Chapter 2: Sisikat Pagkatapos ng Dilim

2787 Words
Pagkarating nila sa malaking bahay ay handa na nga ang meryenda na sinasabi ng ginang. Ito ay mga nilagang kamote at saging na siyang inani lang kanina sa bukid. Sa simpleng meryenda na ito ay tuwang-tuwa na si Nita. Simpleng pagkain lang na nakakabusog hindi lang ng tiyan kundi pati na rin ng puso dahil pinaghirapan talaga ito ng mga tao sa hacienda. “Kumain ka lang diyan at ako’y magbibihis muna.” Sabi ng ginang na tinapik pa sa balikat ang dalaga. Nasa likod sila kung saan ay may upuan o ang lanai ng tahanan. Maaliwalas ang paligi at sabayan pa ng mainis na simoy ng hangin at ang dami ng puno na siyang nagbibigay lilim. Magandang tambayan dito lalo na sa hapon. Nag-umpisa na ngang kumain si Nita. Hindi nagtagal ay sinaluhan na rin siya ng ginang at nakipagkuwentuhan sa kaniya. Sobra ang tawa ng ginang dahil makwela ang kaharap. Pili lang ding mga tao ang nakakaalam sa ugaling ito ni Nita. Kapag iba kasi ang kaniyang kausap ay napakaseryoso nito at mahinhin. Kaya gustong-gusto siya ng ginang dahil alam niyang ganito talaga ang dalaga. Hindi nagtagal ang dalaga sa malaking bahay bago niya napagpasyahag umuwi na. Ngunit bago siya umalis ay naghabilin pa ang ginang. “Pag-isipan mo ang sinabi ko,” sabi ng ginang. Masayang umuwi ang dalaga habang naiisip pa rin an hiling ng ginang. Nasisilaw siya sa magiging sahod niya at sa mga bagay na maaari nitong itulong sa kanila. "Nay! Tay!" Puno ng galak na sigaw ni Nita habang papasok ng kanilang bahay. Gusto niya na agad ibalita sa mga magulang ang napag-usapan nila ng Senyora kanina. Gusto niyang sumubok kahit malayo man ito.  "O! Napano kang bata ka? Para kang hinahabol ng sampung tikbalang kung makasigaw ka riyan?" Sagot ng ina na humahangos pang lumabas ng kusina. Abala kasi ito sa paghahanda ng kanilang hapunan na nabulabog dahil sa kaniyang pagtawag.  Dahil probinsya, nakasanayan na ng mga tao sa kanila na alas-siyete pa lang ng gabi ay tapos na silang kumain. Maaga rin silang natutulog para maagang magising. Dapat maaga ka kapag gawaing bukid ang pag-uusapan. Sabi nga ng isang salawikain na english, 'An early birds catches the worm.' At bilang mambubukid ay ganito dapat ang paniwalaan mo. "Nanay naman!" maktol nito na umasta pa na parang bata. "May sasabihin po kasi ako sa inyo." Bago lumingon sa palagid na hinahanap ang ama. "Nasaan po si Tatay, 'Nay?"  "Andoon sa likod. Nagpapahinga roon kasi mahangin." Sagot ng kaniyang ina at pumasok ulit sa kusina. "Mamaya na natin iyan pag-usapan. Taposin ko muna itong niluluto ko."  "Sige po, 'Nay. Puntahan ko na lang po muna siya roon." Sagot ng dalaga na nilapag na ang bag sa upuan sa sala.  Sumunod agad siya sa kaniyang ina papunta ng kusina pero hindi pa siya nakakarating doon ay lumiko na siya sa isang pinto na nandoon. Ang pinto ay papunta sa likod ng kanilang bahay. May upuan doon sa ilalim ng puno ng mangga na gawa sa kawayan. Mayabong ang dahon ng punong mangga kaya hindi direktang tumatama ang sikat ng araw sa ilalim nito. Mahangin din dahil bukirin na ang likod-bahay nila at mula sa kaniyang kinakatayuan ay makikita na ang papalubog na araw. Naghahalo ang kulay dalandan, dilaw at bughaw na talagang kay gandang pagmasdan.  Nakangiti si Nitang lumapit sa ama. Nakaupo lang ito at nakatingin sa araw, at halata sa kaniyang mukha na may malalim itong iniisip. "Ang ganda. Ano, 'Nak?" Tanong sa kaniya ng ama na hindi man lang siya nilingon.  "Opo," maiksing sagot ng dalaga.  "Nagpapakita na ang isang araw mo ay tapos na. Na sa bawat tagpo ng buhay natin ay may hangganan; na susunod dito ay ang pamamahinga. Hindi tayo puwedeng sige lang ng sige, kayod lang ng kayod. Kailangan nating mamahinga para may lakas tayo sa susunod dahil sa dulo nito ay may pag-asa pa rin. Na may sisikat ulit na umaga. Papatak man ang dilim, sa dulo ay mag liwanag pa rin." Sabi ng kaniyang ama na nagpakunot ng kaniyang noo. Napatanong sa kaniyang sarili kung saan 'yon nanggaling. "Ayos ka lang, 'Tay?" Nagtataka nitong tanong.  "Oo naman," sagot ng matanda at napalingon pa ito sa kaniya na may ngiti sa labi. "Para kang araw. Kahit malilipasan ka man, sisikat at sisikat ka pa rin kinabukasan. Hindi ka nawawalan ng pag-asa. Kahit anong pagsubok man ang puwedeng humadlang, alam kong sisikat ka pa rin."  Sa sinabi ng ama, pakiramdam ni Nita ay nanaba ang kaniyang puso. Malawak ang ngiting yumakap siya sa braso ng ama. Malapit siya sa kaniyang mga magulang kaya hindi siya naiilang, hindi katulad ng ibang bata.  "Mahal po kita, 'Tay," madamdaming sabi ng dalaga.  "Mahal din kita, Anak." Sabay pisil sa kamay ng anak na hawak niya na. Halata na ang mahabang panahon na pagkakayod sa kamay nito dahil sa kulubot at kalyo, pero ni minsan ay hindi ito sumuko para sa kaniyang pamilya.  Pagkatapos no'n ay katahimikan ang bumalot sa kanilang dalawa. Komportable lang ang mag-ama na patuloy na nakatanaw sa papalubog na araw. Unti-unting binalot na ng dilim ang buong paligid. Maliwanag na buwan ang agad na siyang pumalit. Maganda itong pagmasdan lalo na ang repleksyon nito sa mga dahon ng palay dahil nagkikintaban sila.  Mahangin at payapa ang buong paligid kaya masarap tirhan. Walang sino man sa kanila ang kayang ipagpalit ang kapayapaang ito sa ingay ng lungsod.  "Hali na kayong dalawa! Tama na 'yang drama n’yong mag-ama riyan at nang makakain na." Tawag ni Cora sa kaniyang mag-ama na napalingon din sa kaniya.  "Tara na po, 'Tay." Aya ni Nita at hinawakan ang kamay ng ama para alalayan itong makapaglakad. Simula kasi ng nasugatan ito ay ganito na.  Maingat na tinulungan ni Nita ang ama para makalakad at makaupo ito ng maayos. Ang kaniyang ina naman ay pinaghanda ang kakainin ng asawa. Nakangiti lang ang lalaki sa pag-aalaga sa kaniya ng dalawang babaeng importante sa kaniyang buhay. Sila ang kaniyang kayamanan na kahit kailan ay hindi niya ipagpapalit kahit saan man.  "Maghugas ka na ng kamay mo, Nita. Sabay-sabay na tayong kakain," utos ng ginang.  "Opo," sabi ni Nita. Agad namang sumunod ang dalaga at mabilis itong lumapit sa lababo at naghugas ng kamay.  Pagkabalik at pagkaupo niya, nagdasal agad sila. Sa bawat pagkain ay tinuruan siya ng magulang na magpasalamat sa bawat handog ng Diyos sa kanilang buhay. Huwag itong kakalimutan kahit saan man siya magpunta.  Matiwasay silang nag-umpisang kumain hanggang sa kalagitnaan ay nagbukas ng usapan ng ina ng tahanan.  "Ano pala ang sasabihin mo kanina?" Tanong nito sa anak.  Uminom muna ng tubig ang dalaga bago sumagot. "Oo nga po pala. Buti na lang pinaalala n’yo po." Tumigil muna ito at tumingin sa ama, tama lang na nakikinig din ito. "Inalok po ako ni Senyora ng trabaho. Malaki po ang sasahurin ko sa trabahong inaalok niya." Puno ng galak niyang sabi.  Nabakasan din ng saya sa mukha ng mga magulang niya pagkarinig ng kaniyang balita. "Anong trabaho naman ba 'yan, 'Nak?" Ang ama niya na ang nagtanong.  "Gawaing bahay at pagmamaneho po. Sa apo po ni Senyora," imporma niya.  "Bakit? Uuwi ba ang apo ni Senyora?" Ang ginang naman ang nagtanong. Kilala nila ang pamilya ng senyora at alam nilang mababait ang mga apo nito. Kaya wala silang problema kung sa kanila magtatrabaho ang anak.  "Hindi po, 'Nay." Tumigil siya at inabangan ang nagiging reaksyon ng magulang. "Sa Manila po kung saan ho nakatira ang apo ni Senyora at nangangailagan ng kasambahay. Malaki raw po ang sahod. Naisip ko pong mas malaki ang maiipon ko 'pag doon ako magtatrabaho. Wala po akong gagastusin doon kaya malaki ang maiipon ko. Isang buwan ko po sa kaniya ay dalawang buwan ko hong kayod sa fastfood." Mahabang paliwanag nito.  Habang ang mga magulang ay nagkatinginan at tinitimbang ang kanilang sasabihin. "Malayo ang Manila, 'Nak." Naiboses ni Norman ang kaniyang inaalala. Hindi sila sanay na mapalayo ang anak at nag-aalala sila rito. Nag-iisang anak nila ito kaya hindi iyon maiiwasan.  "Alam ko po. Pero alam ko rin pong hindi naman nila ako pababayaan doon." Lumungkot na rin ang mukha ni Nita. "Kahit ayaw ko man po kayong iwan dito, para rin po ito sa atin."  Nagkatinginan ang mag-asawa sa sinabi ng anak. Naunawaan naman nila ang anak. Alam nilang kaya nito ang sarili kaya hindi sila nababahala. Sadyang magulang lang sila at hindi mawawala ang agam-agam sa kanilang puso.  "Mukha namang nakapagpasya ka naman na, 'Nak," nakangiting sabi ni Cora. "Nandito lang kami para suportahan ka. Kaya kung nakapagdesisyon ka na, ituloy mo lang. Basta hindi ka mapapahamak sa huli." Tumango din si Norman sa sinabi ng asawa bilang pagsang-ayon.  Napangiti ng malawak si Nita sa narinig. Masaya siyang pinagkakatiwalaan siya ng magulang. "Salamat po, 'Nay, 'Tay." Pasasalamat niya at yumakap pa sa nanay niya. Tumawa na lang ang kaniyang ama sa inasta ng anak. Halata sa mukhang nito na gusto talaga nitong makapagtrabaho roon.  "Kailan daw ba ang simula mo?" tanong ng kaniyang ama.  "Hindi ko pa po alam pero kakausapin ko po bukas si Senyora. Baka makakuha ng iba ang apo niya kung hindi ako makapagsabi agad. Sayang naman po kung palalampasin ko pa." Tumango naman ang dalawa.  Mabilis na natapos ang kanilang usapan kaya mabilis din silang natapos sa pagkain. Si Nita na rin ang nag-ayos ng kanilang hapag habang ang mag-asawa ay namahinga muna sandali sa maliit nilang sala. May kuryente sila kaya mayroon silang maliit ng telebisyon, na siyang libangan nila sa gabi.  Ilang sandali pa, bago pa lumalim ang gabi, napagpasyahan ng buong mag-anak na matulog na. Payapa at mahimbing silang natulog.  Maaga pa lang ay gumayak na si Nita para makapunta agad sa malaking bahay. May pasok pa siya ng alas-otso, kaya dapat agahan niya pa. Maaga ring umalis ang kaniyang mga magulang at iniwang handa na ang pagkain sa mesa pagkagising niya. Kumain na muna siya bago umalis ng bahay na kaniyang nakagawian na.  Alas-sais pa lang ay naglalakad na siya papunta sa malaking bahay. Malamig pa at walang init kaya masarap maglakad-lakad. Sabayan pa ng sariwang ihip ng hangin at masayang tawanan ng mga batang naglalaro pa bago mag-ayos papasok ng eskwelahan.  Ilang sandali pa, nakarating agad si Nita sa malaking bahay. Abala na ang mga nagtatrabaho sa malaking bahay at nakita niya agad si Rosa na nagdidilig ng halaman sa bakuran.  "Magandang umaga, Rosa," bati ni Nita. Kaibigan niya si Rosa kaya kilala niya talaga ito mula pa noon.  "Magandang umaga rin sa iyo," nakangiti nitong bati pabalik. Ang mga mata pa nga ay parang lumiwanag ng makita siya. "Ang aga mo ata?"  "Oo. May kailangan kasi ako kay Senyora tapos may trabaho pa ako mamaya. Dapat agahan ko. Gising na ba si Senyora?" tuloy-tuloy niyang sabi.  "Oo, kanina pa. Nandoon ata siya sa likod. Halika! Samahan na kita." Masaya nitong aya bago pinatay ang gamit na hose ng tubig.  "Salamat," sagot na lang ni Nita.  Naunang naglakad si Rosa na bakas ang saya. Habang si Nita ay nakasunod lang habang namamangha sa mga bulaklak na kanilang nadaaanan. Matagal niya na itong nakikita pero hindi siya nagsasawa. Nandoon pa rin ang pananabik niya bawat araw na makita niya ito. Mas agaw pansin sa kaniya ang mga orchids na siyang pinaparami mismo ng senyora.  "Senyora, nandito po si Nita. Hinahanap po kayo," tawag pansin ni Rosa sa ginang na abala sa pag-spray sa alagang pananim.  "Magandang umaga po, Senyora," bati rin ni Nita na puno ng paggalang.  "O, ikaw pala! Sandali lang." Gulat at galak ang nababakas sa mata ng ginang. Nilapag nito sa mesang naroon ang hawak na pang-spray at gloves na suot bago siya lumapit sa dalaga. "Magandang araw din. Napaaga ka ata?" Suminyas pa itong maupo si Nita sa upuan doon pero umiling lang ang dalaga.  "Gusto ko lang pong makasigurado roon po sa inalok ninyo sa akin kahapon. Ayaw ko naman pong maunahan ako," sabi ni Nita na nahihiya pa.  "Kung gano’n, nakapagdesisyon ka na?" "Opo. Pinayagan na rin po ako nila Nanay. Alam naman po nilang ligtas ako roon. Malaki po ang tiwala nila sa pamilya ninyo," nakangiting sabi ni Nita.  "Naku! Maganda 'yan. Hindi na rin mahihirapan ang apo kong maghanap pa. Palagi kasing abala 'yon. Isa pa, makakasigurado kaming maayos ang makakasama niya roon." Puno ng sayang sambit ng ginang na halos pumalakpak pa.  "Iyan lang po ang pinunta ko po rito. May trabaho pa po kasi ako at kailangan ko na pong magpasa ng resignation letter." Nakangiting sagot niya pero nagtanong ulit. "Kailan po ba sana ang punta ko roon?"  "Sa susunod na linggo sana. Ihahatid naman kita kaya hindi hassle."  "Sige po. Puwede na po basta maipasa ko lang ang resignation letter ko." Ani ni Nita at humanda ng umalis. "Alis na po ako. Kailangan ko pa pong pumasok, e."  "Sige. Mag-ingat ka," sagot na lang ng ginang at ngumiti.  "Sige po. Salamat po." Nagmadali agad na umalis si Nita. Pero habang naglalakad ay nakasalubong niya si Rosa. Hindi man lang niya napansing umalis ito sa tabi niya kanina.  "Puwede ba tayong magkita mamaya?" Nakangiti nitong tanong pero kitang-kita ni Nita ang lungkot sa mga mata ng dalaga. Naging malapit na kaibigan niya rin si Rosa kaya kilala niya na ito.  "Sige. Punta na lang ako mamaya sa bahay ninyo," nakangiting sabi ni Nita. Mabilis lang ang lakad nila kaya malapit na sila sa kalsada kung saan may nakaparadang mga motorsiklong puwedeng sakyan papuntang bayan.  "Sige. Mag-ingat ka." Kumaway na lang sila sa isa't isa at tinuloy ang gagawin sa araw na iyon.  Habang sa kabilang banda, tuwang-tuwa ang ginang sa nakuhang balita mula kay Nita. Hindi na siya mapakali pa na huwag ito sabihin sa apo. Kaya naman kahit alam na maaring abala ang apo, tinawagan niya ito. Nakailang ring din bago may sumagot ng kaniyang tawag.   "Hello!" Antok pang bungad ng apo ng ginang.  "Naku! Pasensya na, Apo. Nadisturbo pa ata kita sa iyong pagtulog." Nag-alanganin ang ginang pagkarinig ng paos pang boses ng apo. Alam niyang nagpuyat na naman ito. Doctor ang propesyon ng mga apo kaya naiintindihan niyang palagi silang abala at kulang na minsan ang tulog.   "Ikaw po pala, Grammy. Good morning po!" bati niya sa matanda at humikab pa. "Ayos lang po. Mabuti nga po at ginising n'yo po ako at baka tinanghali pa ako kung hindi." "Bakit? Wala ba riyan ang asawa mo?" Tanong ng ginang na naupo na sa upuang naroon.  "Ah... ano po..." Nauutal pa itong sumagot na hindi alam kung ano ang sasabihin. "May ano po pala... pumunta po ng ibang bansa. May katagpong investors. 'Yon! Gano'n nga po." Hindi pa siguradong sagot nito. Nahalata ito ng ginang pero hindi niya na lang pinansin. May sariling buhay na ang mga apo niya at ayaw niyang mangialam hangga't hindi sila humihingi ng tulong sa kaniya.  "Gano'n ba," sabi na lang ng ginang at nakinig sa kaluskus sa kabilang telepono. Mukhang nag-aayos na kaniyang apo.  "Bakit po pala kayo napatawag, Grammy? Okay lang po ba kayo?" Bakas na ang pag-aalala sa boses nito, na siyang kinangiti ng senyora. Napakamaalalahanin talaga ang bunso niyang apo.  "Hindi, Rica. Tungkol ito sa pinapahanap mo sa akin noong nakaraang araw. Nakahanap na ako rito at alam kong mapapagkatiwalaan mo." Nakangiting imporma ng ginang. Naalala niya lang ang masayang ngiti ni Nita ay nakalimutan niya na ang pagkautal ng apo. Alam niya, maaring makapagpasaya pa si Nita sa apo 'pag doon ito tumira.  "Mabuti po kung gano'n, Grammy. May makakasama na rin ako rito. Palagi kasing wala si Gab," tukoy nito sa asawa. "Hingiin ko na lang po ang cellphone number niya para matawagan ko siya at makausap ng maayos. Mas mainam 'yong kami ang mag-usap para makilala niya ako at mapalagay ang loob niya." "Sige, mas mabuti nga iyan. Iti-text ko na lang sa iyo ang number niya." Tumigil muna ang ginang ng ilang sandali bago nagpatuloy. "Iyon lang ang itinawag ko sa iyo. Baka kasi maghanap ka pa. By next week, ihahatid ko na agad siya riyan," dagdag pa ng ginang.  "Sige po, Grammy. Maraming salamat po." Sagot ng boses sa kabilang telepono, kasabay din ang pagtunog ng tubig na dumadaloy. Nahinuha agad ng Senyora na nasa banyo na ito.  "Sige, Apo. Mag-ayos ka na. Paalam na!" malambot ang boses na pamamaalam ng ginang. Kahit medyo malungkot siya, ayos lang at iniintindi ang apo dahil alam niyang abala rin ito.  "Opo, Grammy. Say my hello to Granddy. Take care!" paalam na rin nito.  "Ingat ka rin, Apo." 'Yon lang at naputol na ang tawag.  Kahit nag-aalala man sa apo, alam niyang magkakaroon siya ng balita kapag nandoon na si Nita. Kaya buong araw na masaya ang ginang dahil mapapanatag na rin sa wakas ang kaniyang kalooban. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD