Gabi na pero hanggang ngayon wala pa rin sina Mama at Papa. Halos matapos ko na ang mga assignment and project ng mga pinsan ko.
“Gizzy, matulog ka na rin. Umakyat ka na rin doon sa taas.”
Tumingin ako kay tita Jenny. Nakangiti siya sa akin habang nakaturo ang kanang hintuturo niya sa may taas nila.
“Hihintayin ko po sila Mama, tita Jenny.” saad ko sa kanya at nag-indian seat dito sa may sofa nila.
Lumapit siya sa akin. "Matulog ka na, Gizzy, pag-gising mo nandito na rin sina Glenda and Joseph. Dito ko na rin sila patutulugin. Kaya sige na umakyat ka na roon kasama ang mga pinsan mo.” pangungumbinsing saad sa akin ni tita Jenny. Hinaplos pa niya ang buhok ko kaya napahikab ako.
“Oh, tignan mo, inaantok ka na. Matulog ka na,” nakangiting tingin niya sa akin.
Wala na akong nagawa kung 'di tumango sa kanya at sumunod sa sinabi niya. Nasa hagdan na nila ako na gawa sa kahoy. “Tita Jenny, gisingin niyo po ako kapag nand'yan na sila Mama.” bilin ko sa kanya at siyang pagtango niya sa akin kaya dali-dali akong umakya sa taas nila.
Nakita ko roon ang mga pinsan kong mahimbing na natutulog. Tumabi ako sa gilid ni Mariel at naki-share sa kanyang kumot.
Tama si tita Jenny baka mamaya lang din nand'yan na sina Mama at Papa.
“Mama... Papa...”
Hinabol ko sila Mama ng makita ko ang papalayo nilang bulto sa akin. Hinabol ko sila nang hinabol pero hindi ko maabutan sina Mama at Papa. Masyado silang mabilis maglakad para sa akin.
“Mama! Papa!” sigaw ko sa kanila pero ni-isang lingon mula sa kanila ay hindi nila magawa.
Tumakbo pa rin ako nang tumakbo, baka sakaling maabutan ko sila at ipaharap sa akin. Nadapa ako, napaluhod ako habang habol ang tingin ko sa kanilang dalawa.
“Mama... Papa... Huwag niyo akong iwan!” sigaw ko sa kanila.
Naramdaman kong may tumulo mula sa akin. Kitang-kita ko sa lapag ang tubig na tumutulo mula sa akin.
Pinunasan ko ito at tatakbo sana ulit para habulin sila pero tanging kadiliman na lamang ang bumungad sa akin.
“Gizzy... Gizzy!”
Napalingon ako sa paligid ng may marinig akong tumatawag sa akin. Palingon-lingon ako sa paligid kong puro itim at hinahanap ang boses na iyon.
“Gizzy!” Lumakas ang boses at nakita ko sa aking kanang bahagi ang puting liwanag, pinuntahan ko niyon at siyang pagdilat ko nakita ko ang umiiyak na mukha ni tita Jenny.
“Tita...” saad ko sa kanya ng magising ako.
Napa-upo ako sa kutson nila rito sa lapag. “B-bakit po kayo umiiyak?” Kinakabahan na saad ko sa kanya.
Tuloy-tuloy pa rin ang pagluha ni tita Jenny. Pinunasan niya ang kanyang magkabilang pisngi pero nagbibigay pa rin ng tubig ang kanyang mga mata kaya wala ring saysay ang kanyang pagpunas.
“S-sa baba tayo mag-usap, Gizzy...” nanginginig ang boses na saad niya sa akin.
Hindi ko alam kung anong nangyayari kay tita Jenny. Wala naman siguro akong sinabi na mura o masamang salita habang natutulog ako, 'di ba?
Naunang bumaba si tita Jenny. Sumunod ako sa kanya at inayos ang kumot na nakalagay kay Mariel. Dahan-dahan akong bumaba sa kahoy nilang hagdan.
“Ba-bakit po, tita Jenny? D-dumating na po ba sila Mama?” pagtatanong ko sa kanya.
Nilibot ko ang bahay nila tita pero wala akong nakita hulma nina Mama at Papa. Maliit lang ang bahay ni tita Jenny. Tanaw nga agad dito sa may sala nila ang kusina.
“Maupo ka rito sa tabi ko, Gizzy.” utos na sabi sa akin ni tita Jenny.
Sumunod ako sa kanya. Hanggang ngayon kasi umiiyak pa rin siya. Kahit anong pilit niya pigilan kusa bumabagsak ang luha sa mga mata niya.
“Ano pong nangyayari, tita Jenny? Wala pa rin po ba sina Mama at Papa?” nag-aalala kong tanong sa kanya.
Nakita kong dinala na naman niya ang kanyang kanang kamay sa magkabilang pisngi niya. “Huwag kang mabibigla sa sasabihin ko, Gizzy...”
Tumango ako sa sinabi ni tita Jenny kahit biglang kumabog itong dibdib ko. Hindi ko alam kung anong nangyayari pero ramdam kong may masamang nangyari.
Naghihintay ako sa sasabihin ni tita Jenny. Hinawakan niya ang magkabilang kamay ko at tinitigan ako nang mabuti. “Matapang na bata ka, Gizzy, lagi mong tatandaan niyan...”
“Ano po ba talagang nangyayari tita Jenny? Naguguluhan na po ako sa kinikilos niyo.” Lakas na tanong ko sa kanya.
Hinaplos niya ang aking mga kamay. “M-may nangyayari... May nangyaring masama... S-sa Mama at Papa mo, Gizzy. N-na-aksidente sila sa may highway pabalik dito. Na-aksidente sila, Gizzy...”
Napatitig ako kay tita Jenny. Napasinghap ako sa aking narinig mula sa kanya. “B-buhay naman po sila, tita Jenny? Buhay na po sina Mama at Papa. Nakaligtas naman po sila sa aksidente, tita Jenny! Buhay po sila, 'di ba?” paulit-ulit kong tanong sa kanya.
“Buhay sila Mama, tita, 'di ba? Sabihin mo po sa akin. Buhay sila Mama! P-puntahan na po... natin sila sa h-hospital, tita! Puntahan na po natin sila!” Hindi ko na napigilang humagulgol sa harapan ni tita Jenny.
Sumikip ang aking dibdib at halos hindi na ako makahinga dahil sa aking narinig. Niyakap ako ni tita Jenny at hinaplos ang aking likuran.
“B-buhay po sila, tita! S-sabihin niyo pong buhay sila tita Jenny! Na-nangako pa po sila sa akin na pupunta kaming tagaytay d-dahil buntis po si Mama! D-doon niya sasabihin sa inyo na buntis siya... Na m-magkakaroon ako ng bagong kapatid, tita! Matutuwa si Papa kapag malaman niyang buntis si Mama!” ngarag na ang boses ko habang sinasabi ko niyon.
Panaginip ba ito?
Ayoko na!
G-gusto ko nang magising sa masamang panaginip na ito!
Hindi patay ang mga magulang ko!
Hiniwalay ako ni tita Jenny sa kanya. Hindi ko na alam kung ano ang itsura ko. Basta alam ko lang ramdam ko na ang basa sa magkabilang pisngi ko. Napasinghot ako ng maramdaman kong tutulo ang aking sipon.
“Brave girl ka Gizzy, okay? Pupuntahan na natin sina Glenda at Joseph, okay? Pupunta tayo sa kanila.” Maging ang boses ni tita Jenny ay nanginginig at ngarag na rin dahil sa pag-iyak din niya.
“Buhay pa sila, tita Jenny...” ani ko sa kanya.
“Kaya pupuntahan natin sila, Gizzy. Iuuwi na natin silang dalawa.” mahinahong sabi niya sa akin.
Nakatingin lang ako sa kanya at tumango sa kanyang sinabi. “Okay po. Iuuwi na po natin sila, tita Jenny.”
Nagpalit lang kami ng pang-itaas ni tita Jenny. Iniwan namin sina Mariel and Ariel na mahimbing pa ring natutulog. May kinausap si tita Jenny na kapitbahay nila na bantayan mo na ang bahay at ang dalawang bata sa loob, buti na lang pumayag siya.
Nasa loob kami ng taxi. Hindi ko alam pero 'di ako mapakali sa aking kinauupuan. Kinakabahan ako na any moment tutulo na naman ang aking mga luha sa mata ko. Mugto na nga ang mata ko ng tumingin ako sa salamin. Namumula rin ang ilong ko sanhin sa pag-iyak ko kanina.
Binaba kami sa hospital na malapit sa may highway. Biglang lumamig ang aking mga pawis. Lumamig din ang magkabilang kamay ko habang mabagal na naglalakad sa pasilyo ng hospital.
Huminto kami ni tita Jenny. Gano'n na lang ulit ang aking naramdaman. Sumikip na naman ang aking dibdib at umawang ang aking labi ng mabasa ang k'wartong hinintuan namin.
‘Morgue.’
Binuksan ng isang taga-bantay sa k'warto ang pinto. Hindi ko maigalaw ang aking paa. Ayaw lumakad papasok sa loob.
“Gizzy,” tawag sa akin ni tita pero umiling ako sa kanya.
Bakit ngayon pa kung kailan ilang araw na lang pasko na? Bakit ngayon pang madadagdagan ulit kami ng isang miyembro sa pamilya? Bakit sila pa ang na-aksidente sa highway?
Hinila ako ni tita Jenny papasok sa loob ng morgue. Lumakad kami hanggang huminto kami sa dalawang bangkay na nakatalukbong ng puting kumot.
“Kayo ba ang pamilya ng nasawi sa aksidente na nangyari sa highway?” pagtatanong ng lalaking nagbukas ng pinto para sa amin.
Si tita Jenny na ang tumango sa kanya. “Kapatid ko ang lalaki sa nasawi.” Walang emosyon na sabi ni tita.
Inalis ng lalaki ang kumot sa dalawang bangkay hanggang sa kalahati ng katawan. Doon gumuho ang mga what if ko.
Sina Mama at Papa ang nakahiga sa puting tiles sa morgue.
Hindi ko na napigilang humagulgol sa katawan ni Mama. “Mama!” sigaw ko nang malakas at niyakap siya.
“B-bakit niyo ko iniwan, Mama!” malalakas na sabi ko sa kanya.
Wala na akong pake kung makita kami ng lalaking umiiyak ng ganito. Maging si tita Jenny ay umiiyak sa katawan ni Papa.
Sa isang iglap nawala sila sa amin. Dahil sa aksidente na iyan, may nabuwis na tatlong buhay. Ang isa ay hindi pa nasisilayan ang mundo ay binawi na agad siya.
Sa buong lamay para kina Mama at Papa ay hindi ako maka-usap, maging ang pamilya na nakabangga sa pick-up namin ay pumunta para humingi ng tawad pero hindi ko sila kina-usap.
Maibabalik ba ang sorry ang buhay ng mga magulang ko? Maibabalik ba nila?
Kahit lumuhod sila sa harapan ko, hindi nila maibabalik ang buhay ng mga magulang ko.
Walang saysay ang paghingi nila ng tawag sa akin. Wala.