Atake sa puso.
Bigla na lang kaming ginulat ng biyenan kong lalaki ng atakihin siya sa puso at tuluyang mamaalam. Hindi na siya umabot pa sa ospital.
Mahal na mahal ko ang mga biyenan ko lalo na si Papa Leo dahil tulad nga ng sabi ko mas naramdaman ko sa kanila ni Mama Dona ang pagmamahal ng isang magulang sa anak.
Magkumpare ang aking Papa Anton at si Papa Leo.
Parehas din naman kasi silang nasa mundo ng negosyo at madalas na magkasama.
Lagi nga akong inaalala ni Papa Leo na huwag ko raw masyadong isipin ang PCOS ko dahil mga bata pa naman daw kami ni Lyndon. Enjoyin muna namin daw mag-asawa na kami lang muna dahil kapag nagkaroon kami ng mga anak ay hindi na namin magagawa ang mga nais pa namin na gawin. Hindi naman din daw siya nagmamadaling magkaroon ng mga apo dahil baka hindi na raw siya makapagtrabaho dahil siya raw ang personal na mag-aalaga sa mga magiging anak namin ng aking asawa kapag nagkataon.
Kaya lalo akong kinakain ng lungkot dahil namatay si Papa Leo ng hindi man lang nakaranas mag-alaga ng sariling apo na siyang pangarap niya.
Pakiramdam ko, hindi ko nagantihan ang kabaitan niyang pinadama sa akin.
Naging malulungkutin si Mama Dona at ang hipag kong si Loisa. Higit sa lahat ang asawa ko. Close kasi silang buong pamilya hindi katulad ng pamilya na meron ako.
Isang buwan na ang nakalipas simula ng mawala si Papa Leo pero hindi pa rin nagbabalik sa dati ang sigla ng bahay.
Ang lungkot pa rin. Wari bang nakakabingi ang katahimikan.
Madalas nga, mag-isa lang ako sa bahay dahil laging wala sina Mama Dona at ang hipag ko. Siguro, inaaliw ang kanilang mga sarili para mabawasan ang pangungulila sa padre de pamilya na yumao.
Madalas ding maaga kung umalis ng bahay si Lyndon at kung umuwi ay matutulog na lamang.
Iniintindi ko na lamang dahil batid kong nagluluksa pa rin siya sa pagkawala ni Papa Leo.
Isang umaga ay tumawag ako sa kanyang sekretarya sa kanyang opisina para ipaalam na huwag na siyang bilhan ng pananghalian dahil maghahatid ako ng pagkain.
General manager si Lyndon sa kompanya kung saan CEO ang aking Papa.
Kaya proud na proud din ako sa asawa ko dahil masigasig sa trabaho. Sabi nga ni Papa hindi na raw siya magdadalawang isip na ibigay ang position niya kay Lyndon bilang CEO kapag dumating ang panahon na kailangan niya ng mag retired.
Presentable naman ang itsura ko.
Nagsuot ako ng isang skin tone na dress na lampas tuhod ko.
Mabuti na nga lamang at matangkad ako kahit paano ay hindi ako matabang-mataba na tingnan.
Kumbaga kasi, malaking babae ako sa height kong 5'7 na hindi na nalalayo sa taas na 6'1 ni Lyndon.
Nagpahid ako ng konting make-up sa mukha na natutunan ko kaka panood ng mga makeup tutorial blog sa social media.
Nasiyahan naman ako sa kinalabasan. Iyon nga lang, kailangan ko pa rin isuot ang salamin ko sa mga mata.
Pagkababa ko sala ay wala rin sina Mama Dona at Loisa.
Hinahanap ko sila dahil magpapaalam sana ko na hahatiran ko ng pagkain si Lyndon pero ako na naman pala ang naiwan na mag-isa dito.
Nilock ko na lamang ang bahay at masigla na sosorpresahin ang aking asawa sa kanyang opisina.
Ipapark ko na sana ang gamit kong kotse ng mamataan kong palabas sa pribadong parking lot ng building kung saan nagtatrabaho si Lyndon ang kanyang sasakyan na gamit.
Dark blue na Aston Martin ang kotse niya kaya naman hindi ako pwedeng magkamali.
Wala sa loob ko na sinundan ang kanyang sasakyan.
Matapos ang sampung minutong biyahe ay huminto siya sa isang sikat na private hospital.
Kinain agad ako ng kaba.
Sino ang narito sa ospital?
Sino ang may sakit?
Naghahanap ako ng paradahan kaya naman ng makapasok ako sa ospital ay hindi ko na naabutan kung saan nagbanda si Lyndon.
Lumapit naman ako sa isang nurse station para magtanong.
"Excuse me nurse, hindi ko lang naabutan ang asawa ko ng pumasok siya. Halos kakapasok nya lang Mr. Lyndon Dela Vega." Imporma ko sa nurse na kunot noo ng nakikinig sa akin.
"Kakapasok niya pa lang. Naka-corporate suit pa siya, matangkad na lalaki na..
"Yes Ma'am, sa room no. 117 po sa 11th floor ang tinanong niya na pasyente. Si Miss Crissan Fuentes ang hanap niyo hindi po ba?"
"Crissan Fuentes? Sino siya?" agad akong nag-isip kung may kilala ba ako na ganun ang pangalan.
Sa kabila ng katanungan sa isipan kung sino ang babaeng nabanggit ay ngumiti na lamang ako at tumango sa nagtatanong na nurse at saka nagpasalamat.
Nakisabay ako sa mga taong pumasok sa elevator.
Room one hundred seventeen. Eleventh floor. Crissan Fuentes.
Paulit-ulit kong inuukil sa isipan ko kung sino siya?
Kung kilala ko ba siya?
Kamag-anak ba siya ng asawa ko?
Bakit kailangan siyang puntahan ni Lyndon?
Tumunog ang elevator at bumukas ng kusa at ng tingnan ko kung anong floor na.
Eleventh floor.
Sa lalim ng marahil ng pag-iisip ko ay hindi ko namalayan narito na pala ako sa palapag kung saan talaga ang tungo ko.
Hinanap ko sa mga natatanaw kong numero na nakakabit sa bawat naka saradong pintuan ang numero na aking pakay.
At hindi naman ako nahirapan na hanapin.
Kakatok na sana ako pero nakaawang ang pinto at hindi naman nakasarado.
Naulinigan ko agad ang mga boses sa loob.
Hindi ako pwedeng magkamali.
Boses ni Mama Dona at ni Loisa ang naririnig ko.
Hindi ko man sinasadyang makinig sa usapan ng may usapan ay may kung anong nag-udyok sa akin para mas marahan pang itulak ang pinto hanggang sa kahit paano ay makita ko kung sino-sino ang nasa loob.
Hindi nga ako nagkamali.
Narito ang biyenan kong babae, ang nag-iisa kong hipag at ang asawa ko na nakaupo sa gilid ng kama kung saan hawak ang kanang kamay ng isang nakahigang babae.
Alam kong malamig ang buga ng aircon ng pribadong building pero batid kong daig ko pa ang binuhusan ng tubig na pinag tunawan ng yelo sa eksenang nakikita ko at sa mga salitang naririnig ko.
Totoo ba ang lahat ng ito o masamang panaginip lang?