Chapter 33

1733 Words
“ITO NA ba ‘yon?” Dumungaw ang ulo ni Knoxx sa labas ng bintana ng sasakyan at sinuyod ng kanyang paningin ang buong lugar. Kasalukuyan silang nakatigil sa harapan ng malaking eskuwelahan. Agad niyang nahuluan na nasa Northeast Academy sila dahil na rin sa mga suot na uniporme ng mga estudyanteng napapadaan sa kanilang tabi. “Guys, ito ang kilalang Northeast Academy. Subukan nating magtatanong-tanong kung saan dito makikita ang Lila Street,” paliwanag ni Tan. Sabay-sabay silang tumango at agad na bumaba ng sasakyan. Naglakad sila papasok sa kanto. Naghanap sila ng puwedeng matanungan hanggang sa matanaw nila ang isang matandang lalaki na nagbabantay sa isang maliit na tindahan sa gilid. Napagpasyahan nilang lapitan ito. “Excuse me po, Manong. Puwede po bang magtanong? Alam niyo po ba kung nasaan dito ang Lila Street?” tanong ni Addy sa matanda. “Naku, pasensiya na mga bata. Baguhan lang kasi ako rito sa lugar. Taga-Bohol kasi talaga ako, napadpad lang ako rito dahil kailangan kong maghanap ng trabaho. Sa iba na lang kayo magtanong. Subukan n’yo sa mga estudyanteng nag-aaral dito. Paniguradong alam nila ang hinahanap n’yo,” paliwanag nito. “Gano’n po ba? Maraming salamat po.” Ipinagpatuloy nila ang paglalakad. Halatang on-going pa rin ang klase kahit pasado alas singko na ng hapon dahil kakaunti lamang ang mga estudyanteng nakikita nilang nasa labas ng Akademiya. Ngayon ay batid na nila kung bakit kilala ang Northeast Academy sa buong Distrito. Maraming mga mahuhusay na estudyante na nananalo sa iba't ibang kompetisyon ang kilala ni Knoxx na taga-rito. Maganda ang pamamalakad ng eskuwelahan at hindi rin nahuhuli sa mga nakukuhang patimpalak. Hanggang sa dalawang babae ang nakita nilang palapit sa kanilang puwesto. Sinalubong ito ni Tan na halatang nagulat nang makita ang kanilang kaibigan. “Ang guwapo niya,” kinikilig na wika ng mga ito. Tinapunan ni Knoxx ng tingin si Nyxie. Mukhang normal lang naman ang reaksyon nito at halatang hindi rin apektado sa sinabi ng dalawang babae. “May hinahanap kasi ka—” “Ako yata ang hinahanap mo, Pogi,” abot-tainga ang ngiting sabi ng isang babae. Sabay-sabay na natawa ang apat sa narinig. Pinamulahan ng tainga si Tan kaya natahimik din sila agad. Alam nilang napahiya ito sa sinabi ng babae. “Alam niyo ba kung nasaan ang Lila Street? Sabi kasi ng source namin, malapit lang 'yon dito,” pagpapatuloy ni Addy. Nagkatinginan ang dalawang babae at sabay-sabay na umiling. Nagpasalamat na rin si Addy ngunit bago ‘yon ay hiningi pa ng mga ito ang numero ng kaibigan. “Mukhang nasa Northeast talaga ang true love mo, Addy,” kantiyaw ni Tan. “Ewan ko sa ‘yo.” Dahil walang nakuhang sagot at nagpasya silang ipagpatuloy ang pagtatanong. Hanggang sa isang naka-unipormeng lalaki ang namataan nilang nakatayo sa gilid ng food stand. Abala ito sa pagkain ng kwek-kwek at may hawak pa na isang cup ng gulaman kaya hindi nito napansin ang paglapit nila. “Excuse me, puwede po bang magtanong?” Natigilan sa pagkain ang lalaki at agad na nabaling ang tingin sa kanila. Sinuyod ng paningin nito ang kanilang mga itsura. Marahil ay nagtataka ito kung bakit iba ang unipormeng suot nila kaysa rito. Mukha naman itong mabait kahit medyo may pagka-angas ang dating. “Nasaan po ba rito ang Lila Street?” tanong ni Tan. Nabaling ang tingin ng lalaki sa kanan saka itinuro ang ikalawang kanto. Ibinigay nito ang address sa kanila kaya tuwang-tuwang sila nang malamang malapit na pala sila sa lugar. Naitanong ng lalaki kung bakit nila hinahanap ang Lila Street. Labis nilang ikinagulat nang sabihin nitong lungga ng mga gangster ang mismong lugar kaya hindi sila dapat pumunta roon. Nag-alangan man no’ng una ngunit nang maalala ang araw na muntikan na silang mapahamak sa pagpasok sa maling lugar ay napagpasyahan nilang umuwi na lamang. “Knoxx, sorry. Hindi na naman ulit natin nahanap ang Papa mo,” mahinang sambit ni Tan. Alam niyang sinisisi na naman nito ang sarili sa mga nangyari kaya nilingon niya ito at agad na nginitian. “Wala kang dapat na ihingi ng tawad, Tan. Malaki na ang tulong na nagawa mo para sa akin. Okay na ‘yon,” aniya. “Tama si Knoxx, Tan. Walang may kasalanan sa mga nangyari. At least, nakapunta tayo sa Northeast Academy, ‘di ba?” dagdag ni Nyxie. Tumango silang tatlo kaya biglang lumiwanag ang mukha ni Tan. “Itong mga source ko, medyo nagdududa na ako sa mga ito. Bakit naman nila tayo papupuntahin sa lugar ng mga gangster?” “May punto ka. Ang mabuti pa ay mag-research na rin tayo. Hindi puwedeng nakaasa na lang palagi tayo sa kanila,” wika ni Addy. “Tara na? Manong Ben, umuwi na po tayo.” “Opo, Sir Tan.” Sa daan na nila kinain ang lahat ng mga pinamili ni Tan habang masayang nagkakantahan. Dahil sa hindi naman gano’n kalayo ang lugar na pinuntahan nila ay nakarating din agad sila sa Bayan. Bahagyang bumagal ang pagpapatakbo ni Manong Ben dahil sa humahaba na rin ang trapiko. Pasado alas sais na ng gabi kaya marami na ang nag-uuwian ng mga oras na ‘yon. “Sandali!” Natigilan silang lahat nang marinig ang pagsigaw ni Sab. Nabaling ang tingin nila sa labas ng bintana at hinanap ang tinuturo nito. Mayamaya pa ay bumaba na ng sasakyan si Sab at agad na tumakbo. “Sab!” Mabilis nila itong sinundan. Mabuti na lang at mahinhin na babae si Sab kaya agad nila itong naabutan. Tumigil ito sa labas ng restaurant habang nakatingin sa mga taong kumakain sa loob. Hindi nila alam kung sino ang tinitingnan nito pero nang magsimula itong humikbi ay agad silang naalarma. “Sab, ano’ng nangyayari sa ‘yo? Bakit ka umiiyak?” pag-alo ni Tan sa dalaga. Umangat ang kaliwang kamay ni Nyxie at agad na itinuro ang isang babae at lalaki na naghahalikan sa gilid. May edad na ang lalaki, taliwas sa edad ng kasama nitong babae na sa kalkula nila ay nasa mid 20’s pa lang. “Sino ang mga ‘yan?” bulong ni Knoxx kay Addy. Ito ang pinakamalapit sa kanya kaya ito lamang ang puwede niyang pagtanungan. “Papa ni Sab ‘yang lalaki,” sagot ni Addy. Hindi nakapagsalita si Knoxx. Biglang sumariwa sa kanyang alaala ang unang gabi na nakasama niya ang mga ito sa bahay nina Addy. Umiiyak noon si Sab dahil nag-away ang mga magulang nito. At kung tama ang pagkakatanda niya ay may ibang babae ang ama ng kaibigan. “Ano’ng dapat nating gawin?” tanong ni Knoxx sa mga ito. “Umuwi na tayo. Ayoko na rito.” Muling pumalahaw ng iyak si Sab kaya inakay na nila ito pabalik sa sasakyan. Pareho silang natahimik habang nasa gitna ng biyahe. MABIGAT ang pakiramdam ni Sabrina nang pumasok siya sa loob ng kanilang bahay. Pagkatapos ng mga nasaksihan niya kanina ay wala na siyang natitira pang lakas para magsalita. Halos isang taon na ring nag-aaway ang kanyang mga magulang dahil sa pambabae ng kanyang ama. Madalas niyang naririnig ang hiyawin ng mga ito, kahit ang dalawang maliliit niyang kapatid ay apektado na rin sa mga nangyayari. Noong una, akala niya ay naghihinala lamang ang kanyang ina dahil wala naman itong maipakitang mga ebidensya. Kahit papaano ay umasa si Sabrina na sana ay hindi totoo ang lahat ng tungkol sa ama. Makalipas ang isang taon ay ngayon lamang nasaksihan ng kanyang mga mata ang panlolokong ginagawa nito. Sobrang sakit. Parang pinunit ng eksenang iyon ang kanyang puso at buong pagkatao. Mahal na mahal niya ang kanyang ama at alam din naman niya kung gaano sila kamahal nito. Ang hindi lamang niya maintindihan ay kung paano nito nagawa sa kanilang pamilya ang bagay na iyon. “Napaano ka? Bakit namumula ang mga mata mo? Umiyak ka ba?” Hindi napansin ni Sabrina na nakalapit na pala sa kanya ang ina. Masyadong ukopado ang kanyang utak at hindi niya naramdaman ang presensiya nito. Ngumiti siya at marahang umiling, pilit na ikinubli ang nararamdamang sakit. “Magsabi ka nang totoo, Sabrina. Bakit ka umiiyak? May nambub*lly ba sa ‘yo sa school?” nag-aalala nitong tanong. Nakagat ni Sabrina ang kanyang pang-ibabang labi. Hindi niya ugali ang magsinungaling sa kanyang ina. Malaki ang takot niya rito ngunit ayaw rin niya na masira ang kanilang pamilya nang dahil sa kanya. Kapag sinabi niya ngayon ang tungkol sa ama, paniguradong mag-aaway na naman ang mga ito. Iiyak na naman ang kanyang mga kapatid at mapipilitan na naman siyang tumakbo palayo para lamang matakasan ang pag-aaway ng mga ito. “Hindi ako magagalit. Sige na, sabihin mo sa akin kung ano ang nangyayari sa ‘yo,” malumanay nitong sabi at agad na hinawakan ang kanyang mga kamay. Muling pumatak ang mainit na luha mula sa kanyang mga mata. “Ma, s-si Papa po. . . nakita ko po siyang may kasamang ibang babae,” pabulong niyang sabi. Hindi nakapagsalita ang ina. Nang tapunan niya ito ng tingin ay kitang-kita niya ang mga luha na pumatak mula sa mga mata nito. Mayamaya pa ay tumayo ito at pumasok sa sarili nitong silid. Naiwang mag-isa si Sabrina habang tahimik na umiiyak. Saktong lumabas mula sa kani-kanilang mga kuwarto ang dalawa niyang kapatid kaya dali-dali niyang pinahid ang kanyang mga luha. “Ma, ano pong gagawin niyo?” gulat na tanong ni Sabrina nang makita ang bitbit na bag ng ina nang lumabas ito sa sariling silid. “Iligpit niyo ang mga gamit niyo. Ihahatid ko kayo sa bahay ng Tita Sammy niyo. Doon na muna kayo ngayong gabi,” sabi nito. Napatalon sa tuwa ang dalawa niyang kapatid at agad na nag-ayos ng mga gamit. Mayaman ang kanilang Tiya, malaki ang bahay nito at mag-isa lamang ito na nakatira doon. Mabait ito sa kanilang magkakapatid at masayang-masaya sila tuwing dumadalaw sila roon. Ngunit sa halip na matuwa dahil sa sinabi ng ina ay mas lalo lamang napahikbi si Sabrina. Batid niyang dadalhin sila roon ng ina hindi para mamasyal kundi upang mailayo sa pag-aaway nito sa kanyang ama. “Ma, huwag na po kayong mag-away ni Papa. Pag-usapan niyo po ang lahat,” aniya. “Bilisan mo na, Sab. Hihintayin ko kayo sa labas,” sambit nito at nauna nang lumabas ng bahay. Sa huli, ay wala na ring nagawa si Sabrina kundi ang sumunod sa gusto nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD