NANINGKIT ang mga mata ni Oliver at nagtatagis ang mga bagang nang makita niya ang pigura ng pinakahuling babaeng nais niyang makita. Nakatayo ito sa gilid ng reception na para bang pag-aari ang buong resort. Nang mapatingin ito sa kanya ay ngumiti pa ang babae na lalo lamang nagpakulo sa dugo ni Oliver.
“What the hell are you doing here?” nanggigigil na asik niya.
The b***h had the gall to laugh. “Masama bang dalawin ang stepson ko?” wika ni Daressa Nadal-Matias, ang asawa ng kanyang ama. Nang akmang hahawakan siya nito ay pumiksi siya.
“Walang nangyayaring mabuti kapag nagpapakita ka sa akin,” prangkang sabi niya.
Dati itong starlet na madalas maging cover girl ng men’s magazine na under din ng kompanya nila. Kahit noong buhay pa ang ina ni Oliver ay nakakasagap na sila ng mga tsismis na may relasyon si Daressa at ang kanyang ama. Hindi lamang siya naniniwala dahil mukhang maayos ang relasyon ng kanyang mga magulang noong nabubuhay pa ang kanyang ina. Ngunit nagbago ang paniniwala niya nang wala pang isang taong namamatay ang kanyang mama ay iniuwi na si Daressa ng kanyang papa sa bahay nila bilang bago nitong asawa.
Ni isang beses, kahit sa isip ay hindi itinuring ni Oliver na pangalawang ina si Daressa. Bukod sa limang taon lang ang tanda nito sa kanya, noon pa man ay hindi itinago ng babae ang interes sa kanya. At least, kapag silang dalawa lang. He told his father so many times, in the most subtle way he can, that his new wife kept seducing him. Ngunit sa tuwina ay wala siyang napapala. Either hindi nito makuha ang mga parunggit niya o ayaw lang siya nitong paniwalaan ay hindi niya alam. Ilang beses pa silang nag-away na mag-ama dahil doon. Hanggang sa nagsawa na siyang magsabi sa ama.
“Your father told me about the deal you made with him. Really, darling, bakit hindi mo na lang i-give up ang magazine na `yon? It’s just a liability to the company,” wika ni Daressa.
Kinuyom niya ang mga kamay. “What I do about my magazines is none of your business.”
Lumapit ito sa kanya at sa pagkakataong iyon ay nagawa nang kumapit sa braso niya bago pa man siya makapiksi. “It is my business, Oliver. Hindi mo ba alam? Your father already talked to his lawyers to give me fifteen percent of the company’s share. Inaayos na lang nila ang mga papeles,” pabulong na wika nito.
Muntik nang maitulak ni Oliver si Daressa sa pagbugso ng pagrerebelde sa kanyang dibdib. “Ano ba talaga ang dahilan at nandito ka?” nanggigigil na tanong niya. Alam niyang hindi pupunta roon si Daressa para lang ipangalandakan sa kanya ang kakayahan nitong paikutin sa mga palad nito ang kanyang ama.
Sumilay ang mapang-akit na ngiti ni Daressa na lalong ikinainit ng dugo niya. “Gary went abroad for a media summit. I’m bored. Nalaman kong nandito ka kaya pumunta ako. Let’s have fun, darling.”
Kinalas niya ang mga kamay nito sa braso niya. “Kailan mo ba ako titigilan, ha? Hindi pa ba sapat sa `yo si Papa? Hindi pa ba sapat na nagkakaganito kami nang dahil sa `yo? Balak mo pa bang dagdagan ang rason para lalo kaming mag-away? Why don’t you just leave me alone? I’m working here!”
Tumaas ang isang kilay nito. “Alam mo ang sagot diyan, Oliver. Hindi ba, sinabi ko na sa `yo noon, ikaw ang talagang gusto ko. You were so gorgeous even then, you know. Pero ayaw mo akong pansinin so I married your father who’s very much interested in me.”
Nagtagis ang mga bagang ni Oliver. “You are crazy,” nanggigigil na sikmat niya.
Ngumiti si Daressa. “I know. At mukha namang hindi ka nagtatrabaho. I heard from the receptionist that you’ve been with a woman all this time.”
Napabuga siya ng hangin sa sobrang inis. “She’s the work. I need her and her band para maisalba ang Exposed na gustong-gusto ninyong patayin ni Papa. Now, if you want to stay here then do so. Pero magtse-checkout na ako ngayon. Bahala ka sa buhay mo,” nanggigigil na sikmat uli niya.
Hanggang kaya ay hindi siya papayag na matuon kay Ivy ang atensiyon ni Daressa. Palibhasa ay wala itong ibang ginagawa sa buhay kundi ang magpasarap sa perang kinikita nilang mag-ama kaya mabilis itong maburyo sa buhay.
Bago pa ito makapag-react ay tinalikuran na niya ito. Ngunit hindi pa man siya nakakahakbang ay natigilan na siya nang makita kung sino ang nakatayo sa kanyang likuran.
Nanlamig ang buong katawan niya. His heart slammed painfully against his chest when he saw the shocked expression on Ivy’s face. He knew, the magic between them was broken… and it was his fault.
GUSTONG isipin ni Stephanie na mali lamang ang pagkakaintindi niya sa mga narinig na sinabi ni Oliver. Gusto niyang isipin na hindi totoo ang sinabi nito sa babaeng nakatingin na rin sa kanya.
“She’s work. I need her and her band…”
Alam ni Oliver kung sino siya. Nilapitan siya ni Oliver dahil may kailangan ito sa banda niya. Dahil siya si Stephanie na miyembro ng Wildflowers, hindi dahil interesado ito sa kanya. So, his kisses, his touch, were those all lies just to get close to her? Pati ba ang pagpapaubaya niya ng katawan, puso, at kaluluwa niya rito ay trabaho lang para kay Oliver?
“Ivy,” tawag nito sa kanya sa mahinang tinig. Ngunit tila suntok sa kanyang sikmura ang epekto niyon.
Napakurap si Stephanie at napaatras nang maramdaman ang matinding kirot sa kanyang dibdib. Mabilis siyang tumalikod.
Akmang sasakay na siya sa cart na naka-park sa entrance ng resort lobby upang bumalik sa cottage niya nang may pumigil sa kanyang braso.
“Ivy, wait!” tawag ni Oliver.
Tiningnan ito ni Stephanie nang masama. “Bakit mo pa ako tinatawag sa pangalang `yan, alam mo naman pala kung sino talaga ako?” sikmat niya.
Bumakas ang guilt sa mukha ni Oliver at lalo lamang siyang nakaramdam ng sakit.
“Bitiwan mo ako. Hindi ako makapaniwalang isa kang sinungaling. Hindi ko alam kung ano ang agenda mo sa panloloko mo sa akin, pero hindi kita mapapatawad sa ginawa mo. Hindi lang sarili ko ang ibinigay ko sa `yo, Oliver, kundi pati tiwala ko. How could you?” puno ng hinanakit na sumbat niya.
Huminga ito nang malalim. “I’m sorry, honey.”
“Don’t call me ‘honey.’” Pumiksi si Stephanie pero ayaw nitong bitawan ang kanyang braso. Sinalubong niya ang mga mata ni Oliver at kahit na may bahid ng frustration at pakikiusap doon ay pinilit niyang palamigin ang kanyang tingin. “Bitiwan mo ako. Ayoko nang makipag-usap sa `yo. In fact, ayoko nang makita ka pa.”
“Ivy.”
“Please, Oliver,” pakiusap niya sa garalgal na tinig. Noon lang siya nito binitiwan. Mabilis na siyang tumalikod at sumakay sa cart. Mukhang nakatunog ang nagmamaneho niyon dahil pinaandar na nito agad iyon. Labis siyang nagpigil na huwag lingunin si Oliver dahil baka maiyak lang siya.
Nang makapasok si Stephanie sa cottage niya ay agad niyang iniayos ang kanyang mga gamit. Ang sabi ni Rob ay maaari siyang manatili roon nang higit isang linggo ngunit sa mga oras na iyon ay gusto na niyang bumalik na lamang sa Maynila at magkulong sa hotel room.
Habang nag-aayos ng gamit ay natutok ang paningin niya sa steno pad kung saan siya nagsusulat ng mga linyang sumasagi sa isip niya para sa awiting ipinapagawa sa kanya. Inabot niya iyon at binasa ang kakadugtong pa lamang niya roon bago siya sumunod kay Oliver.
Just a few words, just a soft touch of your hand. I felt you getting closer, I felt my heartbeat race. Was it the magic of the shooting stars, or the cold breeze? That made me close my eyes when you kissed my lips? Or was it the scent of you that made me lose my head?
Nakagat niya ang ibabang labi nang mag-init ang sulok ng kanyang mga mata. Pagak siyang natawa sa sarili niya.
“But it was a liar’s kiss,” mapait na wika niya bago inihagis ang steno pad sa maleta.