Chapter 1

2597 Words
"HELLO, Tita? Sigurado ka bang pupunta dito si Zkat? Tita, hindi pwedeng hindi pumunta dito si Zkat Aidenry, kasal niya 'to," sabi ni Simon James sa Mommy ng kanyang best friend. "Oo, wag kang mag-alala. Ikalma mo ang sarili mo d'yan at itodo mo ang acting mo." Tumawa ang ina ng kaniyang best friend, ang isa sa kaniyang kasabwat sa plano niyang ito. "Sige, Tita. Salamat, dapat lang hindi siya ma-late dito, Tita. Kailangan mauna siyang dumating kaysa sa bride." "Oo, tama. Sige na, Simon James, naghahanda pa kami. Mag-iingat ka d'yan." "Opo." Kinakabahan siya kahit na alam niyang hindi niya kasal ngayon, excited na rin siyang makita ang magiging reaksiyon ng kaniyang kaibigan mamaya. Ngayon pa lang ay gusto na niyang matawa sa kalukohan niya. "Nasa labas na ang groom!" anunsiyo ng wedding organizer. Agad siyang sumenyas sa lahat na tumahimik, sinalubong niya ang best friend niya na masamang-masama ang timpla ng mukha. Wala itong gustong pumunta dito sa simbahan sa totoo lang. Tinakot niya lang ito na hindi na nito muling makikita si Aiden at Ayesha kapag hindi ito pumunta sa simbahan ngayon para masaksihan ang kasal daw nilang dalawa ni Thamara. "Mabuti naman dumating ka," nakangising sabi niya kay Zkat Aidenry. Itinapat lang ng kaniyang best friend ang gitnang daliri nito sa kaniya dahilan upang matawa siya nang malakas, nakakatuwa talaga ang itsura ni Zkat kapag naiinis. "Ikaw na lang ang sumama sa akin sa paglakad patungong altar, Tol. Wala kasi si Mommy at Daddy, di makakarating," sabi niya kay Zkat. Ang totoo ay nariyan naman talaga ang mga magulang niya. "Eh kung sapakin kita?!" singhal ng kaniyang kaibigan. "Kasal na kasal mo, wala ang nanay at tatay mo? Bw*sit!" "Practice mo na rin, baka ikasal si Aiden, edi ikaw na sasama," nakangising pang-aasar niya pa lalo. Sinamaan lang siya lalo nito ng tingin. Nagsimula na ang seremonya nang nalaman nilang nasa labas na ang bride. Habang naglalakad sila patungo sa unahan ay kitang-kita niya ang pagkakabusangot ng mukha ng kaibigan, halatang kinakahaban din ito nang tumayo sila doon at naghintay sa bride. "Bakit parang kabado ka?" natatawang tanong niya upang mang-asar muli. "Wala kang pakialam," masungit na sabi ni Zkat sa kaniya. "Wag mo akong kausapin, bw*sit ka!" "Gusto ko lang naman magpasalamat sa 'yo," nakangiting aniya. "Sa lahat ng sakripisyo mo, sa lahat ng ginawa mo para sa 'kin. Salamat kasi tinanggap mo ako bilang kaibigan mo." 'Yon pa lang pagtanggap sa akin bilang kaibigan ay tinatanaw ko nang malaking utang na loob. Kung tutuusin, konting sakripisyo lamang ito kumpara sa mga sakripisyo mo para sa akin, Zkat Aidenry. "P*ta! Drama na naman," naiinis nitong usal. "Wag ka ngang magmura, Tol. Nasa simbahan ka na't lahat napakademonyo pa rin ng bibig mo. Baka mamaya masampal ka ng anghel, lagot ka." "Wag mo kong subukan, James, pag ako ang napuno sa 'yo, paglalamayan ka." "Aw, I'm scared," pabirong akto niya sabay hawak sa dibdib. "Kailangan ko na bang ihanda ang pangmayaman kong kabaong?" "Di halata sa 'yong mayaman ka. Ikaw pa rin 'yong gusgusing high school student na hindi nawawalan ng pasa ang mukha," asik ng kaniyang kaibigan na ikinatawa niya. Si Zkat kasi ang seryosong tipo ng estudyante, sobrang talino nito at napakaseryoso sa pag-aaral. Wala itong ibang pinagtutuunan ng pansin kung hindi pamilya at pag-aaral. Habang siya naman ang sutil na estudyanteng walang ibang ginawa kundi ang gumala at sumama sa inuman upang mag-enjoy. Dahil rin sa dami ng barkada niya, madalas siyang nasasangkot sa gulo na hindi niya naman inuurungan. Sakit siya sa ulo ng mga lecturers niyang sinagot-sagot niya noon. Sa sobrang dalas niyang madala sa guidance office, pwede na siyang tumira doon. Kulang na nga lang magdala siya ng comforter at unan upang doon na matulog sa detention office nila noong highschool kung saan sila pinapa-stay ng guidance counselor upang makapag-self-reflection sa maling nagawa nila matapos masermonan. Sobrang napakalala niyang estudyante sa totoo lang. Kaya nga dalawang taon siyang nagpaulit-ulit sa second year highschool at umulit pa ng isang beses noong third year kung kailan niya nakilala si Zkat Aidenry. Naging kagrupo niya ito sa isang project nila noon. Isang miniature ng bulkan na lalagyan nila ng suka at baking soda upang maglabas ng kunyari lava. Hindi niya mapigilang matawa noong panahong 'yon. "YOU'RE Simon James de Guzman, right? Ka grupo ka namin ni Ram at Daryl sa project sa science. Ililista ko ang needed materials for the project at hahatiin natin equally ang magagastos. Fair tayo sa gastos, fair din sa trabaho." Tumawa siya nang pa-sarkastiko, "Bakit di mo solohin? Mukhang atat na atat ka namang mag-project eh. Pabibo." Inaasahan niyang maiirita ang nerd na lalaki, well halatang nerd ito, sobrang seryuso sa pag-aaral eh. Mukhang hindi pa yata ito nakatikim ng alak o ano pa mang natikman niya. Tinalikuran lang siya ng lalaki. Hindi talaga siya nag-ambag sa project nila kahit na ang totoo ay may pera naman talaga siyang pang-ambag, sobra-sobra pa nga. "Mr. Simon James de Guzman? Bakit hindi ka tumutulong sa mga ka-grupo mong gumawa ng project? Ano ka ba? Muse?" "Prince charming, Miss," sarkastiko niyang sagot na tinawanan ng mga kaklase, napairap tuloy ang teacher. "Tumulong ka na dito, Simon James," malamig na sabi ng kanilang lider na nalaman niyang Zkat ang pangalan. Napakamot siya sa kaniyang ulo at napilitang tumulong. Ngunit imbes makatulong, sinira niya lang ang kanilang project noong dumating ang hapon. Inilagay niya ang baking soda, pulang food coloring at suka doon sa bulkan kahit hindi pa man oras ng presentation nila dahilan upang mabasa ang kanilang pinaghirapan. "What the hell did you do?!" sigaw ni Daryl na. "Dude, it's our project!" "T*ng*na!" Kinwelyuhan siya agad ni Ram sa sobrang inis nito. Kitang-kita niya kung paano nanlisik ang mga mata nito sa iritasyon. "Alam mo bang pinagpuyatan namin 'yan? Tapos ikaw na walang halos ambag, mananabotahe kang t*ng*na ka?" Ngumisi lang si Simon James. "Kung wala kang pakialam sa grades mo, t*ng*na wag kang mandamay!" "Tama na 'yan, Ram," mahinahong sabi ni Zkat habang kalmadong nakatingin sa kanilang basang output. Nagulat si Simon James, ginawa niya 'yon upang mang-asar ngunit hindi man lang yata nagalit si Zkat. "Pero, Zkat! Sinira niya ang project natin!" "At hindi 'to maaayos kung babanatan mo siya," sabi ni Zkat. "Kung ayaw niyong mag-ulit, ako na lang ang uulit gagawa ng output natin. Pwede na kayong maunang umuwi. Tatawagan ko lang 'yong driver ko." Zkat was so matured, habang siya ay ang pinaka-childish, mas childish pa sa mas nakababata sa kaniya. Para siyang napahiya sa kaniyang ginawa. Nadala siya sa nakita niya kay Zkat, humanga siya sa totoo lang. Nakita niyang lumabas si Ram at Daryl upang umuwi. Bumalik si Zkat at tiningnan siya. "Oh, bakit nandito ka pa?" "Bakit di ka nagalit?" nagtatakang tanong niya kay Zkat. "May magagawa ba ang galit ko?" Mahina itong natawa, "You know what? You should start taking this seriously—" "Where's the fun in that?" Tumawa siya. Walang nakakatuwa sa pagseseryuso, 'yon ang paniniwala niya. Sa pagpapasaway niya nakikita ang sayang gusto niya. "Alam mo? Para kang kapatid ko," sabi ni Zkat na ikinakunot ng noo niya. He never knew how it feels to have siblings, solong anak lang kasi siya. May kakaiba ring kaugalian ang pamilya niya na hindi maiintindihan ng kahit sino, kaya naman iba rin ang pagpapalaki sa kaniya. Pero mahal naman siya ng mga magulang niya, nasobrahan lang sa luwang na umabot sa puntong inaabuso niya na. "What made you think that I'm like your sibling?" nakakunot-noong tanong niya. "Kulang ka sa pansin." Nag-init agad ang ulo niya doon, nainsulto siya. Mabilis niyang sinugod ang lalaki upang suntukin. "T*ng*na! Bawiin mo ang sinabi mo, kung hindi—" hindi niya nagawang ituloy ang sasabihin niya nang bigla siyang niyakap ng lalaki. Mabilis niya itong itinulak. "G*go! Bakla ka ba?!" "Hindi." "Eh bakit mo ako niyakap?" singhal niya. Mahinang natawa si Zkat. "I don't swing that way, Dude, but in case you need a hand, you can count on me." Lumayong muli si Zkat upang tingnan ang project nilang sinabotahe niya. Nangunot lalo ang noo niya, napakawirdo ni Zkat sa totoo lang. Naging interesado tuloy siya rito. "Di ka ba nagsasawang mag-aral?" tanong niya kay Zkat. "Eh, ikaw? Di ka ba nagsasawang magloko sa pag-aaral?" balik na tanong nito. Matunog siyang napabuntong-hininga at nag-iwas ng tingin. "I just don't like school. This is not what I want. I mean… Ayaw kong mag-aral dito. Ayaw kong malayo sa mommy at daddy ko." "Ayaw mo na palang mag-aral bakit nagpaulit-ulit ka pa?" natatawa ngunit makahulugan na sabi nito, "Ayaw mong mag-aral 'ka mo pero repeater ka. Kung ayaw mo nang mag-aral, i-pasa mo lahat ng subjects mo para mas mabilis kang matapos at nang hindi ka nagpapaulit-ulit. Gusto mo bang sa high school ka na tumanda?" Umiling si Simon agad-agad. Napagtanto niyang may punto si Zkat. "Eh hindi ko naman kasalanan kung hindi ako pinapasa ng mga lecturers," naiinis na tonong sabi niya. "Eh paano ka naman ipapasa eh tuwing full moon ka na nga lang pumasok, pasaway ka pa." "Di ko kasi maintindihan ang lectures," napapalabing aniya. "Sus! Palusot ka pa. Oh sige, magsikap ka lang, tutulungan kita para sabay na tayong mag fourth year at g-um-raduate. Kung kinakailangang isulat ko sa buong dingding ng bahay niyo lahat ng lectures, gagawin ko para pumasa ka lang." And Zkat didn't bluff. He kept his promise, he helped him develop a better version of himself. Naging matiyaga ito sa pagpapatino sa kaniya, hindi ito nagsawang turuan siya, doon nagsimula ang matibay na pagkakaibigan nila. Hindi man natigil ang hilig niya sa night out at party, at least, hindi na puro palakol ang grado niya dahil pumapasok na siya palagi sa school at nagpa-participate na sa mga activity. NAPAPAILING na lang siya habang binabalikan ang nakaraan, hindi lamang 'yon ang nagawa ni Zkat para sa kaniya, marami pang iba. Bumalik lang siya sa kasalukuyan nang bumukas ang malaking pinto ng simbahan at nakita nilang pareho si Thamara na suot ang napakaganda at napakamagara nitong wedding gown. Dahan-dahan itong naglalakad patungong altar, nakita niya ang pag-iyak nito habang papalapit ng papalapit, iyak na alam niyang dahil 'yun sa sakit sa isiping hindi ito maikakasal sa lalaking totoong mahal niya. That very moment, he knew that he made the right decision, to give way and sacrifice. Sinalubong niya si Thamara at hinawakan niya ang kamay nito, pinahawak sa kaniyang braso. Nang lingunin niya ang kaniyang best friend, kitang-kita niya ang sakit sa mga mata nito. Huminto siya sa tapat ng kanyang best friend, kinuha niya ang tatlong singsing na bigay ni Zkat kay Thamara sa paulit-ulit nitong engagement proposal. Kinuha niya ang kamay ni Thamara at ibinigay iyon kay Zkat na para bang ipinagkakatiwala niya ang babae sa kaniyang best friend. "James—" "Take care of her, wag mo nang hayaang makawala pa." Matamis siyang ngumiti habang nagsasalita, "I only took care of what's yours while you're not yet capable of taking good care of her. I hope you learned your lesson, Zkat. "I preciously value our friendship, Brother." Nakita niya ang pagtulo ng luha ng kaibigan niya at niyakap siya nito ng sobrang higpit. Natawa siya doon, totoong masaya siya sa kabutihang nagawa niya. Masaya siyang makita ang kaniyang best friend na maging masaya. "Oh tama na," sabi niya at bahagyang tinulak palayo ang best friend niyang sobrang higpit ng yakap sa kaniya. "Baka isipin pa ng mga bisita na tayo ang ikakasal." "Siraulo ka talaga," natatawang sabi ni Zkat sa kaniya. "Thank you." Tumango lang siya. Niyakap niya rin si Thamara. "Be happy, you deserve it. Thank you for letting my children feel the love of a mother like you. It's about time for you to be happy with someone you truly love, Thamara." "Thank you, Simon James." Hinayaan niyang maglakad si Thamara at Zkat patungo sa altar. At habang pinapanood niya ang kaniyang kaibigan at si Thamara, hindi niya napigilan ang sariling maluha. Kahit anong pigil niya sa sarili, nagustuhan niya pa rin si Thamara. Pero ito ang tama. Tanggap niyang hindi sa kaniya matatamasa ni Thamara ang totoong kaligayahan. "You may now kiss the bride." Nakita niya ang pagtagpo ng mga labi nila na ikinatulo lamang ng mas maraming luha mula sa mga mata niya. Nakisabay siya sa mga palakpak. Pinakita niyang masaya siya, masaya ngunit nasasaktan. Ngunit naituon niya ang kaniyang tingin sa babaeng naroon sa unahan. Napako roon ang kaniyang atensiyon. Prenteng kumunot ang kaniyang noo at pilit inalala ang babaeng kaniyang tinitingnan—pamilyar na pamilyar. Mabilis niyang pinunasan ang kaniyang luha at pinakatitigan ang maid of honor. T*ng*na! Hindi niya napigilang mapamura sa kaniyang isipan nang kahit anong pilit niya sa kaniyang sarili na maalala ang babae ay hindi niya matandaan. Nagsialis na ang mga tao patungo sa reception. Habang siya ay nagkaroon ng malalim na isipin. Saan ko nga ba nakita ang babaeng 'yon? Dumating sila sa reception na pinahanda niya, siya talaga ang gumastos at nag-asikaso sa kasalang ito. Paunang regalo niya kay Thamara at Zkat. "Simon James, bakit hindi ka pa kumakain, Anak?" tanong ng ina ni Zkat sa kaniya. "Tita?" tawag niya sa ina ni Zkat. "Oh?" "Sino ang maid of honor ni Thamara?" nakakunot-noong tanong niya, "I mean ano ang pangalan niya, Tita?" Hindi niya kasi kilala ang lahat ng bisita at abay, ang umasikaso nun ay ang ina ni Zkat Aidenry. "Ah, si Maureen?" patanong na sagot ng kaniyang ina. "Oo, si Maureen nga. Maureen— di ko maalala ang apilyedo, Anak. Si Zkat ang tanungin mo. Nakalimutan ko ang apilyedo ng batang 'yan kasi. Sekretarya naman 'yan ni Zkat eh, malamang kilala niya." Tumango siya at mas lalong nangunot-noo. "Sige po, Tita." Pinilit niyang inisip kung meron nga ba siyang kilalang Maureen ang pangalan. "Daddy, I'm hungry." Nawala sa isip niya 'yon nang lumapit sa kaniya si Tyron. "Tara, kumuha tayo ng pagkain, Anak. Si kuya mo, nasaan?" tanong niya. Huminga siya nang malalim upang ikalma ang sarili, hindi niya maintindihan kung bakit ginagawa niyang big deal ang babaeng 'yon gayong pamilyar lang naman 'yon sa kaniya. "He's with Ayesha. You know they're too close. He baby her too much." Sobrang close nga ang panganay niya at ang anak na babae ni Thamara at Zkat. Hindi na dapat ipagtaka 'yon, nakakatuwa nga naman din kasi si Ayesha, napakadaling makakuha ng loob. Kinuhanan niya ng pagkain ang anak niya at pinapwesto doon sa table ng kaniyang mga magulang tyaka niya tinawag si Jake, Aiden at Ayesha upang mapakain na rin. Nagsimula ang program gaya ng mga nangyayari madalas sa reception, may mga palaro pa nga na bigla lang naisip ng kapatid ni Zkat na babae at ng mga kaibigan nito. Napabuntong-hininga siya nang makitang muli ang babae at nagsimula na naman siyang mag-isip kung sino ba talaga ito. Hanggang sa hindi niya nakayanan ang labis na pag-iisip, nang lumapit si Zkat sa kaniya ay agad niya itong tinanong. "Tol, sino yung maid of honor ni Thamara?" tanong niya. "Sino?" "Ang babaeng 'yon," ininguso niya iyong babae. "Yung sekretarya mo raw sabi ni Tita." "Ah, si Maureen? Sekretarya ko nga. Maureen Ariya G. Enriquez. Her name ring a bell, right?" tanong ni Zkat, nakangisi pa. Alam niya ang ibig sabihin ng itsurang nakita niya sa mukha ng siraulo niyang kaibigan, makahulugan. "Single 'yan, Tol. Bagay kayo," tatawa-tawa nitong sabi bago tinapik ang kaniyang balikat at bumalik sa asawa nito. Maureen Ariya Enriquez… Pamilyar nga. Di ko lang matandaan kung kailan ko narinig. Pero sigurado akong makailang beses ko lang din 'yon narinig. Sino ba siya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD