Chapter 5

1867 Words
"NYXIE!" Naibagsak ni Nyxie ang binabasang libro nang marinig ang pagsigaw ng kanyang ina mula sa labas ng kanyang silid. Sumimangot siya at nagpasyang tumayo mula sa pagkakasalampak sa kanyang kama bago binuksan ang pinto. Halos mapatalon siya sa gulat nang bumungad sa kanya ang hawak na pamalo ng ina. Kaya bago pa man siya mahampas nito ay mabilis siyang tumakbo papunta sa sala. Mabuti na lang at nakauwi na galing sa trabaho ang Papa niya kaya nagawa nitong awatin agad ang galit niyang ina. "Kahit kailan talaga ay puro sakit ng ulo ang ginagawa mong bata ka! Akala mo ba, hindi ko malalaman ang mga ginagawa mo sa eskuwelahan? Tumawag ang teacher mo at sinabing nangopya ka kahapon kaya ka naka-perfect sa quiz. Hindi ka na nahiya. Pati pangongopya, ginagawa mo!" galit na galit na sabi ng kanyang ina saka siya hinabol ng pamalo. Nag paikot-ikot si Nyxie sa mesa habang sinusundan ng ina. Todo pigil naman ang kanyang ama at sinenyasan siyang tumakbo palabas. "Honey, kumalma ka. Nangongopya rin naman ako noong High School kaya normal lang ang ginawa ng anak natin. Lahat naman ng estudyante, ginagawa 'yon." "Iyan! Kaya lumalaking pabaya 'yang anak mo dahil kinukunsinti mo! Paano 'yan tatanda kung palagi mo na lang kinakampihan?! Palibhasa, puro pagbabasa ng nobela ang ginagawa n'yan! Simula ngayon, hinding-hindi ka na magbabasa ng mga nobela! Wala kang ibang gagawin buong araw kundi ang mag-aral at mag-aral. Naiintindihan mo ba?!" Nagmadaling pumasok ang ina sa loob ng kanyang silid. Laking gulat niya nang pagbalik nito ay nasa kamay na ng Mama niya ang kanyang mga libro, gano'n din ang kanyang laptop. Sinubukan niya itong lapitan subalit dahil may hawak itong pamalo ay hindi niya magawa. "Ma, ano'ng gagawin niyo sa mga libro ko? Ibalik niyo po 'yan!" "Hindi! Susunugin ko ang lahat ng 'to para wala ka ng mabasa! Wala kang inatupag buong araw kundi ang magbasa! Ano ba ang nakukuha mo sa pagbabasa ng mga librong 'to?! Dito ba nakasulat ang mga assignment mo?! May nakukuha ka bang grades dito?! Huh?!" "Ma!" "Ngayon din, pumasok ka sa kuwarto mo at mag-aral. 'Wag na 'wag kang lalabas hangga't sa hindi mo natatapos ang mga assignment mo!" Nakagat ni Nyxie ang kanyang labi nang maramdaman ang pag-init ng kanyang mga mata. Hindi na niya napigilan pa ang sarili at tuluyan nang napahikbi. Mabilis siyang tumakbo palabas ng bahay at pumasok sa katabing gate. Nagtuloy-tuloy siya sa pagtakbo hanggang sa makapasok sa katabing bahay. "Addy!" sigaw niya dahilan para matigilan ang nagbabasa ng aklat na si Addy. Humikbi siya at mabilis na tumakbo payakap dito. Hindi ito nagsalita at marahang hinaplos ang kanyang likuran. "Nag-away na naman ba kayo ng Mama mo?" tanong nito. Humiwalay si Nyxie sa pagkakayakap sa kaibigan saka nagpunas ng pisngi. Marahan siyang tumango. "Nalaman kasi niyang nangopya ako kahapon kaya galit na galit siya sa 'kin. Kinuha niya ang mga libro ko at sinunog." Muling nag-init ang kanyang mga mata nang maalala ang mga libro na halos ilang buwan din niyang pinag-ipunan para lamang mabili. Pakiramdam niya, nawalan ng silbi ang ilang lunch break na hindi siya kumakain para lang makapag-ipon. "Okay lang naman kung magalit siya kasi mali naman talaga 'yong ginawa ko, pero bakit kailangan pa niyang sunugin ang mga libro ko? Pinaghirapan kong bilhin ang mga 'yon. Ni hindi nga ako humihingi ng perang pambili sa kanila kaya bakit kailangan niyang gawin 'yon?" malakas niyang hikbi. Hinila siya ni Addy at mahigpit na niyakap. Kahit hindi ito magsalita, alam niyang naaawa ito sa nangyari sa kanya. "Ayoko munang umuwi sa bahay ngayon. Puwede bang dito na muna ako matutulog?" tanong niya makalipas ang ilang saglit. "Pero hahanapin ka ng mga magulang mo." "Alam naman nila na ikaw lang ang palagi kong takbuhan. Tatawagan ko na lang si Papa para hindi na sila mag-alala. Addy, may pagkain ka ba? Hindi pa kasi ako naghahapunan. Gutom na gutom na ang mga alaga ko," sabi niya na ikinangiti ng kaibigan. Tumango ito at bahagyang ginulo ang kanyang buhok. "Magluluto ako. Ano'ng gusto mo?" "Chicken curry," mabilis niyang sagot. "Sige, hintayin mo ako rito," sabi nito at agad na lumabas ng silid. Napabuga nang malalim na paghinga si Nyxie at naglakad papunta sa kama ni Addy. Pabagsak siyang nahiga at matagal na tumitig sa puting kisame. Kahit na gustong-gusto niyang umiyak ay pinigilan niya ang sarili. Kailangan niyang kalimutan ang mga nangyari. Alam niyang hindi magiging madali, pero kailangan niyang gawin. Wala na ang kanyang mga libro at wala na siyang magagawa pa para ibalik ang mga 'yon. Siguro sa susunod ay mag-iingat na lamang siya. "Nyxie." Nabaling ang tingin ni Nyxie sa pinto nang marinig ang boses ni Addy na nagsalita. Sumenyas ito na lumabas muna siya saglit kaya napilitan siyang bumangon at sinundan ito. Tumungo siya sa sala at agad na natigilan nang makita ang kaibigang si Sabrina, nakaupo ito sa couch at mahinang humihikbi. "Sab, ano'ng nangyari sa 'yo? Bakit ka umiiyak?" Nagmadali siyang lapitan ito at niyakap nang mahigpit. "Nyxie, si Papa. . . nahuli siya ni Mama kasama ang bago niyang babae. Nag-aaway na naman silang dalawa sa bahay." Hindi niya alam ang sasabihin kaya hinigpitan na lamang niya ang pagkakayakap kay Sab. Alam niyang hindi madali ang pinagdadaanan nito ngayon. Kung tutuusin, masuwerte siya dahil mga libro lang ang nawala sa kanya. Pero kay Sab, pamilya nito ang nanganganib na masira. Lumipat ang tingin ni Nyxie kay Addy na nakatingin sa kanilang dalawa. Tumango siya na agad nitong naintindihan. Lumapit ito sa telepono at agad na tinawagan ang kaibigang si Tan. Bagamat ugali na ni Sab ang pagiging tahimik pero pagdating sa kanila ay hindi ito naglilihim. Halos naging takbuhan na nila ang isa't isa sa tuwing may problema. Palagi silang magkasama, sa lungkot man o saya. At isa iyon sa mga bagay na ayaw mawala ni Nyxie, mga kaibigan. Ilang minuto rin ang lumipas nang marinig nila ang pagbukas ng pinto. Iniluwa nito ang humahangos na si Tan kasama si. . . Knoxx. "Ano'ng nangyari? Sab, bakit ka umiiyak?" nag-aalalang tanong ni Tan at agad na nilapitan ang kaibigan. Inakbayan nito ang dalaga at inalo pero mas lalo lamang lumakas ang pag-iyak nito. Nabaling ang tingin ni Nyxie kay Knoxx na nakatayo sa pinto. Tumayo na rin siya saka ito nilapitan. Niyaya niya itong pumasok. "Umiyak ka rin ba?" tanong nito nang mapansin ang pamumugto ng kanyang mga mata. Ngumiti si Nyxie at marahang umiling. "Wala lang 'to. Bakit nga pala kayo magkasamang dalawa ni Tan? Hindi ko alam na close pala kayo." "Ah, nagkita kasi kami kanina sa Computer Shop. Naglaro saglit hanggang sa inalok niya akong ihatid pauwi. Kaso biglang tumawag si Addy kaya dumeretso na muna kami rito." Tumango si Nyxie at niyaya itong maupo sa tabi ng mga kaibigan. Nag-usap sila hanggang sa hindi na nila namalayan pa ang paglipas ng oras. TAHIMIK na nakikinig si Knoxx sa pinag-uusapan ng apat. Doon niya nalaman ang totoong dahilan kung bakit namumugto ang mga mata ni Nyxie. Nang dahil sa ginawa niya kahapon ay napagalitan ito ng ina at sinunog pa ang mga libro nito. Dapat talaga ay nag-isip muna siya ng maraming beses bago gumawa ng aksiyon. Sana, hindi na rin sila umabot pa sa ganitong sitwasyon. Nag-angat ng tingin si Knoxx at nabaling ang tingin kay Nyxie na nakayakap sa braso ni Addy, gano'n din kay Tan na kanina pa hindi binibitawan ang umiiyak na si Sab. Lihim siyang napangiti. Batid niya na malalim na ang pagkakaibigang nabuo ng mga ito. "Gumagabi na rin. Mauuna na ako," sabi ni Knoxx habang nakatingin sa kanyang relo. Malapit ng mag-alas otso ng gabi kaya paniguradong nag-aalala na rin ang Mama niya. "Hindi ka puwedeng umuwi. May ginawa kaming panata na kapag may problema ang isa ay kailangang damayan ng lahat. Kaibigan ka na rin namin ngayon kaya damay ka na rito," sabi ni Tan at nginitian siya nang abot-tainga. Tumango naman si Addy kaya napakamot na lamang si Knoxx sa kanyang batok. Hindi niya inaasahan na ituturing siya agad na kaibigan ng mga ito. "Addy, nakapagluto ka na ba? Baka gutom na itong dalawang alaga natin," tanong ni Tan. "Magluluto na sana ako kanina kaso biglang dumating si Sab. Kulang na rin ang stock ng pagkain ko kaya baka hindi na 'yon magkasya sa ating lima." "Ako ang bahala. Knoxx, samahan mo muna ako sa Grocery Store. Bibili muna tayo ng makakain. Addy, 'wag na 'wag mong iiwan itong dalawa, ah. Baka may magbigti sa mga 'yan. Pareho pa namang masama ang loob." "Ako ang bahala. Bumalik agad kayo." Tumango si Tan at hinila siya palabas ng bahay. Wala na ang sundo nito na naghatid sa kanila kanina kaya nagpasya si Tan na gamitin ang bisikleta ni Addy na nakasandal sa gilid ng pader. Nagbisikleta silang dalawa papunta sa Grocery Store. "Hindi ka ba magpapaalam sa inyo? Gaya ng sinabi ko kanina, hindi ka puwedeng umuwi," sabi ni Tan habang walang tigil sa paghakot ng mga natitipuhang pagkain papasok sa dala nilang cart. Gulay, prutas, karne, cup noodles, chips, drinks at kung anu-ano pa na sa tingin nito ay puwedeng makain. Sa dami ng mga hinakot nito ay puwede na itong magbukas ng maliit na tindahan. "May cell phone ka ba? Tatawag lang ako sa bahay," tanong ni Knoxx. "Wala ka bang cell phone?" "Iisa lang kasi ang cell phone sa bahay kaya iniiwan ko 'yon kay Mama. Mas marami kasing tumatawag sa kanya kaysa sa akin." "Gano'n ba. Sige, gamitin mo na muna itong cell phone ko." Nanlaki ang mga mata ni Knoxx nang makita ang cell phone na inabot ni Tan. Kumikinang ang mamahalin at bagong labas na modelo ng cell phone nito. Hindi niya napigilan ang mamangha. Gaano kaya kayaman ang pamilya ni Tan at sobrang mamahalin ang mga gamit nito? Ayon sa narinig niya kanina sa mga lalaking nakabangga nila sa Computer Shop ay anak daw ito ng pinakamayamang businessman sa kanilang Distrito. Posible kaya na anak ito ng mga Navarro? Maliban sa pamilyang iyon ay wala na siyang kilala na pinakamayamang pamilya sa kanilang lugar. "Tan, ano ba ang complete name mo?" "Timothy Andrei Navarro." Tama ang kanyang hula. Anak nga ito ng mga Navarro. Kahit kailan ay hindi niya naisip na makikilala niya ang isa sa mga pinakamayamang tao sa kanilang Distrito. Ang nakakagulat pa sa lahat dahil itinuturing siya na kaibigan ng taong ito. Umiling na lamang si Knoxx saka tinawagan ang kanyang ina. Nagpaalam siya na hindi makakauwi ngayong gabi at kahit nagalit ito dahil ngayon lamang siya tumawag ay hindi rin siya nito natiis at pumayag din sa huli. Nagbilin na lamang ito na umuwi siya ng maaga bukas para makapagpalit ng damit. "Ikaw? Hindi ka ba magpapaalam sa inyo?" tanong ni Knoxx nang ibinalik niya kay Tan ang cell phone nito. Ngumiti ang binata at itinulak ang cart papunta sa counter na agad niyang sinundan. "Nasa ibang bansa ang mga magulang ko at isang beses lang sa isang buwan kung umuwi kaya kanino naman ako magpapaalam? Walang magagalit kahit isang linggo pa akong hindi umuwi sa bahay," natatawa nitong sagot. Binayaran na nito ang lahat ng mga pinamili nila at nagpasyang bumalik sa bahay nina Addy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD