MEDYO marami nang tao pagdating nina Carla sa party. Masasabi niyang marahil ay bigating tao ang iwi-welcome doon sapagkat halos lahat ng mga bisita ay miyembro ng alta sociedad.
Nagsisimula na siyang mainip. Wala naman kasi siyang kilala roon kundi ang kaibigan at ang asawa lamang nito, not even the host itself.
Nagpaalam muna siya sa kaibigan na mauupo sandali. Sumasakit na kasi ang mga binti niya sa kakatayo at kakahintay sa “big person” ng event na iyon.
Nagsisimula na rin siyang mainis at mayamot sa kung sinumang Poncio Pilato ang iwi-welcome. Nagpapaka-importante ba ito? Halos mag-iisang oras na silang naghihintay, hindi pa rin ito lumalabas gayong sabi naman ng asawa ng kaibigan niyang si Nancy, nandoon na raw ang Poncio Pilato na iyon.
Ipinikit na lamang niya ang mga mata at bumuntong-hininga para mabawas-bawasan man lang ang inis na nararamdaman.
"Hi! Can I join you?"
Awtomatiko siyang napabaling sa tagiliran niya. Nakita niya ang isang binatang nakangiting nakatitig sa kanya. Guwapo ito at simpatiko.
"Oh, sure," tipid niyang sabi. Nginitian niya rin ito.
"I'm Brent Madrigal. And you?" pagpapakilala nito na nakalahad ang kanang palad.
"I'm Carla. Carla Marie Vergara," tipid niyang sabi. Nakipagkamay siya rito.
"Nice to meet you, beautiful lady," sabi nito. Hawak pa rin nito ang kamay niya. "Who's with you?" tanong pa nito, saka binitiwan ang palad niya. Umupo ito sa bakanteng silya na katabi niya.
"I'm with my friend and her husband. You?" balik-tanong niya.
"Ako lang. I'm a family friend of the one na iwi-welcome sa party na 'to," ang sagot nito na hindi na niya nagawang tugunin sapagkat pumailanlang na ang boses ng emcee. Siguro ay ipapakilala na nito ang Poncio Pilato na kanina pa hinihintay ng karamihan.
"Ladies and gentlemen, sorry to keep you all waiting. I'd like to introduce the upcoming new President of the LR Group of Companies. The return of none other than Mr. Evan Ray Ricaforte. A round of applause, please."
Palakpakan ng mga tao ang sumalubong pagkatapos na sabihin iyon ng emcee. Ngunit halos mabingi si Carla sa lakas ng pagkabog ng kanyang puso. Halos hindi siya makahinga nang marinig mula sa emcee ang pangalan ng taong iyon.
Evan Ray Ricaforte! No! sigaw ng isip niya. Ipinikit niya ang mga mata. Nagbabakasakali siyang kapangalan lamang iyon ng lalaking minahal niya noon.
Unti-unti niyang idinilat ang mga mata. Nasilayan niya ang imahe ng binatang nakatayo sa entablado habang nakangiting nagsasalita. Inililibot nito ang paningin sa mga bisitang naroon hanggang sa mapadako ang tingin nito sa kanya.
No! I should have not come here! piping sigaw ng utak niya. Nagsisi tuloy siya na nagpunta pa siya sa party na iyon.
Nakatitig pa rin ito sa kanya kaya naman nag-iwas siya ng tingin. Ilang sandali pa itong nagsalita sa entablado bago nito natapos ang mga dapat na ianunsyo. Nakita na lamang niyang pumanaog na ito matapos ang mahaba-habang speech.
"Carl, are you okay?” mayamaya’y narining niyang tanong ni Brent. “Bakit parang namumutla ka?" May pag-aalala sa tinig nito.
"Y-Yup, I'm fine. Medyo sumakit lang ulo ang ko," pagsisinungaling niya.
"Gusto mong ihatid na lang kita? Wait, I'll—"
"Mister Brent Madrigal, would you mind introducing me to your girlfriend?" sabi ng baritonong boses na siyang nagpalingon sa kanila.