Kabanata 1

1895 Words
SIMULA Sa gitna ng malakas na kulog at kidlat ay nagising ako. May narinig akong kakaiba. Hindi ko alam kung bakit, pero sa tainga ko ay napakalakas nang paghalinghing ng kabayo. Tama ba ako o guni-guni ko lamang ang aking naririnig. Napabangon ako sa aking kama at bumaba rito. Humakbang ako palapit sa bintana ng aking silid. Hinawi ko ang kurtinang nakatakip sa bintana. Natigilan ako nang matanaw ko sa may hindi kalayuang dako na nasasakop sa aking asyenda. May isang koboy akong nakita. Nakasakay ito sa itim na kabayo at paikot-ikot lamang ito sa malaking puno ng mangga. "Manang Bebeng? May bisita po ba tayo ngayon?" malakas na wika ko pa sa aking katiwala. Ngunit wala akong narinig na sagot man lang. Nakapagtataka naman yata gayong sa isang sigaw ko lang ay agad naman itong sumasagot sa akin. Pinilig ko ang aking ulo at napagpasiyahan na lumabas sa aking silid. "Manang Bebeng?" muling tawag ko rito. Nasaan kaya ito? Humakbang ako pababa ng hagdan. Agad na hinagilap ng aking mga mata ang hugis bilog na orasang nakasabit sa dingding. Alas dose pa ng madaling araw. Nang tuluyan akong makababa ng hagdan ay agad akong lumapit muli sa bintana para silipin kung naroon pa ba ang koboy na nakita ko kanina. At tama nga ako, naroon pa ito sa puno ng mangga. Paikot-ikot lang ito at tila yata ay parang may hinihintay ito. Napapaisip ako kung sino kaya ang lalaking ito at kung paano ito nakapasok sa loob ng aming asyenda gayong matataas naman ang aming mga bakod. At isa pa ay pribadong pag-aari ito ng aking pamilya kaya walang sinuman ang puwedeng pumasok ng walang abiso o pahintulot mula sa akin man o kay ama. Napagpasiyahan kong lumabas ng bahay at kinuha ang aking mga bota. Napatingala pa ako sa kalangitan dahil anumang oras ay tuluyan nang babagsak ang malakas na ulan. Kinuha ko na rin ang aking balabal para pananggalan sa matinding lamig ng hangin. Lumakad na ako. Nang limang dipa na lang ang layo ko rito ay nahinto ako dahil ang koboy na nakita ko ay huminto rin sa pag-ikot ang kanyang kabayo at humarap sa aking direksyon. "Sino ka?" agad na tanong ko. Inalis naman nito ang kanyang suot na sumbrero. Natigilan ako sa aking nakita. Agad na pumukaw sa aking atensyon ang kulay pula nitong mga mata. May kahabaan din ang kanyang buhok at matipuno rin ang kanyang pangangatawan. Pero ang siyang nagpagimbal sa akin ay ang makita ang mga pangil nito. Agad na gumalaw ang aking mga paa para humanda sa pagtakbo. Humalinghing ang kabayo nito at agad din namang napatakbo sa direksyon ko. Walang lingon-lingon ay tuluyan na akong napatakbo. Nahulog ko pa ang aking balabal dahil sa pagmamadali. Nagulat at napatili na lamang ako nang mahapit nito ang aking baywang at mabilis na naisakay sa kanyang kabayo. "Ibaba mo ako!" pagmamakaawa ko. "Akin ka lang Hollian! Akin!" wika nito at sa isang kisap lang ay kagat na nito ang aking leeg. Nanigas ako at biglang nanlumo ang aking buong katawan. Mamamatay na ba ako? Nagsimula nang dumilim ang aking buong paligid at tuluyan na akong nawalan ng malay. Kabanata 1 "Huh!" Napaubo ako at napahilamos ng aking mukha. Ang lakas nang kabog ng aking dibdib at hindi ko alam kung normal pa ba ito. Hindi ko namalayang matagal na pala akong nakababad sa tubig. Kasalukuyan kasi akong naliligo at naisipan kong magbabad muna sa malaking batyang paliguan. Nahilot ko pa ang aking sintido. Dahil sa pagbabad ko ng matagal sa tubig ay nakatulog ako at nanaginip ng hindi maganda. Ito ang unang beses na nagkaroon ako ng ganoong klaseng panaginip sa tanang buhay ko. Masiyado siyang kakaiba at nakakatakot. "Señorita Hollian? Bilisan niyo na po dahil maaga raw aalis ang inyong ama," tawag pa sa akin ni Manang Bebeng. "Opo!" sagot ko naman din agad. Agad din naman akong kumilos. Nang makalabas ako ng aking banyo ay nakahanda na sa aking kama ang damit na aking isusuot. Hindi rin naman ako nag-atubili pa dahil agad din naman akong nag-ayos ng aking sarili. Matapos ang ilang minuto ay tuluyan na akong lumabas ng aking silid. Halos talunin ko na ang hagdan dahil sa aking pagmamadali. Muntikan pa akong madapa dahil nga sa aking pagmamadali. "Hollian, magdahan-dahan ka nga anak ko," utas ng aking ama. "Pasensiya na po ama," paumanhin ko ko rin naman agad. Matamis naman nito akong nginitian. "Anak, huwag mo sana bigyan ng sakit ng ulo ang iyong Manang Bebeng habang wala ako rito. Alam mo namang may trabaho ako sa ibang bayan. Gusto ko sana ay maging maayos ka habang wala ako rito." Malungkot naman akong napatungo. "Kailangan po ba talaga na umalis kayo? Malaki naman po ang kinikita natin dito sa asyenda ama." Narinig ko naman ang buntong-hininga nito. "Pagtatalunan na naman ba natin ito Hollian." Agad akong umiling. Gusto ko pa sana ang sumagot ngunit alam ko namang talo pa rin ako sa bandang huli. Alam ko naman ang totoo. Mas mahal nito ang pangalawang asawa niya kaysa sa akin na tunay niyang anak. Sana hindi na lang namatay ang ina. Sana ay kapiling ko siyang ngayon at sana'y buo kami. "Ayos lang po ako rito ama. Maari na po kayong umalis." Tinalikuran ko na ito at bumalik nang panhik sa aking silid. Agad na nag-unahan sa pagtulo ang aking mga luha. Hanggang kailan ba ito magsisinungaling sa akin. Matagal ko ng alam na may bago na itong asawa sa ibang bayan. Lagi lang nitong inirarason sa akin ang kanyang trabaho gayong alam ko naman ang totoo. Marahil ay ayaw lang nito na masaktan ako, pero sa totoo lang ay matagal na akong nasasaktan. Martir na nga siguro ako dahil ni minsan ay hindi ko naman ito sinumbatan. Napabuga ako ng hangin at pinunasan ang aking mga luha sa mata. Lumapit ako sa aking bintana at hinawi ang kurtina. Tanging pagtanaw na lamang ang aking nagawa habang unti-unting nawawala sa aking paningin ang kalesang sinasakyan ng aking ama. Mula sa ibaba ay tiningala ako ni Manang Bebeng sa aking silid. Isang mapait na ngiti lamang ang ibinigay ko sa kanya. Napahugot ako ng malalim na hininga. Limang taon kong kinaya na wala ang aking ama sa aking tabi at kakayanin ko ulit iyon. "Señorita Hollian, bumaba na po kayo. Kakain na po tayo," tawag pa sa akin ni Manang Bebeng. Walang kabuhay-buhay akong lumabas ng aking silid at bumaba sa hagdan. Tinungo ko agad ang kusina. Naghila ako ng isang silya at umupo rito. "Ayos ka lang ba?" tanong nito. Tumango lang ako. Nagsimula na akong kumain at pilit na pinapasigla ang aking sarili. "Hollian..." Pumaling ako kay Manang Bebeng. "Sigurado ka bang ayos ka lang?" anito. Tumango ako ulit. "Wala naman pong magbabago, 'di ba po? Nasanay na po ako," sagot ko at tipid na ngumiti. Bumuntong-hininga naman ito. "Narito ako Hollian," anito. "Alam ko po iyon 'nay," sagot ko. Ngumiti lang din naman ito sa akin. Ipinagpatuloy ko na ang aking agahan. Nang matapos kami sa pagkain ng agahan ay dumiretso ako agad sa kuwadra ng mga kabayo para magmando sa aking mga trabahador. Kailangan ko na kasing ihiwalay iyong mga ibebenta at ang mga bata pang kabayo. Pagkatapos ay sa kulungan na naman ako ng mga baka para mag-gatas. "Señorita Hollian, narito na po iyong balde," wika pa ni Des, isa sa mga tauhan ko. "Des, ikaw na muna ang bahala rito. Bibisitahin ko lang ang bahay ni Emil," ani ko. Sumaludo lang din naman siya sa akin. Tinungo ko na ang kuwadra ng mga kabayo at pumili ng isa para sakyan ko. Nang makapili na ako ay agad ko rin naman itong pinatakbo ng mabilis. Tinahak ko ang daan sa pinakamasukal na parte ng kagubatan. "Tigil!" Tinapik ko ang leeg ng aking kabayo para huminto ito sa pagtakbo. Agad akong bumaba sa aking kabayo nang tuluyan akong umabot sa bukana ng bahay. "Emil," mapait kong sambit. Si Emil, siya ang pinakamatalik kong kaibigan. Maaga itong namaalam sa mundo dahil sa isang malubhang sakit. At ang tanging iniwan lamang nito sa aking alaala ay ang kanyang kubo ng malapit sa may batis. Nagpupunta ako rito sa tuwing malungkot ako o kaya naman ay sa tuwing gusto kong mapag-isa. Humakbang ako palapit sa bahay pero laking pagtataka ko dahil nakabukas ang pinto. Agad akong pumasok sa loob at napasinghap ako dahil nadatnan ko ang isang lalaki. Nakatalikod ito sa akin at malayo ang paningin nito base na rin sa posisyon niyang nakaharap sa labas ng bintana. "Sino ka? Anong ginagawa mo rito sa kubo ni Emil?" tanong ko agad. "Pag-aari ko ang kubong ito Hollian," aniya na ikinanganga ko naman. "Paano mo nalaman ang pangalan ko?" gulat kong tanong. Nakatalikod pa rin kasi ito sa akin. "Dahil Hollian ang pangalan ng aking magiging kabiyak," sagot niya. Mas lalong nalaglag ang aking panga. Napatawa ako ng marahan. "Puwes wala akong pakialam kung kapangalan ko man ang magiging kabiyak mo. Ang punto ko rito ay kung bakit narito ka sa kubo ng aking kaibigan." "Dahil pagmamay-ari ko ang lupaing ito. Nakalimutan mo na ba Hollian?" Mariin kong nakagat ang aking labi. Tumama siya sa kanyang sinabi. Hindi sakop ng lupain ko ang lugar na ito. Napaawang ang aking bibig ng maalala ko ang sinabi sa akin ni Des kanina. Gagamitin na raw ang bakanteng lupa na katabi lang ng pagmamay-ari kong asyenda. Huwag sanang sabihin sa akin ng tadhana na ang lalaking ito ang may-ari ng lupaing iyon. "Sino ka ba talaga!?" iritado ko ng tanong dito. Dahan-dahan naman itong pumaling paharap sa akin. Nawindang ako sa aking nakita. Siya! Siya ang lalaking nasa panaginip ko kaninang umaga! Hindi ako puwedeng magkamali ro'n dahil klarong- klaro pa sa balintataw ko ang itsura nito. Pero may iba sa kanya dahil kulay berde ang mga mata nito. "Ikaw!?" Itinuro ko pa siya. Tinaasan pa nito ako ng kanyang kilay. "Anong ako?" pabalang pa nitong sagot sa akin at nakakalokong ngumiti. "Ikaw ang nasa panaginip ko!" akusa ko agad dahil totoo naman talagang siya ang nakita ko. Napahalakhak naman ito. Iyong halakhak na masarap sa tainga pakinggan. "Magdahan-dahan ka sa pag-aakusa sa akin Hollian." Naningkit ang aking mga mata. "Dahil totoo naman talaga na ikaw 'yon! Paano mo nagawa iyon ha!?" naguguluhan ko pang ani sa kanya. Humakbang naman ito palapit sa akin kaya napaatras ako. Sa sobrang kaba na umiiral sa aking dibdib ay ngayon ko lang ito naranasan. Napaatras ako ng todo hanggang sa tumama na ako sa dingding. Umangat naman ang sulok ng labi nito. Wari ay umiismid pa ito sa akin. Naigting ang aking panga. Para akong nahipnotismo dahil sa tindi ng mga titig niya sa akin. Parang tumatagos ito sa buo kong katawan. "Natatakot ka ba sa akin Hollian?" Natameme ako at hindi agad nakasagot. Nang tuluyan na itong makalapit sa akin ay napasinghap ako. Halos magkadikit na ang aming mga katawan at ramdam na ramdam ko ang bawat hininga nito. "Lumayo ka sa akin," halos pabulong ko nang wika. Bigla naman nito akong siniil ng halik at para akong nalulong sa masamang bisyo dahil sa kakaibang halik na ibinibigay nito sa akin. Nakakaadik bigla! Nang lumayo ang mga labi nito sa akin ay napalunok ako ng mariin. "Hindi mo ako kaya Hollian," anito kasabay nang pagpitik ng kanyang mga daliri. Bigla akong nanlumo at bigla ring lumabo ang aking paningin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD