Chapter 35

1599 Words
“NAG-SIGN UP nga pala ako kanina sa Writing Contest. Sinamahan ako nina Mama at Papa.” “Magandang balita ‘yan. ‘Wag kang mag-alala, nandito lang ako para suportahan ka.” “Salamat, Knoxx. Kaso, natatakot ako. Paano kung hindi ako manalo sa contest?” “Bakit ka ba natatakot? Tandaan mo na mayroon kang mga kaibigan na nakahandang sumuporta sa ‘yo. Kahit hindi ka pa manalo sa contest, ang mahalaga, nag-enjoy ka at may natutunan.” “Tatandaan ko ‘yan. Sige, Knoxx kailangan ko nang ibaba itong tawag. Magkita na lang tayo bukas.” “Sige, good night.” “Good night.” Nang matapos ang pag-uusap nilang dalawa ni Nyxie ay nagpasya na si Knoxx na lumabas ng kanyang silid. Tapos na rin siyang sagutan ang kanyang mga takdang-aralin kaya ihahanda na niya ang kanilang hapunan. Saglit siyang natigilan nang tumapat sa malaking orasan na nakasabit sa pader. Pasado alas otso na ng gabi pero hindi pa rin dumarating ang kanyang ina. Dati, alas siete pa lang ay nasa bahay na ito. Ipinilig niya ang kanyang ulo saka tumungo sa kusina. Inisip na lamang niya na baka nag-over time ito dahil na-late itong pumasok kanina lalo na't dumalo pa ito sa meeting niya sa school. Nang matapos ayusin ang mesa ay saglit pa siyang naghintay. Nang hindi na nakatiis pa ay nagpasya na siyang tawagan ito. “Bakit hindi siya sumasagot?” sambit niya at agad na tumayo. Ilang beses siyang nagpalakad-balik sa harapan ng mesa habang kinokontak ito ngunit gaya kanina ay hindi pa rin nito sinasagot ang kanyang tawag. Hindi maganda ang pakiramdam ni Knoxx. Ayaw niyang isipin na may masama na namang nangyari sa kanyang ina ngunit hindi rin mapapanatag ang kanyang loob hangga't hindi niya naririnig ang boses nito. Kaya nagpasya na siyang tawagan si Teacher Kevin. Alam niyang nagtatrabaho ito sa guro at baka matulungan siya nito na alamin ang kalagayan ng kanyang ina. “Hello, Sir Kevin?” Mabuti na lang at nakontak niya agad ito. Ngunit nagtaka rin siya dahil hindi ito sumasagot. Ilang beses niya itong tinawag sa kabilang linya ngunit wari'y pinapakinggan lamang nito ang kanyang boses. “Sir Kevin? Nandiyan pa po ba kayo?” tanong niyang muli. “Knoxx.” Sa wakas ay nagsalita na rin ito. “Pasensiya na po sa abala, Sir Kevin. Pero hindi pa po kasi umuuwi si Mama hanggang ngayon at hindi rin po niya sinasagot ang tawag ko. Itatanong ko lang po sana kung puwede po ba akong makahingi ng number ng taong puwede kong matawagan sa Factory? Nag-aalala lang po ako, kasi madalas naman ay maaga ang uwi niya,” paliwanag niya. “K-kasama ko ang Mama mo, Knoxx. Huwag kang mag-alala, pauwi na rin kami.” Nakahinga ng maluwag si Knoxx sa narinig. Mabuti na lang at ligtas ang kanyang ina. “Salamat po, Sir Kevin. Hihintayin ko na lang po kayo rito.” Pagkatapos niyang magpasalamat ay ibinaba na niya ang tawag. Medyo malamig na rin ang kanilang pagkain kaya iinitin na lamang niya ang mga ito. Saktong pagdating mamaya ng Mama niya at ni Teacher Kevin ay handa na ang lahat. Naging abala si Knoxx sa ginagawa at huli na nang mapansin niyang nakatayo sa gilid ng pinto ang kanyang ina at mataman siyang tinitigan. Itinigil niya muna ang ginagawa saka ito nilapitan. “Ma, nasaan na po si Sir Kevin?” bungad niya. Umiling ito at tahimik na naupo sa harapan ng mesa. Agad niya itong sinundan. “Bakit po umalis agad si Sir Kevin? Sana dito na po siya naghapunan,” dagdag pa niya. Nanatiling tahimik ang ina kaya hindi na lamang niya ito ginulo pa. Binalikan na niya ang ginagawa at hanggang sa magsimula silang kumain ay hindi pa rin ito nagsasalita. Sinilip niya ang mukha nito. Mugto ang mga mata ng ina at halatang kagagaling lamang sa mahabang pag-iyak. “Ma. . .” tawag niya rito. Nag-angat ito ng tingin saka siya tinitigan. “Ano pong nangyari? Bakit ngayon lang po kayo umuwi? Umiyak po ba kayo?” sunod-sunod niyang tanong. “Matutulog na ako. Ilagay mo na lang sa lababo ang mga pinagkainan. Bukas ko na lang huhugasan ang mga iyan.” Sa halip na sagutin ang kanyang tanong ay tumayo na ito at dali-daling pumasok sa sarili nitong silid. Naiwang mag-isa si Knoxx, gulong-g**o sa mga ikinikilos ng ina. Tinapos na niya ang pagkain at agad na hinugusan ang mga pinagkainan. Bago pumasok sa kuwarto ay napadaan muna siya sa silid ng ina. Hindi natuloy ang pagkatok niya sa pinto nang marinig ang paghikbi nito. Gustong-gusto niya itong puntahan at itanong ang mga nangyari. Ngunit alam din naman niyang wala siyang makukuhang sagot mula rito kahit na magpumilit pa siya. Kitang-kita niya sa itsura ng ina na wala itong balak na sabihin sa kanya ang totoo. Napabuga ng malalim na paghinga si Knoxx. Lumabas siya ng bahay at tumungo sa kubo. Sunod niyang inilabas ang kanyang cell phone at muling tinawagan ang guro. Kung ayaw sabihin ng ina sa kanya ang mga nangyari ay si Teacher Kevin na lamang ang tatanungin niya. Paniguradong alam nito ang nangyari sa kanyang ina. Ngunit hindi na sinasagot ng guro ang kanyang tawag. Ilang beses rin niya itong kinontak hanggang sa siya na mismo ang kusang sumuko. Baka nakatulog na ito o kaya ay abala sa paghahanda para sa klase bukas. Pumasok na rin si Knoxx sa loob ng bahay. Gumagabi na rin kaya bukas na lamang niya kakausapin si Teacher Kevin. KINABUKASAN ay maagang naghanda si Knoxx sa pagpasok sa eskuwela. Siya na ang nagluto at mag-isa rin siyang nag-umagahan dahil ayaw lumabas ng Mama niya. Inalam na niya ang kalagayan nito at ayon dito ay masama lang ang pakiramdam nito at gustong magpahinga. Hinabilin na lamang niya ito kay Aling Pasing bago pumasok sa eskuwela. “Tumawag si Sab sa akin. Hindi raw siya makakapasok ngayong araw kasi nandoon daw sila sa bahay ng Tita niya. Mukhang nag-away na naman ang mga magulang niya,” pagbabalita ni Nyxie. “Kawawa naman si Sab. Sana magka-ayos na ang Mama at Papa niya,” wika naman ni Addy. Tumunog na ang bell kaya bumalik na sila sa kani-kanilang upuan. Natahimik ang buong klase nang pumasok ang isa sa mga student assistant na nakadestino sa Teacher's Office. “Class 4C, mag-self study na lang daw muna kayo ngayong araw sabi ng Principal. Hindi kasi pumasok si Sir Kevin at wala rin siyang iniwang hand-outs o kaya ay activity para sa inyo kaya ang President na ninyo ang bahalang mag-decide kung ano ang gagawin niyo. Mr. President, ikaw na bahala sa mga kaklase mo.” Nang makalabas ang student assistant ay napuno ng bulong-bulungan ang buong klase. Tumayo na si Addy at pumunta sa gitna ng pisara para pakalmahin ang mga kaklase. “Kilala natin si Sir Kevin. Hindi iyon basta-basta umaabsent nang walang magandang dahilan. Baka may importante lang siyang ginawa kaya hindi siya nakahabol ngayong araw. Huwag kayong mag-alala, mag-re-review tayo ng past lesson natin. Knoxx, puwede mo ba akong tulungan?” Tumango si Knoxx at agad na tumayo nang tawagin siya ni Addy. Hinati nilang dalawa ang mga dapat i-review at nang magsimula itong magpaliwanag ay natahimik siya. Una, ang kanyang ina, ngayon naman si Teacher Kevin. Ano kaya ang mga nangyari kagabi at parehong kakaiba ang ikinikilos ng mga ito? Lumipas ang mga oras. Natapos din ang kanilang review at kahit papaano ay may natutunan naman ang kanilang mga kaklase. Nang mag-lunch break ay sabay-sabay na silang apat na kumain sa Cafeteria. Hanggang doon ay pinag-uusapan pa rin nila ang ginawang pagliban ni Teacher Kevin. “Ano sa tingin n’yo ang nangyari kay Sir Kevin? Dati, kapag may importante siyang lakad ay tinatawagan niya agad ako para ipaliwanag ang mga dapat gawin. Pero ngayon, kahit text wala akong natanggap mula sa kanya,” nagtatakang sabi ni Addy. “Nakakapagtaka nga rin, eh. ‘Di ba kahapon lang ay masaya naman ang mood niya?” tanong ni Tan. Biglang naalala ni Knoxx ang ginawang pagkontak sa guro kagabi. Posible kayang konektado ang pagliban ng guro sa nangyari sa Mama niya? Nang matapos kumain ay bumalik na ulit sila sa kanilang silid. Tinawagan na rin ni Knoxx ang Mama niya at laking pasasalamat niya nang sumagot ito. Ayon sa ina ay kumain na ito at nagpapahinga na rin. Agad din siyang nagpaalam nang tumunog na ang bell. Gaya kanina ay nag-usap silang dalawa ni Addy kung ano ang mga ituturo nila sa mga kaklase. “Guys, nandiyan si Sir Kevin!” Sabay silang natigilan nang marinig ang sigaw ng isa sa mga kaklase nila. Mula sa labas ng bintana ay tanaw nila ang papalapit na guro. Nagpasya na rin silang dalawa ni Addy na bumalik na sa kanilang upuan. “Good afternoon, Sir Kevin,” bati ng buong klase. Agad na nabaling ang tingin ng guro kay Knoxx. Umiwas ito ng tingin at binati pabalik ang buong klase. “Pasensiya na kung absent ako kaninang umaga. May importante lang akong ginawa,” wika nito at nagsimula nang magturo. Buong oras na nakinig lang si Knoxx. Napapansin niyang hindi siya nito tinatapunan ng tingin bagay na hindi naman nito ginagawa noon. Nang magtanong ito ay ilang beses din siyang nagtaas ng kamay ngunit hindi siya nito tinawag. Hanggang sa natapos ang klase. Akmang lalapitan ni Knoxx ang guro nang mabilis itong lumabas ng silid. Hindi na lamang niya ito sinundan pa gayong alam niyang umiiwas ito sa kanya. Nagpasya na rin siyang bumalik sa upuan at niligpit ang mga gamit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD