Kabanata 2
"Señorita Hollian, gising na po."
Napaungol lamang ako. Dahan-dahan ko pang iminulat ang aking mga mata. Ang mukha agad ni Des ang nakita ko. Agad akong napabalikwas at napalinga sa paligid ko. Nasa bahay na ako at kasalukuyang nasa aking silid ako ngayon.
"Des? Anong nangyari?" tanong ko agad.
"Po? Nahimatay daw po kayo sa kubo ni kuya Emil. Nakita kayo ni Manang Bebeng.
Pinuntahan ka raw niya ro'n eh," paliwanag niya.
"Iyong lalaki? Nasaan siya?" Kumunot naman ang noo nito.
"Lalaki? Sino po ang tinutukoy niyo?"
"Iyong lalaking kasama ko sa kubo ni Emil," sagot ko.
"Wala naman pong nakita si Manang Bebeng na may kasama kayo sa kubo ni kuya Emil." Nailing ako.
"May kasama ako Des! Mayro'n!" Bumaba ako sa aking kama at lumabas ng bahay. Agad kong nakita ang isa ko pang katiwala na si Mang Karyo. Agad akong lumapit sa kanya.
"Mang Karyo, sinong nakatira sa kabilang asyenda?" tanong ko agad.
"Si señorito Kanyue Oruiseas Zoldic po, señorita Hollian. Bakit po?"
"Dalhin mo ako sa kanya," utos ko.
"Pero señorita, wala po riyan ang señorito. Bukas pa raw ang dating nito galing sa ibang isla," anito. Napaawang ang aking bibig.
"Anong bukas ang pinagsasabi niyo Mang Karyo? Nakita ko po ang lalaking iyon sa kubo ni Emil kanina lang." Hindi ko lang basta nakita ang lalaking iyon dahil hinalikan niya pa ako. Sinabi pa nitong kapangalan ko raw ang magiging kabiyak niya. Kalokohan!
"Pero señorita Hollian, totoo po ang sinasabi ko. Bukas pa po talaga iyon darating dahil nakausap ko pa nga po ang katiwala niyang si Kaloy." Natampal ko ang aking noo. Hindi ako
makapapayag na gawin niya akong katawa-tawa sa lahat ng mga tauhan ko. Patutunayan kong totong narito na nga ang lalaking 'yon!
"Dalhin mo ako sa kanya Mang Karyo, ngayon na!" utos ko.
"Pero señorita," pagtutol nito. Matalim ko siyang tinitigan kaya awtomatiko naman itong napalakad papunta sa mga kuwadra ng mga kabayo. Paroon at parito ang mga hakbang ko habang nakapamaywang. Naiinis ako sa tuwing sasabihin nilang wala akong kasama sa kubo ni Emil. Ang lalaking 'yon! Hindi ko alam kung anong ginawa niya para magmukha akong baliw sa aking mga tauhan.
Bumalik naman agad si Mang Karyo, dala niya ay dalawang kabayo. Agad akong sumakay sa kabayong ibinigay nito. Si Mang Karyo naman ay agad din namang sumakay sa kanyang kabayo.
Napatiuna ito sa pagpapatakbo ng kanyang kabayo
kaya sumunod na lang din naman ako. Halos limangpung metro ang layo ng asyenda nito sa asyenda na pagmamay-ari ko.
Nang makarating kami sa bukana ng lupain nito ay agad kaming sinalubong ng isang binatilyo. Ito marahil ang katiwala niyang si Kaloy, ayon na rin kay Mang Karyo kanina. Bumaba ako sa aking sinasakyang kabayo.
"Kaloy, si señorito Kanyue ba nariyan?" tanong pa ni Mang Karyo nang makababa ito sa kanyang kabayo. Binitiwan naman nito ang hawak na walis ting-ting.
"Si señorito Kanyue po ba? Bukas pa po siya darating. Bakit po Mang Karyo? May kailangan po ba kayo kay señorito?" Mariin kong nakagat ang aking labi. Imposible!
"Nako Kaloy, wala naman. Ang sabi kasi ng señorita Hollian ay nakita niya ito sa kubo ni Emil," sagot naman ni Mang Karyo.
"Talaga ho? Baka po guni-guni niyo lang po iyon señorita," baling pa ni Kaloy sa akin.
Nagsalubong ang aking mga kilay.
Magsasalita na sana ako pero bigla namang may dumating na isa pang bisita. Nakasuot ito ng sumbrero na pamilyar sa akin. Para itong koboy sa kanyang suot pero wala namang suot na damit pang-itaas. Papalapit ito sa kinaroroonan namin.
Saka ko tuluyang namukhaan ito.
"Siya!" Itinuro ko pa ito. Pareho namang napalingon sina Kaloy at Mang Karyo sa kanilang likuran. Napatakbo agad si Kaloy sa kinaroroonan nito.
"Señorito Kanyue, napaaga po yata kayo," ani Kaloy.
"Masiyado kasi akong nagalak lalo na sa magandang tanawin dito sa asyenda," anito habang nakatuon naman ang paningin sa akin. Napalunok ako. Hayan na naman iyong mga titig niya na sa
pakiramdam ko'y tumatagos sa aking katawan at kaluluwa.
"Siya po ba ang nakita niyo señorita Hollian?" tanong pa sa akin ni Mang Karyo. Hindi ako nakasagot kaya tanging pagtango na lamang ang aking nagawa.
"Ngayon lang kita nakita kaya imposible na magtagpo tayo," anito. Napalabi ako.
"Sigurado akong ikaw ang kasama ko kanina sa kubo ni Emil," giit ko.
"Anong kubo ba?" Napaawang ang aking mga labi. Bakit parang itinatanggi nito ang nangyaring pagkikita namin kanina.
"May kubo po kasi sa gitna ng gubat malapit sa may batis señorito Kanyue. Kubo po iyon ng kuya Emil noong nabubuhay pa po ito," paliwanag pa ni Kaloy. Bakit ba nagmamaang-maangan pa ito?
"Hindi ko pa nakikita ang lugar na iyon Kaloy. Papasyalan ko ang parteng iyon kapag nabakante ako," nakangiti pa nitong wika.
"Señorita Hollian, mukhang hindi pa nga siya nakakarating doon," bulong pa sa akin ni Mang Karyo. Naigting ang aking mga panga at bumalik sa pagsakay sa aking kabayo. Sa sobrang pagkainis ko'y walang paalam akong umalis sa harapan ng mga ito at bumalik sa aking asyenda.
"Napakasinungaling niya! Buwesit!" inis kong litanya sa kawalan. Mabilis kong pinatakbo ang aking kabayo at dumiretso sa gitna ng gubat. Agad ko rin namang narating ang batis. Sa may 'di kalayuan naman ay tanaw ko ang kubo ni Emil.
Bumaba ako sa aking kabayo at hinubad ang aking saplot sa katawan. Itinira ko ang aking panloob na kasuotan at agad din naman akong lumusong sa tubig. Bahagyang gumaan ang aking pakiramdam. Nakakayamot! Nahampas ko ang tubig.
Napakapresko ng lalaking 'yon at mayabang pa! Ngunit nagtataka rin ako ay kung bakit siya ang laman ng aking panaginip nitong umaga. Hindi ko alam kung nagkataon lang ba 'yon o talagang ganoon nga. Ako'y naguguluhan sapagkat sino ba ang mag-aakala na magiging totoo ang panaginip kong iyon. Siyang-siya talaga ang nakita ko at hindi ako puwedeng magkamali. Pero ang lubos kong ipinagtataka ay kung bakit kulay berde ang kanyang mga mata gayong kulay pula naman ang nakita ko sa aking panaginip. Napabuga ako ng hangin. Tila yata ay pinaglalaruan ako ng aking imahinasyon.
Muli ay inilulob ko ang aking sarili sa malinaw na batis at halos maputulan ako ng aking hininga dahil sa tindi ng aking pagkagulat. Bigla na lamang kasing lumitaw ang lalaking iyon sa aking harapan kaya agad akong napaangat at napaubo dahil sa hindi sinasadyang pagkainom ko ng maraming tubig.