CHAPTER NINE

1500 Words
"MAG-A-ALAS-NUWEBE na, kanina pa 'ko rito. Sana naman may dumaan nang tax," mahinang sambit ni Carla sa sarili. Kanina pa siyang pasado alas-siyete nakatayo sa waiting shed na iyon. Sumasakit na ang mga binti niya at medyo nabasa na siya ng ulan, pero wala pa ring dumadaan na sasakyan. Malakas pa naman ang ulan, kumukulog at kumikidlat pa. Tila may nagbabadyang masamang panahon. Nakikita rin niyang umaapaw na ang tubig sa daan, hudyat na babaha na talaga. "Bakit kasi ngayon pa ako nag-overtime, eh." Nasa ganoon siyang pag-iisip nang mayamaya'y may tumigil na kotse sa harapan niya at bumukas ang window shield niyon. "Hop in," sabi ni Evan habang binubuksan ang kotse nito. Napatitig siya sa binata. Hindi niya alam kung sasakay ba siya o hindi. Pero kung hindi naman siya sasakay, baka umagahin siya roon sa kahihintay ng taxi. "Sakay na. Huwag ka nang mag-inarte riyan," waring naiiritang anito. Nainis siya sa sinabi nito, pero hindi na lang niya pinatulan. Kailangan niya talagang makauwi ng bahay. Kung wala lang talaga siyang kinikimkim na galit dito ay masasabi niya talagang ito ang savior niya ngayon. "Ano? Sasakay ka ba o hindi?" he asked a little bit irritated. Wala na siyang nagawa kundi ang sumakay sa kotse ng binata. Mahirap na, baka tuluyan na talaga itong mainis sa kanya at iwan siya roon. Kung hindi lang siya nahirapang mag-abang ng taxi ay nungkang sasabay siya rito. --- WALANG imikan sina Carla at Evan habang nasa loob ng kotse. Mukhang papalakas nang papalakas ang ulan sa labas. Patuloy na rin sa pagdagundong at pagkidlat. Parang may bagyong nagbabadya. Masyado ring ma-traffic kaya't hindi makagalaw ang kotse ng binata sa gitna ng daan. "Freakin' s**t!" mayamaya'y mura nito. Awtomatikong napabaling siya sa binata. "Bakit?" "Hindi ko na maigalaw ang kotse," sagot nito habang pinipilit kabigin ang manibela. "Huh? Bakit?" "Masyado nang umaapaw ang tubig sa daan. Hindi na makaya ng kotse." Isinandal nito ang dalawang braso sa manibela. Napahilamos ito ng mukha. "P-Paano tayo makakauwi niyan?" wala sa sariling tanong niya. "Hindi ko rin alam." Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Siguro’y nag-iisip ang binata kung paano makakagalaw sa lugar na iyon. Siya nama'y hindi alam ang gagawin. Hindi naman sila puwedeng doon sa loob ng kotse matulog sapagkat mas lalo nang umaapaw ang tubig sa kalsada. Baka hindi makayanan ng kotse at lumutang-lutang ito. "Let's get out of here," mayamaya'y biglang sabi ng binata. "May namataan akong malapit na hotel. Doon na lang tayo." Binuksan nito ang pinto ng kotse. Napasunod siya rito hanggang sa sapitin na nila ang sinasabi nitong hotel. Masyado na silang basa nang makarating doon. Dali-daling nag-inquire ang binata sa receptionist na naroon. "Naku, Sir, one room na lang po ang vacant," narinig niyang wika ng receptionist. "Are you sure? Puwedeng paki-check ulit, Miss. Baka nagkamali ka lang," anang binata. "Yes, Sir. I'm sure. Marami rin po kasing nagpa-reserve ngayon at naunahan po kayo dahil kachi-check-in lang ng kumuha ng Room 103. Room 104 na lang po ang vacant," paliwanag ng receptionist. Bumaling sa kanya ang binata. "We can't do anything but to share one room." Napatitig siya rito. Mas gugustuhin na niya iyon kaysa naman sa labas sila matulog o hindi kaya’y sa kotse nito. Kaya naman napatango na lang siya. --- "ENJOY, Ma'am and Sir!" anang room boy. Nakangiti ito nang pilyo habang iniaabot sa kanila ang susi ng silid. Kasalukuyan na silang nasa harapan ng pintuan ng Room 104. Hindi maiwasang pamulahan ng mukha si Carla. Akala yata ng room boy ay may gagawin silang milagro ng binata. "Sure, we will enjoy," pilyong sagot ni Evan. Kinuha nito mula sa room boy ang susi, saka inakbayan siya. Tiningnan niya ito nang masama. Mas lalo siyang namula sa tugon nito. Habang ang room boy naman ay natawa sa sinabi ng binata, saka tuluyan na itong nagpaalam. Evan inserted the key inside the doorknob. He opened the door. "Come on, let's enjoy," pilyong saad nito habang papasok na sila sa bakanteng silid. Siniko niya ito sa tagiliran, saka tinanggal ang braso nitong nakaakbay sa kanya. "Ouch! Ang sakit n’on, ah!" Napahawak ito sa sariling tiyan, at kunwaring nasaktan. "Enjoy-in mong mukha mo!" Inirapan niya ito. Napahalakhak ang binata. "You know what? Ang cute mo talaga 'pag ganyang nakairap ka," sabi nitong nakatitig sa kanya. Nakahalukipkip itong nakasandal sa pader ng silid. "So? Tinatanong ba kita?" pagtataray niya. Imbis na sagutin siya nito ay bigla na lang itong lumapit sa kanya, kaya naman napaurong siya. Hindi niya alam kung ano ang binabalak nito. Unti-unti pa rin itong lumalapit sa kanya, kaya naman urong siya nang urong papalayo mula rito. "Hey! Bakit ka urong nang urong?" pilyong tanong nito. "I-Ikaw bakit ka lapit nang lapit?" kandautal niyang tanong. Hindi niya alam, pero nagsisimula nang kumabog ang kanyang dibdib. Naramdaman na lamang niyang lumapat na sa pader ang likuran niya. Wala na siyang uurungan pa. Aalis na sana siya sa puwestong iyon nang bigla na lang siyang i-trap ng binata gamit ang dalawang braso nito. Itinukod nito ang isang braso sa pader habang ang isang palad naman nito ay malayang humahaplos sa kanyang pisngi. Napakalapit ng mukha nito sa kanya. Halos ramdam niya ang bawat paghinga nito. Masuyo itong nakatitig sa mga mata niya. Gusto sana niya itong itulak, ngunit parang wala siyang lakas para gawin iyon. Nangangatog ang tuhod niya, at ramdam din niya ang abnormal na pagtibok ng kanyang puso. Napakalakas ng pagkabog niyon na para bang anytime ay sasabog iyon. Parang pangangapusan na siya ng hininga nang mga sandaling iyon. Dinig na dinig niya ang pagdagundong at pagtambol ng dibdib niya na para bang sumasabay sa pagkulog ng panahon sa labas. Hindi niya mawari kung bakit ganoon pa rin ang epekto nito sa tuwing napakalapit nito sa kanya. Ganoon na ganoon din ang naramdaman niya sa nakalipas na sampung taon. Ipinikit na lang niya ang kanyang mga mata. Siguro kung hahalikan siya ngayon ng binata ay buong puso niya iyong tatanggapin, buong puso siyang magpapaubaya. --- GUSTONG-GUSTO nang halikan ni Evan ang dalaga. Napakaganda talaga nito. The same beauty he had known before, at mas lalo pa itong gumanda ngayon. Napakalapit ng mukha niya rito. Ramdam niya ang abnormal na paghinga nito. Ang napakabangong hininga nito na kanyang nalalanghap ay nagdudulot sa kanya ng kakaibang pakiramdam. Pakiramdam na para bang gustong-gusto niya itong ikulong sa kanyang mga bisig, yakapin nang mahigpit, halikan na parang wala nang bukas… and make love to her again just like before. Kakaiba na ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Parang nadadarang na ang katawan niya sa simpleng pagkakalapit nilang iyon. Kahit ang basa niyang damit ay parang matutuyo na sa matinding init na nararamdaman. Kung hindi siya lalayo rito ay baka kung saan pa sila humantong. Nakita niyang unti-unting napapapikit ang dalaga. He could have the chance to kiss her, and make love to her if he wanted at that moment. Ramdam niyang handa itong magpaubaya sa kanya. Pero hindi niya iyon gagawin. Kailangan muna niyang makuha ang puso nitong muli bago ang matinding pagkadarang na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Kaya naman bigla siyang lumayo rito. --- UNTI-UNTING idinilat ni Carla ang mga mata nang maramdaman ang biglang paglayo sa kanya ni Evan. She couldn't understand why she felt disappointed. Hindi niya maiwasang pamulahan ng mukha sa matinding pagkapahiya. Ano ang iniisip ng binata sa kanya ngayon? That she was waiting for him to kiss her dahil napapikit siya? Mas lalo siyang namula sa isiping iyon. "I need to take a bath," mayamaya'y narinig niyang wika ng binata. Marahan siyang tumango. Ni hindi man lang niya ito sinulyapan. Narinig na lang niya ang marahang pagpasok nito sa banyo at ang paglagaslas ng tubig mula roon. --- MAYAMAYA pa’y lumabas na si Evan. Hindi maiwasang mapasulyap ni Carla sa binata. Naka-boxer shorts lang ito. Mas lalo itong kumisig at mas naging matipuno ang pangangatawan sa paglipas ng panahon. "Hindi ka ba maliligo?" tanong nito na nagpapitlag sa kanya. "H-Hah? Oo, maliligo na," kandautal niyang sagot, saka pumasok na ng banyo. Ilang minuto rin siyang nagbabad roon. Pagkatapos niyang maligo ay lumabas na siya. Mukhang tulog na ang binata, kaya naman napagpasyahan niyang humiga sa isang bahagi ng kama. Hindi na niya alintana ang basang buhok sapagkat gusto na niyang makapagpahinga hanggang sa igupo na siya ng antok at nakatulog na. --- NARAMDAMAN ni Evan na tulog na si Carla kaya't bumaling at umurong siya palapit dito. Pinaunan niya ito sa braso niya. Malaya niyang napagmamasdan ang mukha nito habang ito'y tulog. Hindi niya naiwasang haplusin ang makinis na pisngi nito. "A sweet angel is sleeping beside me," mahina niyang sambit, saka mariing kinintalan ng halik sa noo ang dalagang nahihimbing. "Kahit paulit-ulit mo akong tarayan at ipagtabuyan, patuloy pa rin kitang lalapitan. I'm going to do everything just to win your heart again..." usal niya bago yakapin nang mahigpit ang mahimbing na natutulog na dalaga. Hanggang sa igupo na rin siya ng antok habang yakap-yakap ito sa mga bisig niya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD