Chapter 32

1599 Words
MABILIS na lumipas ang mga araw. Pasukan na ulit kaya abala na rin si Knoxx sa paghahanda ng kanyang mga gamit sa eskuwela. Payapa na rin ang kanyang ina at ilang araw nang pumapasok sa factory na pag-aari ng kanyang guro. Sinamahan niya ito noong araw na umalis ito sa dating trabaho. Humingi naman ng paumanhin ang amo nito at sinabing hindi na nito kailangan pang isipin ang dati nitong utang dahil bayad na ito at nagbigay pa ng pahuling sahod. Natapos ang problema nila tungkol doon at masaya si Knoxx dahil paunti-unti ay bumabalik na rin sa tahimik ang kanilang buhay. “Pumasok ka na. Mag-iingat ka sa school, ah. Mag-aral ka nang mabuti,” sabi ng ina matapos nitong ilagay sa backpack niya ang hinanda nitong meryenda para sa kanya. “Opo. Kayo rin po, mag-ingat po kayo,” paalam niya at humalik na sa pisngi nito. Mag-a-a-alas siete na ng umaga kaya binilisan na ni Knoxx ang paglalakad hanggang sa labasan. Agad siyang natigilan nang makita ang nakaparadang sasakyan ni Tan na halatang kanina pa naghihintay. Dumungaw ang ulo nito mula sa bintana at agad siyang kinawayan. “Knoxx, tara na!” masiglang bati ng kaibigan. Napangiti si Knoxx at agad na pumasok sa loob ng sasakyan nito. Sabay na silang tumungo sa Eastville Academy. “Kumusta na nga pala sina Boboy at Lola Gloring?” tanong niya. “Naku, Knoxx. Napakasipag na bata si Pula. Kahit ako, nahihirapan siyang awatin sa mga gawaing bahay. Ayaw ko na nga sana na nagtatrabaho siya kaso ‘yon daw kasi ang kasunduan namin kaya sila nasa bahay ngayon,” pagkukuwento nito. “Gan’yan talaga ‘yang si Boboy. Hayaan mo na lang, sigurado naninibago pa rin sa bahay n’yo.” “Siguro nga.” “Eh, ang Mommy at Daddy mo? Kumusta naman kayo?” Biglang nagbago ang timpla ng mukha ni Tan dahil sa sinabi niya pero pinilit pa rin nito ang ngumiti. Hihingi na rin sana siya ng paumanhin nang maunahan siya nito. “Ang totoo niyan, isang gabi lang silang nanatili sa bahay. Kinaumagahan no’n ay umalis din agad sila. Halos hindi nga kami nagka-usap, eh,” malungkot nitong sabi. “Tan, sorry—” “Wala kang dapat na ihingi ng tawad, Knoxx. Gano’n lang talaga ang klase ng pamilya na mayro’n ako. Medyo nasanay na nga ako sa gano’ng paulit-ulit na set-up sa buhay ko,” pagputol nito sa sasabihin niya. Agad na iniba ni Knoxx ang usapan. Bumalik sila kay Boboy at parang kisapmata na biglang nagbago ang reaksyon nito. Nagpatuloy sila sa pagkukuwentuhan hanggang sa tuluyan silang nakarating sa Eastville Academy. Nasa gitna na sila ng hallway nang mamataan ang naglalakad na si Nyxie sa unahan. Hindi napigilan ni Knoxx ang mapangiti at agad itong tinawag. Tumigil si Nyxie sa paglalakad saka sila hinintay. Nang makarating sa tapat nito ay agad na sinuyod ng tingin nilang dalawa ang buong mukha ng dalaga. “Nyx, ano’ng nangyari sa ‘yo? Bakit gan’yan ang hitsura mo?” kunot-noong tanong ni Tan. Maputla ang buong mukha nito at halata rin ang malalaking eyebags. Wari’y ilang araw itong hindi nakatulog nang maayos. “Pagod ako,” mahinang sambit nito bago sila tinalikuran. “Ano’ng ginawa mo? Bakit ka napagod?” Sinundan ito ni Knoxx at agad na sinabayan. Nagpa-iwan naman si Tan para hintayin ang paparating na si Sab. “Malapit na kasi ang Writing Contest na gusto kong salihan. Tapos ang dami-daming tinuturo at pinapagawa ni Mama sa akin. Hindi na ako makatulog kaka-revise ng manuscript ko,” sagot nito bago humikab. “Sasali ka sa Writing Contest? Magandang experience ‘yan kaso ingatan mo rin ang sarili mo. Tingnan mo, ang laki na ng eyebags mo,” wika ni Knoxx saka muling sinilip ang mukha nito. Tumango lang si Nyxie at ipinagpatuloy ang paglalakad hanggang sa makarating sila sa kanilang silid. Agad itong nangalumbaba sa sarili nitong mesa at mukhang nakaidlip agad. Hindi na lamang ito pinansin ni Knoxx at hinintay na makarating ang iba pang kaibigan. “Ano’ng nangyari kay Nyxie?” bungad ni Sab pagpasok nito. “Puyat.” “Naku, kababasa na naman ng mga nobela ‘yan. Ito talagang si Nyxie, hindi na nagbago,” napapailing na sabi ni Tan bago hinila si Sab paupo sa puwesto nito. Sunod na dumating si Addy at gaya ng dalawa ay hindi rin nitong napigilang tanungin ang nangyari kay Nyxie. Nang dumating si Teacher Kevin ay bumalik na sila sa kani-kanilang upuan. Ginising na rin ni Knoxx si Nyxie na mukhang wala pa rin sa huwisyo. Inabutan niya ito ng tubig upang mahimasmasan kahit papaano. “Kumusta ang bakasyon n’yo?” tanong ni Teacher Kevin habang binubuklat ang mga dala nitong papel. “Sobrang bitin ng bakasyon namin, Sir. Wala po bang extension?” sagot ng isa sa mga kaklase nila. “Oo, nga po, Sir. Sana bakasyon ulit,” sabat ng isa pa. “Siya, ‘wag n’yo ng isipin ang tungkol sa bakasyon. Tapos ko ng gawin ang mga grado n’yo at mayro’n na tayong bagong list ng mga honor student. Gusto n’yo bang sabihin ko na ngayon ang resulta o bukas na lang dahil magkakaroon din naman tayo ng PTA meeting?” tanong ng guro. “Ngayon na lang po, Sir. Sabihin n’yo na po.” “Paniguradong si Knoxx ang top one.” “Oo, nga. Mas matalino kasi si Knoxx kaysa kay Addy.” “Uy, humahabol din kaya si Addy ‘no. Siya ang top one natin simula noong first year. I’m sure, siya pa rin hanggang ngayon.” “Basta ako, kay Knoxx ako.” “Kay Addy.” Ilan lamang ito sa mga bulong-bulungan ng kanilang mga kaklase. Nilingon ni Knoxx si Addy na nagkataong nakatingin din sa kanya. Ngumiti ito at sumenyas na tanggap nito anuman ang magiging resulta ng ranking nila. Tumango si Knoxx at gumanti ng ngiti sa kaibigan. Pareho silang natahimik nang simulan ng sabihin ni Teacher Kevin ang mga pangalan na pasok sa top ten. “Top three, Lopez, Zani. Top two, Suarez, Adrian James and our top one, Dela Cruz, Knoxx Neo.” Napuno ng palakpakan ang buong silid. Tinawag ang mga nakasama sa top ten para pumunta sa gitna. Katabi ni Knoxx si Addy at katulad niya ay nakangiti rin ito. “Huwag mong isipin na masama ang loob ko, Knoxx. Deserve mo ang maging top one at masaya ako para sa ‘yo,” sabi ni Addy nang mapansing nakatingin siya rito. “Salamat, Addy,” nakangiti niyang sabi. “Congratulations sa ating top ten. Pagbutihin n’yo ang pag-aaral and hopefully, sana ma-maintain n’yo ang mga grado n’yo.” Muling nagpalakpakan ang mga kaklase nila. Inutusan na rin silang maupo ni Teacher Kevin dahil magsisimula na ang kanilang klase. Buong oras na nakinig lang si Knoxx sa kanilang talakayan. Paminsan-minsan ay nahuhuli ng kanyang paningin ang nakapikit na si Nyxie. Alam niyang antok na antok ito at kahit gusto man niya itong gisingin ay hindi na lamang niya ginawa. Hanggang sa natapos ang klase. Doon na tuluyang bumagsak ang mukha ni Nyxie sa desk nito. Ilang minuto lang ay narinig na niya itong humihilik. Lumabas na ang mga kaklase nila pero pinili ni Knoxx ang manatili sa kanyang upuan. Hindi niya puwedeng iwan nang mag-isa si Nyxie. Baka kung mapaano ito. Nagbasa siya hanggang sa lumipas ang kalahating oras. Pasado alas singko na nang hapon at batid niyang nakauwi na ang iba nilang mga kaklase. “Knoxx! Knoxx!” Mula sa pinto ay biglang pumasok ang humahangos na si Tan. Kasunod nito sino Addy at Sab na mukhang may ihahatid din na magandang balita. “Tumawag na ang mga source ko, may balita na raw sila sa Papa mo,” pagbabalita nito. Nanlaki ang mga mata ni Knoxx at agad na tumayo. “Talaga?! Sige, tara!” Saglit siyang natigilan nang maalala ang natutulog na si Nyxie. Muli siyang naupo saka sinilip ang mukha ng dalaga. “Dapat ko ba siyang gisingin?” nagdadalawang-isip niyang tanong. “Oo, kailangan mo talaga siyang gisingin, Knoxx. Mayamaya lang ay uuwi na rin ang mga teacher. Hindi siya puwedeng abutin ng gabi rito,” sagot ni Tan. Tumango si Knoxx at dahan-dahang ginising si Nyxie. Agad itong nagmulat ng mga mata at wala sa sarili na pinagmasdan siya. “Nyxie, tara na. Ihahatid na lang kita—” “Ayaw n’yong sumama?” pagputol ni Tan kay Addy nang lapitan nito ang dalaga. “Saan tayo pupunta?” wala sa sariling tanong ng dalaga. “Hahanapin namin ang Papa ni Knoxx. Ano, sama ka ba?” Si Sab na ang sumagot. Umayos ng upo si Nyxie at saglit na humikab. Sunod-sunod itong tumango. “Sige, tara. Ibibili na lang muna kita ng maiinom.” Naunang lumabas ng silid si Addy kaya si Knoxx na ang umalalay kay Nyxie hanggang sa makalabas sila ng Akademiya. Naghihintay na roon ang sundo ni Tan kaya hinintay na lamang nila si Addy bago bumiyahe. “Uminom ka muna.” Inabot ni Addy ang nabiling tubig kay Nyxie. Kailangan nitong magising nang tuluyan. “Saan nga pala tayo pupunta, Tan?” tanong ni Sab. “Sabi ng source ko, Lila Street daw. Hindi ko rin alam kung saan exactly ‘yon pero malapit lang daw ‘yon sa Northeast Academy. Magtanong-tanong na lang tayo pagdating natin doon,” sagot ni Tan. Hindi umimik si Knoxx. Napagpasyahan niyang ituon na lamang ang kanyang pansin sa labas ng bintana. Kung dati ay bigo silang mahanap ang kanyang ama, sana sa pagkakataong ito ay magtagumpay na sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD