Chapter 4

1945 Words
THE RESULT of yesterday's quiz was not good. Tatlo lamang sa inyo ang nakapasa. Kaya uulitin natin ngayong araw na ito ang topic na kinuha natin kahapon to make sure that you really understand the lesson." Sabay-sabay na nagreklamo ang buong Class 4C sa sinabi ng kanilang guro. Pinagbalingan ng tingin ni Knoxx si Nyxie at gaya kanina ay malalim pa rin ang iniisip nito. Inalok na niya kanina ng tutorial ang dalaga subalit wala pa rin itong tiwala sa kanyang kakayahan. Iniisip pa rin nito na hindi siya eligible na maging isang tutor. Dahil ba sa edad niyang labing-anim na taong gulang? O dahil sa isa siyang lalaki? "Let's give a hand to Adrian James Suarez. He got a score of forty-four over fifty." Pumalakpak si Knoxx at tinapunan ng tingin si Addy. Nag thumbs up siya rito kaya ngumiti ang kaklase at tahimik na nagpasalamat. "Nyxie Perez and Knoxx Neo Dela Cruz, pareho silang nakakuha ng perfect score." Nag-angat ng tingin si Nyxie at hindi makapaniwala na pinagbalingan siya ng tingin. Nagsimula na ring magbulungan ang kanilang mga kaklase kaya gumanti na lamang ng simpleng ngiti si Knoxx. "Nyxie at Knoxx, please stand up," utos ng kanilang guro na agad nilang sinunod. Nagpaskil ito ng magkaibang tanong sa pisara at inatasan silang dalawa na ibigay ang tamang solusyon para dito. Binasa ni Knoxx ang gawain at nang maintindihan ang tanong ay agad siyang naglakad palapit sa pisara. Tahimik niyang sinagutan ang gawain. Hindi pa man natatapos si Knoxx sa pagsagot ay napansin niyang wala si Nyxie sa kanyang tabi para sagutan ang nakaatas na gawain para dito. Lumingon siya at natigilan nang makitang nakatayo pa rin ito sa harapan ng sariling mesa habang nakayuko at pinaglalaruan ang mga daliri. Sinilip niya ang gawain na nakapaskil sa kabilang pisara. Marahil ay hindi nito naintindihan ang nakalahad na problema. "Ms. Perez, bakit hindi ka pa pumunta sa pisara para sagutan ang gawain mo? Ano pa ang hinihintay mo? Wala na tayong oras," sabi ng kanilang guro. Muling nabaling ang tingin ni Knoxx sa nakapaskil na gawain bago muling tinapunan ng tingin si Nyxie. Gusto niya sana itong senyasang lumapit sa pisara at tuturuan sa pagsagot kaya lang ay nanatili itong nakayuko. "Kinopya mo ba ang sagot ni Mr. Dela Cruz kahapon?" Hindi sumagot si Nyxie at nakita niya itong nagkagat ng labi kaya tinapos na ni Knoxx ang pagsagot sa gawain bago bumalik sa kanyang upuan. Hinarap niya ang guro na nakatayo sa harapan ni Nyxie saka humingi ng paumanhin. "Ako po ang nag-utos kay Nyxie na kopyahin ang sagot ko kahapon kaya kung may dapat man po kayong parusahan sa mga nangyari, ako po 'yon," sabi ni Knoxx dahilan para mag-angat ng tingin si Nyxie. Tumingin ito sa kanya kaya nginitian niya ito at sinenyasang huwag na itong mag-alala sapagkat siya na ang bahalang mag-ayos ng gulong pinasukan nilang dalawa. "Alam mo, nasilip ko ang record mo sa Westward Academy at masasabi kong isa ka sa mga pinaka matalino nilang estudyante, kaya hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mong gawin ang bagay na 'yon, Mr. Dela Cruz. You're supposed to act as a role model to your classmates since you're an excellent student. But look, ikaw pa ang nagsimula ng cheating dito sa loob ng klase ko. Ayoko nang mangyari pa ulit ang bagay na ito, naiintindihan mo ba, Mr. Dela Cruz?" "Yes, Ma'am." "Good. You may know take your seat. Listen everyone, gaya ng sinabi ko ay uulitin natin ang lesson na kinuha natin kahapon. So get your notebook and take down important details. . ." "Sorry, Knoxx. Nang dahil sa akin napagalitan ka ni Ma'am," malungkot na sabi ni Nyxie. Ngumiti siya at bahagyang ginulo ang buhok nito. "Okay lang. May kasalanan din naman ako. Kaya kung ako sa 'yo, makinig ka nang mabuti para hindi ka nanghihingi ng sagot tuwing may quiz," medyo nanggigigil na sabi niya rito. Umismid si Nyxie at agad na inilabas ang sariling kuwaderno. Itinuon nito ang tingin sa pisara at hindi niya napigilan ang mapangiti nang magsimula itong magsulat. "ADDY, tara sa Computer Shop. Maglaro tayo ng bagong game. Ako ang taya." "Malapit na ang exam, Tan. Sa halip na maglaro ka ng computer game, mag-aral ka na lang." "Nakakatamad kayang mag-aral. Ano na? Sasama ka ba?" "Ayoko." "Ikaw ang bahala. Nyxie, ano? Laro tayo?" "Ayoko. Wala akong ganang maglaro." "Isa ka pa. Sab, samahan mo ako. Libre kita." "Sorry, Tan pero kailangan ko kasing umuwi nang maaga. Sa susunod na lang." "Mga kaibigan ko ba talaga kayo? Kainis!" Sinundan ni Knoxx ng tingin ang palabas na si Tan sa kanilang silid. Halatang nagtampo ito nang husto sa ginawang pagtanggi nina Addy, Nyxie at Sab. Nagkibit-balikat si Knoxx at hindi na lamang ito pinagtuunan ng pansin. Ipinagpatuloy niya ang pag-aayos ng kanyang mga gamit at nang akmang tatayo ay bigla siyang natigilan dahil sa pagtawag ng isa sa mga kaklase nila. "Addy at Knoxx, pinapatawag kayo ni Sir Kevin sa office niya." Tumango si Knoxx at agad na nabaling ang tingin sa tumayong si Addy. Ngumiti ito at agad siyang nilapitan. "Addy, mauuna na kami ni Sab sa pag-uwi. Magkita na lang tayo sa bahay," sabi ni Nyxie bago nagpaalam. Kasama nitong lumabas ng silid ang kaibigang si Sabrina. Tumungo na rin sa Teacher's Office sina Addy at Knoxx. Naabutan nilang mag-isa lamang sa opisina ang guro. Agad sila nitong inutusang maupo sapagkat mayro'n itong mahalagang bagay na gustong pag-usapan. "This summer ay magkakaroon tayo ng Science and Math Quiz Bee. Sabay na gaganapin ang dalawang competition kaya kayong dalawa ang napili kong maging representative ng Class 4C. Addy, sa Science Quiz ka. Knoxx, Math Quiz. Kung may problema kayo o gusto n'yong magpalitan, sige okay lang." Sabay na nagkatinginan sina Addy at Knoxx sa sinabi ni Teacher Kevin. Tumango si Addy bilang pag sang-ayon sa desisyon ng guro. Ngumiti naman si Knoxx at agad na hinarap si Teacher Kevin. "Sir Kevin, kahapon lang po ako dumating sa klase. Hindi po ba ay masyadong unfair para sa iba kung isasabak n'yo agad ako sa contest?" "You deserve it, Knoxx. Alam kong matalino ka, kaya nga ikaw ang napili kong isali sa contest dahil naniniwala ako na malaki ang chance na mananalo ang klase natin kapag ikaw ang naging representative ng Class 4C. Pero sige, tatanungin ko ang mga kaklase n'yo bukas tungkol dito. Kapag walang interesado na sumali sa kompetisyon, then ikaw ang kukunin ko. Malinaw ba?" Ngumiti si Knoxx at sunod-sunod na tumango. Nagpaalam na rin silang dalawa ni Addy sa guro at tahimik na naglakad sa kahabaan ng pasilyo. Wala ng masyadong estudyante kaya tahimik na rin ang buong eskuwelahan. "Sumali ka na sa kompetisyon, Knoxx. Dati kapag ganito ang usapan, lahat ng mga kaklase natin ay kulang na lang magtago para makaiwas sa kompetisyon. May pagkakataon nga na gusto ng sumali ni Nyxie sa contest dahil kulang tayo sa representative. Hindi nga lang nangyayari dahil hindi talaga kaya ng utak niya." Natawa si Knoxx sa narinig. Nangyari na rin sa klase niya sa Westward ang gano'ng sitwasyon. Sa takot ng iba niyang mga kaklase na sumali sa contest ay halos siya na ang pinapadala ng kanilang guro sa iba't-ibang kompetisyon. "Pag-isipan mong mabuti. Mauuna na ako sa 'yo." "Mag-ingat ka." Napabuga nang malalim na paghinga si Knoxx bago nagpasyang maglakad papuntang Bus Stop. Saglit siyang natigilan nang mapadaan sa gilid ng Computer Shop. Agad niyang napansin si Tan na napapalibutan ng ilang mga lalaki at pinagbabantaan. Kaya binilisan ni Knoxx ang paglalakad at agad na lumapit sa mga ito. "Wala akong pakialam kahit anak ka pa ng pinakamayamang businessman dito sa Distrito natin. Ilang beses na naubos ang pera ko kakalaro para lang makuha ang highest score tapos isang upo mo lang, ikaw na agad ang leading. Simula ngayon ay hindi ka na puwedeng pumasok sa Computer Shop na ito. Kapag nagpumilit ka pa, masasaktan ka na talaga sa akin." "Hindi n'yo puwedeng gawin 'yon! Hindi naman sa inyo 'tong Computer Shop, ah!" "Aba! At sumasagot ka pa!" Akmang babatukan ng matabang lalaki si Tan nang mabilis na nahawakan ni Knoxx ang kamay nito. Nakuha niya ang atensyon ng mga ito at sabay na nabaling ang tingin sa kanya. Nakita niyang ngumiti si Tan at mabilis na pumunta sa kanyang puwesto. "Sino ka? Bakit ka nakikialam sa away namin? Gusto mo rin bang masaktan?" "Ganito na lang. Ayusin natin 'to sa maayos na paraan. Mag-duel tayo. Kapag nanalo ka sa laro, hinding-hindi na babalik pa si Tan sa Shop na ito at sa inyo na ang buong lugar. Pero kapag ako ang nanalo, kayo ang aalis at hindi na puwedeng bumalik pa," negosasyon ni Knoxx. "Teka, sandali. Paano kapag natalo ka? Ibig sabihin, hindi na rin ako puwedeng maglaro?" Ngumiti si Knoxx at tinapik sa balikat si Tan. Gawain din niya ang maglaro ng kompyuter pagkatapos ng klase noong nasa Westward pa lamang siya. Marami na rin siyang mga nakalaban, higit na mas malala kaysa sa mga lalaking ito. "Ako pa talaga ang hinamon mo. Sige, tara!" Napangiti si Knoxx at tinapunan ng tingin si Tan. Siniko niya ito at niyayang pumapasok sa loob ng Shop para masimulan na rin nila ang laban. "Galingan mo, Knoxx. Ililibre kita ng tickets buong taon kapag nanalo ka," bulong ni Tan habang nakatayo sa kanyang likuran at minamasahe ang kanyang likod at braso. Pinagkumpulan na rin sila ng iba pang mga manlalaro at may mga narinig pa siyang nagpupustahan. Nang magsimula ang laro ay nagsimula na ring umingay ang buong Shop. "Argh! Kainis! Ang galing niya!" Tumaas ang gilid ng labi ni Knoxx habang walang tigil sa pag-atake sa kanyang kalaban. Ilang minuto pa ang lumipas at tuluyan ng namatay ang gamit nitong karakter. Mabilis lang na natapos ang laro. "Woah! Ang galing mo, Knoxx! Mas magaling ka pang maglaro kaysa sa akin! Pangako, libre ang isang buong taon mong paglalaro rito sa Shop! Babayaran ko ang bawat laro mo! Napakagaling mo talaga!" tuwang-tuwang sabi ni Tan at napapatalon pa sa kanyang likuran. Pinagbalingan ni Knoxx ng tingin ang kanyang kalaban. Yumuko ito at agad na lumapit sa kanya. Nagulat siya ng bigla itong lumuhod sa kanyang harapan, gano'n din ang mga kasama nito. "Hinding-hindi na namin guguluhin pa si Tan kaya pakiusap, huwag niyo na kaming paalisin dito sa Shop. Gagawin namin ang gusto n'yo. Pagsisilbihan namin kayo at kikilalaning Master. Wala na kaming iba pang mapupuntahan kaya pakiusap! Master Knoxx, 'wag n'yo kaming palayasin!" "Huwag n'yo kaming palayasin, Master Knoxx!" sabay-sabay na sigaw ng mga kasama ng matabang lalaki. Natawa si Tan sa ginawa ng mga ito at mahinang tinapik si Knoxx sa balikat. Nilingon niya si Tan at sinenyasan na ito na ang magbigay ng desisyon sa hinihiling ng mga lalaki. Natigilan naman ito at kunwari ay nag-isip nang malalim. "Sige, dahil masaya ako ngayon ay pagbibigyan ko kayo. Pero oras na gumawa ulit kayo ng g**o rito sa Shop, alam niyo na ang mangyayari," matapang na sabi ni Tan. "Opo! Maraming salamat, Master Knoxx!" sabay-sabay na sigaw ng mga ito. Napailing naman si Tan at niyaya na siyang lumabas. "Master! Tinawag ka nilang Master! Master Knoxx!" kantiyaw nito sa kanya. "Tara, ihahatid na kita sa inyo." Naglakad si Tan palapit sa nakaparadang sasakyan kaya sinundan lamang niya ito ng tingin. Lumingon ang kaklase at muli siyang binalikan nang makitang nakatayo lamang siya. "Huwag na. May bus pa naman pauwi—" "Ano ka ba! Simula ngayon, magkaibigan na rin tayong dalawa kaya bawal mo akong tanggihan kapag inaalok kita. Tara na, ihahatid na kita." Inakbayan siya nito kaya wala na siyang nagawa pa nang hilahin siya nito papasok sa loob ng kotse.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD