“CHANGE that cover. Walang dating. How many times do I have to reject your work? We need to finish this issue as soon as possible! Matatapos na ang buwan! Ano ba naman kayo?!” Hindi na napigilan ni Oliver ang mapasigaw nang sa pang-anim na beses ay hindi niya nagustuhan ang ipinakitang layout ng kanyang creative staff.
Hindi kumilos ang mga ito at tila mga takot na tutang hindi makatingin sa kanya. Lalo tuloy uminit ang kanyang ulo. “What are you all waiting for? Go now and do your job!”
Mabilis pa sa alas-kuwatrong lumabas ang mga ito ng conference room. Naiwan siyang naiirita pa rin. Marahas na hinawi niya ang buhok ng dalawang kamay at napasandal sa swivel chair.
Mayamaya ay narinig ni Oliver na bumukas ang pinto. “Leave if you don’t have anything good to show me,” hindi tumitinging asik niya sa kung sino mang nagbukas ng pinto.
“Tama pala ang nababalitaan kong tine-terrorize mo ang staff mo. Hanggang sa reception area, umaabot ang tsismis na bumalik ka lang daw galing sa bakasyon ay naging bugnutin ka na. Ano ba’ng nangyayari sa `yo, Kuya?”
Napaayos siya ng upo at napatingin sa pinto nang marinig ang tinig ng kanyang kapatid. Nakapamaywang ito at nagtatakang nakatingin sa kanya.
“Nagtaka na ako noong nagpaiwan ka sa resort two weeks ago dahil ang sabi mo, babalik ka rin agad sa Maynila. Pagkatapos nang bumalik ka ay ganyan ka na. Lagi kang aburido at nakabusangot,” sabi pa nito.
Hindi nakaimik si Oliver. Hinilot niya ang kanyang sentido. Hindi niya maipagtanggol ang sarili dahil matagal na niyang napapansin na mabilis uminit ang ulo niya nitong mga nakaraang araw. Kulang din siya sa tulog dahil tuwing pipikit siya ay imahen ni Ivy na puno ng hinanakit ang kanyang nakikita.
Madalas siyang tulala sa condo unit niya. Inaalala niya ang mga pagkakataong magkasama sila ni Ivy, ang mga tawa nito, ang mga ngiti, pati ang magandang tinig nito tuwing umaawit ito. Pagkatapos ay biglang babalik sa eksena ng huli nilang pag-uusap bago ito biglang umalis sa resort. Ni hindi siya nagkaroon ng pagkakataong magpaliwanag dito.
“Hoy, Kuya,” untag ni Elirei.
Huminga siya nang malalim. “Pressured lang ako dahil hindi ko pa rin nasosolusyunan ang tungkol sa Exposed. Sa tingin ko, ang makakapagsalba lang ng magazine ay kung makukuha kong cover story ang Wildflowers dahil marami silang followers. It will also serve as a vehicle for Exposed to be relaunched. Ang gusto ko, bawat buwan ay palaging magkakaroon ng cover story ng artist hindi gaya dati na purely gossip columns lang ang laman. Pero kahit ako na ang kumakausap sa manager nila ay ayaw pa ring pumayag. May ibang balak daw ang management nila para sa publicity ng banda,” aniya sa kapatid.
Bumakas ang simpatya sa mukha nito at umupo sa kalapit niyang swivel chair. “That’s a very nice idea, Kuya. Sayang dahil ayaw nilang pumayag. Pero `yon lang ba talaga ang dahilan kung bakit ka palaging bad mood? At tingnan mo ang mata mo o, para kang kulang sa tulog. Ano ba talaga ang problema, Kuya? Does this have something to do with Daressa?”
Napamaang si Oliver. “Alam mong nagpunta siya sa resort?” namamanghang tanong niya.
Bumakas ang pagkainis sa mukha nito. “Pinuntahan lang naman ako ng babaeng `yon para sabihin sa akin na pinuntahan ka niya. Minsan, pakiramdam ko ay sinasadya niya tayong galitin. Ang sabi niya, may kasama ka raw babae sa resort na iyon at—”
“Wala `yon, Elirei,” mariing putol niya sa sasabihin nito dahil bigla ay tila may sumuntok na naman sa kanyang sikmura.
Bumuntong-hininga ito. “Fine. Kung ayaw mong pag-usapan, eh, di huwag. Pero siguro naman, hindi mo ako tatanggihan na mag-lunch kasama kami ni Joan? Nasa restaurant na siya, iniwan ko sandali doon para sunduin ka. Come on, Kuya,” yaya nito.
Walang nagawang napapayag na lamang si Oliver. Mas mabuti na iyon kaysa mapilit pa siya ng kapatid na sabihin ang dahilan kung bakit hindi niya makontrol ang kanyang mood. He didn’t know how to tell her that it was because of a woman. Baka hindi rin ito maniwala dahil kahit kailan ay hindi siya naapektuhan ng kahit na sinong babae nang ganoon.
Si Ivy lang. At nasaktan niya ang babae. Kung makakahanap lang sana siya ng tiyempo na makita at makausap ito ay gagawin niya. Ang kaso, sa loob ng dalawang linggo at sa kabila ng mga meeting niya sa manager ng banda ay ni hindi pa niya ito nakikita.
“LUNCH na,” tinatamad na puna ni Stephanie nang mapatingin siya sa oras na nasa kanyang cell phone.
“Really? I haven’t noticed,” komento ni Anje na gaya niya ay nakasalampak lang sa couch. Nasa loob sila ng hotel room niya.
Bigla na lamang itong nag-doorbell kanina at nang pagbuksan niya ay para itong pinagsakluban ng langit at lupa. Nagmumukmok na nga siya sa hotel room niya ay nakisabay pa ito. Tuloy, ilang oras na silang mukhang ewan na nakasalampak lang sa couch at halos hindi nag-uusap.
Sabay silang napaigtad nang sunod-sunod na tumunog ang doorbell. Nagkatinginan muna sila bago siya tumayo upang pagbuksan ang nasa labas ng pinto.
“Let’s eat lunch. I need something to relieve my stress,” bungad ni Ginny pagbukas na pagbukas niya ng pinto. Lukot na lukot ang mukha nito at mapulang-mapula sa labis na inis.
“Ano’ng nangyayari sa `yo?” nagtatakang tanong niya. Alam na niya kapag naghahanap na ng pagkain si Ginny ay galit na galit na ito.
Humalukipkip ito at tumingin sa dulong bahagi ng corridor ng floor na iyon kung nasaan ang presidential suite na tinutuluyan ni Adam Cervantes. “Mauubos ang dugo ko sa lalaking `yon. Bakit ba kasi ako ang dapat magtrabaho kasama siya? Nasaan ba sina Carli at Yu?” reklamo nito.
“Busy sa kung ano-ano ang dalawang `yon. Kumain na nga lang tayo bago ka pa magwala riyan,” sabi ni Anje mula sa likuran niya. “Tara, sa ibaba na lang tayo kumain.”
Napangiwi siya. Ayaw niyang lumabas ng hotel room niya. Natatakot siyang baka makita niya si Oliver. Narinig kasi niya kay Rob na may isang Oliver Matias daw ang palagi itong kinakausap upang maging cover story ang banda nila sa magazine nito. Muli ay hindi niya naiwasang makaramdam ng pait. So, talagang iyon lang ang dahilan nito kaya ito lumapit sa kanya. At dahil hindi ito nagtagumpay ay dumerekta na ito sa manager nila. Masakit pa rin para sa kanya ang katotohanang pinaglaruan at niloko lamang siya nito. After all, she let him lure her to bed. Ni hindi nga niya iyon masabi sa mga kaibigan niya sa labis na kahihiyan.
Napabuntong-hininga na lamang siya nang hilahin na siya ni Anje palabas ng hotel room niya. Hindi naman siguro sila magkikita roon.
Iyon pa rin ang paulit-ulit niyang dinarasal nang makalabas sila ng elevator at naglakad patungo sa restaurant na naroon. Papasok pa lamang sila sa restaurant nang makarinig siya ng pamilyar na matinis na tili ng isang batang babae.
“Mommy, Tito, the Wildflowers!”
Napalingon silang tatlo sa pinaggalingan ng tinig na iyon. Nabigla siya nang makita ang batang babaeng tumatakbo palapit sa kanya—ang batang lumapit din sa kanya noong nasa resort siya. Mapapangiti na sana siya pero lumampas ang tingin niya at nakita niya kung sino ang lalaking kasama ng bata. Napaderetso siya ng tayo at nahigit ang hininga. It was Oliver. At nakatingin ito sa kanya na tila gulat na gulat din. Nang magtama ang mga mata nila ay inatake siya ng pagkataranta. Mabilis siyang napatalikod pabalik sa elevator.
“Stephanie, saan ka pupunta?” gulat na tanong ni Ginny ngunit hindi siya lumingon at malalaki ang mga hakbang na tinungo ang elevator.
Nakasakay na siya ng elevator at pipindutin pa lamang niya ang close button nang mapaigtad siya sa biglang pagpasok din doon ni Oliver. Bago pa siya makakilos ay nahawakan na ng lalaki ang kanyang braso.
Hinihingal pa ito habang nakatitig sa kanya. “Why are you running away?”
Sa halip na sumagot ay sumulyap siya sa labas ng elevator. Nakangangang nakatunghay sa kanila sina Anje, Ginny, at ang babaeng kasama nito. Huminga siya nang malalim at tiningnan nang matalim si Oliver. “At bakit mo ako sinundan? Ayaw kitang makita.”
Humigpit ang pagkakahawak nito sa braso niya at nagtagis ang mga bagang nito.
Napaigtad siya nang marahas nitong pindutin ang close button at ang button ng pinakaitaas na palapag kaya bago pa siya makapagprotesta ay sumara na ang pinto ng elevator.
“We need to talk, Ivy.”
“Don’t call me ‘Ivy,’” nanggigigil na saway niya. Ayaw niyang marinig na tawagin siya ni Oliver nang ganoon dahil hindi pala ito ang klase ng lalaking inaakala niya. She thought that night when she first met him was a magical and special night. Hindi pala dahil planado nito ang lahat.
“Tatawagin kitang ‘Ivy’ at wala kang magagawa do’n. Nakilala kita bilang si Ivy, bago ko nalamang ikaw si Stephanie. And I’ve been going crazy these past weeks knowing that you hate me. I’m sorry if I tried to fool you, okay? I’m sorry if I tried to lie to you. See? I tried. But I ended up forgetting my bad motives every time I was with you. Sa simula, naiinis ako sa sarili ko na makita ko lang na nakangiti ka, madikit ka lang sa akin, at mahawakan lang kita ay nakakalimutan ko na ang ibang bagay. But that night, when you sang to me, I decided to throw away my reservations and just be with you.”
May bahagi niya ang tinutubuan ng pag-asa habang ang isang bahagi ay ayaw maniwala. Paano kung may iba na naman itong motibo sa paghingi ng tawad? Masasaktan na naman siya. Sa huli ay namayani ang pagdududa at takot niyang masaktan uli nito. Pumiglas siya rito at malamig itong tiningnan.
“Stop it, Oliver. Narinig ko ang mga sinabi mo. I was just work to you. Huwag ka nang magsinungaling na may halaga sa `yo ang mga nangyari. After all, sa ating dalawa, alam ko namang ako lang ang dehado. Maybe you really can sleep with someone just for work.”
Dumilim ang mukha ni Oliver. “Do you really believe that?” malamig na tanong nito. Bago pa siya makapagsalita ay hinawakan na siya nito sa batok at hinigit palapit dito. Nanlaki ang mga mata niya. Sa kabila ng lahat ay nakaramdam siya ng tila koryente sa buong katawan nang mapasubsob siya sa dibdib ni Oliver at nadama niya ang init na nagmumula rito.
“O-Oliver.” Gustong iuntog ni Stephanie ang sarili na sa halip na magtunog-saway ang pagtawag niya ay naging tila mahinang daing iyon.
Pumaikot sa baywang niya ang isang braso nito at hindi inalis ang tingin sa kanyang mga mata. “Tell me that again after I do this,” mariing bulong nito. Pagkatapos ay tinawid nito ang pagitan ng mga labi nila at siniil siya ng halik sa mga labi.