Chapter 3: Anghel sa Lupa

2529 Words
Lumipas ang buong araw na naging abala ang lahat sa kanilang gawain. Ang lahat ay may kaniya-kaniyang mga gawain na dapat matapos, lalo na si Nita na may hinahabol pang gawin. Kahit ang mga bata sa kanila pagkatapos ng eskwela ay tumutulong sa gawaing bahay bago maglaro sa labas. Lahat ay may ginagawa, lahat ay naging abala.  At dahil nga naging abala, padilim na nang makauwi si Nita. Tapos na ang gawain ng lahat at nagpapahinga na ang mga matatanda. Habang ang mga bata ay naglalaro ng kabilogan ng buwan. Iyong larong mainam kapag kabilogan ng buwan dahil maliwanag.  Dapat marami kayong maglalaro nito para mas masaya. Kailangang gumuhit ng bilog na siyang paglalaruan; mas mainam na gumamit ng tubig kapag gabi para makita ng manlalaro ang guhit. Isa ang taya at kung sino ang kaniyang maaabot na tao sa loob ng bilog ay siya naman ang taya. Masaya itong laruin kaya naman nagkakasiyahan ang mga bata sa kalsada habang tawa ng tawa naman ang nakakatandang nanonood. Ito ang palaging ginagawa nila na talaga namang kinasisiya nino mang manood.  Napapangiti rin si Nitang dumadaan na minsan ay napapatigil at natatawa pa sa kalokohan ng mga bata. Napapawi nito ang kaniyang pagod. Gusto niya na rin sanang umuwi ngunit nakapangako siya kay Rosa na dadaan siya sa kanila. Kaya kahit magkaiba ang daan nila ay sinadya niya pa rin itong puntahan kahit madilim na. Napagpasyahan niyang dumaan na muna sa kanila Rosa kasi baka hindi pa siya payagan ng kaniyang tatay kung nakauwi na siya. Kahit nasa tamang edad na siya, bente anyos, hangga't maari ay prinoprotektahan pa rin siya ng ama. Hindi siya pinapalabas o pinapatagal sa labas ng bahay kapag gabi na.  Ilang sandali pang paglalakad ay natanaw niya na rin ang bahay nila Rosa. Sa katunayan nga, nakaabang na ito sa kaniya sa kanilang labas at nagkakandahaba na ang leeg base sa kung paano siya tanawin nito.  Si Rosa ay isa na sa kaibigan niya simula pa noon, o mas tamang sabihin ay kakilala. Naging mas malapit nga lang sila noong nagmamaneho na siya kay Senyora. Nakakausap niya ito at mas naging malapit lalo na't ito lang ang kaedaran niya na nagtatrabaho sa malaking bahay. Mabait kasi si Rosa kaya mabilis niyang nakalagayan ng loob.  "Akala ko hindi ka na matutuloy dahil gabi na," nakangiting bungad agad ni Rosa. Lumapit siya rito at ngumiti lang ng alanganin dahil sa pinaghintay niya nga ito.  "Ginabi na kasi ako sa trabaho. May hinabol pa akong ilang bagay para maayos ang lahat bago pa ako umalis." Sa pagbanggit ni Nita ng bagay na iyon, ang nakangiting mukha ni Rosa ay napalitan ng lungkot. Pero hindi na lang muna pinansin ni Nita baka kasi namamalikmata lang siya lalo na't madilim sa kinakatayuan nila at walang malinaw na dahilan para maramdaman iyon ng dalaga. Alam niyang malulungkot ito bilang kaibigan ngunit iba ang kaniya niya kanina. "Oo nga pala. Ano pala ang sasabihin mo?"  Alanganin pang magsalita si Rosa. Nagbago na naman ang reaksyon ng kaniyang mukha, naging kabado ito. Hindi na ito makatingin kay Nita na pinagtaka naman ng isa. Palaging sigurado si Rosa sa mga bagay-bagay kaya nakakapagtaka ang inaasta nito ngayon.  "Ku-kumain ka na ba? Kumain ka kaya muna," kinakabahan nitong sabi.  Umiling muna si Nita bago sumagot. "Hindi na, Rosa. Doon na lang sa bahay dahil siguradong nakahanda na si Nanay. Magagalit iyon kung hindi ko kakainin ang kaniyang hinanda." Nakangiting pagtanggi ni Nita na kinatango ni Rosa. "Ano ba 'yon, Rosa?" ulit niyang tanong.  Napahinga ng malalim si Rosa bago tumingin sa mga mata ni Nita. Para itong isdang bubuka't sasara ang bibig. May gustong sabihin pero hindi niya mabigkas. Nawawalan siya ng lakas ng loob na magsalita lalo na at kaharap niya si Nita. Mas matangkad si Nita kaysa kay Rosa kaya napapatingala pa ito na agad naman yuyuko.  "Pu-puwede bang sa likod tayo mag-usap?" Pakiusap nito. Nababakasan ni Nita na mahaba at importante ang sasabihin ng kaibigan kaya tumango na lang siya.  Naunang naglakad si Rosa habang nakasunod lang si Nita rito. Pero hindi nakaligtas sa mata ng huli ang paghawak ni Rosa sa laylayan ng kaniyang damit. Isa ito sa gawi niya 'pag siya'y kinakabahan, dati pa man ay nahahalata na ito ni Nita. Mas napuno ng kuryusidad si Nita sa maaring sabihin ng kaibigan.  Maliwanag ulit ang buwan pero hindi kasing bilog nang kahapon. Tama lang ito para magbigay ng liwanag sa madilim na daan.  Naupo ang dalawa sa upuang naroon na gawa sa tabla. Sa pag-upo nila ay katahimikan ang namayani. Ayaw naman ni Nita na pilitin ang kaibigan kaya hinintay niya itong magsalita. Minsan lang ito mangyari, na magsasabi ang kaibigan ng nararamdaman niya, kaya hindi siya nakikigulo sa sasabihin nito. Minsan kailangan lang makinig kaysa pangunahan ang lahat.  Naging abala na lang ang dalagang naka-uniporme pa sa pagtingin sa paligid. Hindi man kasing aliwalas ng sa kanila, maganda rin ang tanawin dito. Mas maraming puno kasi ang nakatanim sa paligid na kadalasan ay mga prutas. Ang puwesto nila Rosa ay mas mainam kapag tanghali at mainit. Sa ganitong gabi ay hindi masyado dahil natatabunan ng mga dahon ang liwanag ng buwan.  Sa tagal ng pananahimik, nagkaroon ng kaniya-kaniyang iniisip ang isa't isa. Pero nabasag iyon sa sinabi ni Rosa.  "Gusto kita!" walang pasakalyeng sabi ni Rosa.  Halos mabingi si Nita sa narinig. Halos hindi niya na rin napapansin ang masayang tawanan sa labas ng bahay. Napatingin na lang siya kay Rosa kung seryoso ba ito bago napaawang ang bibig nang makitang seryoso nga ito. Tumingin si Rosa kay Nita, kaya napalunok si Nita bago napabaling ang tingin sa malayo. Napaisip siya sa maari niyang sabihin na alam niyang kahit ano man ang ilabas ng kaniyang mga labi ay masasaktan pa rin ang kaibigan.   "Hindi ito ang iniisip kong sasabihin niya. Anong ibig niyang sabihin na gusto niya ako? Hindi iyon maari, sapagkat babae rin ako." Naguguluhang sabi ni Nita sa kaniyang isipan. Ni sa ginagap, hindi niya naisip na may aamin sa kaniyang kaibigan, at ang malala ay babae ito.  "Alam kong naguguluhan ka. Kahit rin ako noong una ay gulong-gulo. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko kaya naman inalam ko kung ano ba talaga ito. Halos nakakabaliw habang iniisip ko ito at hindi ko rin matanggap noong una. Alam kong nakakadiri lalo na't pinalaki tayo bilang sagradong katoliko. Pero hindi ko na mapigilan ang nararamdaman ko, Nita." Pag-amin ni Rosa sa kaniya na may pagsusumamamo sa boses hanggang narinig na ni Nita ang hikbi nito. Isa ito sa bagay na ayaw marinig ni Nita kanino man.  "Rosa..." Hindi alam ni Nita kung ano ang kaniyang sasabihin sa kaibigan.  "Hindi ako naghihintay ng ano mang kapalit, Nita. Sinabi ko lang ito dahil alam kong aalis ka na. Hindi ko na kayang itago pa ang damdamin kong ito. Napakabait mo at napakamaalalahanin, na siyang nagpabihag sa aking puso. Hindi ako naghahangad ng ano pa man mula sa iyo. Gusto ko lang sabihin sa iyo kung ano ang laman ng puso ko. Alam ko sa umpisa pa lang ay bawal na ito." Ang kaninang hikbi ni Rosa ay napalitan ng tuluyang pag-iyak. Hindi maatim ni Nita na makita ng ganito ang kaibigan.  Hindi siya nakakaramdam ng pandidiri sa kaibigan, bagkus ay nauunawaan niya ito. Alam niyang walang sinasanto ang pag-ibig. Mapababae man o lalaki, mapabata man o matanda ay natatamaan nito. Napakamisteyoso na halos walang makaintindi ko paano ito gumalaw. Napahinga siya ng malalim at niyakap ang kaibigan. Ang pagyakap lang ang kaniyang kayang gawin dahil hindi niya kayang suklian ang pagmamahal nito. Simula't sapol, alam niyang kaibigan lang ang tingin niya rito. Hindi dahil sa turo ng magulang niya at ibang tao, kundi ito ang turo ng kaniyang puso. Hindi niya rin naman puwedeng ipilit kung hanggang doon lang talaga ang kaniyang mararamdaman.  "Pasensya na, Rosa. Hindi ko sinasadyang ika'y mahulog, at hindi ko kayang ibalik ang iyong nararamdaman. Alam kong naiintindihan mo at ayaw mo itong marinig. Pero pasensya na talaga." Naiiyak din siya pero pinigilan niya ito. Ayaw niya namang mabahala pa si Rosa kapag umiyak din siya. "Baka sa paglayo kong ito ay paraan na rin para makalimot ka. Maaring nahulog ka lang dahil nandiyan ako palagi kapag kailangan mo ako. Na may nakikinig sa iyo kapag may problema ka at tumutulong kapag kinakailangan. Sana sa pag-alis ko, buksan mo ang iyong puso sa iba. Mas may hihigit pa sa akin, Rosa," sabi ni Nita habang hinahagod ang likod ng kaibigan.  Maganda ang kaniyang kaibigan, walang itulak kabigin dito. Hugis puso ang mukha, medyo singkit ang mata na kulay kayumanggi, maayos ang pagkakabawas ng kilay, matangos ang maliit nitong ilong, at mapupula ang manipis nitong labi. Matangkad din ang babae, at may makintab na mahabang itim na buhok. Isa ito sa mga dalagang puwede nilang ipambato sa patimpalak ng kagandahan.  Pero kahit gano'n man, hindi pa rin nagbabago ang pagtingin ni Nita rito. Si Rosa ay isang kaibigan na puwede niyang hingian ng tulong at ganoon din siya rito.  Nanatili sila sa ganoong posisyon ng ilang sandali. Ayaw umalis ni Rosa sa kanilang yakapan baka kasi ito na ang huli nilang yakap. Habang si Nita ay ayaw bumitaw dahil alam niyang nasasaktan ang kaibigan, at ito lang ang kaya niyang ibigay. Wala man siya g maisukli rito ay maparamdam naman niyang hindi magbabago ang lahat.  Lumipas ang sandali pa na nasa ganoon lang silang posisyon. Ngunit palalim na talaga ang gabi kaya napagpasyahan na ni Nitang umalis. Wala ng ibang salita pa ang namutawi sa dalawa; walang gustong magsalita. Kahit noong humiwalay sila sa isa't isa at naglakad na palabas ng bakuran nila Rosa, wala sa kanila ang umimik. Kaya naman umuwi na lang si Nita na hindi pa rin malinaw ang lahat sa kanilang dalawa. Ang alam lang ni Nita ay kailangan niyang bigyan ng panahon ang kaibigan.  Habang nasa daan, hindi mawaglit sa kaniyang isipan ang pag-amin ng kaibigan. Kahit para siyang maton manamit kung minsan, alam niyang babae pa rin siya. Maaring wala siyang may nagugustuhan na lalaki sa kanilang bayan pero hindi ibig sabihin ay babae na rin ang kaniyang gusto. Hindi niya hinuhusgahan ang kaibigan ngunit sa kaniyang sarili ay alam niyang hindi siya ganoong babae. Alam niyang wala siyang gusto sa babae.  Kumain siya pag-uwi at nakipag-usap sa kaniyang mga magulang. Pinakita niyang masaya pa rin siya kahit ang gulo ng kaniyang isipin. Pagkatapos niyang kumain ay namahinga lang siya at nag-ayos. Maagang natulog ang kaniyang mga magulang kaya siya na lang ang naiwang dilat pa ang mata at malalim ang iniisip. Hanggang sa kaniyang pagpikit ay iyong alaala pa rin ng pag-amin ng kaibigan ang kaniyang natatanaw. Naalala niya kung paano ito umiyak at nasaktan. Nagpakawala siya ng malalim na hininga para maibsan din ang sakit na nararamdaman niya sa kaniyang puso.  "Sorry, Rosa. Sana mabuksan muli ang iyong puso. At 'pag nagkataon, sa tamang tao na." Ang kaniyang panalangin para sa kaibigan bago siya pumikit ulit. Naisip niyang kailangan niyang matulog dahil may trabaho pa siya bukas. Kailangan niyang pilitin ang sarili na matulog.  Pero wala pang isang minuto ay tumunog ang kaniyang cellphone na halos hindi na nga niya ginagamit. Tsina-charge niya lang ito kapag nawalan ng battery pero hinahayaan niya lang sa tabi kapag puno na. Halos nakalimutan na nga niya kung hindi lang ito tumunog ngayon.  Dinampot niya ang lumang de-keypad na cellphone. Napakunot ang kaniyang noo nang makita ang numero na tumatawag sa kaniya. Hindi ito naka-phonebook kaya hindi niya kilala, ngunit gabi ito tumawag kaya baka naman mahalaga.  Nagtataka man ay sinagot niya pa rin ito. "Hello. Magandang gabi po. Sino po sila?" Bungad niya agad sa tumawag.  "Hi!" Isang boses na sobrang lambing ang kaniyang narinig. Biglang kumabog ang dibdib ni Nita at nilayo ang cellphone at tiningnan ito. Akala niya na engkanto na siya sa lambing ng boses ng tao sa kabila linya. Tiningnan niya kung natural ba ang numero na tumawag at natural lang na numero ang nakita niya. Nilapit niyang muli ang aparato sa kaniyang tainga para mas makausap ito ng maayos.  "Sino po sila?" Ulit niya pa. Naupo na rin siya sa kaniyang kama at pinapatahan ang tahip ng kaniyang dibdib. Iniisip niyabg nagulat lang siya sa boses nito.  "Sorry kung gabi ako tumawag. Nadisturbo ba kita?" tanong pa nito.  "Hindi naman po," nahihiya pang sabi si Nita. Ngayon lang siya nahiya sa kausap. Naramdaman niya ring nanginginit ang kaniyang mukha sa dahilang hindi niya alam.  "Ako pala si Rica, ang apo ni Lucia Lacson. Ikaw ba si Nita?" Tuloy-tuloy nitong sabi.  Nanlaki ang mata ni Nita nang mapagsino ang nasa kabilang linya. Hindi niya naisip na tatawagan siya nito.  "M-ma'am... A-ako nga po." Nauutal na sagot ni Nita. Kinakabahan siya na hindi niya mawari. Ngayon niya lang naman kasi nakausap ang apo ng senyora kaya hindi niya alam kung paano makitungo rito.  Natawa ang babae bago ito nagsalita ulit, nahalata niya kasi ang nerbyos ng kausap. "Just call me Rica or ate. Kaya rin ako tumawag para hindi ka na mailang. Pasensya na rin kung ngayon ako tumawag, wala kasi akong time sa umaga." Parang bumukas ang langit sa harap ni Nita ng tumawa ito. Napakapit si Nita sa kaniyang dibdib bago sumagot.  "Ayos lang po, Ma'am... Ate Rica po pala." Sinabayan pa ni Nita ng alanganin na tawa. Naiilang siya na nautal siya sa kaniyang magiging amo. Huminga na rin siya ng malalim para maisaayos ang kaniyang sarili. Grabe talaga ang kaba niya sa hindi malamang dahilan.  "Oo nga pala. Sabi ni Grammy, magtatrabaho ka raw sa akin. Sure na ba 'yon?" tanong pa nito na may ngiti sa labi. Nakaramdam din ng kakaiba si Rica habang kausap ang dalaga. May pagkalalim na malumanay ang boses nito na nakakahele talaga sa kung sino mang nakakarinig.  "Ah... o-opo. Tama po kayo." Magalang na sagot ni Nita pero nauutal pa rin ito. "Mabuti kung gano'n. Gusto lang kitang makilala, even on phone, kaya tumawag ako. Thank you for spending your time with me." Nanahimik ito sandali bago nagsalita muli. "This is my number, so save it. I will call you next time. I will discuss what will be your job. It's almost midnight, so I think you need to sleep because you still have work tomorrow as what I have learned. Again, thank you for your time." Nagsalita ito ng diretsong English na naintindihan din naman ni Nita. Pero may kakaibang bulong ng demonyo siya naririnig na kinailing niya para mawala iyon sa kaniyang isipan.  "Sige po. Wala po 'yon. Tumawag lang po kayo kung may kailangan po kayo. Salamat din po." Hindi na ito sumagot pa, pero bago namatay ang telepono ay narinig pa ni Nita na may nagsalita ng, 'Doktora, the delivery room is ready.' Tapos no'n ay namatay ang tawag.  Nagtataka man bakit tumawag ang kaniyang magiging amo, winalang-bahala na lang ito ni Nita. Nagtataka rin siya sa inasta ng kaniyang katawan. Para siyang nakatikim ng pinagbabawal na gamot kanina nang kausap niya ito. Hindi niya alam ang pakiramdam na iyon, kaya winalang-bahala niya na lang.  Pero may isang bagay siyang hindi makalimutan... Ang malamyos nitong boses na siyang naghele sa kaniya sa kaniyang pagtulog. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD