“STEPHANIE, right?”
Napahinto si Stephanie sa akmang pagpasok sa elevator nang may tumawag sa kanya. Nakita niya ang isang may-edad na lalaki na papalapit sa kanya.
“Papunta ka ba kay Oliver?” tanong nito nang makalapit sa kanya. Napakunot-noo siya. Bahagya itong ngumiti kahit na hindi iyon umabot sa mga mata nito. “I’m his father.”
“Oh,” tanging nasabi ni Stephanie. Nang tingnan niya ito nang mabuti ay noon lang niya napagtantong kahawig nga ni Oliver. “Hello po.”
“I don’t think now is a good time to go up there, hija.”
“Bakit po?” nagtatakang tanong niya.
Bumuntong-hininga ito at hinilot ang sentido. Mukha itong nahahapo. “You see, you might see something indecent up there. He might be with a woman and you might find them in a compromising situation.”
Kumabog ang dibdib niya at nanlamig siya. May kasamang ibang babae si Oliver? Pero alam nitong pupunta siya.
Mukhang napansin ng ama ni Oliver ang nangyari sa kanya dahil agad itong umiling. “No, don’t worry he’s not cheating on you. Oh, come on. Sa itaas ko na ipapaliwanag para marinig din ng anak ko. Basta kung ano man ang makita mo, trust my son, okay?”
Kahit hindi niya maintindihan ang sinasabi nito ay tumango na lamang siya. Magkasama silang lumulan sa elevator. Nang muli siyang mapasulyap dito ay nakita na niyang nagtatagis ang mga bagang nito na tila ba nagpipigil ng galit. Ano ba ang nangyayari?
Umibis silang dalawa sa palapag kung nasaan ang unit ni Oliver. Kumabog ang dibdib niya nang may marinig siyang mga tinig mula sa pinto ng unit nito na mukhang bukas base sa liwanag na nanggagaling mula roon.
“She’s really here, the b***h. She thought I will never find out,” nanggigigil na bulong ng ama ni Oliver. Bumilis ang paglalakad nito. Napasunod siya.
“What the hell are you doing? Get away from me,” narinig niyang galit na sigaw ni Oliver sa kung sino man ang babaeng naroon kasama nito.
“I will make you feel so good, darling,” sagot ng tinig ng babaeng nagpapanting sa mga tainga niya.
Halos takbuhin niya ang pinto ng unit ni Oliver. Sabay pa silang nakarating doon ng ama nito. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Oliver na nakatayo habang ang babae ay nakaluhod sa harap nito ay akmang hinuhubad ang sinturon ng pantalon ng binata.
Napasinghap siya. Napalingon sa kanila si Oliver at nanlaki ang mga mata nito kasabay ng pamumutla.
“Ivy!” tawag nito sa kanya.
“Daressa! What the hell do you think you’re doing to my son?!” sigaw ng ama nito.
HINDI nakahuma si Oliver sa malakas na sigaw ng kanyang ama. Mababakas sa mukha nito ang labis na galit.
Naramdaman niyang natigilan si Daressa, mabilis na tumayo at lumingon sa kanyang ama. “G-Gary, darling. What are you doing here?” kinakabahang tanong nito. Sa kabila ng tensiyon niyang baka kung ano na ang iniisip ni Ivy sa nakita nito ay nakaramdam siya ng tuwa na namumutla ngayon si Daressa habang nasa harap ng ama niya.
Lumapit sa kanila ang papa niya at mariing hinawakan sa braso si Daressa. Pagkatapos ay hinatak ito palayo sa kanya.
“I’ve been following my soon-to-be ex-wife who spends my money on her string of lovers. Hinayaan kita dahil alam kong hindi ko rin maibibigay sa `yo ang lahat-lahat ko. Because you know I still love my dead wife. Pero hindi ko na kaya pang palampasin ang mga pinagagagawa mong babae ka. And now I learn that Oliver was right all along when he told me before that you were a real b***h. Pati ang anak ko, Daressa?! Sa tingin mo ba talaga, palalampasin ko ang kahibangan mong ito? You will come with me right this instant to pack your things because I am throwing you out of my house and out of my life!”
“Hindi mo gagawin sa akin ito, Gary. Hindi ba kinakausap mo na nga ang abogado mo para bigyan ako ng share sa kompanya? You can’t leave me,” natatarantang sabi ni Daressa.
Dumilim ang mukha ng kanyang ama at hinila siya palayo. “Nakikipagkita ako sa kanya para ayusin ang annulment ng kasal natin, Daressa. Dahil masyado na akong maraming naririnig sa mga kakilala ko na pinaggagagawa mo. I once thought you were a good woman deep inside. I even believed you more than my children. Pero mali pala ako na ikaw ang pinagkatiwalaan ko kaysa sa kanila. I nearly lost Oliver because of you. Hindi na ako papayag na ipagpatuloy mo pa ito.”
Nagulat siya sa mga sinabi ng kanyang ama. Tumingin ito sa kanya at bahagyang lumambot ang ekspresyon. Tila may lumamutak sa dibdib niya. “Patawad sa mga naging pagkukulang ko sa inyo ni Elirei, Oliver. I am sorry if I’ve been harsh to you all these years. I just wanted you to grow up stronger.”
“Papa.”
Ngumiti ito sa kanya. “We’ll talk later. Sa ngayon ay alam kong may iba kang mas mahalagang bagay na dapat asikasuhin kaysa sa akin. Aalis na kami.” Pagkatapos kinaladkad na nito ang nagrereklamong si Daressa palayo sa kanila.
Saglit na sinundan lamang ni Oliver ng tingin ang dalawa hanggang sa makapasok sa elevator. Pagkatapos ay sumulyap siya kay Ivy na tahimik lamang ding nakatingin doon. Nang lumingon ito sa kanya at magtama ang mga mata nila ay sumulak ang emosyong kaninang umaga pa niya nadarama.
Hinawakan niya ito sa braso at hinapit palapit sa katawan niya. Yumakap ito sa kanya at tila iisa ang naiisip na sinalubong nila ang mga labi ng isa’t isa. He kissed her hard and he vowed that he will never let this woman go, no matter what.