Chapter 14

2156 Words
"Sino ka ba, Denise?" tanong ko sa sarili ko at iniisa - isa ko ang lahat ng nasa journal ko. Hanggang sa nahanap ko ang sa isang pahina ang isang maliit na listahan ng mga taong importante sa akin. Denise Villafuerte. Iyan ang pangalan niya at kasunod pa ang numero nito. Hindi ko pa siya tinatawagan pero naisip kong i-record ang natuklasan ko pati na rin ang tungkol kay Denise tapos ay muli ko ng binura sa voice recorder ito. Alam kong iniiwas ako ni Genro para makausap sila Denise dahil sa nawawalang calling card pero hindi ko alam kung bakit niya ginagawa iyon. Nasagot na rin ang tanong ko kung bakit isang file lang ang nare-record ko dahil ano mismo ang nagbubura nito. Pakiramdam ko talaga ay may tinatago sa akin si Genro dahil sa mga pag-iwas niya sa mga tanong ko habang itong si Denise ay pinapabulanan ang mga sinasabi ni Genro. Hindi ko maaaring gamitin ang numero ng cellphone na gamit ko dahil malalaman ito ni Genro. Naisip kong ilihim kay Genro ang pagsisiyasat ko. Pumunta ako sa sala para mag-isip kung ano ang dapat kong gawin hanggang sa mapatingin ako sa labas. Naaalala ko si Jane at naisip na kung pwede kong gamitin ang kanyang cellphone para magtanong pero baka maging dahilan iyon para pagdudahan niya si Genro. Huminga ako ng malalim dahil lahat ng naiisip kong hakbang ay mauuwi sa pagkakatuklas sa plano ko. Gusto kong palihim na alamin ang totoo at ayokong ipaalam iyon kay Genro. Sumilip ako sa bintana at pinagmasdan ang mga tao sa labas. May ilan na nag-lalako ng kung ano - ano ang mga tao. Naisip ko si Jane. Nagdadalawang - isip ako kung lalabas ba ako dahil ayaw ni Genro ang makihalo-bilo ako sa mga tao. Pero para sa ikakapanatag ng isip ko, naisip ko n magtungo sa bahay nila. Nang may dumaan na naglalako ng isda ay agad akong lumabas para maging dahilan ko iyon at makita ang bahay nila. Nakita kong nanonood ang kanyang asawa at naglalaro naman ang anak niya pero wala si Jane sa loob. Lumakad muna ako ng kaunti at inusisa ko muna ang bahay nila. Baka may ginagawa rin kasi si Jane at maka-istorbo pa ako. Pumasok na lang ako uli sa loob at sinilip ko na lang sa bintana ang bahay nila. Pag lumabas na lang siya ay saka ako lalapit. Pumunta muna ako sa kwarto at naisip na hanapin si Denise. Ayokong mag-iwan ng bagong detalye dahil baka inaalis ni Genro iyon kapag tulog ako. Sa calling card pa lang at ang hindi ko mahanap na account ni Denise ay labis na akong nagtataka. Nang makauwi si Genro ay sinalubong ko siya agad at inabutan ng tubig. Nakatingin siya sa akin at nagtataka habang nilalagok niya ito. Binalik niya sa akin ang baso at malugod kong kinuha iyon. "Kamusta ang araw mo?" tanong ko sa kanya habang hinuhubad niya ang sapatos at inalis na rin ang polo na suot. Dinampot ko iyon habang pinagmamasdan ko siya. Naglakad na siya papunta sa kwarto para kumuha ng damit. "Sumubok ako magluto, pritong isda," sabi ko sa kanya habang nakatayo sa labas ng pinto at kumunot ang kanyang noo pagtingin sa akin. Lumakad siya papunta sa kusina at binuksan ang nakatakip na pagkain. "Saan galing ito?" tanong niya sa akin at umayos ako ng pagkakatayo. Lumapit na rin ako sa kinatatayuan niya para pagsandukan siya ng kanin. "Ah, may napadaan lang naman dito sa bahay kanina kaya bumili na ako ng isang kilo," sagot ko at nagulat ako ng sinuntok niya ang lamesa. Napa - atras ako dahil sa ginawa niyang iyon. "Bakit ba ang tigas ng ulo mo? Sabi ko hindi ka pwedeng lumabas!" sigaw niya at hinagis ang plato kung nasaan ang ulam. Napaatras na talaga ako palayo sa kanya at patakbong nagtungo sa kwarto. Napaupo ako sa kama at naluluha dahil sa ginawa niya. Nagtataka bakit niya pilit na inililihim sa akin ang ilang mga detalye. Pumasok si Genro sa loob ng kwarto kaya nakaramdam ako ng takot sa kanya. "I'm sorry. Sana maintindihan mo naman ang takot ko na may mangyari masama sayo," bulong niya sa akin at akmang hahawakan ako ay agad kong iniiwas ang sarili ko sa kanya. "Huwag kang lalapit!" sigaw ko sa kanya at tumungo lang siya habang magkatabi pa rin kami. "Memories are knife. Nakakasugat, nakakasakit." Napatuptop ako sa kinauupuan ko dahil tumagos sa isip at puso ko ang sinabi niya. Kaya siguro inililihim niya sa akin ang nakaraan ay baka ayaw niyang masaktan ako sa matutuklasan ko. "May dapat bang makasakit sa akin sa nakaraan ko?" inosenteng tanong ko sa kanya at tumulo na ang luha niya pero pinunasan niya rin iyon agad. "Si Roger, namatay siya sa paghahanap sayo," sabi niya at nagtaka ako dahil hindi ko kilala kung sino ang Roger na iyon. May kinuha si Genro sa lagayan ng mga lumang diyaryo at sinunsan ko siya. May hinahanap siya sa sa mga iyon. "S-sino si Roger?" Inabot niya sa akin ang isang piraso ng diyaryo at litrato iyon ng lalaking pinakita sa akin ni Denise. "Ang Papa. " Kinuha niya ang kanyang cellphone at pinakita sa akin ang isang imahe. Nakita ko na ito pero hindi ko maaalala kung saan. "Litrato iyan ni Papa." Kinuha ko ang cellphone niya at tinitigan kong maigi ito. Nang malipat ang titig ko sa kamay nito, halos mabitawan ko na ang cellphone dahil natandaan ko ang tattoo nito sa pulso. Kapareha ng litratong pinakita ni Denise sa akin kahapon. "Ikaw ang sinisisi nila dahil sa pagkamatay ni Papa. Dahil sa katigasan ng ulo mo, napahamak siya. Iyan ang sinabi ng ilan sa mga katrabaho ni Papa," suwalat nito at para akong nilubayan ng kaluluwa ko sa sinabi niya. Kasalanan ko? Bakit? Tanong ko sa sarili ko ng mga sandaling iyon pero agad nanumbalik sa realidad ang isip ko. "Wala kang kasalanan sa nangyari. Kaya gusto kong ilayo ka sa lahat dahil ayokong mapahamak ka." Binawi ni Genro ang kanyang cellphone sa akin at nilagay sa kanyang bulsa. "H-hindi totoo na patay na siya!" sabi ko sa kanya at hinablot ang damit niya gamit ang dalawang kamao ko. Hinawakan niya naman ang mga kamay ko pero hindi niya inalis ito. Niyugyog ko siya. Hinayaan niya lang ako hanggang sa makaramdam ako ng pagod. Pagod sa pag-iisip at pangangatawan. Nagtangis na ako at niyakap ni Genro. "Makinig ka sa akin. Ako ang kasintahan mo!" Huminga akong malalim dahil sa sinabi niya. Tumango ako at yumakap na rin sa kanya. "Magsimula na lang tayo ulit. Kalimutan mo na ang lahat ng iyan," sabi niya pa muli at nagtaka ako sa sinabi niya dahil sa hinawakan niya ang kamay ko at pinaglaruan ang singsing sa daliri ko. Ito ang engagement ring namin. Hindi ko napansin na suot ko pala ito buong araw. "Alam kong nakukulangan ka sa pagkatao mo dahil hindi mo naatandaan ang lahat, pero handa akong tulungan ka," bulong niya sa akin. Pakiramdam ko ay kinokontrol niya ako pero kung sa ikakabuti ko naman ang dahilan, papayag ako sa lahat ng gusto niya. Sa ngayon ay mahina pa ako dahil nagpapagaling pa ako pero oras na maalala ko na ang lahat ay babawi ako. "Gusto ko na ituloy ang kasal natin," sabi niya sa akin at nanglaki ang mata ko sa sinabi niyang iyon. "Kahit ganito ang sitwasyon ko?" tanong ko at tumango siya sa akin saka ngumiti ng sobrang tamis. Napatingin ako sa singsing at hindi makapaniwala na gusto niyang matuloy ito. Pero sa loob-loob ko ay hindi ko mahanap ang saya na nararamdaman niya. Hindi ko pa rin maalis sa isip ko ang nalaman ko tungkol sa sinabi niya tungkol kay Denise. "Tara na at kumain na tayo. Magluluto na lang ako ulit," sabi niya sa akin at pinunasan niya ang luha ko saka inayos ang aking buhok. Tumango naman ako at sumunod sa kanya. Pinagmamasdan ko na lang siya habang nagluluto ng mapahawak ako sa ulo ko. Wala na akong nararamdaman na sakit kaya tinanggal ko na ang band-aid dito at tinapon na. "Okay ka na ba?" tanong niya nang mapansin na tulala ako pero nakita ko sa maliit na salamin na parang may hiwa sa aking noo. "Okay naman ako. Parang may hiwa ang noo ko?" tanong ko sa kanya at tinitigan ito. Nakaramdam kasi ako ng kirot sa parteng iyon. Wala naman bago sa reaksyon niya at parang sanay na makitang gano'n ang noo ko. Pero nang tingna ko sa salamin ay wala bamang sugat ang noo ko. "Diba ang sabi mo, isang taon bago ako nagising sa comatose?" tanong ko sa kanya at kumunot ang kanyang noo pero lumayo siya sa akin at natuon ang atensyon sa niluluto niya. "Bakit mo naman naitanong iyan?" tutol niya sa akin pero hindi ako maaaring magkamali. Totoo ang sinabi kong iyon. "Bakit pabago - bago ka sa mga sinasabi mo?" tanong ko na may awtoridad. Pinatay niya ang kalan at tumingin sa akin. Huminga siya ng malalim bago nagsalita. "Anong gusto mo? Mag-isip pa ako ng maayos? Mag-isa lang akong nag-alaga sayo! Mag-isa na pinoprotektahan ka dahil sinisisi ka ng lahat! Nahihirapan din ako, tapos ang gusto mo, tugma sa gusto mo ang lahat ng sasabihin ko?" sigaw niya sa akin at natahimik ako dahil sa gulat. Naisip ko ang lahat ng hirap niya dahil sa akin pero hindi ko naman hiniling sa kanya iyon, kaya bakit niya isusumbat sa akin? "Hindi ko naman hiniling iyan sayo. Sana hinayaan mo na lang ako!" sigaw ko pabalik sa kanya. Kung ihahalintulad sa teleserye, dapat ay tatakbo na ako palabas ng bahay tapos ay masasagasaan ako pero hindi iyon ang ginawa ako dahil hindi naman ako isang bida. "Hindi ko pwedeng gawin iyon sayo. Nangako ako kay Papa na hindi kita iiwan," sagot niya sa akin at napasandal na lang ako sa lababo dahil sa sinabi niya. Paulit-ulit niyang sinasabi ang Papa ko at pakiramdam ko ay sobrang lapit nila sa isa't - isa. Nawalan na ako ng gana at nagtungo na lang sa kwarto. Naririnig ko ang kalansing ng mga kutsara dahil sa mag-isang kumain si Genro. Hanggang sa pumasok siya sa kwarto at naligo tapos ay tumabi sa akin. "May tinabi akong pagkain doon, kailangan mong kumain at makainom na ng gamot," sabi niya sa akin at kinuha ang isang dyaryo at nagbasa habang nasa kama. "Ano ang ikinamatay ng Papa?" tanong ko na bumasag ng katahimikan namin. Lumingon siya sa akin at mapanuri niya akong tinitigan. "Binaril siya sa loob ng bahay niyo," diretsong sagot niya sa akin at napanganga ako. "Totoo ba ang sinabi mo?" nagtataka kong tanong sa kanya at napahawak na siya sa kanyang noo. Pakiramdam ko ay nagsasawa na siya sa pagsagot sa mga tanong ko. "Bukas na lang tayo mag-usap, Alexa. Wala akong pasok bukas. Lahat ng tanong mo, sasagutin ko," sabi niya sa akin at tumayo siya tapos ay binuksan ang drawer. Kinuha niya doon ang notebook at ballpen saka iniabot sa akin. Napatingala ako sa kanya at ngumiti dahil alam ko na ang ibig sabihin ng ginawa niya. Isa-isa kong sinulat ang mga bagay na itatanong ko sa kanya habang nagbabasa naman siya ng dyaryo. Nasa limang tanong lang ang gusto kong malaman at buo ang pag-asa ko na bukas, may iilang sagot na sa mga tanong ko. Napatingin ako kay Genro at nakita kong tulog na siya kaya kinuha ko ang dyaryo at inilagay sa lamesita tapos ay dahan-dahan akong tumayo sa kama dala ang voice recorder at nagtungo ako sa kusina. "Ako si Alexa Roxas. Dati akong pulis, naging biktima ng karahasan na naging dahilan para mawala ang ala-ala ko. Nasa kondisyon rin ang isip ko na hindi kayang magkaroon ng bagong impormasyon. Kasalukuyan pa rin hinahanap ang may sala nito. Si Denise Villafuerte, isa sa mga katrabaho ko noon at kaibigan ang nagtungo dito. Si Genro Guilllermo, ang aking kasintahan at siyang guardian ko ngayon. Sila pa lang ang mga taong nakakausap ko tungkol sa sitwasyon ko. Hindi ko sila dapat pagkatiwalaan dahil hindi magkapareha ang detalyeng sinasabi nila sa akin." Huminga akong malalim para kumuha ng lakas ng loob sa susunod kong ire-record. "Ayon kay Denise, hindi totoo ang sinabi sa akin ni Genro. Ayon naman kay Genro, isa si Denise sa mga taong sinisisi ako dahil sa pagkamatay ng sarili kong ama. Wala akong pinagkakatiwalaan sa kanila dahil parehas nilang sinisisi ang bawat isa. Kung sino man ang makakarinig nito, sana tulungan mo ako," bulong ko at nang matapos ako, sinend ko iyon sa aking email tapos ay muli kong inalis ito sa voice recorder. Dahan-dahan akong bumalik sa kama at muli kong binasa ang sinulat kong mga tanong. Sana bukas ay magkaroon na ng pag-asa ang kaso ko. Mahimbing na ang tulog ni Genro. Pinunit ko ang pinagsulatan ko ng mga tanong ko at Iniipit ko iyon sa aking unan tapos ay natulog na ng mahimbing.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD