Kabanata 5

1982 Words
Kabanata 5 Nang makarating ako sa kubo ay agad din naman akong pumasok sa loob. Sinindihan ko ang lampara at inilagay ito sa mesa. Pumuwesto ako sa bintana at napasandal sa dingding. Sobrang laki ng buwan at kay liwanag nito. "Emil," sambit ko sa kawalan at agad na nag-unahan sa pagbagsak ang aking mga luha sa mata. "Kung bakit naman kasi ay nawala ka pa, 'di sana'y may karamay ako ngayon," wika kong muli sa kawalan. Bumuntong-hininga ako at napayuko. Masakit pa rin sa akin na wala na si Emil. Napapikit ako at inalala ang mga nangyari. Noong nakaraang tatlong taon ay biglang nagkaroon ng sakit na malubha si Emil. Tutulungan ko sana siya na magpagamot pero ayaw niya. Pinilit ko siya na magpatingin sa mga manggagamot sa ibang bayan pero tumanggi pa rin siya. Ang sabi pa niya sa akin ay alam niyang hindi na magtatagal pa ang kanyang buhay. Halos madurog ang puso ko noong mga oras na iyon. Sino ba ang hindi masasaktan kapag nasa piligro na ang buhay ng taong minamahal mo. Ngunit may prinsipyo siyang pinaninindigan at wala akong nagawa para ro'n. Ni hindi ko nga alam kung anong sakit ba ang dumapo sa kanya. Hanggang sa isang araw, nalaman ko na lang na wala na ito at nailibing agad ang katawan nito. Isang nagngangalang Ishmael ang nagpakilala sa akin noong mga panahong iyon. Siya kasi ang nag-asikaso sa pagpapalibing kay Emil sa sementeryo. Noong mga oras na iyon ay ayaw ko pang maniwala na wala na ito. Hindi ko matanggap na iniwan niya ako ng ganoon lang. Dalawang taon ko rin itong naging kaibigan dito sa isla Herodes. At isa pa sa hindi ko nagawa bago man lang ito pumanaw ay ang masabi sa kanya na iniibig ko siya ng lubusan. Kahit na alam ko na kahit minsan ay hindi naman ito nagpakita ng motibo sa akin. Alam kong kaibigan lang ang turing nito sa akin at nirerespeto ko iyon. "Emil," muling sambit ko sa kawalan. "Umiibig ka ng lubusan kay Emil kaya ayaw mong tanggapin ang alok ko," biglang wika ni Kanyue sa aking likuran. "Anong ginagawa mo rito!? matabang kong tanong dito. "Pagmamay-ari ko ang lupang tinitirikan ng kubong ito Hollian kaya hindi na nakapagtataka kung bakit narito ako. At isa pa, magandang pagmasdan ang buwan sa puwestong ito." Hindi ako kumibo at umalis sa may bintana. Nilagpasan ko ito pero maagap nitong nahawakan ang aking kanang braso. "Bitiwan mo ako!" mariin kong utos dito. "Sa santong dasalan ba o sa santong paspasan," aniya. Napakunot ako ng aking noo. "Hindi kita maintindihan kaya bitiwan mo ako!" Pilit kong binabawi sa kanya ang aking kanang braso pero ayaw nitong matinag. "Alam mo bang sa lahi ng mga Zoldic ay mainipin kami Hollian. Ayaw namin ng paliguy- ligoy sa lahat ng bagay, lalo na sa mga bagay na gustong-gusto naming makuha." Nanatili sa pagkunot ang aking noo. Tila yata ay nagbabanta pa ito sa akin. "Hindi ako natatakot sa iyo," mariing utas ko. Pino naman itong napatawa. "Mabuti na lang pala at wala akong ritwal na sasambitin sa bawat pagniniig na magaganap sa pagitan nating dalawa. Pinagbigyan ako ni Luna sa aking kahilingan. Nakaiinip na maghintay pa sa iyong pasya Hollian. Inuubos mo ang aking pasensiya kaya bakit pa kita idadaan sa sagala kung puwede naman pala kitang iduyan ng mas maaga." Napanganga ako sa aking mga narinig. Bago pa man ako makapagsalita ay bigla na lamang nito akong kinabig. At nang kumurap ako'y bumagsak na ang aking katawan sa isang malambot na kama. Pamilyar pa ang lugar na binagsakan ko dahil narito kami sa bahay na hardin niya at kama niya ito! Kinubabawan nito ako na agad namang ikinabilog ng aking mga mata. "Anong gagawin mo!?" gulat at kabado ko pang tanong sa kanya. "Gusto kitang makasama Hollian," anito. "Ano ba!? Umalis ka sa ibabaw ko!" singhal ko rito. "Bakit ko naman gagawin iyon?" Kumunot pa ang noo nito habang mataman pa akong pinagmamasdan. "Dahil hindi magandang biro ang gagawin mong 'to!" "Alam mo bang gusto na ng pinsan kong si Steffano na magkaroon na ng pamangkin sa akin. Parang magandang ideya 'yon." Napalunok ako sa sinabi niyang 'yon. Namilog pa lalo ang aking mga mata nang dumagan ito ng todo sa akin. Iyong parang yakap na niya ako dahil halos magkadikit na ang aming mga katawan. Isiniksik pa nito ang kanyang mukha sa aking leeg dahilan para ako ay mapasinghap. "Ngunit kahit ganoon pa man Hollian ay malaki pa rin ang respeto ko sa iyo. Gusto ko lang na makasama ka. Makita kang mahimbing na natutulog sa aking mga bisig," anito dahilan para tuluyan akong mapaluha. Umayos ito sa pagkakahiga sa kama at iniunan ang kanyang kaliwang bisig sa aking ulo. Gumapang pa ang kanyang kamay rito sa aking manipis na baywang. "Hindi kita sasaktan Hollian," anito at hinalikan pa ang aking noo. Natulala ako saglit at mariing napapikit. Nagtataka ako sa aking sarili. Ginaganito na niya ako ngunit wala akong makapa na sama ng loob dito sa aking dibdib. Hindi ko alam kung bakit pero nararamdaman ko si Emil sa kanya. "Paano ako nakarating dito?" sa wakas ay utas ko. "Malalaman mo rin kung paano pero hindi pa ngayon Hollian," dagdag nito. "Pero..." protesta ko bago tuluyang bumagsak ang aking mga talukap sa mata. Kumunot ang aking noo at piniga ang pagitan ng aking mga kilay. Tumatama sa akin ang sikat ng araw. Napaliyad pa ako at napaunat ng aking mga braso. Pero agad akong napamulat at natigilan. Bakit may kasama ako sa kama? Nang pumaling ako sa aking tagiliran ay agad akong natauhan at saka ko lamang naalala ang lahat nang nangyari kagabi. "Kanyue!?" sambit ko at agad na napabangon. "Magandang umaga," bati pa nito sa akin. Natulala lang ako at napanganga ng konti. "Hindi maganda sa iyo ang nagugulat Hollian," aniya. Napalunok ako. Tumayo naman ito at inalis ang kumot. Nalaglag ang aking panga ngunit agad ko rin naman itong itinikom. "May nangyari ba?" tanong ko. Tinalikuran naman nito ako at kumuha ng bote ng alak. Nang isalin nito sa kopita ang laman ng bote ay malapot ito. Nakapagtataka naman? Bakit kaya ganoon ito kalapot gayong ang alam ko sa mga alak at hindi naman ganoon. Minsanan na akong pinatitikim ni ama ng mamahaling alak galing sa ibang bansa at hindi ito katulad sa mga 'yon. "Walang nangyari Hollian," sagot nito matapos lagokin ang lahat ng laman ng kopita. Nakahinga ako ng maluwag. Agad na akong bumaba sa kama. "Kailangan ko na ang umuwi," utas ko at inayos ang nagusot kong bestida. "Gamitin mo ang isa sa mga kabayo ko Hollian." Agad na gumalaw ang aking ulo para umiling sa kanyang alok. "Maglalakad na lamang ako," sagot ko at tinalikuran ito. Nang makalabas ako ng bahay ay agad na bumungad sa akin si Kaloy. May hinihila siyang kabayo at nahinto pa sa aking harapan. "Magandang umaga po señorita Hollian," bati pa nito sa akin. Tipid lang akong ngumiti. "Para nga po pala sa inyo itong kabayo señorita Hollian, utos po ng señorito Kanyue." "Hindi na kailangan Kaloy dahil kaya ko namang maglakad pauwi sa amin." "Sumakay ka na Hollian," biglang sulpot ni Kanyue sa aking likuran. "Puwede ba Kanyue ay ha¡Xano ba!" Bigla na lamang niya kasi akong binuhat para isakay sa kabayo. Wala na akong nagawa pa para awatin ito at magprotesta sa kanya. "Talagang mapilit ka. Aalis na ako," naiiling ko pang wika. Pero bago ko pa mapatakbo ang sinasakyan kong kabayo ay maagap nitong hinila ang lubid. "May nakalimutan ka Hollian," aniya. Nagsalubong naman ang aking mga kilay. "Wala akong maalala," pagtataray ko. "Yumuko ka," utos nito. Pinaikot ko ang aking mga mata at sinunod na lamang ang gusto nito upang matapos na itong kalokohan niya. Nang yumuko ako ay laking gulat ko nang kabigin nito ang aking batok at mapangahas na kinumyos ng halik ang aking labi. Kasunod niyon ay pinalo pa nito ang likurang bahagi ng aking sinasakyang kabayo dahilan para mapahalinghing at mapatakbo ito. Diyos ko mahabaging langit! Naiwan ko yata ang aking kaluluwa dahil sa ginawa nitong paglapastangan sa aking mga labi. Tinampal-tampal ko ang aking sarili. Naguguluhan na tuloy ako sa aking nararamdaman. Hindi ko mawari kung galit pa ba ako sa kanya o hindi na? Ewan! Hindi ko alam! Labis akong naguguluhan. Ang daming pumukaw sa aking atensyon. Mga tanong na hindi niya pa nasasagot. Napabuga ako ng hangin at itunuon ang aking atensyon sa daan. Nang makarating ako sa bukana ng aking asyenda ay agad na sumalubong sa akin ang aking mga tauhan. "Magandang umaga po señorita Hollian," bati ni Mang Karyo sa akin. "Anong nangyayari?" kabado kong tanong. "Señorita Hollian, nagsilipatan po ang ibang mga trabahador sa kabilang asyenda. Nalulugi na po kasi tayo señorita at nangangamba ang ilan na baka tuluyan na po kayong hindi makasuweldo sa kanila. Nabubulok na rin po iyong mga gulay at prutas sa imbakan dahil sa paglipat ng ating mga suki." Mariin akong napapikit at nakuyom ng mahigpit ang tali ng kabayo na aking hawak. Nanginginig ang aking mga balikat dahil sa sobrang inis. "Gaano na po kalaki ang lugi natin Mang Karyo?" "Halos mahigit isang milyon na po señorita Hollian." Halos manlumo ako sa aking narinig. Bigla akong nanghina. Napiga ko ang aking batok. "Mang Karyo, maari bang ibenta mo ang mga inahing baka? Pagkatapos ay paghatian na lamang natin ang kikitain doon. Puwede na rin po kayong lumipat sa kabila kung gusto niyo." Nilagpasan ko na ang mga ito at tinungo ang kuwadra ng mga kabayo. Bumaba ako sa aking kabayo at ipinasok ito sa kulungan. Matamlay akong lumakad at pumasok sa loob ng bahay. Agad akong sinalubong ng yakap ni Manang Bebeng. "Kaya natin ito Hollian," alo nito sa akin nang marinig niya ang aking paghikbi. "Hindi ko alam kung kakayanin ko pa po ito. Iyong limang taon na paghihirap ko sa asyendang ito ay bigla na lamang maglalaho." Muli akong napahikbi. "Ano ang sabi ni señorito Kanyue?" anito nang kumalas ito sa akin. "Kailangan ko siyang pakasalan," sagot ko. Napasinghap naman ito. "Pero Hollian, hindi mo mahal ang lalaking iyon." "Hindi nga po pero ano pa ba ang posible kong gagawin para lamang maisalba ko itong asyenda? Wala po akong maisip na ibang sulosiyon." "Diyos ko Hollian! Hindi ito maganda para sa iyong ama. Paano kapag nalaman niya ito?" Naigting ang aking panga. "Hindi niya malalaman at hindi ninyo ipapaalam sa kanya," wika ko. "Ang ibig mo bang sabihin ay pakakasal ka sa kanya?" "Kung iyon lang ang paraan para hindi madamay ang mga trabahador ko ay gagawin ko." Tinalikuran ko na ito at pumanhik na sa aking silid. Buo na aking pasya. Pakakasalan ko ang lalaking iyon para lamang maisalba ko ang asyenda at ang mga trabahador ko. Hindi ko inakalang ganito kalaki ang masisira dahil lamang sa hindi ko pagpayag sa alok nito. Pinilig ko ang aking ulo. Mabilis akong kumilos para mag-ayos ng aking sarili. Matapos ay pumanaog ako para makapag-agahan. "Hollian, sigurado ka na ba sa gagawin mo?" muli ay tanong ni Manang Bebeng sa akin matapos niya akong paghainan. "Wala po akong pagpipilian," sagot ko habang sumusubo ng tinapay. Malungkot naman itong napatungo na lamang. Tumayo na ako. "Aalis na po ako," paalam ko rito. "Mag-iingat ka anak," anito. "Opo." Nababakas ko sa tono nito ang matinding pag-aalala para sa aking kapakanan. Ngunit kung paiiralin ko ang ganito ay ako pa rin sa huli ang mawawalan. Hindi na bale kung magalit man si ama sa gagawin kong ito pero nakapagpasya na ako at sisiguraduhin kong maaayos ko ito. Tinungo ko na ang kuwadra at kinuha ang kabayong gamit ko kanina. Sinakyan ko agad ito at tinahak ang daan papunta sa asyenda ni Kanyue. "Kaloy! Ang señorito Kanyue mo? Nasaan siya?" tanong ko agad pagkahinto ko. "Nasa batis po señorita Hollian," ani Kaloy. Tumango lamang ako at tinahak na ang daan patungo sa batis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD