Napanganga ko habang tinititigan ang kabuuan ng Merban Enterprise Building. Abot langit ang taas at kala mo mall ang luwang. Hindi ko maiwasang malunok nang malalim habang ginigising ang sarili sa pagkamangha.
Napasok ako dito bilang sales assistant pero sa mga phone inquiries lang. Pwede na rin 'yon kasi malaki rin ang sahod at maganda ang office. Kagabi pa ko hindi makatulog sa sobrang pananabik makapasok sa loob pero ngayon namang nandito na ko ay kinakabahan ako.
Inayos ko agad ang damit ko at ID nang may mga dumaan na sa aking empleyado. Ang gaganda ng mga pormahan nila na para bang sobrang professional na nilang lahat. Samantalang ako ay nahalungkat ko lang 'to sa kabinet ko at sinuot ko pa 'to noong college ako, noong nag-defense ako sa thesis.
*BEEP!*
"AH!" tili ko sa sobrang kaba. Napahawak agad ako sa dibdib ko at tinignan nang masama ang kotseng nasa gilid ko ngayon. "Hoy!" galit kong sigaw kasabay ng pagkalampag ko ng hood niya. Dinuro ko siya pero ang yabang at binusinahan pa ulit ako.
"Tatabi ka ba o sasagasaan kita?!" mayabang niyang sigaw kaya mabilis akong napagilid.
"Ayos ka lang?" tanong ng lalaking nasa likuran ko.
"Sorry, dadaan ka ba?" Mabilis akong gumilid.
Binigyan niya ko nang diretsong tingin bago ako lampasan nang walang kibo.
"First day ko pa lang pero ang malas ko na," dismayado kong bulong sa hangin. Pumasok na lang ako at hinang-hina na lumakad. Sana lang ay wala ng kasunod ang kamalasan ko.
Huminto ako sa tabi ng lalaki kanina na nakatayo sa harapan ng elevator. Ang tangkad niya, sobrang puti at siguro gwapo rin kasi maganda rin naman ang mga mata niya. Bakit kasi naka-facemask siya sa loob ng building? Daig niya pa may sakit niyan.
"What are you staring at?" Biglang masungit niyang baling kaya mabilis akong napaiwas ng tingin at sakto namang bumukas ang elevator. Papasok na sana ko nang may biglang humila sa akin. Muntik na kong masaldak kung hindi lang ako nahawakan ng lalaki kanina.
Siya na naman!
Inis kong tinignan 'yung lalaki sa kotse kanina. Papasok na lang sa elevator bakit kailangan niya pang manghila ng bag?
"Sorry, nagmamadali kasi ako. Akala ko puno na," paliwanag niya nang parehas namin siyang tingnan nang matalim. Hawak pa rin ako ng lalaki kanina at pinakawalan lang nang sumara na ang elevator.
"Next time, you should be more careful." Ang talim ng tingin niya. Ayoko ng gulo sa first day ko kaya naman labag man sa loob ko pero kailangan kong sumingit.
"Ayos lang naman ako. Hayaan mo na," sabat ko.
"Tss, ang yabang." Inis na irap naman ng isa. Kung makayabang siya, samantalang siya itong totoong mayabang sa kanilang dalawa.
Hindi na kumibo ang lalaking naka-mask. Tahimik siyang lumabas nang bumukas ang elevator sa floor niyang pinindot kanina. Naiwan kaming dalawa ng mayabang na lalaking 'to.
"'Wag mo kong tingnan nang ganyan kasi makakatikim ka talaga sa akin," madiin kong usal. Binalingan ko siya ng tingin na nakangisi lang sa akin ngayon.
Nagpamulsa pa siya at humarap sa pwesto ko. "Boyfriend mo 'yon?" maangas niyang tanong.
"Ano naman sa'yo?" taas kilay kong balik.
"'Wag mo nga akong tarayan. Baka gusto mong ipatanggal kita."
Napalunok ako habang tinitignan ang maangas niyang mukha. Hindi ko na siya sinagot pa at mabilis na lang akong lumabas ng elevator. Malas lang dahil mukhang dito rin ang way niya. Nakasunod pa rin siya kaya kabang-kaba na ko.
First day ko ngayon at ayoko pang matanggal. Ang tagal kong hinintay ang pagkakataon na 'to.
"Nandito na pala sila." Gulat akong tumigil sa paglakad nang may sumalubong sa aking lalaki. Nginitian niya rin ang lalaki sa likuran ko at minostrahan kaming dalawa na sumunod sa kanya.
"Ayan na pala ang mga newbies," tuwang-tuwa na bungad ng isa pagkapasok namin sa isang malaking office. Tinignan ko 'yung lalaki kanina na masungit din akong tinignan. Bago lang din pala siya, napakayabang.
"Uncle!" biglang bati niya at ngumiti payakap sa isang lalaki na mukhang mataas ang posisyon.
Okay, binabawi ko na ang sinasabi ko sa utak ko. Hindi ko na siya tatarayan.
"Umayos ka dito. 'Wag kang gagawa ng gulo."
"Relax, uncle. Kilala mo naman ako." Ang plastik niya.
Bumuga na lang ako ng hangin at nilibot ang mga mata ko sa buong lugar. Ang ganda at talagang nakakagana na pumasok araw-araw.
"Nailibot na ba kayo dito sa building?" tanong ng isa. Ililibot? Sa buong building? Napanganga ko dahil sa sobrang laki nito. Baka pagkayari ng tour ay hindi na kami makapagtrabaho sa pagod. "Ahem, bawal dito ang lutang." Inismidan niya ko kaya mabilis akong napabalik sa ulirat.
"Hindi papo," sagot ko.
"Ito ang magiging workplace mo at ikaw naman ay dito." Hindi niya na ko pinansin at bumaling na sa lalaki kanina na mukhang sipsip din.
"Kayo po ang magiging manager namin dito, 'di ba?" pabibo niya pang tanong. Nginisihan niya ko nang nakakainis bago lapitan ang lalaki sa harapan namin. Feeling close siya at talagang inakbayan pa niya.
Inikot niya kami sa building pero sandali lang. Lagi nga akong tumatakbo dahil hamak laki nila sa akin pati na ang mga paghakbang nila. Huminto kami dito sa president's lobby. Kinakabahan ako dahil bakit kailangan pang makausap namin siya? Balita ko kasi masungit siya at matatanggal ka kaagad sa isang maling galaw mo pa lang.
"'Wag mo siyang titignan sa mata."
Napalingon ako sa kanya na feeling close na rin sa akin. Nakasandal pa siya ngayon sa balikat ko at nakangisi. "Lumayo ka nga," inis kong reklamo.
"Sinasabihan lang kita. Balita ko ginagawa niyang miserable ang buhay ng mga tumitingin sa mga mata niya." Pananakot niya.
"Tsismis lang 'yon."
"Mabuti na ang mag-ingat." Kumindat siya bago tumayo at lumakad papunta sa secretary ni President nang tawagin siya nito.
Mas kinabahan lang ako sa sinabi niya. Ayaw na tuloy tumigil ng pagtibok nitong puso ko at mukhang kapag tinawag ako ay sasabog na 'tong bigla.
Nanlalamig na rin ang kamay ko sa sobrang tagal niya sa loob. Tinignan ko ang orasan at mag-iisang oras na rin pala siya doon mula noong pumasok. Bakit ang tagal? Ano 'yon? May fourth interview pa kami ngayon?
"Anong balita?" wala sa kamalayan kong tanong. Tumayo ako at nilapitan siya na hindi maipinta ang mukha. "Bakit ba ganyan 'yang mukha mo? Mas lalo akong kinakabahan."
"Ms. Ariel Cruz," tawag na sa akin. Hindi pa rin kumikibo 'tong mokong na 'to kaya mas lalo akong kinakabahan. Tinitignan-tingnan ko siya habang kabadong pumapasok sa loob.
Tahimik ang paligid na ikinatigil ko sa paglalakad. Bigla na lang nawala ang kaba ko dahil sa tunog ng wind chimes. Kakaiba ang tunog ng mga 'yon na nakahilera sa tabi ng malaking salamin. Napatitig lang ako habang patuloy na sa paglalakad sa silya malapit sa president's desk. Nakatalikod pa rin ang upuan niya kaya hindi ko pa rin matanggal ang tingin sa mga wind chimes. Ang payapa.
"Hello po," nabigla kong bati sabay yuko nang humarap siya. Hindi siya kumibo kaya dahan-dahan na kong bumaling ng tingin sa mukha niya. Natulala ako dahil sa itsura niya. Ang bata niya para maging presidente ng ganito kalaking kumpanya.
Kahit pa matagal ko ng minimithing makapasok dito. Ngayon ko lang nakita ang mukha niya dahil laging walang laman na picture kapag sine-search ko ang itsura ng presidente. May usap-usapan kasing gwapo raw siya at totoo naman pala talaga.
"Good afternoon po," bati ko ulit.
Bakit ba hindi siya kumikibo? Nakatitig lang siya sa akin na para bang binabasa niya ang nasa isip ko. Teka? Dapat ko nang tanggalin ang tingin sa kanya dahil baka matanggal ako, 'di ba?
Pero paano? Bakit siya ganyang makatitig sa mga mata ko? Para kong sinisigang sa kinauupuan ko ngayon. Ganito lang din ba ang ginawa nilang dalawa kanina?
"Do you like wind chimes?"
"Po?" gulat kong tanong pero hindi niya na inulit ang tanong niya at masungit na sumandal habang nakatingin pa rin sa akin. "Opo," sagot ko na lang.
"Pwede ka nang lumabas."
"'Yon na po 'yon?" bulalas ko na ikinagulat ko rin. "Okay po, thank you," bawi ko at mabilis na gumalang para yumuko.
Bumaling siya ng tingin sa mga wind chimes kaya hindi ko maiwasang tingnan ulit ang mga 'yon. Nabunggo ako sa pinto na ikinatingin niya ulit. Hiyang-hiya akong ngumiti ulit at yumuko bilang paumanhin bago lumabas nang tuluyan.
"Ang tanga mo talaga," inis kong sabi sa sarili ko habang gigil na gigil. "Hi po, saan na po ang next?" nakangiti kong tanong sa secretary niya.
Minostrahan niya kong sandali lang daw gamit ang kamay niya. Abala siya sa kausap niya sa telepono at nakangiting bumaling sa akin nang ibaba niya 'yon.
"May dala ka bang mga gamit?"
"Wala po. Ito pa lang po."
Tumango-tango siya habang nakanguso. Tumawag ulit siya sa telepono at minostrahan akong maupo sandali sa lobby kanina.
Natanaw ko mula dito 'yung lalaki kanina. Kausap niya ang uncle niya na mukhang hindi maganda ang mood ngayon. Nagsisigawan pa sila na hindi ko naman maintindihan dahil sa salamin na nakaharang. Kunsumido siyang tumingin sa akin na mabilis ko namang iniwasan at kunyari akong tumingin sa malayo.
"Ms. Cruz, halika na dito."
"Yes po." Masaya kong tumayo at nagtukod ng dalawang siko sa mataas niyang table. "Saan na po ang next ko, ma'am?"
"'Di ba sales assistant ang pinasukan mo?"
"Yes po."
"Ayos lang bang ilipat ka namin?"
"Po?" Napataas ako ng kilay at mas lalong inilapit ang mukha ko sa pwesto niya. Alanganin siyang ngumiti kaya lalo akong nagtaka.
"Ganito kasi 'yon. Isang buwan na lang ako dito sa kumpanya at sabi ni President na ikaw ang gusto niyang pumalit sa akin."
"Bakit po ako?" bulalas ko at mabilis niya naman akong hinila palapit sa kanya. Tumayo rin siya para mas lalo pa kaming magkalapit.
"'Wag ka nang magreklamo. Pwede mo namang pataasan ang sahod mo sa HR once na kinausap ka na nila," bulong niya sabay kindat sa akin.
"Pero bakit po ako? Bakit hindi na lang 'yung kasama ko kanina?"
"Tinanggal na siya ni President."
"Agad-agad?!" Gulat akong napalayo sa kanya at tumango-tango naman siya nang mabagal. "Teka lang po, bigla akong kinabahan. Kung gano'n siya kasungit baka hindi rin po ako makatagal," sunod-sunod kong sabi habang nakahawak sa dibdib ko.
"Swerte ka nga at pinili ka niya agad. Alam mo bang ngayon lang siya nag-suggest?"
"Pero kasi, miss." Mas lumapit na ko.
"Maganda ang pasahod dito at magiging maganda ang future mo kaya 'wag ka nang magreklamo."
"Bakit ikaw nag-resign ka?" alanganin kong tanong na ikinatigil niya.
"Ayaw mo ba dito? Itatawag ko na kasi sa HR." Biglang pagsusungit niya. Pumindot-pindot na siya sa telepono at matalim akong binalikan nang magsimula na silang mag-usap ng HR. "Tatanggalin ka na lang daw nila kung hindi mo tatanggapin ang offer."
"Teka po. Bakit naman?"
"Ayaw nilang mapahiya si President at baka sila ang tanggalin."
Nataranta na ko at napatingin-tingin muna sa paligid habang nag-iisip.
"Sales Assistant with a salary of twenty thousand or being his secretary with fifty thousand per month. Ano na, Ms. Cruz? Mahirap bang desisyunan?" Tinaasan niya ko ng kilay.
"Make it a hundred thousand for her." Napanganga ko dahil sa pagsabat niya. Sinulyapan niya lang ako ng tingin bago mostrahan ang secretary niya na lalabas siya ng office.
Anong trip niya?
"Bakit ang lagkit na ng tingin mo kay President? 'Wag kang mag-assume na type ka niya, ha? Loyal 'yan kay Ms. Vanessa," mataray niyang salita na nagpabaling ulit sa akin ng pagtingin sa kanya. "One hundred thousand na 'yon baka naman ayawan mo pa."
"Pwede po bang matanong ko muna kung bakit aalis ka?" lakas loob kong tanong. Malalim siyang huminga at bigla na lang binaba ang telepono bago ko tingnan nang matalim.
"Ayoko sa girlfriend niya."
"'Yon lang?" taka kong tanong.
"Malalaman mo rin kapag nagsimula ka na."
"Pero kaya ko nga po tinatanong."
"Pinag-resign ako ng asawa ko dahil mahirap ang trabaho dito kaya ako umalis." Bigla niyang binago ang sagot kaya mabilis akong bumaling sa nginingitian niya ngayon. "May nakalimutan po ba kayo?" tanong niya kay President.
Hindi siya nito pinansin at seryoso lang na pumasok sa office niya. Nalilito na ko sa kinikilos niya pero sayang naman ang one hundred thousand. Tatanggapin ko na lang din siguro kaysa naman wala akong mahanap na ibang trabaho na ganito kalaki ang sahod.
Pagod akong sumaldak sa kama. Hindi pa rin ako makapaniwalang gano'n kalaki ang magiging sahod ko buwan-buwan. Siguro kailangan ko lang pagtiisan ang girlfriend niya kung ano man ang ayaw sa kanya ni Ma'am Jona.
Maaga akong gumising pero wala man lang ako ngayong nararamdaman na pananabik. Puro kaba lang at panlalamig ng buong katawan. Nakunsumi ko dahil sa madilaw kong damit na suot. Kapag sumahod talaga ko bibili ko ng maraming damit tutal malaking pera rin 'yon.
"Oh?" Napaturo ako sa lalaking naka-mask nang magkita ulit kami papasok ng office. Sinundan ko siya papuntang elavator at pinasadahan ng tingin. Parehas kaming pangit ang suot. Naninilaw ang sa akin samantalang ang sa kanya naman ay parang puro mantika. Mantika ba o basa siya ng pawis?
"Bakit ba lagi mo kong tinitignan?" Ang sungit niya na naman.
"Saan ka bang department? Bago lang kasi ko dito. Wala akong gaanong kakilala," nakangiti kong sabi.
"And so?"
"Ang sungit mo naman," ilang kong bulong. Ang tagal bumukas ng elevator kaya hindi ko maiwasang tumingin-tingin sa kanya. Ang alat ng amoy niya. Hindi ba siya naliligo? Ang gwapo pa naman.
Ang sungit na naman ng tingin niya noong mahuli niya ko kaya mabilis akong lumabas sa elevator.
"Mabuti at maaga ka, Ms. Cruz," nakangiting bati sa akin ng HR na nag-interview sa akin noong nakaraan. "Halika muna sandali sa office. May mga papipirmahan ako sa'yo bago ka umakyat ulit dito."
"Asan po si Ma'am Jona?" tanong ko habang nilalapag ang bag ko sa isang upuan.
"Wala na siya, tinanggal siya kahapon ni President."
"Po?" Lagi na lang nila kong ginugulat. "Bakit daw po? Eh, malapit na rin naman ang last day niya?"
"Ms. Cruz, kung ayaw mong matanggal kaagad. 'Wag ka gaanong matanong at ayaw ni President ng tsismosa."
Napatikom ako ng bibig sa sinabi niya. Sinundan ko na lang siya at napalingon nang makasalubong namin 'yung lalaki kanina.
"Ma'am? Sino 'yon?" tanong ko.
"Sino?" tanong niya rin kaso noong humarap siya wala na rin 'yung lalaking masungit. "Teka, bakit ba ganyan 'yang suot mong damit? Hindi presentableng tingnan. Siguradong mapapansin ka ni President mamaya."
"Konti lang po kasi 'yong mga pang-office kong damit."
"Hindi ba sales rep. ka naman dati?" taka niyang tanong.
Nagsinungaling kasi ko tungkol doon. Sinabi ko na malaking kumpanya 'yon pero ang totoo ay pinaganda ko lang ang posisyon ko at ang background ng kumpanya kasi hindi naman 'yon sikat. Nag-aalok lang ako ng mga gatas sa bahay-bahay dati. Sales representative naman ang tawag doon, 'di ba?
Ang bilis nilang kumilos dito. Kumpleto na ang lahat ng kailangan ko. Ang problema ko na lang ngayon ay wala na si Ma'am Jona. Wala ng magtuturo sa akin ng mga gagawin ko. Binigyan lang nila ko ng endorsement paper at pinabayaan na dito.
Napabalikwas ako nang tumunog ang telepono malapit sa akin. Taranta ko 'yong sinagot at ngumiti kahit wala namang nakakakita.
"Good morning po," magalang kong bati nang may dumaang babae. Hindi niya ko pinansin kaya mabilis akong nagpaalam sa kausap kong IT at hinarang siya kaagad na papasok na sa office ni President.
"Excuse me?" Mataray ang pagkakasabi niya kaya nanliit ako. "Hindi mo ba ko kilala?"
"Hindi po?" patanong kong sagot.
Inirapan niya ko at sapilitang hinawi para makapasok. Pilit ko siyang sinundan at nahinto rin nang walang pasabi niyang niyakap si President. Mataray niya ulit akong tinignan kaya napaatras ako. Mukhang siya 'yung girlfriend ni President na ayaw ng lahat.
"Mabuti naman at inalis mo na 'yong Jona na 'yon." Nagpamewang siya na parang model dahil sa suot niyang damit at heels. "Pero ayoko rin sa kanya. She looks pathetic. Tingnan mo naman ang suot niyang damit." Para siyang nandidiri sa akin kaya napatingin agad ako sa suot ko.
"Pwede ka nang lumabas," utos ni President na mabilis ko na lang sinunod.
Ang yabang niya porket yayamanin siya. Sa wala akong perang pambili pa ng bago, e. Anong magagawa ko?
Sandali lang din siya sa office ni President at lumabas na rin. Lumapit siya sa pwesto ko habang nakangisi.
"Kung ayaw mo ng gulo. Mind your own business. 'Wag kang tutulad sa dati niyang sekretarya," mataray niyang sabi bago ako talikuran at bumalik ulit na para bang may nakalimutang sabihin. "And para lang alam mo. Mabait naman ako basta't kung may iuutos man siya sa'yo tungkol sa akin. Lapitan mo agad ako."
Hindi ko siya maintindihan.
Buong araw ko tuloy inisip ang sinabi niya. Tuwing iikot naman ako sa office, sinusubukan kong kumalap ng kwento tungkol sa pag-alis ni Ma'am Jona pero mukhang wala ngang tsismoso dito. Bawal nga siguro.
"Oy!" sigaw ko nang makita ko ulit siya. Basang-basa siya ngayon at may nakabilot na puting tela sa buong katawan kaya nahinto ako sa pagkaway. Swimmer ba siya?
Mas lumapit ako para makita ang mukha niyang mabuti kaso mabilis niyang tinakpang mabuti ang mukha niya.
"Anong ginagawa mo? Bakit basang-basa ka?"
"Anong pake mo?"
"Bakit ang sungit mo? Kailangan mo ba ng tulong?" nakangiti kong tanong habang pilit na inuusisa ang mukha niya. Napakurap-kurap ako nang malikmata sa kulay ng mga mata niya. Kanina parang naging kulay blue 'yon. "Teka!" sigaw kong habol pero mukhang ginaw na ginaw na siya kaya hinayaan ko na lang.
Tinignan ko ulit ang papel na hawak ko at nagpatuloy na sa pag-ikot nito.
"Totoo? May swimming pool dito sa rooftop?!" hangang-hanga kong sigaw.
"Oo, pero hindi naman lahat nakakapasok doon," sagot ni Janice, accounting clerk.
"Bakit naman? Kanina lang may nakita kong galing doon."
"For VIP lang kasi 'yon. Siguradong matatanggal ka kapag pumunta ka do'n."
For VIP? Ibig sabihin VIP siya o kaya mataas ang katungkulan niya dito...
"Bakit mo pala natanong? Ang bago-bago mo pa lang pero mukhang panay tsismis na ang inaatupag mo. Nako, bawal 'yan dito. Matatanggal ka kaagad."
"Na-curious lang naman po ako," nahihiya kong sagot habang nagkakamot ng ulo. Bumalik na siya sa harapan ng monitor niya kaya kinuha ko na lang ang folder at muling bumalik sa pwesto ko.
Napabalik ako ng paghakbang nang bumungad sa akin si President. Tinignan niya ko nang matalim at muling bumaling sa damit kong suot. Minostrahan niya kong lumapit na mabilis kong sinunod.
"Para saan po ito?" taka kong tanong dahil sa cheque na inaabot niya.
"Bumili ka ng bagong damit at itapon mo na 'yang suot mo," seryoso niyang sagot. Napalunok ako nang magkatitigan na naman kami. Mabilis akong umiwas ng tingin at nagpasalamat noong lampasan niya na ko.
Masyado siyang mabait sa akin kaya hindi ko mapigilang sundan siya ng tingin habang papalabas na siya ng office. Sobrang laking pera nito para lang ibigay niya nang libre sa isang katulad ko.