa kanya ni Gavin sa kanyang kaarawan.
"Oh, ba't para kang nagmamadali?" ang tanong pa nito sa akin. Ngumiti lang ako ng tipid sabay muling lakad.
"Hindi naman," ang sabi ko na lang at nagtuloy-tuloy sa pagbaba ng hagdanan.
Pagkalapat ng aking paa sa unang palapag, dumiretso ako sa cafeteria na kasunod ng building kung saan ang aking klase. Kung pagmamasdan sa labas mistulang restaurant ang cafeteria. Ito ang unang beses na papasok ako rito. Sa dami kasing taong kumakain doon hindi ako pumupunta. At saka wala naman pati akong pangbili ng pagkain dito kasi masyadong mahal para sa tulad kong nagtitipid.
Nang marating ang bukana ng cafeteria, sumilip-silip ako sa mga salaming pader nito upang malaman kung naroon nga ba si Gavin. Baka kasi pinagloloko lang ako ni Mip na naroon siya.
Ang dibdib ko'y napuno ng galak nang makita ko nga si Gavin na nasa malayong sulok ng ng cafeteria. Wala man lang siya na katabing kumakain sa mga mesang sinundan niya. Hindi rin naman siya kumakain kahit may mga pagkain ng nakalatag sa harapan niya. Patuloy parin siya sa pagbabasa ng libro na kanyang hawak.
Ang akala ko'y binili niya ang pagkain at iyon pala'y nilalagay lang ng mga babaeng naroon na lubos ang paghanga sa kanya. May lumapit na isang babae sa kanyang mesa sabay lagay ng nakabalot na pagkain na hindi ko malaman kung ano. Pagkalapat ng pagkain sa mesa sinamaan ni Gavin ng tingin ang babae kaya kaagad itong umalis dahil sa takot. Pero pagkabalik ng babae sa mesa nito kasama ang kabarkada, nagtitili ito na animoy kinikilig.
Isang buntong hininga na lang ang ginawa ko. Mga babae nga naman, ang sama na nga ng pinapakita ni Gavin. Kinilig pa. Gawin ko rin kaya iyon kay Mia, kiligin kaya sa akin iyon. Napapangisi ako sa naisip ko, kapag nagkita kami susubukan ko.
Nang masiguradong walang aberyang mangyayari, tuluyan na akong pumasok na cafeteria. Bago pa ako makalapit kay Gavin may tumawag ng pansin sa akin sa pamamagitan ng pagkaway-kaway. Nilingon ko ito't sumalubong sa akin ang mukha ni Luna. Nakaupo itong mag-isa sa mesa kalapit ng counter. Lumapit ako sa kanya sa pagsenyas nito na puntahan ko ito.
"Anong atin?" ang kaagad kong tanong. Siyempre, pinagtitinginan na naman ako ng mga taong naroon. Dahil siguro kausap ko ang pinakamagandang babae sa unibersidad na iyon.
"Maupo ka muna," anito na kaagad ko namang sinunod. Sa harapan niya ako naupo. Bawal tumanggi sa mga magaganda upang pagpalain din ako. Darating ang araw na ipapakilala nito ako sa amiga kapag naging mabait ako sa kanya. "Balak mo bang kausapin si Gavin?" tanong nito sa pagkagat ng matipid sa hawak na hamburger.
"Oo. May itatanong lang ako," ang sabi ko dahil iyon naman talaga ang totoo.
"Huwag mo ng ituloy," ang makahulugan nitong wika kaya napapasalubong ang aking kilay.
"Bakit naman?" Naguguluhan ako sa sinasabi ni Luna.
"Kasi nga ayaw ni Gavin na nilalapitan siya kapag narito siya. Mabubulyawan ka lang kung susubukan mo." Napaisip ako sa sinabi nito. Wala namang problema sa akin kung bulyawan man ako ni Gavin. Kasi kapag ginawa niya iyon bubulyawan ko rin siya ng malakas pa sa gagawin niya.
"Okay lang. Sanay na ako sa mga tulad niya."
"Hindi ka man lang ba natatakot?" Nilingon ko si Gavin nang tanungin nito ako ng ganoon. Pinagmasdan ko ang mukha ni Gavin bago ko nilingon ulit si Luna.
"'Di naman." Nagkibit-balikat na lang si Luna sa aking sinabi. Sumagi sa isipin ko ang sinabi sa akin ni Gavin patungkol sa kanya. Nilapit ko ang mukha ko sa kanya para bumulong. Kumunot ang noo nito dahil sa ginawa ko. "May sasabihin pala ako. Kailan mo pa nalamang lesbian ka?"
Nanglaki ang mata ni Luna sa sinabi dahil ba sa nalaman ko ang kanyang sikreto. Hindi ko naman ipagkakalat ang tungkol doon. Gusto ko lang malaman kung paano nito nalaman. "Sinong may sabi sa'yo na lesbian ako, ha?" ang may inis na sabi ni Luna.
"Si Gavin," ang sabi ko na lang. Pagkarinig nito sa pangalan ni Gavin kaagad na gumuhit ang galit sa kanyang mukha.
"Hind ako lesbian. Porket hindi niya ako gusto gagawan niya ako ng kuwento." Iyong dating tipid nitong pagkain sa hamburger naging dragon na pagkain. Ako naman ay nagulat din sa kanyang sinabi. Naniwala naman ako kay Gavin. Akala ko naman kasi totoo. Napatayo ako bigla. Bago pa ako makaalis may sinabi sa akin si Luna. "Batukan mo nga si Gavin para sa akin. Para makabawi ako."
"Sure," ang sabi ko na naka-thumbs up pa. Kasi naloko rin ako ni Gavin. Hindi parin naalis ang inis pagmumukha nito.
Pagkatapos nito'y lumapit nga ako kay Gavin sabay batok sa kanya ng malakas. Nasubsob siya sa mesa kasabay ng tilian ng mga babae. Sa akin lahat napunta ang atensiyon dahil sa ginawa ko. Matalim ang mga matang tumingin si Gavin sa akin. Nagpupuyos siya sa galit pero mukha namang nagpipigil. Kinumyos niya ang kanyang kamao. Naupo ako sa kanyang harapan. Ang ilang pagkain ay nasagi ko kaya nahulog sa sahig. Pinulot ko't binalik sa mesa. Pagkatingin ko kay Luna, tumatawa siya ng mag-isa. Ang ibang babae naman ay nagbulungan at ang sama ng tingin sa akin dahil siguro sinaktan ko ang kanilang hinihangaan.
Akala ko'y uupakan ako ni Gavin pero hindi naman niya ginawa. Balik siya sa dating gawi, sa pagbabasa ng libro. Hindi parin niya ako pinapansin kahit nasa harapan niya na ako. Sa mga mata niya nakatutok ang mga mata ko. Nadadala ako ng pagtaas baba ng kanyang pilik mata.
"Hoy, kausapin mo ako. Magsalita ka diyan," ang sabi ko pa sa kanya. Wala parin siyang kibo. Sa patuloy niyang hindi pagpansin sa akin sa hindi ko malamang dahilan, nakaramdam ako ng paninikip at kirot sa aking dibdib. Hinablot ko ang libro mula sa kanya sa sobrang inis. "Ano ba Gavin? Paano ko malalaman kung may problema ka sa akin, kund hindi ka magsasalita diyan?"
Tiningnan niya lang ako na walang sinasabi. Ang lalo ko pang ikinainis ay ang pagtayo niya't ang kanyang pag-alis. Dumagdag lang ang inis sa sarili ko dahil sa ginawa niya. Hindi ko siya maintindihan. Pakiramdam ko tuloy hindi talaga kami malapit. Oo nga naman, kakikilala lang naming noong isang araw. Pero pakiramdam ko kasi may kasalanan ako. Ang tanging nagawa ko na lang ay sundan siya ng tingin hanggang sa makalabas siya ng cafeteria.
Sa aking pag-iisip lumapit sa akin si Luna. "Ito ang unang beses na umalis siya ng cafeteria na wala pang ten o'clock. Umaalis lang siya kapag lampas alas diyes," ani Luna sa akin na pinagmamasdan pa ang maliit na relo sa galanggalangan. Hindi ko naman alam kung bakit kailangan nitong sabihin sa akin iyon.
Humugot ako ng malalim na hininga sabay sigaw na ikinagulat ni Luna. Napatili pa nga ito. Tumayo ako't sinundan si Gavin habang hindi pa nakakalayo. Nang makita ko ang pamilyar niyang likod, bumuntot ako sa kanyang paglalakad sa pathway patungo sa field. Naglagay ako ng sampung hakbang sa pagitan naming dalawa bago ko hinigpitan ang kapit sa kanyang libro. Inasinta ko ang kanyang ulo sabay bato ng malakas sa libro. Tinamaan siya sa batok na kaagad niyang ikinalingon. Gumuhit ang galit sa kanyang mukha.
"Kung ayaw mo akong kausapin sabihin mo. Hindi itong naguguluhan ako kung bakit ka nagkakaganyan. 'Di mo ako gustong kausap, puwes hindi ko rin gusto. Gagu!" sigaw ko sa kanya habang kami lang ang taong naroon. Imbis na sumagot ang hinayupak pinulot niya lang ang libro. Sa pagkabwisit ko sa kanya nilapitan ko siya sabay sipa sa kanyang hita. Iniwan ko siya matapos niyang umaray dahil sa sakit.
Busangot ang mukha ko sa paglalakad na walang direksiyon. Kung hindi pa ako nakasalubong ni Mip baka hindi ako tumigil sa paglalakad. "Hoy! Ang sama ng tingin mo ah. Sino ba ang kaaway mo?" anito kasabay ng pagtapik sa aking balikat. Pinagmamasdan nito ang paligid kung may nakikita ito na aking kaaway.
"Si Gavin. Hindi ko alam bakit ayaw akong kausapin. Nagpapansin na ako't lahat lahat wala paring lumalabas sa bibig niya," pagbibigay alam ko kay Mip. Tinawan niya pa ako kaya pinagsalubong ko ang dalawa kong kilay sa kanya. Nakatayo lang kami sa gilid ng gusali habang dumadaan ang ibang estudyante. Sinamaan ko si Mip ng tingin nang pakiramdam ko'y hindi ito titigil sa kakatawa. Nakuha pa nito akong palu-paluin sa braso.
"Ganoon talaga iyon. Wala talaga iyong kinakausap," ani Mip na may naiiwan pang kaunting tawa. "Pero sa tingin ko iba iyong ang dahilan ngayon kaya hindi ka kinakausap. Sa lahat kasi ng taong gustong makipaglapit sa kanya, ikaw lang iyong hinayaan niya. Siguro dahil hindi mo siya kilala kaya interesado siyang makilala ka. Huwag ka kasing masyadong magpapansin."
"Alam mo ba iyang sinasabi mo ha, Mip? Gusto ko lang malaman kung may problema siya sa akin. Kapag sinabi niya sa akin na mayroon. Hindi ko na siya pakikialaman kung iyon ang gusto niya." Pinakrus ko pa ang braso ko sa aking dibdib. Dadagdag pa itong si Mip sa inis ko.
"Ang hina mo talaga. Naintindihan naman kita. Dahil ito ang unang beses na nagkainteres ka rin sa isang tao diba kaya diba mo alam kung anong nararamdaman at gagawin mo diba?" Tinaas-taas pa nito ang kilay sa akin. Makahulugan ang kanyang sinabi sa akin. Kung ang ibig sabihin nito ay tungkol sa pakikipagkaibigan, marahil tama ito. Pero huli na nang malaman ko na hindi pala dahil sa pakikipagkaibigan kay Gavin kaya ako nagiging parang isang baliw. Hindi ko lang talaga mabigyan ng kahulugan ang mga nangyayari nang mga oras na iyon.
"Lumalayo ka na sa tunay na pinag-uusapan," sita ko sa kanya.
Bumuntong hininga na lamang ng malalim si Mip sabay tapik. "Ganito na lang gawin mo, huwag kang magpapansin kay Gavin. Sigurado kusa iyong lalapit sa'yo," anito sabay lakad pero bago pa ito makalayo sa akin, ako'y kanyang nilingon. "Habol ka na lang sa parke ha. May meeting ang grupo. Puwede ka namang malate. Gawin mo ang gusto mo. Para naman maging masaya ka."
Pinagtabuyan ko si Mip sa pamamagitan ng pagwasiwas sa aking kamay. Kumaway na lang ito na tumatawa. Hinawakan ko ang aking ilong sabay lakad upang mag-isip.
Kung hindi ako magpapansin kay Gavin posible nga kayang kusa niya akong kausapin. Pero tingin ko napaka-imposible kasi gaya ng sabi ni Mip, wala naman talaga itong kinakausap. Ako naman itong temang akala naman importante kay Gavin. Pero hindi ko talaga kayang walang sinasabi sa akin si Gavin. Sa huli, muli ko siyang hinahanap.
Pinuntahan ko ang puwede niyang puntahan. Sa malapad na field ang inuna ko kasi iyon ang direksiyon na pinuntahan niya, pero wala naman siya sa mga taong nanunuod ng practice ng soccer team. Bumalik ako ng gusali, inikot ang dalawang palapag, sinilip ang bawat kuwarto, sa kasamaang palad wala parin akong nakikitang Gavin. Nagtataka tuloy ang mga nakakapansin sa akin.
Muli na lang akong bumababa ng gusali na habol ang hininga. Pinagmasdan ko ang kalaparan ng lugar sa aking harapan, pero wala rin sa mga taong naglalakad si Gavin. Doon ko na napagtanto na kailangan ko nga talaga ng cellphone para kahit papaano'y matawagan ko ang hinayupak. Ang kaso wala akong cellphone.
Nang mapalingon ako sa hilera ng mga stall na nagtitinda ng mga pangmeryenda, sa stall ng shake sa gilid ng gusali ako nakapokus, napalunok ako ng laway. Ako'y nakaramdam ng pagkauhaw, sa kasamaang palad ang pera ko sa bulsa'y pangpamasahe ko na lang. Dinaanan ko na lang ang stall at dumiretso sa likuran ng gusali na lutang ang isipan kaya ang paligid ko'y hindi masyadong napansin. Pagkarating ko sa likuran ng gusali naupo ako sa pagkadismaya. Hindi ko talaga alam kung saan ko hahanapin si Gavin.
Hindi ko na alam ang nangyayari sa akin.
"Nakakainis ka Gavin!" ang sigaw ko sa sobrang pagkadismaya. Wala namang makakarinig sa akin sa parteing iyon ng campus kasi pader lang ang kaharap ko. Ang akala ko'y isang pagkakamali dahil may tumunog na cellphone kalapit ko.
Pagkalingon ko sa kaliwa naroon si Gavin, nakaupo sa naroong mesa. Patuloy sa pagtunog ang kanyang cellphone. Nagkasalubong pa ang aming mga mata. Ibig sabihin narinig niya ang pagsigaw ko. Wala naman sa kanya dahil sinagot niya na lang ang cellphone at hindi na ako tiningnan pa. Hindi naman siya nagsalita sa kung sino ang tumawag, nilapit niya lang sa taenga sabay patay sa tawag. Hinimas niya ang kanyang leeg at ang naisip ko'y baka nuuhaw siya. Mataman niya akong pinagmasdan bago pinagpatuloy ang pagbabasa sa librong ibinato ko sa kanya.
Napasimangot na lang ako't umalis. Pero nang mapadaan ako sa stall bumili ako ng shake, baka kailangan ng pa-in para kausapi niya ako. Kaya kahit pamasahe na lang natitira sa pera ko, binilhan ko siya ng shake. "Manang, isa nga diyan. Iyong masarap," sabi ko sa ginang sa likuran ng stall. Binunot ko ang pera ko sa bulsa na dalawampung limang piso lamang. Sakto lang talaga sa pangbayad.
"Yung with love?" biro ng ginang. Sabay ihinanda ang shake na aking order.
"Oho," napasagot na lang ako na may kasamang tango. Ilang minuto lang ang paghanda ni manang sa shake bago nito binigay sa akin. Nagbayad na ako pero parang ayaw kong ilagay sa palad ng ginang ang pera ko. Panigurado kapag binayad ko maglalakad talaga ako. Nang maisip ko si Mip, binayad ko na lang at umalis bitbit ang shake.
Bago ako bumalik sa kinauupuan ni Gavin. Sinulatan ko muna ang baso gamit ang pentle pen mula sa aking bag. Ang nilagay ko ay 'Demonyo, smile ka. Kausapin mo naman ako'. Nang masiguradong sakto ang nakasulat binalik ko ang pentle pen at tumungo na kay Gavin.
Tahimik akong lumapit sa kanya sabay upo sa kanyang harapan. Malalim na buntong hininga ang kanyang ginawa kasabay ng paglipat sa pahina ng libro. Pinatong ko muna sa mesa ang shake bago ko naisipang magpacute sa kanya. Baka gusto niya iyong mga babaeng nagpacute. Ngunit dahil hindi ako babae, nagpaguwapo na lang ako sa harapan niya. Inalis ko ang salamin ko sabay patong sa mesa. Lumabo ang aking mata sa malapitan. Sinuklay-suklay ko ang buhok ko sabay kindat-kindat ng kaunti kasabay ng pagdila at pagkagat labi.
Narinig ko na lang ang pag-ubo-ubo niya kaya sinuot ko ang salamin ko baka napano siya. Wala namang nangyari sa kanya. Tumataas-baba lang ang kanyang balikat sa patuloy niyang pag-ubo.
"Ito inumin mo," binigay ko sakanya ang shake. Ngunit imbis na kunin tumayo siya't iniwan na lang ako. Sinakluban na naman ako ng inis sa pagtitig ko sa papalayo niyang bulto. "Walangya naman Gavin! Sayang lang ang pera ko ritong binili. Tapos hindi mo naman tatanggapin. Pamasahe ko na lang kaya iyon!" ang sunod sunod kong sigaw sa kanya.
Bigla siyang tumigil sa paghakbang sabay pihit ng katawan. Bumalik siya at kinuha ang shake. Iyong inis na naramdaman ko sa kanya mula kanina pa'y biglang nawala. Natuwa ako ng kunin niya ang shake kahit napilitan lang. Kaya ayun lumilipad ang aking isipan dahil sa galak na aking nararamdaman. Namalayan ko na lang na tuluyan siyang nakaalis nang muli akong tumingin sa labasan.
Tumayo narin ako't masayang naglalakad patungo sa parke. Para akong baliw na kay lapad ang ngiti. Nakita ko si Mip kasama si Hao at Li Ling sa isang mesang gawa sa katawan ng malaking kahoy sa lilim ng mayabong na puno. Nagtaka si Mip sa lapad ng ngiti ko sa labi. Pakiramdam ko kasi'y narating ko ang isang achievemeng sa pagtanggap ni Gavin sa shake. Kahit maglakad pa ako papauwi ay okay lang.
Naupo ako sa tabi ni Mip nang makarating ako sa mesa. "Okay na?" ang tanong pa ni Mip. Pinagmamasdan nina Liling at Hao ang unang kuhang bidyo sa laptop, samantalang itong si Mip nagbasa ng kung anong naka-print sa putting papel bago ako tinanong.
"Ang alin?" ang sabi ko naman sa kanya. Nagkibit-balikat na lang ito't ngumiti ng malapad. Doon ko pa lang napagtanto na hindi nga pala ako nakapasok sa dalawa kong klase. Isang malalim na buntong hininga ang aking nagawa, iyon ang unang beses na hindi ako pumasok. Maiiitindihan din naman ako ng dalawang professor kapag nagbigay ako ng alibi. "Anong sunod na scene?" ang naitanong ko na lang kay Mip. Kinuha ko ang binabasa nito at nakita ko ang mga nakalagay na puwedeng gawin na senaryo. Tinuro ko ang pinakahuli, iyong senaryo na hindi nagpapansinan sina Luna at Gavin. "Ito maganda."
Binigay ko ulit kay Mip ang papel. Tiningnan nito naman ang mga nakasulat. "Saan dito?" ang kanyang tanong.
"Iyang pinakahuli," ang sabi ko.
"Ah. Kasi nakarelate ka." Sa sinabi nito'y pinagmasdan ko ito sa mukha sabay bigay sa kanya ng masamang tingin. Tumawa na lang ito bigla.
Inabala naming apat ang panunuod sa bidyo nina Gavin. Bigla akong nainggit. Ang ganda kasi ng kuha. Bagay na bagay silang dalawa. Sinungaling na Gavin iyon, wala raw gusto kay Luna pero nang tingnan ko ang bidyo mukha namang mayroon. Sinabi pa niya sa akin na lesbian si Luna kaya naisip ko talaga tinatago niya na may gusto siya kay Luna. Nakaramdam ako ng lungkot sa hindi ko malamang dahilan, at matamlay na pinagmamasdan ang bidyo.
"Sakto talaga ang itsura ng dalawa sa isa't isa, ano? Maganda at guwapo," sabi ni Mip sa aming tatlo nina Hao at Liling. Tumango ako bilang sagot. Tiningnan ako ni Mip sa pananahimik ko.
"Siyempre magaling ang kumuha ng bidyo," ang sabi pa ni Hao na may pagmamalaki. Hindi ko naman ito masasabihan ng nagbubuhat ng bangko kasi magaling naman talaga ito.
"Tingin niyo mananalo tayo? Kahit pangalawa lang o pangatlo," ani ni Li Ling na tutok sa tumatakbong bidyo.
"Oo, naman," ang masayang wika ni Mip. "Pag nanalo tayo, ipapasyal ko kayo sa Palawan."
Nang marinig ko ang Palawan ay saglit kong nakalimutan ang aking pagkalungkot. "Sigurado ka? Gusto kung pumunta roon."
"Sabi ko nga diba. Pero dapat number 1 kaya pag-igihan niyo," ang sabi ni Mip na isa-isa kaming tiningnan na tatlo. "Saka kahit hindi ka sumama sa amin. Makakapunta ka. Ang kailangan mo lang ay isang tawag." Pinandilatan ko ito ng mata bago pa ito may masabi na iba. Itinikom na lamang nito ang kanyang bibig.
Naputol ang aming pag-uusap nang mayroon dumaang grupo sa aming mesan kinapupuwestuhan. Napatingin ako sa grupo kasi masyadong maingay. Nagtatawanan ang apat na lalaki na pinapangunahan ni Tristan. Nang mapansin ako ni Tristan kaagad itong nagpaalam sa mga kasama nito. Dumiretso na lang ang tatlong lalaki. Hindi ko na ito tiningnan sa kanyang paglapit at binalik ang aking atensiyon sa mga kasama ko.
"Anong theme niyo sa music bidyo?" ang tanong ni Tristan kay Mip. Pero ang mata sa akin nakatingin.
"Bakit kokopyahin mo tapos ibibigay mo sa grupo niyo?" sabi naman ni Mip na ikinatawa ni Tristan.
"Hindi naman. Gusto ko lang alamin. 'Di naman siguro masama," ani Tristan bago sa akin binaling ang atensiyon. "Puwedeng paupo?"
"Oo naman," ang sabi ko na lang saka umisog ng upo kay Mip upang may maupuan si Tristan.
"Kailan kayo nagkakilala?" ang hindi maiwasang tanong ni Mip sa akin. Pero ang sumagot sa katanungan nito ay si Tristan.
"Sa party ko," ani Tristan. May espasyo pa naman sa pagitan naming dalawa ni Tristan sa kanyang pag-upo. Pinagmamasdan ko ang kanyang mukha na natadtad ng band aid. "Baka malusaw ako," ang kanyang nasabi. Pinakunot ko ang aking noo dahil sa lumabas sa kanyang bibig.
"Pasensiya na pala sa pagbugbog sa'yo ni Gavin," ang sabi ko rito. Habang tinitingnan ko ito'y nagbabalik sa alaala ko na may kasalanan din ako kaya ito nabugbog ni Gavin.
"Bakit ikaw humihingi ng pasensiya? Saka nasanay na ako sa taong iyon. Dapat siya ang mag-sorry sa akin," ani Tristan na may kasamang ngiti sa labi.
Mayroon pa sanang sasabihin si Tristan ng biglang may inihampas na bag sa mesa sa pagitan naming dalawa. Pagkatingala ko para malaman kung sino ang may gawa sinalubong ako ng mukha ni Gavin na ang sama ng tingin. "Hindi ako magsosorry sa katulad mo. Anong ginagawa mo rito? You're not even included in this group," ang mariing sambit niya.
"Bakit? Hindi ka rin naman kasali sa grupo nila ah?" ani Tristan na hindi makatingin kay Gavin. Akala ko ba'y sanay na it okay Gavin pero bakit mukha naman itong natatakot.
"Para sabihin ko sa'yo. Ako ang lead actor na music video ng grupo." Hindi nakatiis si Gavin kaya hinila niya si Tristan sa likurang kuwilyo sabay tinulak sa damuhan. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko't wala ring naging reaksiyon ang tatlo. Para bagang alam na nilang ganoon ang mangyayari kay Tristan. "Huwag na huwag kang lalapit sa grupo dahil kung hindi baka mapatay na kita," banta ni Gavin. Wala ng nagawa si Tristan at umalis na lamang ito na bahag ang buntot.
"Ang laki talaga ng problema mo kay Tristan, ano?" sabi ko sa kanya pag-upo niya sa aking tabi. Pinagpagan pa niya ang inalisan ni Tristan bago niya inilapat ang kanyang pang-upo. Nainis ako bigla sa kanya kasi bigla na lang siyang nagagalit sa tao wala namang dahilan. Kung ganito lang namang tao ang maging kaibigan ko, di bale na lang sasakit lang ang ulo ko.
"Oo, malaki. Kaya kung gusto mo akong makausap lagi, huwag mo siyang kakausapin. I'm making you a deal," sabi niya pa ng mariin. Pinagtitinginan lang kami ng tatlo. Pinagmamasdan niya lang ako samantalang ako sa laptop ni Hao nakatingin.
Nilingon ko siya na salubong ang kilay. "Alam mo ba ang pinakaayaw ko sa lahat. Iyong taong nanakit ng wala namang rason. Sa'yo na iyang deal mo. Eh 'di wag mo akong kausapin. Mabubuhay ako kahit hindi kita kausap," ang matigas kong sabi sa kanya.
"Really? Hindi mo ako gustong makausap? Then, kindly explain, iyong pagpunta mo sa klase ko tapos binibigyan mo ako ng sulat! Ang pagsunod mo sa akin! Iyong pagbigay mo ng shake! Higit sa lahat iyong pagpapaguwapo mo sa akin! Sabihin mo nga, iyon ba ang may ayaw, ha!?" ang kanyang sigaw sa akin samantalang magkaharap lang kami. Nilinis ko ang taenga kasi nabingi ako sa pagsisigaw niya. Ito namang kasama naming tatlo natetense narin pareho.
"Para sabihin ko sa'yo!" Sumigaw narin ako. Hindi naman puwedeng hayaan ko lang siya na sigaw-sigawan ako. "Gusto ko lang malaman kung bakit mistula kang nag-iisa sa mundo! Hindi man lang makausap! Pero nagbago ng ang isip ko! Kung anong problema mo! Solohin mo na lang!" Dinutdot ko ng aking daliri sa kanyang noo.
Hinawakan niya ang ako ng mahigpit sa galanggalangan. Pinakatitigan ako ng masama. Kulang na lang sa aming dalawa ay magsuntukan. Nagkakasabay pa kami sa paghugot ng malalim na hininga. Ang aming mga mata'y nagkasalubong, nagsusubukan kung sino ang matitinag sa amin.
"Pahiram nga ng bag mo, Nixon. Sa ingay niyong dalawa kung ano lang naisulat ko," ang sabi ni Mip sa akin kaya naputol ang pag-iiringan naming ni Gavin. Hinila ko ang kamay ko sa paghawak ni Gavin. Pareho kaming tumahimik. Siya binaling na lang ang sarili sa pagbabasa ng libro. Binigay ko kay Mip ang bag ko. "Wala ka namang pangbura sa lapis," dagdag nito nang walang makita sa loob ng aking bag. Binalik niya sa akin ang aking bag.
"Sundin mo ang sinabi ko Nixon. Sa ayaw mo man o sa hindi. Or else hindi ko talaga itutuloy ang masali sa music video. I'm sure may konsensiya ka naman, diba? Dahil kung hindi ka papayag sa gusto ko. Panigurado hindi makakatapos ang mga kasama mo," pagbabanta ni Gavin sa akin na ikinataas ng dalawa kong kilay.
"I hate you, Gavin. I hate you," sinuntok ko siya sa braso na kanya lang tinanggap.
"Well, that's much better. Iyon nga ang gusto kong mangyari. Ang kamunghian mo ako." Kinuha ko ang bag niya't hinampas sa kanyang ulo. Minasahe niya ang kanyang ulo na pinalo ko ng bag sabay kapit sa aking kuwelyo. Hahampasin ko siya ulit ng bag ngunit hindi ko naitulo dahil hinila niya ako papalapit sa kanya hanggang sa isang pulgada na lang pagitan naming dalawa. Naghalo ang aming nilalabas na hininga. "'Pag hindi ka tumigil sa p*******t sa akin, hindi mo magugustuhan ang gagawin ko," ang bulong niya sa akin. May kung anong lumuwa sa kanyang bag dahil sa nakabukas ito. Nahulog sa mesa ang baso ng shake kasama ang ilang notebook niya. Gumulong ang papel na baso patungo sa harap ni Mip.
Inalis ko ang kamay ni Gavin saka siya tinulak at nilapag ang kanyang bag. "Akala mo naman natatakot sa kaya mong gawin," ang sabi ko pa kay Gavin sabay baling ng atensiyon kay Mip nang magsalita nito.
"Ano itong basura na ito Gavin?" ang sabi nito sabay kuha sa baso. Tumaas ang kilay nito nang mabasa ang nakasulat sa baso. "Alam ko kung kanina penmanship ito ah." Sa akin binaling ni Mip ang kanyang mata.
"Subukan mong huwag ibalik sa akin iyan Mip. Mararanasan mo ang empiyero," ang may galit na sabi ni Gavin. Pilit niyang inaabot ang baso na inilalayo naman ni Mip. Kaya ang seste nagkalapit ang aming mukha. Muntikan na niya akong mahalikan sa pisngi kung hindi ko lang siya nakuhang itulak kaagad.
"Aba may mga nakalagay pa na papel dito sa loob. Ito ba iyong binigay mong sulat kanina Nixon. Ano ito Gavin at Nixon?" sabi ni Mip. Ako na nga lang ang kumuha ng baso sa kanya bago pa nito mabuksan ang sulat. Ibinalik ko kay Gavin na namumula ang mukha dahil sa inis. Ibinalik ko sa loob ng bag niya ang baso kasama na ang kanyang notebook. Nang maisara ko ang bag bigla na lang siya umalis.
Habang nakatingin ako sa kanyang paglayo, gumuhit ang ngiti sa aking labi.
"Anong nangyayari sa'yo Gavin?" ang nasabi ko bigla nang tuluyan siyang mawala sa aking paningin dahil sa kanyang pagliko.
Pagkalingon ko sa tatlo nakangiting aso na naman ang mga ito. Sabay sigaw na para bagang nanalo sa lotto. Nailing-iling ako sa kanilang kabaliwan.