Hindi ko mapigilang humanga at mamangha nang makita ang pinaghalong moderno at antigong palamuti at mga kagamitan pagkapasok ko ng mansion ng mga Fariol.
Imposible ngang walang taong nagmimintina sa ganito kalaking lugar upang mapanatili ito na ganito kalinis at kaayos.
Pakiramdam ko nga ay ako pa iyong may dalang alikabok papasok dito. Parang nakakahiyang hawakan ang mga gamit na nandito.
Kabaliktaran nga ito ng medyo nakakatakot nitong hitsura sa labas dahil dito sa loob ay talagang mapapa-wow ang kahit na sino. Pinaninindigan talaga ng mga Fariol ang pagiging pinakamayamang angkan dito sa bansa at pinagsisigawan ito nitong ancestral mansion nila.
Itong karangyaang nakikita ko ngayon ay ang hinahangad ng karamihan na masilip kahit panandalian lamang. Lahat ng mga taong nakasubaybay sa buhay ng mga Fariol ay gustong masilayan ang kabuuan ng Fariol Manor. Ako na hindi lang sinipot ng pakakasalan ko ay biglang nandito na ngayon.
Iyong buwis-buhay na gustong makamit ng halos lahat ng mga news outlet at maging ng entertainment industry ay walang kahirap-hirap kong nagawa. Bigla akong naimbitahan dito sa tinuturing na hidden kingdom ng mga Fariol.
Pakiramdam ko tuloy ay naengkanto ako dahil hindi ko talaga inaasahang ganito kaganda at karangya ang loob ng mansion ng mga Fariol na sa unang tingin ko pa lang kanina mula sa labas ay para bang sinauna itong kastilyo. Inisip ko talaga pagpasok ko ay makaluma rin iyong mga maaabutan kong gamit dito sa loob pero hindi gano'n.
Carpet pa lang ay tiyak na mas mahal pa kaysa buhay ko. Mula sa mga mamahaling kagamitan at palamuti at puno nang pagkamanghang tumuon ang tingin ko sa itaas ng ceiling ng mansion. Iyong mga chandelier na nakasabit doon ay siguradong pwede nang pambili ng isang buong bahay at lupa kasama lahat ng mga gamit.
Agaw pansin din ang enggrandeng hagdanan na iyong baluster ay sigurado akong tunay na ginto ang mga mga nakaukit. Hagdan pa lang ay parang sinasampal na ako ng kahirapan gayong kahit kailan ay hindi naman kami naghirap.
Mukhang sa susunod na araw pa lang kami maghihirap dahil nga hindi natuloy ang kasal ko kay Arthur. Wala na iyong inaasahan naming tulong ng pamilya nito para sa nalulugi naming kompanya.
Nang maisip ang posibleng susunod na plano ng mga magulang ko ay hindi ko mapigilang mapabuntong-hininga.
Malungkot na tumuon ang tingin ko sa salaming bahagi ng malawak na receiving area kung saan ay natatanaw ko ang Dragon Fountain na nagsisimula nang nagliwanag dahil sa mga ilaw sa paligid nito.
Papalubog na iyong araw kaya nagsisimula nang sumindi iyong mga ilaw sa labas, partikular iyong ilaw mismo sa paligid ng Dragon Fountain.
Ang tanawing ito ang hinahangad na mailathala ng mga news outlet sa buong bansa, the Dragon Fountain during sunset.
Lalong nadidipina ang kulay gintong dragon dahil sa liwanag mula sa papalubog na araw. Bakit ba gustong-gustong makita ng mga tao ang tanawing ito?
Hindi ba nila alam na sa ganitong mga oras pinakanakaka- intimidate ang dragon na simbolo ng mga Fariol? Nagmistula itong galit at gustong bumuga ng apoy sa sinumang nasa harapan nito.
Hindi friendly ang dragon, katulad ito ng successor ng pamilya Fariol.
"You resemble that dragon from this angle."
Mabilis akong napalingon kay Vlad dahil sa sinabi niya. Gusto kong mainsulto sa pinagsasabi niya dahil parang sinasabi niyang mukha akong dragon!
Sumagi lang sa isip ko na kaugali niya ito pero siya ay naisip talagang kamukha ko ito?
"Betrayed, hurt, and broken," hindi tumitinag niyang pagpapatuloy na nagpahinto sa pagpoprotesta ng isipan ko.
Hindi ko nakikita kung papaanong gano'n din iyong sitwasyon ng dragon sa fountain dahil iba iyong nakikita ko. Mas mukha pa itong galit at mabangis kaysa roon sa mga binigay niyang description.
"It doesn't look hurt nor broken," kontra ko sa kanya.
Siguro kaya ito mukhang bubuga ng apoy dahil tinraydor ito pero hindi ko nakikitang iyong dalawang emosyon sa hitsura nito.
"You think that broken or hurt people would ever reveal their true emotions to the world?" tanong niya sa'kin. "It's akin to that dragon. It stands tall and formidable, seemingly invulnerable in the world's eyes, but beneath that facade lies a world of agony and shattered pieces."
Gusto kong itanong kung iyong dragon pa ba ang tinutukoy niya o ang kanyang sarili dahil habang nagsasalita siya ay parang alam na alam niya iyong ganoong pakiramdam pero pinipigilan ako ng kalamigang bumabalot sa mga mata niya.
Kahit para kaming sanggang-dikit habang nag-uusap ay hindi ko dapat makalimutang siya si Vlad Fariol. Sobrang lapit man niya sa'kin at halos abot-kamay ko na siya ay hinding-hindi pa rin kami pwedeng magpantay ng katayuan!
Napabuntong-hininga ako at muling bumaling sa tanawing nasa labas at itinuon ang tingin sa fountain.
"Hindi naman ako kasing tatag ng dragon na iyan," usal ko. "Hindi ko kayang magmukhang matapang kahit na durog na durog na ako," mapakla kong dugtong.
"But you are stronger than you think," wika niya. "And I'm glad."
Maang akong napalingon ulit sa kanya para lang matigilan sa sumalubong sa'king ekspresyon niya.
Pakiramdam ko ay huminto sa pag-ikot ang mundo dahil sa ngiting nakapaskil sa kanyang mga labi kasabay ng masayang kislap sa kanyang mga mata na nakatitig ngayon sa'kin.
Oo at hindi ito ang unang beses na nakita ko siyang ngumiti pero ito iyong unang beses na umabot ang mga iyon sa kanyang mga mata.
Whenever Vlad Fariol sings his heartwarming songs with a beaming smile, he unwittingly becomes a heartbreaker, leaving everyone watching and listening captivated and emotionally vulnerable. However, the Vlad Fariol standing before me is a whole different story – he's a lethal concoction of emotions, capable of shattering my already broken heart into a million pieces.
Bakit para akong nasasaktan ng mga ngiti niya? Mukha naman siyang masaya pero iba iyong sinisigaw ng puso ko.
"I am that dragon, Lushia," nakangiti niyang pahayag. "What do you think? Do I need saving?"
Napakurap-kurap ako nang may mahimigan akong vulnerability sa tono niya pero agad din iyong naglaho nang unti-unting napalitan ng malamig na emosyon ang kislap na nasa kanyang mga mata. Sobrang bilis nang pagpapalit-palit niya ng ekspresyon at parang gusto ko tuloy pagdudahan ang sarili kong judgement dahil hindi ko masabi kung alin doon iyong totoo o guni-guni ko lang.
Iyong kalamigang pinapakita niya ay parang nanunuot sa katawan ko. Pasimple kong hinaplos ang braso ko upang maibsan ang naramdamang panlalamig. Ako na iyong unang nagbawi ng tingin dahil hindi ko kayang tagalan ang nanunuot niyang mga titig.
May mas nakaka-intimidate pa pala sa mabalasik na anyo ng rebultong dragon sa fountain, at iyon ay ang mismong nagmamay-ari nito.
"Gusto ko nang umuwi," bigla kong naibulalas.
Iniiwasan ko mang makaharap ang pamilya ko ngayon pero mas ayaw kong manatili sa lugar na ito kasama si Vlad Fariol gayong pakiramdam ko ay masisiraan ako ng ulo sa pag-o-overthink at pag-intindi sa pabago-bago niyang disposisyon.
Kinakabahan din ako sa mga pinagsasabi niya. Baka mamaya niyan ay may masabi siyang hindi ko dapat malaman at dahil nga nalaman ko ay kailangan ko nang sumama sa kanyang mga ninuno at maging ligaw na kaluluwa rito sa loob ng kastilyong bahay nila!
Mas gugutuhin ko na lang na pakinggan ang sermon at panliliit ng mga magulang ko dahil sanay naman ako kumpara sa panggugulo ni Vlad sa emosyon ko.
"Hindi na kita maihahatid pauwi," walang emosyon niyang wika.
Nanigas ako sa kinatatayuan habang malakas na tumibok ang puso ko. Hindi ko magawang tumingin sa kanya habang tumatakbo na sa isip ko iyong mga eksenang mangyayari sa isang tatanga-tangang charater sa horror movie na hindi na nakaalis sa haunted mansion—
"Sasamahan ka ni Isidro, sabihin mo lang kung saan mo gustong magpahatid."
—Makakauwi pa ako!
Pigil na pigil ko ang sariling bumuway mula sa kinatatayuan dahil sa nararamdaman kong relief.
Hindi ko pa lubos na nabawi ang buo kong composure ay isang unipormadong driver ang nahagip ng mga mata kong papalapit sa kinaroroonan namin.
Parang gusto ko tuloy itong salubungin ng yakap dahil sa sobrang tuwa. Sa wakas ay may ibang tao na akong nakikita!
Nang sulyapan ko si Vlad ay naroon na sa dragon fountain ang atensiyon nito at mukhang wala na itong balak na kausapin ako.
Ramdam ko iyong invisible na pader na itinayo nito upang ilayo ang sarili sa kahit na sinong nasa paligid.
"Ma'am, ako po si Isidro," magalang na pagpapakilala ng bagong dating na lalaki. Nang bumaling ako rito ay bahagya pa itong yumukod sa harapan ko.
Bakit para siyang makabagong kabalyero? May pa yukod-yukod talaga? Parang gusto ko tuloy yumukod din bilang ganti. Hindi ako sanay na niyuyukuran!
"Ihahatid na po kita pauwi," pagpapatuloy nito pagkatapos umayos nang tayo.
Nang muli kong tapunan ng tingin ang direksiyon ni Vlad ay wala pa rin itong katinag-tinag mula sa kanyang kinatatayuan na para bang wala siyang pakialam sa nangyayari sa kanyang paligid at mas interesado pa siya sa Dragon Fountain na tinutumbok ng kanyang paningin.
"Aalis na ako," pamamaalam ko sa kanya. "Salamat ulit kanina."
Diretso pa rin ang tingin niya at kahit alam kong naririnig niya ako ay wala siyang pinapakitang indikasyon.
Nang mapagtantong wala siyang balak tumugon ay pinasya ko nang maglakad paalis.
Tahimik namang nakasunod sa'kin si Isidro. Tantiya ko ay kasing edad ko lang ito kahit na bagay ang tunog antigo nitong pangalan dito sa Fariol Manor.
Bago tuluyang lumabas ng malaking bahay ay nilingon ko muna si Vlad. Hindi pa rin nagbabago ang pagkakatayo niya mula sa pinag-iwanan ko sa kanya. Nagmistula tuloy siyang rebulto na walang kakilos-kilos!
Sayang gusto ko pa naman sanang makita ang mukha niya kahit sa huling pagkakataon dahil pagkatapos nito ay imposible na ulit akong mabigyan ng isa pang pagkakataong makausap o malapitan siya.
Kahit siguro muli na naman akong iwanan ng pakakasalan ko sa harap ng altar ay hindi na mauulit pa ang ganitong oportunidad na makatapak ako sa Fariol Manor at makausap ang isang Vlad Manor.