ABALA si Ericka sa paglilinis ng kanilang bahay nang marinig niya na tila may tumatawag ng pangalan niya mula sa labas ng kanilang bakuran. Inihinto niya ang pagpupunas ng bintana at lumabas siya upang tingnan ang taong nasa labas.
"Ericka!" Nakangiting sabi ni Tina ang kaibigan niya at classmate niya noong high school.
Lumapit siya rito. "Kumusta ka na?" Pinagmasdan niya ang kaibigan, medyo tumaba ito at pumuti straight na rin ang buhok nito at bago ang damit. Napansin rin niya ang relong pambisig nito na parang mamahalin. May suot na rin ito na hikaw at higit sa lahat bagong model na ang cellphone niya.
"Okay lang ako, ikaw?"
"Ayos naman, halika pumasok ka sa loob,"
Sumunod naman ang kaibigan niya at pumasok sila sa loob ng bahay, binigyan niya ito ng tinapay at juice.
"Ang ganda mo ngayon, ibang-iba talaga kapag may trabaho na , nabibili mo ang gusto," sabi ko.
"Mahirap na masarap ang may trabaho kasi todo puyat ka talaga pero sulit naman kapag sumasahod na, malaki ang naipapadala ko sa'min," ani Tina.
"Ang swerte mo naman, dapat ganyan din ako e, may trabaho na rin sana ako kung hindi ako sinundo ni Nanay,"
"Ano ka ba! Swerte ka nga e kasi nag-aaral ka ng college, pagbutihin mo ang pag-aaral mo kasi kapag nakatapos ka na maganda ang magiging trabaho mo, ako mag-iipon lang ako tapos mag-aaral ulit ako, gusto ko rin naman makatapos ng pag-aaral," ani Tina.
"Wala kang pasok at nakauwi ka rito?" tanong ko.
"Dalawang araw kami walang pasok pero nag-leave ako ng tatlong araw para sulit ang bakasyon ko rito, oo nga pala na may ibibigay ako sa'yo," pagkatapos binuksan niya ang dala niyang bag. Kinuha niya ang isang itim na box. "Sa'yo na 'yan para parehas tayo," sabi niya.
"Ano 'to?" tanong niya.
"Buksan mo para malaman mo, Gaga!" ani Tina.
Binuksan niya ang box at nakita niya ang kulay black na relong pambisig. "Wow! Ang ganda magkapareho tayong dalawa," ani Ericka.
Itinaas ni Tina ang relo na nasa kamay niya. "Twin tayong dalawa,"
"Thank you, ang mahal siguro nito?" Sabi niya. Sinuot niya ang relo.
"Hindi naman, mura lang 'yan binili ko kasi buy one take one 'yan. Binili ko rin mga kapatid ko niyan pero ibang kulay naman," wika ni Tina.
"Salamat, iba talaga kapag maraming pera," ani Ericka.
"Hindi naman, basta kapag may problema ka nandito lang ako bago na rin pala ang number ko, wait ite-text kita, kahapon lang kasi ako bumili ng cellphone e,"
Natanggap naman ni Ericka ang text ni Tina pagkatapos ay nagkwentuhan silang dalawa. Sa tagal nilang hindi nagkita inabot ng dalawang oras ang pag-uusap nila hanggang sa umuwi na si Tina sa bahay nila.
Muli niyang pinagpatuloy ang paglilinis ng bahay nang dumating ang kanyang Nanay mula sa papalengke. Bitbit pa nito ang malaking basket na may lamang gulay,prutas at karne. Kinuha niya sa Nanay niya ang malaking basket upang ilagay sa lababo. Isa-isa niyang inalis mula sa basket ang mga pinamili ng kanyang Nanay. Habang ang Nanay naman niya ay nagpapahinga sa sala nila at nakatutok dito ang kanilang lumang electrifan.
"Ekay!" tawag nito sa kanya.
Agad naman siyang lumapit sa kanyang Nanay at iniwan ang ginagawa sa kusina. Nakasimangot ang kanyang Nanay nang tumingin siya rito.
"Bakit po, Nay?" tanong niya.
Napatingin ang kanyang Nanay sa suot niyang relo. "Kanino galing 'yan?" Nakataas pa ang kilay ng kanyang Nanay.
"Kay Tina po, sa kaibigan ko binigyan niya, umuwi kasi siya ngayon,"
"Hindi magandang kaibigan 'yang si Tina, natuto ka ng kung ano-ano,"
"Mabait po si Tina, desisyon ko ang sumama sa kanya noon, hindi niya ako pinilit, ako ang kusang pumilit sa kanya na isama ako," wika niya. Gusto kasi niyang ipagtanggol ang kaibigan niya. Hindi kasi tamang sisihin nila si Tina sa kasalan niya sa mga ito.
"Mabait kong mabait, sinabi ko na pala kay Ruben na sasagutin mo na siya,"
"Po? Hindi ko gusto si Ruben," mariing pagtanggi niya.
Lumapit ang kanyang Nanay at piningot ang kanyang tenga.
"Anong gusto mo babae!" Gigil nitong sabi sa kanya.
"Aray ko po! Nay, masakit," daing niya.
"Mabuti pa nga at pinagtatakpan kita sa Tatay at kapatid mo, kapag nalaman nila baka kung anong gawin sa'yo," sambit pa nito.
"Nanay, hindi ko po gusto si Ruben, kaya ko naman po'ng magkagusto sa lalaki pero hindi sa kanya,"
"Ah, basta siya ang sagutin mo, mabuting bata si Ruben, may takot sa Diyos at masipag mag-aral, at matalino siya," galit na sabi ng Nanay niya.
"Oo, na po," sagot niya.
Binitiwan ng kanyang Nanay ang tenga niya at muling umupo sa sofa. "Mababago pa 'yang nararamdaman ko sa kasarian mo, kaya ngayon pa lang baguhin mo na,"
Hinimas niya ang tenga niya na piningot ng kanyang Nanay nang sa gano'n ay maibsan ang sakit nito. Gusto niyang kontrahin ang Nanay niya, gusto niyang isigaw kong anong nararamdaman niya ngunit hanggang sa isip na lang niya iyon pwedeng ilabas dahil hindi niya kayang sabihin sa Nanay niya dahil kahit paulit-ulit niyang sabihin ang totoo hindi naman siya pakikinggan. Muli siyang bumalik sa kusina upang ayusin ang pinamili ng Nanay niya.
Siya na rin ang nagluto ng kanilang pananghalian dahil wala naman siyang pasok. Pagsapit ng pananghalian magkakasabay na silang tatlo na kumain.
"Ekay, ikaw ba ay nag-aaral ng mabuti?" tanong sa kanya ng Tatay niya.
Tumango siya. "Opo," tipid niyang sagot.
"May boyfriend na 'yan si Ekay, palaging bumibisita rito," sabi ng kanyang Nanay.
Hindi siya umimik, nagpatuloy lang siya pagkain. Alam kasi niyang ang tinutukoy ng kanyang Nanay ay si Ruben.
"Baka makapag-asawa ka na agad ng maaga hindi mo matapos ang pag-aaral mo, 'wag muna," wika ng kanyang Tatay.
"Opo," sagot niya.
"Hayaan mo ng magkaroon ng boyfriend si Ekay, mabait na bata naman ang boyfriend niya, kilala ko ang magulang ng batang 'yon, sinabi ko sa manliligaw ni Ekay na pag-aaral ang unahin nila bago mag-asawa," paliwanag ng kanyang Nanay.
Wala siyang imik sa sinabi nito, alam kasi niyang ipagpipilitan nito ang gusto nitong mangyari kahit tutol ang kanyang Tatay, hindi pa rin magpapatalo ang Nanay niya.
"Basta siguraduhin mo lang Ekay na hindi ko kayo makikita ng boyfriend mo sa tabi-tabi, ayokong malalaman na buntis ka. Talaga namang itatakwil kita," wika ng kanyang Tatay.
Tumingin siya sa Nanay niya at tumango ito.
"Opo," tipid niyang sagot, pagkatapos pinagpatulog nila ang pagkain tatlo.
Pagkatapos nilang kumain ng pananghalian Pumunta siya sa bayan upang magsimba. Habang nasa loob siya ng simbahan nakakita siya ng dalawang babae na magkahawak ang kamay habang nakikinig sa pari. Hindi nawala ang tingin niya rito dahil sa dalawa. Pinupunasan kasi ng pawis ng isang babae na kulay red na t-shirt ang kasama nito. Pagkatapos hinalikan niya pa ito sa lips nang sabihin ng pari na peace be with you, hanggang sa paglabas sa simbahan ay nakasunod si Ericka sa mga ito bagay na napansin naman ng dalawa.
"Bakit?" tanong ng isang babae na nakasuot na kulay red na t-shirt, parehong mahaba ang buhok nila at pareho rin nakaliptick.
"Pwede magtanong?" sabay tingin niya sa dalawa.
Nagkatinginan ang dalawa, marahil iniisip nila kung papansin nila si Ericka.
"Bakit?" sagot ng babaing nakasuot ng kulay red na damit.
"Sino ang straight sa inyo?"
Tinuro ng isang babae ang kasama niyang nakasuot ng white t-shirt. "Siya ang babae ako ang lalaki, bakit?"
"Wala naman natutuwa lang ako sa inyo kasi malaya kayo," tipid siyang ngumiti.
Lumapit ang babaing nakasuot ng red na t-shirt at tinapik siya sa balikat. "Tanggap na tayo ng lipunan nasa sa'yo na lang kung paano mo tatanggapin ang sarili mo,"
"Paano mo'ng nalaman na hindi ako straight?"
"Naamoy kita pre, ako pala si Cecil, siya naman ang girlfriend kong si Lisa,"
"Ericka ang pangalan ko," sagot niya.
"Nice meeting you," sabi ni Cecil.
"Bakit hindi mo kasama ang girlfriend mo sa pag-simba?" tanong ni Cecil.
Umiling siya. "Wala akong girlfriend, medyo magulo pa ang isip ko diyan, isa pa, Nanay ko lang nakakalam na bisexual ako, ayaw nga niya, kapag nalaman din ng Tatay ko baka patayin ako," wika ni Ericka.
"Baka naman kasi straight ka talaga naguguluhan ka lang. Try mo'ng mag boyfriend ng lalaki doon mo malalam kung ano talaga ang gusto mo, kung sa bagay bisexual ka nga, pwede ka sa lalaki at babae. Try mo muna ang boyfriend kapag hindi ka masaya subukan mo babae, ako nagkaroon din ako ng boyfriend noon, dalawang beses akong nagkaroon ng boyfriend bago nagka-girlfriend, hindi naman porket tomboy or bisexual ka hindi ka na pwedeng mag-boyfriend, pwede pa rin naman, mas makikilala mo pa nga ang sarili mo kapag nagka-boyfriend ka kasi malalaman mo kung ano talaga ang gusto mo, sige pre, aalis na kami may lalakarin pa kami ng girlfriend ko," wika ni Cecil.
"Maraming salamat sa payo mo," ani Ericka.
"Welcome!" Pagkatapos ay umalis na ito.
Kumaway siya at pagkatapos tinanaw niya ito habang papalayo.
*******
Pagdating niya sa bahay naabutan niya si Ruben may dala pa itong rosas at suman. Agad na tumayo ang Nanay niya at lumapit sa kanya.
"Yung sinasabi ko sa'yo, Ekay," pabulong na sabi ng kanyang Nanay.
Tumango siya at pagkatapos ay lumapit siya kay Ruben.
"Kanina ka pa?" tanong niya rito.
Tumango ito at tipid na ngumiti. "Para sa'yo pinitas ko sa tanim ni Mama, 'yung suman binili ko lang diyan sa kanto," sabay abot niya ng mga dala niya.
"Salamat," sagot niya.
Tumingin siya sa Nanay niyang nasa may kusina at pinakikinggan silang dalawa.
Huminga siya ng malalim. "Huwag kang magsasawa sa'kin gusto pa kitang makilala ng lubusan," wika ni Ericka.
Lumiwanag ang ngiti ni Ruben sa sinabi niya at pagkatapos ay hinawakan nito ang kamay niya. "Salamat," sambit nito.
Nilingon ni Ericka ang Nanay niya na nakangiti. Siguro nga dapat niya munang sundin ang Nanay niya at huwag ipilit ang gusto niya sa ngayon, pwede naman sigurong habang kinikilala niya ang sarili niya napagbibigyan niya ang magulang niya.