Chapter 3

1607 Words
DAHAN-DAHANG binuksan ni Knoxx ang pinto ng kanilang bahay at maingat na pumasok sa loob. Ibinagsak niya sa sofa ang kanyang bag saka tinungo ang kusina. Napangiti siya nang makita ang kanyang ina na abala sa pagluluto ng kanilang hapunan. Buong ingat ang ginawa niyang paglapit dito saka ito niyakap nang mahigpit mula sa likuran. “Nandito ka na pala. Kumusta ang pag-aaral mo? Hindi ka naman nakipag-away sa unang araw mo, ’di ba?” “Ma, naman. Mabait kaya ako kaya bakit naman ako makikipag-away?” “Naku! Kung hindi ako ang mama mo ay baka naniwala na ako sa ’yo. Siya, patingin ng notebook mo.” Humiwalay si Knoxx sa pagkakayakap sa ina saka bumalik sa sala. Sumunod na rin ito at naupo sa kanyang tabi. “O, wala pa ring laman ang notebook mo. Bakit wala ka laging naisusulat? Hindi kaya ay tinakot mo noon ang mga teacher mo sa Westward kaya ka naging top student?” Natawa si Knoxx sa sinabi ng ina at muli itong niyakap nang mahigpit. “Ma, matalino lang talaga ang anak mo kaya naging top student noon sa Westward. Kahit naman wala akong sinusulat, naiintindihan ko naman ang mga tinuturo sa amin.” “Anak, alam kong matalino ka pero kailangan mo pa ring magsulat. Hindi sa lahat ng oras ay matatandaan mo ang lahat ng mga lesson n’yo. Makinig ka. Alam mong hindi nakatungtong sa kolehiyo ang mama mo kaya huwag mo akong gayahin. Mag-aral ka nang mabuti at tuparin mo ang mga pangarap mo. Palagi lang akong nandito para suportahan ka.” Ngumiti si Knoxx at inayos ang buhok ng mama niya. Batid niyang hindi ito nakapagkolehiyo noon dahil ipinagbuntis siya nito. Mas lalo pang nawalan ng oras sa sarili ang ina nang mapilitan itong magtrabaho upang bigyan siya ng magandang buhay. Alam niya na isa siya sa mga dahilan kung bakit nasira ang buhay nito. “Siguro kung hindi n’yo ako ipinagbuntis noon, baka nakapagtapos po kayo ng pag-aaral. Baka hindi ganito ang klase ng buhay na mayro’n kayo ngayon, Mama.” “Ikaw talagang bata ka! Kahit naman hindi ako nabuntis noon ay hindi pa rin ako makakapag-aral dahil walang pera ang lolo at lola mo. Neo, huwag mo na ulit sasabihin ang mga salitang iyan, naiintindihan mo ba? Kahit naman hindi tayo pinanagutan ng ama mo ay hindi ko inisip kailanman na isa kang hadlang sa buhay ko. Ikaw ang kumompleto sa pagkatao ko, alam mo ba ’yon? Kahit kailan ay paulit-ulit kitang pipiliin, anak ko.” Ngumiti si Knoxx at pinaulanan ng halik sa pisngi ang ina. Niyaya na niya itong kumain upang makapagpahinga na rin ito. Alam niyang pagod ito sa buong araw na paghahanap ng trabaho. “Doktor. Gusto kong magdoktor noon.” Tumigil sa pagsubo si Knoxx at pinagbalingan ng tingin ang ina. Nakangiti ito habang nakatingin sa sariling plato. Inabot niya ang kamay nito at gumanti ng ngiti. “Huwag kayong mag-alala, Mama. Tutuparin ko ang pangarap n’yo. Magdodoktor ako.” “Siraulo ka talagang bata ka! Bakit ka naman magdodoktor? Pangarap ko ’yon at hindi sa ’yo. Huwag kang gaya-gaya. Mag-isip ka nang mabuti. Ano ba talaga ang gusto mo?” “Mama, pangarap ko ring maging doktor. Iyon po ang gusto kong marating balang-araw.” “At kailan mo naman naisip na gusto mong magdoktor, aber?” “Ngayon lang,” nakangiti niyang sagot. Pinalo siyang muli ng ina sa braso kaya napilitan siyang yakapin ito nang mahigpit. Magsasalita pa sana ito kaso ay sinubuan niya ito nang sinubuan. Panay naman ang hampas nito sa kanya. ‘Huwag kang mag-alala, Mama. Ang pangarap mo ay pangarap ko na rin. Sabay nating aabutin ang pangarap na ’yon,’ aniya sa sarili. PAGKATAPOS kumain ay agad na pumanhik si Knoxx sa kanyang silid. Naligo muna siya bago sumampa sa kama. Inabot niya ang kanyang bag at hindi niya napigilan ang ngumiti nang makita ang libro ni Nyxie. Inilabas niya ito mula sa kanyang bag at sumandal bago ito binuklat. Hindi nagtagumpay si Nyxie na sagutan ang ibinigay niyang tanong kanina kaya gaya ng ipinangako ay hindi niya ito ibinalik sa dalaga. Nagmistula itong dragon kanina na umaapoy ang ilong sa galit kaya tinakasan niya ito. Mabuti na lang at hindi siya nito nasundan pauwi. “Bakit ba baliw na baliw si Nyxie sa kuwentong ’to? Ano ba ang espesyal dito?” mahinang bulong niya bago binuksan ang unang pahina. Sinimulan niya itong basahin. Hindi napansin ni Knoxx ang paglipas ng oras. Naging abala siya sa pagbabasa ng libro ni Nyxie. Kung hindi pa siya pinulikat ay hindi niya mapapansin na pasado alas-onse na ng gabi. Patay na ang ilaw sa silid ng kanyang ina kaya nagpasya na rin siyang magpahinga. Saglit pa siyang nagbasa ng notes ni Addy bago nakatulog. NAALIMPUNGATAN si Knoxx nang maramdaman ang pagyugyog ng kanyang ina. Sinilip niya ang orasan at mag-aalas-siyete na ng umaga. Bumangon siya at kaagad na naghanda sa pagpasok sa eskwela. “Nakuha ko na ang uniform mo kahapon sa patahian. Ito, tingnan mo.” Inabot ni Knoxx ang pares ng uniporme na hawak ng kanyang ina. Pinagbalingan niya ito ng tingin. “Saan po kayo kumuha ng pera na ipinambayad n’yo rito sa uniform? Hindi naman kailangan na mag-uniform kaagad ako.” “Ikaw talagang bata ka! Wala ka ba talagang tiwala sa mama mo? Nakahanap na ako ng bagong trabaho kaya nag-advance kaagad ako para makuha ko na ’yang uniform mo. Huwag ka na kasing maraming tanong, magbihis ka na at kumain. Male-late ka na sa school.” Ngumiti si Knoxx at agad na isinuot ang kanyang uniporme. Matagal niyang tinitigan ang sariling repleksyon sa salamin. Simula sa araw na ito ay mag-aaral na siyang mabuti. Kailangan niyang abutin ang mga pangarap nilang dalawa ng ina. Nagmadali na siya sa paghahanda at agad na tumakbo sa sakayan ng bus. Nang dumating na ang bus ay kaagad siyang sumakay kahit pa puno na ito at marami na ang nakatayo. Saglit na natigilan si Knoxx nang makita si Nyxie na sakay rin ng mismong bus. Kaagad itong umismid nang makita siya. Tumayo si Knoxx malapit sa dalaga. Mas lalo pang nagsiksikan nang may umakyat na ilan pang mga estudyante kaya napausog siya kay Nyxie. “Ano ba? Lumayo ka nga.” Naalarma si Knoxx nang makita ang isang lalaki na pilit na sumisiksik kay Nyxie. Nakahawak ang isang kamay nito sa baywang ng dalaga kaya kaagad niya itong itinulak at pumosisyon sa likuran ni Nyxie. Hinarangan niya ito upang wala nang iba pang makalapit dito. “Siraulo ka, ah. Ako—” Hindi natapos ang sasabihin ng lalaking nangha-harass kay Nyxie nang bigla niya itong pukulin ng masamang tingin. Umusog ito at naghanap ng bagong puwesto. “Salamat.” Bahagyang lumingon si Nyxie saka siya nginitian. Gumanti siya ng ngiti at hindi na muling nagsalita pa hanggang sa makababa sila ng bus. “Salamat ulit sa ginawa mo kanina, Knoxx. Kung wala ka roon, baka nasipa ko na palabas ng bus ’yong manyak na ’yon. Salamat talaga.” Tumawa si Knoxx at bahagyang ginulo ang buhok nito. Nagalit naman ito at nagbanta na huwag na ulit pakialaman ang buhok nito kung ayaw niyang masaktan. Natuwa siya sa sinabi nito kaya muli niyang ginulo ang buhok ng dalaga. Namula sa galit ang pisngi ni Nyxie kaya tumakbo na siya nang mabilis papunta sa kanilang silid. “Alam n’yong next week na ang exam kaya kailangan n’yong mag-aral nang mabuti. Kapag bumagsak pa ulit kayo, baka hindi na kayo maka-graduate pa.” Tumahimik ang lahat sa sinabi ni Teacher Kevin. Agad namang napansin ni Knoxx ang pagbagsak ng balikat ni Nyxie. Ginulo nito ang sariling buhok at ilang beses na nagpakawala ng malalalim na buntonghininga. “Okay ka lang?” bulong niya rito. “Baka ’di na ako maka-graduate pa. Paniguradong babagsak na naman ako.” Ngumiti si Knoxx at muling kinalabit si Nyxie kaya nag-angat ito ng tingin. “Gusto mo bang i-tutor kita? Libre lang. Ano? Deal?” “Bakit? Matalino ka ba? Baka nga mas marami pa akong alam kaysa sa ’yo.” Tumawa si Knoxx sa sinabi nito. Gusto sana niyang ipaalala sa dalaga ang ginawa nitong pangongopya sa kanya kahapon subalit hindi na lamang niya ginawa. Halatang apektado ito sa nalalapit na exam. “Who can solve this problem? Anyone?” Umikot ang paningin ni Knoxx at halos lahat ng mga kaklase niya ay nakayuko. Nag-angat siya ng kamay kaya nang tawagin ni Teacher Kevin ang kanyang pangalan ay kaagad siyang pumunta sa pisara. “Kumusta na ang mama mo? Nakahanap na ba siya ng bagong trabaho?” Tumigil sa pagsusulat si Knoxx at tumingin sa gawi ni Teacher Kevin. Tumango siya kaya ngumiti naman ito. “Hindi talaga niya tinanggap ang inaalok ko.” “Sir Kevin, huwag n’yo po sanang mamasamain pero bakit masyado po yata kayong concern sa mama ko? May gusto po ba kayo sa kanya?” “Ano? Hindi. Ikaw talagang bata ka. Sinabi ko na sa ’yo, magkaibigan kami noon ng mama mo kaya gusto ko lang siyang tulungan.” Tumango si Knoxx saka ibinaba ang hawak na yeso. Tapos na siyang sagutan ang tanong nito kaya bumalik na rin siya sa kanyang upuan. “Alam mo, ang weird pero bakit magkamukha yata kayong dalawa ni Sir Kevin? Magkamag-anak ba kayo?” Natigilan si Knoxx sa pagbabasa nang marinig ang sinabi ni Nyxie. Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin at tinitigan ang gurong nagsasalita sa gitna. “Talaga? Magkamukha kaming dalawa? Parang hindi naman,” sagot niya bago binuklat ang kanyang kuwaderno. Inilabas niya ang retratong nakaipit dito. Ang retrato ng kanyang ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD