KASALUKUYANG nasa kumedor si Carla at kumakain. It was her day off. Wala siyang pasok sa trabaho kaya naman naglagi lang siya sa bahay niya. Tinatamad naman kasi siyang gumala sa mall.
Magana siyang kumakain nang mayamaya'y nakarinig siya ng doorbell sa labas. Uminom muna siya ng tubig bago tumayo at dali-daling tinungo ang pinto.
"Carla, puwede favor?" bungad sa kanya ng kapitbahay at kaibigan niyang si Elaine. Karga-karga nito ang anak na walong buwang gulang pa lamang.
"Oo naman," tugon niya. "Ano 'yon?"
"Puwede bang iwan ko muna sa 'yo si baby? Wala kasing magbabantay sa kanya ngayon, eh. Umuwi ng probinsiya ang yaya niya. Emergency kasi. May trabaho naman kami ng asawa ko ngayon," paliwanag nito.
Ngumiti siya. "Oo naman. Akin na si baby," saad niya.
Inabot nito sa kanya ang anak, pati ang mga baby stuffs na dala-dala nito. "Pasensiya ka na Carla, ha?" hinging paumanhin nito. "Hindi ko naman kasi puwedeng iwan mag-isa si baby sa bahay. Alam mo na," biro nitong wika na ikinatawa niya.
"Natural, ikaw talaga," sabi niya. "Don't worry, I'll take care of her. ‘Buti nga at may makakasama ako rito, eh. 'Yon nga lang, 'di ko makakausap," biro niya na ikinatawa nito. Hinalikan nito sa pisngi ang anak at nagpaalam na sa kanyang aalis.
---
"ANG CUTE mo naman, baby," nanggigigil na sabi ni Carla habang nasa sofa ng maliit niyang sala at nilalaro-laro ang nakahigang sanggol.
Kumaway-kaway ang mumunting mga braso at binti nito. Humahagikhik din ito, kaya naman hindi niya napigilang pupugin ito ng halik.
She sighed. "Kailan kaya ako magkakaroon ng cute na baby na katulad mo?" aniya rito na animo'y maiintindihan siya nito.
"Need a donor? I'm willing to donate my semen to you," sabi ng baritonong boses na nagpalingon sa kanya.
As usual, it was none other than Evan! Malaya itong nakapasok dahil naiwan niyang nakabukas ang pintuan ng bahay. Nakalimutan niya iyong isara kanina. Nalibang kasi siya sa ka-cute-an ng sanggol.
"Bastos!" bulyaw niya na hindi mapigilang pamulahan ng mukha sa sinabing iyon ng binata.
Tumawa ito, saka humalukipkip at sumandal sa pader na malapit sa pinto ng bahay niya. "I love it when you're blushing," nangingiting saad nito. “I’m just wondering what's on your mind," dugtong pa nito na hindi pa rin mapuknat-puknat ang ngiti sa mga labi. His smile seemed like teasing her.
Mas lalo siyang pinamulahan ng mukha sa sinabi nitong iyon. Kaya naman mas lalong napangiti ang binata hanggang sa humagalpak na ito ng tawa.
"Baliw ka ba?!" naiinis niyang sabi. "Tawa nang tawa. Wala namang nakakatawa. Crazy man!”
"Yes, I'm crazy.” nakangiting tugon nito. “Crazy for you," dagdag pa nito habang lumalapit sa kanila ng baby.
She just rolled her eyes. Ano ang gusto nito? Na magtatalon siya sa tuwa dahil sa mga katagang iyon? Duh! Not anymore!
"What brought you here?" bagkus ay tanong niya, sabay karga sa sanggol. "Hindi ba, may trabaho ka?"
"I'm the boss, remember? Puwedeng hindi ako pumasok kung gugustuhin ko," anitong naupo sa sofa na nasa harapan niya. May kinuha ito sa bulsa ng slacks nito.
"Hey! Bakit mo ginawa 'yon? I-delete mo 'yan!" singhal niya nang walang babalang kinuhanan siya nito ng litrato gamit ang cellphone nito habang karga niya ang sanggol. Halos umusok na ang ilong niya sa inis sa ginawa nito. Hindi naman niya iyon mahablot mula rito dahil may karga siyang bata.
"I won't," sabi nito, sabay sandal sa sofa. Tinitigan siya nito na waring pinag-aaralan ang bawat detalye ng mukha niya.
Nag-iwas siya ng tingin, at kunwaring nilaro-laro ang mumunting kamay ng bata. "Ano naman ang gagawin mo diyan?"
"I'll treasure this," sagot nito. Hindi pa rin mapuknat ang titig nito sa kanya.
Naiilang na siya sa ginagawa nito. Kung puwede lang sanang tusukin niya ng karayom ang mga mata nito ay ginawa na niya.
"Bakit mo naman gagawin 'yon?" tanong niya habang patuloy pa rin sa kunwaring kakalaro sa mumunting kamay ng sanggol.
Nagkibit-balikat ito. "'Cause I find it cute. I can't help but to imagine you carrying our baby," anito na siyang nagpatunghay sa kanya.
Nakakunot ang noong tinitigan niya ito, pero bago pa man siya makapagsalita ay tumayo na ito.
"I need to go," paalam nito, saka lumapit sa kanila. Hinagkan nito sa noo ang sanggol. "Bye, cute little baby." Saka bumaling ito sa kanya. Nagulat na lamang siya nang hawakan nito ang magkabilang pisngi niya. Marahan nitong pinisil iyon habang nakatitig sa mga mata niya. Mariin siya nitong kinintalan ng halik sa noo. "Bye," mahinang sambit nito bago lumabas ng bahay.
Naiwan siyang natutulala. She remained stiff. Hindi siya makagalaw. Naguguluhan siya sa iniaakto ng binata sa kanya. Ano ang ibig na ipahiwatig nito?
Could it be?… Iwinaksi niya ang sumagi sa kanyang isipan. Imposibleng gawin iyon ng binata. Ito pa nga ang nakipaghiwalay sa kanya noon.
Napabuntong-hininga na lamang siya, saka muling nilaro-laro ang sanggol
---
NAPAPANGITI si Evan habang nagda-drive ng kotse papunta sa kanyang opisina.
He couldn't get his mind off from Carla. Ang cute nitong tingnan habang karga ang sanggol kaya't hindi niya napigilang kuhanan ito ng stolen shot. He imagined Carla carrying their baby. Mas lalo siyang napangiti sa isiping iyon.
Ngunit mayamaya'y napabuntong-hininga siya nang malalim. "If only...if only I could win your heart again..." mahina niyang sambit.