Chapter 34

1784 Words
HINDI NAPIGILAN ni Kevin ang mapangiti habang pinapanood ang kanyang mga estudyante na tuwang-tuwang ibinabalita sa kani-kanilang mga magulang ang resulta ng nagdaang semester. Gaya ng sinabi niya kahapon ay nagkaroon sila ng Parent-Teacher Meeting. Bagamat nagawa na niyang ipaalam sa magulang ng mga ito ang improvements ng buong klase ay hindi pa rin napigilan ng kanyang mga estudyante na ipagmalaki ang mga nakuha nitong achievements. Bilang guro ng Class 4C ay masayang-masaya siya sa naabot ng mga ito. Malaki rin ang pasasalamat niya sa mga magulang na walang sawang sinusuportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Tagumpay na rin para sa kanya ang tagumpay ng mga ito. “Sir Kevin, maraming salamat po sa pagtitiyaga n'yo sa anak ko. Simula nang mapasok siya sa klase n'yo ay ang laki na nang ipinagbago niya. Hindi na po matigas ang ulo niya at minsan na rin kung maglaro ng kompyuter.” “Walang anuman po, Nay. Kaya ikaw, Gideon, pagbutihan mo pa ang pag-aaral mo. Balang-araw ay matutupad mo rin ang pangarap mong maging sundalo,” aniya. “Opo, Sir Kevin. Salamat po.” Nagpatuloy sa pag-ikot ang paningin ni Kevin hanggang sa mapansin niya ang mag-inang Viola at Knoxx. Lalapitan na sana niya ang mga ito nang bigla siyang harangin ng isang ginang at tinanong ang nakuhang marka ng anak nito. Ipinaliwanag niya ang lahat at nang muli niyang pagbalingan ng tingin ang mag-ina ay wala na ang mga ito. Tapos na rin ang klase kaya hinayaan na niya ang mga estudyante na umuwi kasama ang magulang ng mga ito. Tumungo na rin si Kevin sa Teacher's Office para paghandaan ang mga ituturo niya bukas sa klase. Saktong kabubukas lamang ng laptop niya nang marinig ang pagtunog ng kanyang cell phone. Hindi na siya nag-abalang tingnan kung sino ang tumawag at agad na pinindot ang answer button. “Hello?” “Kevin, ikaw ba ‘to?” “Billy?!” bulalas niya nang makilala ang boses ng dating kaibigan. Napatayo siya bigla at dali-daling lumabas ng opisina. Mabuti na lang at uwian na kaya wala na ring masyadong estudyante ang nagliligalig. “Ako nga ‘to, Billy. Grabe, ang tagal din nating hindi nagkausap,” aniya. “Oo, nga. High School pa yata tayo nang huli nagkita at nag-usap. Nga pala, napatawag ako kasi ang sabi ni Win ay tinatanong mo raw ako sa kanya. Mukhang na-miss mo yata ako nang sobra, Kevin,” pabirong sabi nito. Hindi napigilan ni Kevin ang matawa dahil sa sinabi nito. “Ang totoo niyan, gusto sana kitang makausap kung okay lang sa ‘yo.” “Oo naman. Kailan mo ba gustong makipagkita?” “Ngayon sana kung wala kang importanteng gagawin.” “Sige, saktong kalalabas ko lang ng opisina. Saan mo ba gustong makipagkita?” “I-te-text ko sa ‘yo ang address. Papunta na rin ako.” Nang maibaba ang tawag ay bumalik din agad siya sa loob ng opisina. Niligpit niya ang kanyang mga gamit at agad na nagpaalam sa mga kapwa guro. Buong biyahe na hindi siya mapakali. Mabilis ang pagtibok ng kanyang puso at pakiramdam niya ay ngayon na masasagot ang mga katanungang ilang araw rin na gumugulo sa kanyang isipan. Pasado alas singko ng hapon nang makarating siya sa lugar na pagkikitaan nilang dalawa ni Billy. Kinakabahan man ay dire-diretso siyang pumasok sa loob ng restaurant. Agad niyang natanaw ang dating kaklase na mag-isang nakaupo sa gilid. Nagmadali siyang lapitan ito. “Billy,” tawag niya dahilan para mapalingon ito sa kanyang gawi. Hindi na niya hinintay pa na makasagot ito at agad na naupo sa bakanteng upuan. Mukhang tuwang-tuwang naman ito sa muli nilang pagkikita. “Kumusta ka na, Kevin? Mukhang big time ka na talaga ngayon, ah,” puna nito habang nakatingin sa kanya. “Hindi naman sa gano’n. Ikaw? Kumusta na?” Gaya nang dati ay malaking tao pa rin si Billy. Sa pagdaan ng mga taon ay mas lalo pa itong tumaba. Halata na rin masyado ang stress at katandaan sa itsura nito. “Heto, todo kayod para sa pamilya. Dalawa na kasi ang anak ko ngayon at pareho pang nag-aaral kaya kailangan talagang magsipag,” sagot nito. Tumango si Kevin at inabot ang kanyang inumin. Direkta niya itong ininom bago huminga nang malalim. Sana sa pagkakataong ito ay masasagot na ni Billy ang kanyang mga katanungan. “Nga pala, estudyante ko sa Eastville ang anak ni Viola. A-alam mo bang malaki na ang anak niya?” Pagkasabi niyang iyon ay agad na nagbago ang timpla ng mukha ni Billy. Napabuga ito nang malalim na paghinga bago binitawan ang hawak na kubyertos. Batid niyang apektado pa rin ito sa dating kasintahan. “Ang huling balita ko lang noon ay nanganak na siya. Pero pagkatapos no’n ay wala na akong narinig pa tungkol sa kanya,” sagot nito. “Bakit hindi mo inalam ang kalagayan niya? Hindi ba’t ikaw ang ama ng anak niya?” “Ano?! Anak ko? At kanino mo naman nasagap ang balitang iyan, Kevin?” Kumunot ang noo niya sa narinig. Hindi niya alam pero mas lalong bumilis sa pagtibok ang kanyang puso. Talagang malakas ang kanyang kutob na may mali sa mga nangyayari. “Hindi ba magkasintahan kayo noon ni Viola? I assume na anak mo ang ipinagbuntis niya.” Sa ikalawang pagkakataon ay muling napabuga ng malalim na paghinga si Billy. “Masakit para sa akin ang mga nangyari noon. Kahit ayaw na ayaw ko siyang bitawan ay ginawa ko alang-alang sa hinihingi niyang kalayaan. Oo, totoong nabuntis siya noon, pero hindi sa akin ‘yong batang dinadala niya, Kev. ‘Yon din ang mismong dahilan kung bakit siya nakipaghiwalay, dahil ayaw niyang panindigan ko ang anak niya sa ibang lalaki.” Parang tumigil sa pag-ikot ang mundo niya sa narinig. Ibig sabihin, hindi totoong anak ni Billy si Knoxx. Kung gano’n, sino ang ama nito? “A-alam mo ba kung sino ang ama ng ipinagbuntis niya?” tanong niya kapagkuwan. “Hindi. Wala siyang sinabi.” Nasapo ni Kevin ang kanyang noo. Mukhang mas lalo lamang siya naguluhan sa mga nalaman. Saktong naramdaman niya ang pag-vibrate ng kanyang cell phone. Dinukot niya ito mula sa bulsa ng kanyang pantalon at gano’n na lamang ang gulat niya nang makitang tumatawag si Leon. Hindi na siya nagdalawang-isip pa at agad itong sinagot. “Kev, good news. Nasa akin na ang resulta ng test mo. Pumunta ka agad dito sa Lab.” Natigilan si Kevin sa narinig. Hindi na siya nakapagsalita pa at agad na naibaba ang tawag. Rinig na rinig niya ang malakas na kalabog ng kanyang dibdib nang magpaalam siya kay Billy. Ayaw pa sana siya nitong paalisin ngunit wala rin itong nagawa sa huli. Buong biyahe na hindi siya mapakali. Habang papalapit sa Lab ay mas lalo siyang natataranta. Pinagpapawisan nang labis ang kanyang mga kamay at parang masisira ang kanyang tiyan sa sobrang kaba. 'Calm down, Kevin.' Nang tuluyang makarating sa labas ng Lab ay sunod-sunod na buntong hininga ang kanyang pinakawalan. Malakas ang loob na pumasok siya sa loob ng gusali. Agad siyang nakilala ng nars at inakay papasok sa loob ng opisina ni Leon na kinana pa raw na naghihintay sa kanya. “Kevin!” bulalas ng kaibigan at agad siyang nilapitan. Hindi na ito nagpaligoy-ligoy pa at agad na inabot ang hawak na brown envelope. He let out a deep breath. Sa tanang buhay niya ay ngayon lamang siya kinabahan nang ganito. “Go on, Kev. Open it,” utos ni Leon nang manatili siyang nakatitig sa hawak na envelope. Maingat niyang tinanggal ang pagkakaselyo nito at dahan-dahang inilabas ang kapirasong papel. Agad na hinanap ng kanyang paningin ang pinal na resulta ng test. “Paanong—” Hindi niya natapos ang sasabihin at agad na napaupo sa sofa. Parang biglang nawalan ng lakas ang buo niyang katawan sa natuklasan. “You need to admit na talagang may nangyari sa inyong dalawa ni Viola noon, Kev. Look, it's positive, anak mo nga ang batang 'yon.” Nanginginig pa ang kanyang mga kamay nang muli niyang silipin ang resulta ng test. Nahilot niya bigla ang kanyang sintido. Paano nangyaring naging anak niya si Knoxx? Siguradong-sigurado siya na walang nangyari sa kanilang dalawa ni Viola noon kaya paanong— “Kailangan kong makausap si Viola. Kailangan niyang ipaliwanag ang lahat,” aniya at agad na lumabas sa opisina nito. Mabilis siyang bumiyahe papunta sa factory. Alam niyang naroroon ang babae dahil hindi pa naman tapos ang shift nito. “Good afternoon, Sir Kevin, napadalaw po kayo?” Hindi niya pinansin ang mga bati na natatanggap niya mula sa mga tauhan. Seryoso ang mukhang tinungo niya ang departamento kung saan naka-assign si Viola. Malayo pa lamang ay natanaw niya agad ito na abala sa pagbabalot ng mga regalo. “Let's talk,” aniya at agad itong hinila palayo. Hindi niya pinansin ang atensyon na kanilang nakukuha. Ang mahalaga sa ngayon ay maipaliwanag nito ang lahat sa kanya. “Kevin, ano ba? Bitawan mo nga ako.” Nagpumiglas ito mula sa pagkakahawak niya ngunit hindi nito kinaya ang kanyang lakas. Binilisan niya ang paglalakad hanggang sa makarating sa opisina ng kasalukuyang nakaupong manager ng factory. May kausap itong mga tauhan sa loob ng opisina at agad na natigilan dahil sa bigla nilang pagpasok. “Leave us,” utos niya sa mga ito. Marahil ay napansin ng mga ito ang seryoso niyang mukha kaya tahimik na sumunod ang mga ito. Doon lamang niya tuluyang binitawan si Viola. Sinigurado muna niyang naka-lock ang pinto bago ito nilapitan. “B-bakit mo ba ako dinala rito? M-mayro'n ba akong nagawang kasalanan?” kinakabahan nitong tanong bago umatras. Hindi siya nagsalita, bagkus ay inilabas niya sa loob ng envelope ang resulta ng test. Inilahad niya ito sa harapan ng babae. “Ipaliwang mo. Paano nangyaring naging anak ko si Knoxx?” tanong niya. Kitang-kita niya kung paano namutla ang mukha nito habang nakatingin sa hawak niyang papel. Muli itong napaurong. Hindi sinasadya na natabig nito ang mga nakapatong na vase sa ibabaw ng mesa. Nabasag ito at naglikha ng malakas na tunog. Nagmadali siyang saluhin si Viola nang mapansin niyang matutumba ito. “Sir Kevin, ano pong nangyayari? Okay lang po ba kayo?” Narinig niya ang boses ng kanyang mga tauhan mula sa labas ng pinto pero hindi niya pinansin ang mga ito. Bumaba ang tingin niya kay Viola nang bigla itong humihikbi sa kanyang mga braso. Inakay niya ito paupo sa sofa at hinintay na kumalma. “Just tell me the truth, Viola. Paano ko naging anak si Knoxx? Walang nangyari sa atin noon, ‘di ba? ‘Di ba?” pamimilit niya. “K-Kevin, patawad,” tanging sambit nito bago muling napahikbi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD