Chapter 6
Nisse’s Pov
NAKANGUSO akong palabas ng classroom dahil may problema ako. Paano kasi, pinapapunta ng adviser ko si mommy bukas sa classroom. Kakausapin kasi nila dahil palagi nalang akong late.
Dumepensa naman ako eh. Pero hindi nila tinanggap. Sunod-sunod na daw kasi. Ang alam pa naman ng mommy ko ay maaga ako umaalis sa bahay para pumasok sa school. Kaya napapanguso na lamang ako dahil mananagot talaga ako sa mommy ko at tatanungin niya ako kung bakit.
Alangan naman sabihin ko na maaga akong umaalis sa bahay upang masilayan ko ang masungit na mukha ni Morgan. Eh ‘di mas lalo akong nakurot sa singit ng mommy ko. Pambihira talagang buhay ‘to eh.
Hindi naman sana ako bagsak at malalaki naman ang mga score ko sa test at perfect naman sa quiz. Pero hindi parin ako lusot sa adviser ko.
Ang tanong.. makakapunta kaya ang mommy ko eh wala ng ginawa yun kundi maging busy. Pareho lang sila ni daddy. Kaya malamang ay hindi yun makakapunta. Pero yari naman ako sa adviser ko dahil ibabagsak daw niya ako kapag walang humarap bukas.
Napakamot ako sa likod ng ulo ko at hindi alam ang gagawin. Iniisip ko nalang na baka pwede akong makiusap sa kahit sinong makita ko sa kalsada at umattend bukas. Pero baka mabuko lang at mas lalo akong mapagalitan ng adviser ko.
Uuwi nalang ako sa bahay namin. Dapat ay kakain ako sa labas para hindi na ako magluto pagdating sa bahay. Ngunit nawalan na ako ng gana dahil sa problema ko. Hindi nalang ako kakain, wala din naman magagalit kung hindi ako kumain.
Sumakay nalang ako ng taxi para makauwi na ako. Nakahanap naman ako agad at na sumakay sa backseat.
Sinabi ko lang sa taxi driver kung saan ako magpapahatid. Panay ang buntong hininga ko habang nakatingin sa bintana.
Ilang sandali pa ay nakarating ang sinasakyan kong taxi sa harap ng subdivision. Pinahinto ko na ang taxi para hindi na siya mahirapan na maglabas ng id. Masyado kasing mahigpit dito sa subdivision.
Bumaba ako ng taxi ng maibot ko ang mapasahe kaya manong. Naglakad ako papasok ng subdivision na parang zombie. Problema ko talaga bukas yun. Kung sana lang ay may mahanap akong babae na pwede kong pakiusapan na pumunta ng school at magkunwari nalang na tita ko. Babayaran ko nalang dahil may pera naman ako.
Si ma’am naman kasi, ipapatawag na nga lang ang mommy ko bukas na agad. Hindi man lang sa susunod na araw. Ang masaklap pa ay umaga pa ang gusto niya. Mapakamot nalang talaga ako sa likod ng ulo ko.
Nagpatuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa natatanaw ko na ang bahay ng magulang ko. Mas lalo lang akong ngumuso ay para bang ayaw kong umuwi sa bahay namin.
Habang naglalakad ako ay nakayuko ako at nagkakamot sa ulo ko. Ngunit napahinto ako ng may nabundol ako. Masyadong matigas yun kaya akala ko ay pader. Pero naalala ko na wala namang pader kapag dumadaan ako dito.
Nag angat ako ng mukha at nanlaki ang mata ko ng makita ko si kuya baby. Napaka seryoso ng mukha niya habang nakasuot pa ng suit. Ang gwapo niya kahit pa nga palagi nalang siyang nakasimangot. Umaapaw ang kagwapuhan niya.
“Bakit ganyan itsura mo? Para kang natalo sa lotto.” Saad niya sa seryosong boses.
Napanguso ako sa harapan niya. Naalala ko na naman kasi ang problema ko.
“Wala ‘to. Kahit sabihin ko naman sayo ay wala ka namang pakialam sa ‘kin.” Saad ko sa mahinang boses at hindi ako makatingin sa kanya.
“Alright. Wala naman talaga akong pakialam sa’yo. Sa susunod kapag naglalakkad ka ay tumingin ka sa dinadaanan mo. Hindi yung tatanga-tanga ka.” Sabi niya kaya nalukot ang mukha ko.
Napaka salbahi talaga ng lokong ‘to.
Nilagpasan niya ako ngunit sinundan ko parin siya ng tingin. Biglang may pumasok sa isipan ko na idea kaya agad nanlaki ang mata ko at inisip kung tama ba ang desisyon kong gagawin.
“Saglit lang, kuya baby.” Habol ko sa kanya. Hinawakan ko ang kamay niya kaya napahinto siya at humarap sa ‘kin.
“What?” Tanong niya sabay hinila ang kamay niya na nahawakan ko. Nakatitig siya sa ‘kin na para bang isa akong kuto na gusto niyang tirisin.
“Ahm.. pwede mo ba akong tulungan, kuya baby. Please..” pakiusap ko sa kanya at pinagdikit ang palad ko na para bang nakikiusap.
“Wala akong oras sa’yo. Kung kalokohan lang yan ay wag mo akong idamay, batang paslit.” Sabi niya sa walang emosyong boses. Akmang tatalikod na sana siya ng pigilan ko siya sa pamamagitan ng paghawak ng kamay niya.
Matalim niya akong tinignan kaya binitawan ko agad ang kamay niya. “Pasensya na, kuya baby. Pero kailangan ko talaga ng tulong mo eh. Seryoso talaga ‘to.” Sabi ko na itinaas pa ang kamay ko na para bang nangangako.
Hindi siya nagsalita at nakatitig lang ako sa kanya. “Ganito kasi.. yung adviser ko.. pinapatawag ang mommy ko or guardian. Bukas ng umaga kasi palagi akong late pumasok. Sunod-sunod na daw kaya ayon.. gusto nilang makausap ang mommy ko.” Pagkukwento ko kay Morgan.
“O, ngayon? Anong paki ko?” Masungit niyang sabi.
“Eh kasi.. ang alam ng mama ko ay maaga ako pumapasok sa school. Hindi niya alam na alas 9 na ako pumapasok. Mapapagalitan ako no’n lalo na ang daddy ko. Kaya.. baka pwedeng humiling sa’yo.” Nahihiya kong sabi. Wala na talaga akong choice kundi ang gawin ‘to. Pakapalan nalang ng mukha.
“Anong hiling?” Bored niyang tanong.
“Pwede bang.. magpanggap ka na guardian ko at ikaw ang pumunta sa school bukas. Sige na please.. kahit magbayad nalang ako. Basta pumayag ka.” Saad ko pa kahit alam ko naman na mas mapera siya sa ‘kin.
“I don’t need your money, batang paslit.” Sabi niya na nireject ang offer ko. Hindi man lang pinag isipan kahit 2 seconds man lang.
“Pag isipan mo naman, kuya baby. Kasi kung maghahanap pa ako ng iba ay baka mabuko lang ako. Kaya sige na please.. pumayag ka na. Sige, kung ayaw mo ng pera, iba nalang i-offer ko sa’yo. Sabihin mo lang.” Sabi ko habang desperada talaga na pumayag siyang magkunwari na guardian ko. Siya nalang ang pag asa ko.
Tahimik naman siya at para bang pinag iisipan. Hindi niya inalis ang tingin sa ‘kin kaya nag puppy eyes ako. Sana lang talaga ay umepekto ang pa cute ko.
“Anong gagawin?” Tanong niya kaya nanlaki ang mata ko.
“Ahm.. madali lang, kuya baby. Magpapanggap ka lang na guardian at pupunta ka sa classroom bukas. Sabihin mo tito kita.” Nakangiti kong sabi ngunit agad nawala ang ngiti ko ng makita kong nandilim ang mukha ni Morgan.
“Galit ka ba?” Tanong ko pa sa kanya dahil halata talaga sa mukha niya.
Para bang natigilan siya sa sinabi ko at agad na nag iwas ng tingin. “Ayaw mo ba sa tito? Sige, tita nalang. Basta magkunwari ka nalang na bakla bukas kung gusto mong maging tita na lang.” Patay malisya kong sabi. Ngunit pinukol lang niya ako ng masamang tingin.
Nag peace sign lang ako sa kanya para hindi na siya magalit. Siya ‘tong parang tanga na nagalit ng sabihin kong tito siya eh.
“Fine. Payag ako magpanggap na uncle mo bukas. Pero may hihilingin ako sa’yo. Ngunit hindi ngayon. Sasabihin ko din kapag nakapag isip na ako.” Pagpayag niya kaya napangiti ako sa tuwa. Mabuti nalang at napapayag ko siya.
Pinoproblema ko pa kanina kung sino ang papupuntahin ko sa school bukas. Akala ko ay hindi ko na magagawan ng paraan pero hulog yata ng langit si Morgan kaya solve na ang problem ko.
Pumayag ako sa sinabi niya na may hihilingin siya sa ‘kin na kapalit. Bahala na kung ano yun. Pero duda ko gagawin niya akong alila eh. Pero ayos lang naman
sa ‘kin siya naman ang pagsisilbihan ko.
Excited na tuloy ako bukas dahil magpapanggap siya bukas bilang uncle ko. Dapat pala mag practice ako na tawagin siyang uncle. Baka magkamali ako at matawag ko siyang kuya baby. Eh di nahuli ako ng adviser ko.
Iniwan na ako ni sungit baby kaya napasunod lang ang tingin ko sa kanya hanggang sa hindi ko na siya matanaw. Pumasok na din ako sa gate ng bahay namin. Kung kanina ay para akong nalugi, ngayon ay ang sigla-sigla ko na dahil solve na ang problema ko bukas.