CHAPTER 3: Recovery

1462 Words
Lumipas ang taon ng mangyari ang aksidente na iyon. Nang mawala sina Mama at Papa, nagpasyang tumira si tita Jenny sa bahay namin para may makasama ako. Ang bahay nila tita Jenny ay pina-upahan na lang nila para may extra income kami na panggastos sa amin. Si tita Jenny na rin ang nagpatuloy sa ukay-ukay business nila ni Mama. Iyon lang naman kasi ang trabahong alam ni tita Jenny, kailangan din niya kasi kami alagaan. “Ate Gizzy, pupunta ka po ba sa sementeryo ngayon? Gusto niyo po samahan ko kayo?” saad ni Mariel sa akin. Nakita ko siyang kagagaling lang sa labas. May bitbit siyang toyo na nasa pack. Ngumiti ako sa kanya. “Hindi na, Mariel. Kaya ko naman pumunta roon. At saka, may assignment ka pang tatapusin. Tutulungan mo rin ang mama mo sa pag-sulat ng mga order sa live niya mamaya.” sagot ko sa kanya. Holidays na pero hindi ko nararamdaman ang papalapit na pasko. Buhay na buhay ang aking katawan pero ang pagkatao ko ay matagal nang patay. Pumunta ako sa kusina, nakita ko roon si tita Jenny na nagluluto ng pansit. First death anniversary ngayon nina Mama, Papa at ang kapatid kong ilang months pa lang. “Tita Jenny,” tawag ko sa pangalan niya. Lumingon siya sa akin at ngumiti. Alam ko rin namang hanggang ngayon 'di pa rin tanggap ni tita Jenny ang pagkamatay ni Papa. Tanging si Papa na lang kasi ang kamag-anak na mayro'n si tita Jenny, dalawa lang kasi sila magkapatid. “Pupunta ka na ba ngayon sa puntod nila, Gizzy?” pagtatanong niya sa akin at nagpatuloy sa paghahalo ng niluluto niya. Tumango ako sa kanya. “Opo, tita Jenny.” saad ko sa kanya. “Gano'n ba? Hintayin mo na itong pansit na niluluto ko at iwan mo roon sa puntod nina ate Glenda and kuya Joseph. Alay ba 'ga.” wika niya sa akin. Wala akong nagawa kung 'di hintayin na maluto ang pansit na ginagawa niya. Isa kasi niyon sa favorite pagkain nila Mama. Napangiti na lang ako. Ang bilis lumipas ng araw, isang taon na. Isang taon na nang lumipas ng mawala sila. Isang taon na ng iwan nila ako. Isang taon pero hanggang ngayon iniisip kong sana panaginip lang ang lahat. Nakita ko si tita Jenny na kumuha ng isang plastic tupperware at nilagyan niya 'yon ng pansit na kanyang niluto. “Ialay mo sa kanila ito, Gizzy, ha? Pakisabi kay kuya Joseph ko ba't 'di ako nakasama, ha? Maraming naghihintay ng live ko today.” marahan na sabi ni tita Jenny sa akin. Ngumiting tumango ako sa kanya. “Ayos lang po, tita Jenny.” Tumayo na ako sa aking kinauupuan. “Alis na po ako, tita! Para po maka-abot sa live niyo po!” saad ko. Lumabas ako sa kusina at nadatnan ko sa sala ang dalawang pinsan kong nagsasagot ng mga assignment nila ngayong holidays. Narinig ko pang nagrereklamo si Ariel, puro kasi online games ang inaatupag ngayon. “Study well, Ariel and Mariel!” saad ko sa dalawang pinsan ko at sabay silang umungot sa akin. Hehe. Gusto kasi nila sumama pareho sa akin pero tumanggi ako. Walang makakasama si tita Jenny mag-live, baka kasi ma-traffic din ako papuntang cemetery. Lumakad ako sa eskinita namin. May mga pa-ilaw na ang ibang bahay rito. Sa labas ng eskinita namin ay may mga palamuti na sa kalsada. May mga maliliit at malalaking parol na ang nakasabit. Hays! Paskong-pasko na sa barangay namin. Nang makarating sa sakayan ng jeep, gano'n pa rin ang nakita ko. Makukulay na ang mga daan at maging ang dagsa ng tao ay dumami na rin sa kalsada. Marami na ang namimili at naghahabol sa last minute shopping ngayon. Ilang araw na lang kasi pasko na. Nagpara ako ng jeep na papunta sa cemetery. Maging ang jeep na nasakyan ko ay may dekorasyon na rin na maliit na parol at maliit ng christmas tree, iyong sinasabit lang. Nagbayad ako ng pamasahe ko. Yakap-yakap ko ang tupperware na bitbit kong may laman na pansit. Napayuko ako ng makitang may pamilya sa aking harapan. Masaya ang batang babae na nasa gitna ng may edad na babae at lalaki. Naka-dress na kulay rosas ang babae na hanggang sa kanyang itaas na tuhod, naka-pusod sa dalawa ang buhok niya at masayang nakikipag-usap siya sa kanyang mga magulang. Sana maging masaya rin ulit ako katulad niya. Masaya na dumating ang pasko pero iba ang naiisip ko kapag sumasapit ang holidays. Sa lahat ng nandito sa loob ng jeep, ako lang yata ang hindi masaya, ako lang yata ang nakakulong pa rin sa nakaraan. Hinila ko ang tali sa may itaas ng jeep, eksaktong tumigil ito sa tapat ng cemetery kung saan nakalibing sina Mama at Papa. Dahan-dahan ako, bumili muna ako ng bulaklak at dumiretso na ulit sa paglalakad papasok ng cemetery. Tahimik ang buong paligid, may iilang mga tao akong nakikita na mukhang dumalaw rin sa mga mahal nila sa buhay. Habang papalapit ako sa street kung saan nakalibing sila Mama, bumibigat naman ang aking dibdib. Tanggap ko naman na ang lahat pero bumabalik pa rin ang masayang nilang mga mukha noong huli kong kita sa kanila. Iyong plano namin ni Mama na supresahin si Papa about sa pagbubuntis niya. Iyong tagaytay outing namin after ng pasko at ang mga plano nila para sa akin. Mukhang hanggang plano na lang talaga. Tumungkod ako sa harapan ng kanilang puntod. “Nandito po ulit ako, Mama at Papa at sa baby angel namin...” bungad kong sabi sa kanila. Umupo ako, kinuha ko ang kandila at posporo sa dala kong handbag. Sindihan ko ang tatlong kandilang dala ko. Inalay ko rin ang bulaklak na binili ko sa labas ng gate at maging ang nilutong pansit ni tita Jenny. “Isang taon na ng iwan niyo ko, 'ma at 'pa. Pero, hanggang ngayon iniisip ko pa ring sana panaginip pa rin ang lahat ng ito, na sana ay magising na ako at sa pag-gising ko mga mukha niyo ang sasalubong sa akin. Miss ko na po kayo. Palagi kong hinihiling na makita kayo sa aking panaginip kahit doon lamang ay makasama ko ulit kayo...” Hindi ko namalayang may tumutulo na pala sa aking mga mata. Hindi ko pa mapapansin kung hindi ko nakita ang maliit na basa sa may semento. Pinunasan ko ito. “Pinapangako kong magtatapos ako katulad ng sinabi niyo sa akin, katulad ng mga pangarap niyo para sa akin. Magiging teacher ako sa tulong ni tita Jenny..." Napasinghot ako ng maramdamang may tutulo sa aking ilong. “Pero, bigyan niyo muna ako ngayon ng panahon pa para lalo itong humilom, sa ngayon kasi, sobrang sakit pa rin talaga, e, 'ma at 'pa! Kahit gusto kong maging masaya ulit katulad ng dati dahil malapit na ang pasko pero hindi ko kaya, hindi ko kaya maging masaya kung kayo ang bumubungad sa aking isapan kapag ganitong palapit na ang pasko.” Napatingala ako sa kalangitan, maaliwalas at kita ang bughaw na kulay roon. “Mama at Papa, kita niyo po ba d'yan ang ganda ng panahon ngayon? Ganitong-ganito ang panahon noong isang taon. Maaliwalas at wala kang mababakas na kahit anong trahedya pero sabi niyo nga rati, mapaglaro ang tadhana. Ang tanong ko lang, ba't kayo pa ang napaglaruan? Ang dami kong what's if sa sarili ko. What if kung nakapag-book kayo ng delivery man para sa ukay-ukay natin 'di sana kayo napahamak. What if kung sumama ako maghatid ng mga niyon, pati kaya ako wala na rin sa mundong ito?” Napangiti akong tumingin sa lapida nila Mama. “Siguro nga totoo ang tadhana. Tapos, ito ang tadhana ko, ang mabuhay ng wala kayo. Lintik na tadhana ito, Mama at Papa. Hindi pala masaya.” Kumuha ako ng wipes sa aking handbag at saka nilinisan ang lapida nila. “Promise ko po ngingiti na ulit ako. Promise ko po sa inyo gagawin ko ang makakaya ko at sana kapag naging successful na ako, maging proud po kayo d'yan para sa akin...” ani ko sa kanila habang pinupunasan ang kanilang lapida. Bago ako umalis sa puntod nila nag-alay muna ako ng panalangin para sa kanilang tatlo. “Sige na po, 'ma at 'pa, aalis na po ako. Babalik po ako pagkatapos ng new year. Kailangan ko pa po kasing tulungan si tita Jenny sa ukay-ukay niya. Miss ko na po kayo.” malungkot kong sabi sa kanila at hinalikan ang kanilang lapida. Tumayo ako sa aking pagkaka-upo at nag-bow sa harapan ng lapida nila. “Bye po!” masayang paalam ko sa kanilang tatlo. Gagawin ko lahat ng makakaya ko para bumalik sa lahat ang dating ako. Para kina Mama at Papa, pati na rin kay tita Jenny. Magtatapos ako nang pag-aaral.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD