Kabanata 4
Nang marating namin ang bukana ng
aking asyenda ay agad naman akong nagpababa rito.
"Hanggang sa muli nating pagkikita Hollian," anito.
"Wala ng susunod," agad na sagot ko. Tumawa lang ito at pinatakbo na ang kanyang kabayo.
"Hollian! Diyos ko señorita! Saan po kayo nanggaling?" salubong sa akin ni Manang Bebeng at bakas pa sa mukha nito ang matinding pag-aalala sa akin.
"Sa batis lang po," sagot ko.
"Sa batis? Aba'y nanggaling kami ro'n ni Karyo at wala ka naman do'n. Pinag-alala mo ako
ng husto señorita. Ibinilin ka pa naman sa akin ng iyong ama," litanya nito. Ngumiti lamang ako.
"Manang Bebeng, ayos lang po ako," wika
ko.
"Sigurado ka ba ha?" anito at sinipat pang mabuti ang aking anyo.
"Ang seksi ko po, 'di ba?" biro ko pa.
"Nako bata ka," naiiling nitong wika.
Tinanggal nito ang kanyang balabal at itinakip sa akin.
"Maligo ka ulit nang 'di ka magkasakit,"
anito.
"Opo," agarang sagot ko. Lumakad na kami hanggang sa tuluyan na kaming nakarating sa bahay. Agad ko rin namang sinunod ang utos nito kaya agaran din naman ang pag-aayos ko sa aking sarili.
Heto ako ngayon, kasalukuyang sinusuklayan ang aking buhok sa harap ng salamin. Nahinto lang ako nang mapagmasdan ko ang aking leeg. Mariin akong napapikit. Kinikilabutan ako sa tuwing naiisip ko ang eksenang naganap kanina.
Pakiramdam ko talaga ay parang may kakaiba sa kanya. Hindi lang basta kakaiba dahil malakas ang kutob ko na may iba pang mas mahalagang bagay do'n.
Tinampal ko ang aking noo at pinilig ang aking ulo. Bakit ko ba iniisip ang lalaking iyon? Ang mayabang na 'yon! Inismiran ko ang aking sarili sa harap ng salamin. Itinuloy ko na ang pagsusuklay sa aking buhok pero agad din naman akong napahinto dahil sa narinig kong ingay mula sa labas ng aking silid. Inilapag ko ang suklay na aking hawak at lumapit sa aking bintana. Kumunot ang aking noo dahil sa aking nakita. Nagkakagulo ang aking mga tauhan. Agad akong umalis sa pagkakasilip ko sa aking bintana at lumabas ng
aking silid. Lakad at takbo ang aking ginawa, makababa lang ng hagdan at makalabas ng bahay.
"Anong nangyayari!?" agad na tanong ko sa mga ito. Lumapit naman agad sa akin si Mang Karyo.
"Señorita Hollian, pasensya na po kayo sa kaguluhang ito. Iyong mga dati po kasi nating mga suki ay nagsilipatan na sa kabilang asyenda," paliwanag nito.
"Ano!?" gulat kong reaksyon.
"Totoo po iyon señorita Hollian," segunda naman ni Des.
"Ugh!" inis kong sambit at napapadyak. "Ang kabayo ko bilis!"
Mabilis pa sa kidlat ang ginawang pagkilos ni Mang Karyo para lamang ikuha ako ng kabayo.
Nang dumating naman ito ay agad ko itong sinakyan.
"Señorita Hollian, nakabestida pa po kayo," paalala pa sa akin ni Des. Hindi ko ito sinagot at agad na pinatakbo ang kabayong sinasakyan ko.
Habang nasa daan ako ay hindi ko maiwasang mapamura. Ang lalaking iyon ay talagang ginagalit ako ng matindi!
Mas binilisan ko pa ang pagpapatakbo ko hanggang sa tuluyan akong makarating sa asyenda nito. Diretso ako sa pagpasok dahil nakabukas naman ang koral.
Nang umabot ako sa mismong bahay nito at agad din naman akong bumaba sa aking kabayo.
"Señorita Hollian, nagpapahinga na po ang señorito," ani Kaloy at humarang pa sa aking harapan. Tinabig ko ito.
"Kanyue! Hudas ka! Lumabas ka riyan!" pagwawala ko.
"Señorita Hollian, maghunos dili po kayo," awat muli sa akin ni Kaloy.
"Tumahimik ka Kaloy! Hindi ikaw ang kinakausap ko!"
Muli ko siyang tinabig at tuluyang itinulak ang pinto. Natigilan ako at namangha dahil sa aking nakita. Hindi isang ordinaryong bahay ang nakikita ko dahil isa itong bahay na hardin. Aakalain mo talagang simpleng bahay lang ito dahil ordinaryo lang naman ang diseño sa labas pero sa loob mismo ng bahay ay talagang malalaglag ang iyong panga.
Sobrang dami ng mga bulaklak na may iba't ibang klase at bango. Sa gitna ng hardin ay may isang hindi kalakihang intablado kung saan nakalagay dito ang malaking kama, isang duyan, isang maliit na mesa sa tabi ng kama nito at dalawang silya. At ang bubong ay hindi gawa sa
yero dahil isa itong salamin na malinaw dahilan para puwede pa ring tumagos ang sinag ng araw.
"Hollian, hapon na para dalawin mo ako.
Nangulila ka ba agad sa akin?" wika nito.
Hindi ako agad nakaimik dahil sa nakita kong ayos nito. Suot nito'y karsones at walang suot na pang-itaas. Bigla tuloy uminit ang aking paligid. Bakit ba ang hilig niya sa ganyang ayos?
"Señorita Hollian, tulala ka po," bulong pa sa akin ni Kaloy.
Napakurap naman ako at agad na lumubay
dito.
"Manigas ka! Hudas ka rin 'no!? Inaagawan mo ako ng mga suki ko!"
Napasuklay naman ito sa kanyang mahabang buhok at pumaling sa akin ng konti. Bakit ba ang guwapo niya!? Natigilan naman ako sa naisip kong iyon.
"Sumagot ka!" singhal ko sa kanya.
"Masisisi mo ba ako Hollian? Mga matrona pala ang mga suki mo. Ngayon Hollian, dapat mo ba nga talaga akong sisihin gayong mas gusto naman nila ang kagaya kong negosyante kaysa sa iyo?" Matalim pa nito akong tinitigan.
Kumukulo ang aking dugo dahil sa kanyang kayabangan.
"Hudas ka! Lumaban ka ng patas!"
Umupo naman ito sa kama at napatingala sa kalangitan habang ang dalawang palad nito ay nakatukod sa kama upang saluhin ang puwersa ng kanyang katawan. Nag-aagaw na ang liwanag at kadiliman.
"Lumalaban ako ng patas Hollian. Hindi ka lang talaga marunong tumanggap ng iyong pagkatalo. At isa pa Hollian, nakalimutan mo na ba ang aking sinabi kanina? Gagawin ko ang lahat
maging akin ka lamang. Ngayon Hollian, bibigyan kita ng kondisyon. Magpakasal ka sa akin o kukunin ko ang lahat sa iyo. Mamili ka Hollian."
Mas lalo pang kumulo ang aking dugo dahil sa narinig.
"Ganyan ka na ba ka desperado!? Hinding- hindi ako magpapakasal sa iyo! Hangal!"
Tinitigan niya lamang ako. Animo'y parang inaasahan na niyang tatanggi ako sa kanyang alok.
"Alam ko namang tatanggi ka pero hindi ako madadala sa mga pakiusap mo Hollian. Madali naman akong kausap."
Agad na nag-unahan sa pagtulo ang aking mga luha sa mata.
"Hayop ka! Hindi ka tao!"
Sa isang kurap lamang ng aking mga mata ay bigla itong lumitaw sa aking harapan.
"Tama ka Hollian, dahil isa akong halimaw," anito.
Sa pagkurap kong muli ay naroon na ito ulit sa kanyang puwesto. Napakunot ako ng aking noo. Imposible namang lumitaw ito sa aking harapan ng ganoon kabilis at mas lalong imposible na makita ko itong nasa puwesto na niya ngayon.
"Ilabas mo na siya Kaloy," utos nito.
"Tara na po señorita Hollian," untag sa akin ni Kaloy.
Padabog akong tinalikuran ang mga ito at tuluyang lumabas sa kanyang bahay na hardin.
Sumakay ako sa aking kabayo at pinatakbo na ito. Hindi ako sa bahay umuwi dahil dumiretso ako sa kubo ni Emil.