Kabanata 3
"Ayos ka lang ba?" pukaw sa akin ng isang baritonong tinig. Nilingon ko ito at muling napaubo.
"Nababaliw ka na ba! Gusto mo ba akong malunod!" hindi mapigil kong singhal dito.
"Hindi ko sinasadya Hollian." Umirap ako at tinalikuran ito.
"Masarap ba akong humalik Hollian," anito. Natigilan ako at muling napaharap sa kanya. Agad na naningkit ang aking mga mata.
"Mayabang ka rin, 'no!? Kanina itinatanggi mo ako tapos ngayon ay tatanungin mo ako ng ganyan!? Nahihibang ka na ba!" Malutong naman itong napatawa at pinilig ang kanyang ulo.
"Mas gusto ko kasi na makita kang naiinis..."
"Aba't—"
"Dahil mas gumaganda ka pa lalo sa aking paningin Hollian," dagdag nito. Napatikom ako ng aking bibig. Nakipaglabanan ako ng titigan sa kaya pero mahabaging langit! Aminado akong talo sa ganyang labanan. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko ay para na niya akong hinuhubaran dahil sa uri ng kanyang pagtitig sa akin.
"Hindi ka na nakakatuwa!" singhal ko at tinalikuran na ito. Ang akala ko ay titigil na ito pero nagkamali ako. Laking gulat ko nang hilain nito ang aking binti mula sa ilalim ng tubig. Nagpumiglas ako at tumodo sa pag-iipon ng hangin bago ako tuluyang pumailalim sa malalim na parte ng batis.
Namilos ang aking mga mata sa sunod na ginawa nito sa akin dahil mabilis nito akong kinabig at siniil ng halik. Nang pareho kaming umangat ay para akong baliw na tumutugon sa mga halik niya. Natigilan at natauhan lamang ako nang makagat nito ang aking labi dahilan para ito ay magdugo.
Agad ko itong naitulak at umahon agad. Gusto kong murahin ang aking sarili dahil sa kahangalang nagawa ko ngayong araw. Dali-dali kong dinampot ang aking mga damit at agad na sumakay sa aking kabayo. Mabilis ko itong pinatakbo palayo sa lugar.
"Ugh! Buwesit! Ang tanga mo Hollian! Ang tanga mo!" Pinahiran ko ang aking mga luha.
Naiiyak ako sa ginawa kong katangahan. Mas binilisan ko pa ang pagpapatakbo sa aking kabayo. Hanggang sa hindi ko inasahan ang sumunod na nangyari. Tumama ang isang paa ng aking kabayo sa malaking sanga ng punong kahoy na nakausli sa lupa dahilan para magwala ito na siya ring ikinahulog ko. Pero laking gulat ko dahil imbis na sa lupa ako bumagsak ay sa mga bisig ako ni Kanyue humantong.
"Paano?" gulat kong tanong.
"Alin?" balik naman nitong tanong sa akin.
Nagpumiglas ako hanggang sa tuluyan niya akong ibinaba.
"Paano mo nagawa iyon!?" tanong ko ulit. "Ang alin?"
"Hindi ka na nakakatuwa talaga! Paano mo ako nasalo!? Ang ibig kong punto ay kung paano ka nakarating agad dito at kung paano mo ako nasalo agad!? Sumagot ka!" Inismiran naman niya ako.
"Nakasunod lang ako sa iyo," sagot naman niya. Napaisip naman ako saglit.
"Imposible na mangyari iyon! Sa bilis nang pagpapatakbo ko kanina ay imposible na maabutan mo ako agad," sabi ko pa habang pinagtatagpi ang mga eksenang naganap kanina lang.
"Pagod ka lang yata Hollian," anito. Ako naman ang napaismid dito.
"Sino ka para tawagin mo lang ako sa aking pangalan!? Wala kang galang!" Nailing naman ito at napamaywang.
"Ako ba ang walang galang o ikaw Hollian? Nakalimutan mo na bang nasa teritoryo kita." Ako naman ang natigilan dahil sa aking narinig. Ibig ko na yata ang tumakbo na lamang o kaya ay magpalibing ng buhay dito mismo sa aking kinatatayuan. Napalunok ako at napaatras.
"Ewan ko sa iyo!" singhal ko na lamang at tinalikuran ito.
"Delikado mag-isa sa gubat Hollian," pahabol nito sa akin.
"Wala ka ng pakialam do'n!" sagot ko pabalik. Napakuyom ako ng aking mga kamao. Kapag minamalas ka nga naman ay naging sunod- sunod pa! Nakakabanas! Lumaki ang pulgada ng aking mga hakbang. Hindi talaga ako makapaniwala na ganoon pala ito kabastos! Mas lalo ko pang binilisan ang paglakad ko pero agad din naman akong nahinto. May mga kakaibang kaluskos kasi akong naririnig. Palinga-linga ako sa aking paligid.
"Hoy Kanyue! Huwag mo nga akong paglaruan ng ganito!" sigaw ko pa sa kawalan pero walang tumugon sa akin. Muling lumakas ang mga kaluskos na aking naririnig. Tuluyan na akong napatakbo at napahinto nang hingalin ako. Kinapos ako ng hininga kaya nagpahinga muna ako sandali. Nang biglang may mahulog sa aking balikat dahilan para mapatili ako ng husto.
"Hollian!" bungad sa akin ni Kanyue
habang hawak ang magkabilang balikat ko. Sa sobrang nerbyos at takot ko ay agad akong napakapit sa kanyang batok at niyakap ito ng mahigpit. Tuluyan na akong napaluha.
"Baging lamang iyon Hollian. Tahan na," alo nito sa akin. Napahikbi ako at napasinghot.
Nang matauhan ako ay agad din naman akong kumalas sa kanya. Napakunot ako ng aking noo.
"Bakit ba bigla ka na lamang sumusulpot? May lahi ka bang kabute?" naguguluhan ko pang tanong dito.
"Hindi ko alam," aniya kasabay ng malutong na pagtawa nito. Napalabi ako at umirap sa kanya. Muli ko siyang tinalikuran at lumakad na ulit. Hindi pa man na ako nakakalayo ay mabilis nito akong hinapit sa aking baywang at bigla akong isinakay sa kanyang kabayo.
"Anong ginagawa mo?" taka kong tanong at mataman itong tinitigan.
"Ihahatid kita," sagot nito at agad din naman na sumunod sa pagsakay sa kabayo. Pumuwetso ito sa aking likuran.
"Kaya ko umuwi mag-isa," giit ko.
"Sa reaksyon mo kanina ay mukhang hindi Hollian. At isa pa, bawal akong tanggihan kaya umayos ka." Laglag naman ang aking panga.
"At sino ka naman para sundin ko?" Inilapit naman nito ang kanyang mukha sa aking leeg dahilan para tumama ang kanyang hininga sa aking balat. Nakakakiliti na umaabot hanggang sa kaibuturan ko.
"Magiging kabiyak mo at walang sinuman ang makapipigil sa akin, kahit ikaw pa Hollian," aniya na ikinalunok ko ng mariin.
"Hindi pa rin ako makapapayag sa gusto mo," sagot ko ng mahina. Gusto kong batukan ang aking sarili dahil sa pagiging mahina sa harapan nito.
"Lahat ng gusto ko ay nagagawa ko Hollian," aniya at pinatakbo na ang kabayo. Damang-dama ng aking likuran ang matipuno nitong katawan. Idagdag mo pa na pareho kaming basang-basa ngayon.
"Hindi," tanging nautas ko. Gumapang naman sa aking manipis na baywang ang kaliwang kamay nito.
"Kinakabahan ka Hollian," aniya at para pa siyang siguradong-sigurado. Kinapa ko ang aking dibdib. Malakas nga ang pagpintig nito pero hindi naman kaba ang nararamdaman ko.
"Hindi ako kinakabahan. Magtigil ka nga!" sita ko pa rito.
"Kung ganoon pala ay umiibig ka na," muli niyang saad.
"Hangal! At kanino naman ako umiibig? At paano mo naman nasasabi iyan."
"Ang sabi nila, ang mga tao kapag umiibig ay malakas ang pintig ng kanilang mga puso.
Naririnig ko ang malakas na pagtibok ng iyong puso Hollian. Ito ay parang musika sa aking mga tainga. Lalo pa at alam kong ako ang dahilan ng pagtibok
niyan ng malakas." Nailing ako at napatawa ng malakas.
"May baon ka bang malakas na bagyo at tila yata kay presko mo," wika ko at hindi mapigilang mapataas ng aking kanang kilay. Ito naman ang napatawa.
"Bakit Hollian? Naranasan mo na bang umibig?" Natahimik ako sa naging tanong niya. Nagsimulang manubig ang aking mga mata at napakuyom ng aking mga kamao.
"Umiibig ka kay Emil," basag nito sa aking pananahimik.
"Tama ka, ngunit hindi na niya iyon malalaman dahil matagal na panahon na itong pumanaw," mapait kong sagot.
"Patawad," anito. Agad naman akong nailing at pinahiran ang papatulo ko ng mga luha.
"Tapos na iyon," utas ko.
"Ang tatlong taon na pagkawala niya ay nanatiling sariwa pa rin sa iyong puso at isipan," aniya. Napatungo naman ako at pinaglaruan ang aking mga daliri.
"Siguro nga ay ganoon pero..." Napatigil
ako.
"Paano mo nalamang tatlong taon na ang lumipas sa pagkamatay ni Emil?" puno ng pagtataka kong tanong dito.
"Naikuwento sa akin ni Kaloy," sagot niya. Napatango naman ako. Siguro nga ay magkakilala si Kaloy at Emil kaya alam nito ang nangyari.
Nang matapos ang mahabang usapan
naming iyon ay hindi na ito umimik pa. Ayaw ko rin namang bumuo ng usapan at isa pa'y 'di naman kami malapit sa isa't isa. At isa pa'y isa itong estranghero kaya mas lalo akong hindi dapat makipagpalagayan ng loob sa kanya.