"Bakit nandiyan ka?" ilang kong tanong habang tumitingin-tingin sa paligid.
"Ano kung nakatabi ko sa'yo?" walang pake niyang sagot at lalo pang dinasog ang upuan niya malapit sa akin.
"Nasa office tayo, Sebastian," mariin na bulong ko.
"So?"
"So?" Tumaas ang kilay ko at napairap na lang.
"Gusto mo bang tulungan kita?"
"Gagawin mo kung anong inutos mo sa akin?" Sarkastiko akong ngumiti paharap sa kanya.
"Utos ko lang ba 'yan lahat?" Turo niya saka hinalungkat ang ilang files na nasa harapan ko.
"Sino bang boss ko?" sarkastiko na tanong ko.
"Okay, sige. 'Wag mo nang gawin." Tumayo siya at tumawag gamit ang telepono ko. "Mag-hire kayo agad ngayong araw ng bago kong secretary," matipid niyang utos at binaba agad ang tawag.
"Bago? Paano ko?" Napatayo ako.
"Girlfriend na kita. Hindi mo kailangang mapagod dito." Sincere siyang ngumiti. "Isa pa, sa'yo naman na 'to mapupunta kapag nawala na ko."
Ayos naman talaga sa akin kung maging boyfriend ko siya. Ang ayaw ko lang ay 'yung fact na hindi niya ko mahal at ginagawa niya lang lahat ng 'to para hindi ko siya iwan. Anong saysay no'n, 'di ba? Hindi nga ako mamamatay katulad niya pero kapag lumalim pa lalo 'tong nararamdaman ko. Siguradong ikakamatay ko rin kakaiyak.
"Bakit hindi mo na sinasagot lahat ng text at tawag ko?" kunyaring nagtatampong sabi ni Dan habang nauupo sa katapat kong pwesto. "May boyfriend ka na siguro," subok niya pa at tinawanan ako nang tumingin ako sa kanya.
"Wala pa." Umiwas ako ng tingin. "'Yung boss ko kasi..."
"Ano 'yung boss mo?" tanong niya at biglang lumingon sa counter. "Um-order ka naba?"
Umiling ako at tumayo naman siya agad. Bumili siya ng dalawang fried chicken with rice at softdrinks. Napabuntong hininga ako nang mapatingin sa orasan. Malapit ng matapos ang meeting ni Sebastian. Siguradong hahanapin niya na naman ako.
"May problema ba?" Nilingon ko agad si Dan. "Gusto mo pagkayari nito uminom tayo? Sagot ko."
"Hindi ako pwede. Tumakas nga lang ako ngayon, e." Kinuha ko 'yung softdrinks sabay higop sa straw.
"Sa tingin ko may problema ka." Usisa niya sa mukha ko. "Sige na, sabihin mo na sa akin. Malay mo matulungan kita."
Ang bait niya talaga. Pwede na talaga siya, e. Kung hindi lang ako pinapaasa ng isda na 'yon. Edi sana may boyfriend na ko ngayon.
"Wala akong problema. 'Yung kaibigan ko ang meron."
Bigla niya kong tinawanan na ikinatigil ko sa paghigop. "Hindi na bebenta sa akin 'yan. Kaibigan.. Tss.. 'Wag na tayong maglokohan.. Ano ngang problema mo?"
"'Yung kaibigan ko nga 'yung may problema."
"Oo, sige," hindi niya kumbinsidong sagot.
"Ganito kasi... May boss 'yung kaibigan ko."
"Okay?"
"'Yung boss niya na 'yon malapit nang mamatay at siya 'yung napili para magmana ng lahat ng ari-arian ng boss niya pati na 'yung kumpanya," kwento ko sabay sandal.
"Edi maganda." Tumango-tango siya na parang nag-iisip. "Anong problema ng kaibigan mo? Naka-jackpot na nga siya."
"Oo nga, jackpot kung jackpot. Kaso lang kasi gusto ng boss niya na maging sila kahit na mamamatay na siya."
"Manyak ba 'yung boss niya?"
"Hindi," maagap kong sagot sabay iling nang mabilis. "Kaya nga iniwan 'yon ng jowa niya kasi hindi siya marunong.." Huminto ako nang matauhan sa sinasabi. "I mean, para kasi sa kaibigan ko unfair 'yon. Imposible kasing hindi siya mahulog nang sobra tapos itong guy iisa lang naman ang gusto, 'yung ex niyang impakta."
"Ba't nang gigigil ka?" Tinawanan niya ko.
"Kasi kawawa 'yung kaibigan ko, 'di ba? Ano siya? Laruan? Bodyguard? Tigaburol?"
"'Wag mo silang problemahin. Jackpot na nga siya, e."
"Paanong hindi?!" Natauhan ako nang mailapag ko nang malakas ang baso sa lamesa. "Paanong hindi? Edi nasaktan siya." Pagbago ko sa mahinang tono.
"Bakit niya kasi papatulan? Uso namang magpanggap, 'no. Sayang 'yung yaman."
"Hindi ka nakatulong." Umirap ako at kumain na lang.
"Hindi naman ikaw 'yon, 'di ba?" bulong niya sa mukha ko. Nagkatitigan kami nang tingnan ko siya. Sobrang lapit ng mukha niya sa akin kaya hindi ko maiwasang mailang. "Ayon sa source ko. Nagtatrabaho ka sa Merban Enterprise na pagmamay-ari ng isang sikat na negosyante. Sebastian, tama ba? Siya 'yung boss mo?"
"Daig mo pa stalker, ah," biro ko.
"Sabi nila bata pa siya kaya imposibleng siya 'yung sinasabi mong mamamatay na."
"Sabi ko nga sa'yo kaibigan ko 'yon. Abay, hindi ka pala naniniwala sa akin?" bulalas ko na tinawanan niya. "Wala akong problema. 'Yung kaibigan ko ang meron. Gano'n akong magmahal ng kaibigan. 'Yung problema niya, problema ko na rin." Pa-charming ko siyang kinindatan.
Nagmadali agad ako pabalik pagkakain namin. Hindi na ko nagpahatid sa kanya dahil ayokong magkita sila ni Sebastian. Baka mamaya sabihin pa no'n sa harap ni Dan na boyfriend ko siya. Edi yari. Nawalan ako lalo ng pag-asang magka-boyfriend for real.
"Sir." Huminto ako nang makasalubong ko siya papuntang elevator.
Nakakapagtaka na hindi niya ko pinansin. Parang bumalik siya sa dati. Seryoso at typical na kilos Sebastian. Mabilis akong pumasok sa elevator nang mauna siya.
Siguro hindi maganda ang kinalabasan ng meeting kanina. Masyado siyang masungit tingnan at nakakatakot kausapin kahit pabiro lang.
Nang bumukas ang elevator, lumabas agad siya nang walang tingin-tingin sa akin.
"Ariel, mabuti at nandito ka na." Huminto sa pagsasalita si Ma'am Morisette nang makita si Sebastian. "Good afternoon po, President. Siya na po 'yung papalit kay Ariel," pakilala niya sa babaeng nasa tabi niya ngayon.
"Nagbago na ang isip ko. Hindi aalis si Ms. Cruz dito." Nakakatakot siyang sumulyap sa akin na ikinatitig ko sa kanya.
"Pero-" Pinigilan ni Ma'am Morisette sa pagsasalita 'yung bago.
"Ipupunta na lang kita sa ibang department. Tara na," bulong niya at nginitian ako bago umalis.
Ano bang nangyayari na naman sa kanya? Masyado siyang pabago-bago ng isip.
"Mamaya na ang engagement party. Humanda ka," seryoso niyang utos bago pumasok sa office niya.
Kaya naman pala siya masungit dahil engagement party na mamaya nina Vanessa at Liam. Ang kanyang one and only love.
Sarkastiko akong napatawa sa isip ko.
Siguro nga tama si Dan. Sayang ang lahat ng 'to kung tatanggihan ko na lang. Kailangan ko lang namang makiayon sa lahat ng gusto ni Sebastian. Iingatan ko na lang ang puso ko.
Five kaming umuwi sa mansion niya. May iniwan lang siyang mga folder habang ako naman ay nagbihis na para sa party mamaya. Hindi ko na kailangang magpaayos. Ang ganap ko lang din naman doon ay secretary niya.
Nagsuot ako ng yellow dress, hanggang paa ang haba at fitted sa bewang. Kitang-kita ang hulma ng katawan ko. Pinartneran ko ito ng mahabang diamond earrings at necklace. Hindi kataasan ang sinuot kong heels para kung may iutos si Sebastian mamaya ay makatakbo ko.
Hinahanda ko na ang sarili ko na parang dati lang. Kapag may gusto si Vanessa. "Ariel." Tatakbo na ko no'n para bilhin 'yon o kaya kuhanin agad ang gusto niya. Matiyaga ako at walang reklamo sa trabaho noong mga panahong natitiis ko pa ang ugali nilang dalawa.
Pagbaba ko, inaninag ko agad si Sebastian na nakabihis na rin. Nakatalikod siya ngayon sa akin habang nag-aayos ng butones sa gawing pulso niya.
"Ako na." Akma akong tutulong kaso lumayo siya kaya napakunot ako ng nuo.
"Tara na," masungit na aya niya.
Dumiretso siya sa bago niyang biling kotse at naupo sa likurang bahagi. Bakit ba siya nagsusungit? Ako na nga lang dito ang kakampi niya.
Hindi na lang ako nagsalita. Pagkaupo ko sa driver's seat, binaba ko muna ang pouch kong dala sa kabilang upuan at tinignan siya sa likuran. Umiwas agad siya ng tingin na pinagtaka ko. Galit ba siya sa akin?
"Seb?" mahina kong tawag sa kanya pero hindi siya lumingon. "Galit ka ba?" hindi ko na mapigilang tanong.
"Ms. Cruz, late na tayo. Bakit hindi ka pa mag-drive?" masungit na sagot niya habang humahalukipkip.
Hay, bahala siya. Basta pagtanggal ko ng heels na suot. Nag-drive na ko papunta sa venue.
'Yan ang sinasabi ko, e. Gusto niya kong maging girlfriend pero sinusungitan niya ko kapag badtrip siya sa Vanessa niya. Nakakapikon..
Pagdating sa venue, nagulat ako nang iwan niya kong bigla. Bumaba siya sa kotse at pumasok agad sa loob. Ni hindi niya man lang hinintay na makapag-heels ulit ako at makababa.
Hinanap ko siya sa loob pero hindi ko na siya maaninag. "Saang lupalop naman 'yon pumunta?" inis kong usal.
"Ariel Cruz." Halos mapalundag ako sa gulat.
"Jerome.." ilang kong bati pabalik. Niyakap niya ko nang mahigpit bago ngitian. "Anak ng pating," gulat kong sabi at pati si Jerome nagulat.
Parang multo si Sebastian na sumulpot na lang bigla sa likuran ni Jerome. Seryoso ang mukha na para bang handa ng pumatay.
"Kanina pa kita hinahanap, sir. Nandiyan ka lang pala."
"Talaga?" maangas niyang balik, nakatitig lang ngayon kay Jerome.
Ano bang nangyayari? Magkaaway ba sila?
"Boss mo?" tanong ni Jerome sa akin.
"Hindi, boyfriend niya ko." Si Sebastian ang sumagot at bigla na lang akong hinila palapit sa kanya.
Tinignan naman ako ni Jerome bago balikan ng tingin si Sebastian. At ilang segundo lang, umalis siya agad nang walang paalam.
"Bakit mo 'yon ginawa?" reklamo ko. "Nakakahiya sa kanya."
"So?"
"Ano bang nangyayari sa'yo? Kung badtrip ka sa syota mo, 'wag ako, ah." Tinulak ko siya palayo saka ko inayos ang nagusot kong damit. "Bakit ba ganyan kang makatingin? Kanina ka pa ha."
Umatras ako nang kunot nuo siyang umabante papunta sa akin. Hinapit niya ko sa likuran at nilapit nang sobrang lapit sa mukha niya.
"Nagkita na kayo, 'no? Ano bang nangyari? Pinahiya ka ba niya?"
"Hindi ko alam."
"Hindi mo alam?" Kinalso ko ang dalawang kamay ko sa dibdib niya pero hindi ko pa rin siya maitulak palayo. "Pinagtitinginan na tayo, sir."
"Boyfriend mo ko."
"Hindi kita boyfriend, okay? 'Wag ka na umarte nang ganyan. Nakakahiya na sa mga tao."
"Girlfriend kita at boyfriend mo ko," malalim niyang ulit.
"Sebastian, oo na." Pagpapatalo ko. "Tutulungan na ulit kita nang tulad ng usapan natin dati. Hindi na ko aalis kaya pwede mo na kong bitawan ngayon. Tumigil ka na sa pag-acting mo bilang boyfriend ko, okay?"
"Akala ko ba gusto mo ko?"
"Kailan ko sinabi 'yon?" bulalas ko. "Sebastian, nagiging weird ka na. Alam mo ba 'yon?"
"Ikaw ang nagsabing gusto mo kong makilala."
Natigilan ako at napalunok dahil sa papalapit niyang labi sa akin. Hindi niya tinatanggal ang pagtingin sa labi ko habang nilalapit lalo ang katawan ko sa kanya. Lumalakas na ang pagtibok ng puso ko. Nanlalamig na ko at natataranta.