Chapter 20

1846 Words
NAGSIMULA ang elimination round. Bawat kalahok ay may kanya-kanyang kompyuter sa harapan. Magbibigay ng tanong ang host at lalabas sa kani-kanilang mga kompyuter ang mga pagpipilian. Bibigyan sila ng isang minutong palugit para kuwentahin at ibigay ang tamang sagot. Oras na tumunog ang buzzer ay kusang itatama ng system ang mga ibinigay nilang sagot. Dito malaman ang puntos na kanilang makukuha sa bawat sagot na kanilang ibibigay. Sampong tanong para sa unang round at lahat ng iyon ay naibigay ni Knoxx ang tamang sagot. Anim lamang silang nakapasok sa susunod na round at kasama na roon si Flynn. Nang makaalis sa entablado ang mga natalong kalahok ay agad na sinimulan ang susunod na round. Mas mahirap ang tanong kaysa kanina kaya dinagdagan ng kalahating minuto ang oras para sa kalkulasyon. Unti-unting nabawasan ang mga kalahok hanggang sa tatlo na lamang sila ang natira. Tulad sa Science Quiz Bee ay tatlong Akademiya ang natira sa gitna ng entablado; ang Northeast Academy, Eastville Academy at Westward Academy. Halos kalahating oras din silang naglaban-laban pero walang may nalagas hanggang sa makarating sa final round. Sa pagkakataong ito ay pinagbawalan na silang gumamit ng kahit na anong gamit sa pagkakalkula. Kailangan nilang ibigay ang tamang sagot sa tanong na itatapon sa bawat isa gamit lamang ang kanilang isipan. Isang tanong lamang bawat kalahok. Kapag naibigay nito ng tamang sagot ay makakakuha ito ng sampong puntos. Bibilangin lahat ng mga nakuha nitong puntos mula sa umpisa ng kompetisyon at ang may pinakamataas na puntos ang tatanggaling kampeon. Nagsimula ang final round at unang ibinigay ang tanong sa Northeast Academy. Muntik ng lumampas sa oras ang taga-Northeast pero naibigay pa rin nito ang tamang sagot sa tanong nito. Sumunod na si Knoxx. Mabilis ang naging paggalaw ng kanyang daliri habang kinakalkula ang tamang sagot sa ibabaw mismo ng kanyang mesa. Alam niyang napansin iyon ni Flynn dahil iyon ang madalas na gawin ni Knoxx tuwing nagkakaroon sila ng mga gawain sa Math gamit lamang ang kanilang isipan. Nagpatuloy sa paggalaw ang kanyang daliri hanggang sa nakuha niya ang tamang sagot. Agad siyang nagtipa sa kanyang kompyuter at bago pa tumunog ang buzzer ay naibigay na niya ang tamang sagot. Narinig niya ang palakpakan sa gilid. Dumako ang kanyang paningin sa audience area at agad na natanaw ang tatlong kaibigan na kumakaway sa kanya. Ngiti lang ang naiganti niya sa mga ito bago muling itinuon ang pansin sa harapan. Agad na dumako ang paningin ni Knoxx kay Flynn. Namumula sa galit ang pisngi nito habang nakatingin sa kanya. Dahil sa dagdag na sampong puntos na nakuha niya ngayon lamang ay batid niyang tagilid na si Flynn. Mas mataas ang mga nakuha niyang puntos kanina kaysa rito kaya kahit maibigay pa nito ang tamang sagot sa huling round ay talo pa rin ito. Halos hindi na makapag-focus si Flynn habang nakaharap sa kompyuter nito. Halatang nahihirapan ito sa nakuhang tanong. Dalawampung segundo bago tumunog ang buzzer ay tinapunan siya nito nang masamang tingin bago tumipa. Tumunog ang buzzer at halos magwala ito nang lumabas ang malaking ekis sa gitna ng board. Mali ang naibigay nitong sagot. Tinawag na ng host ang tatlong kalahok. Sa halip na lumapit ay mabilis na tumakbo palayo si Flynn. Bumaba ito ng entablado at dire-diretsong lumabas ng venue. Walang nagawa si Knoxx kundi ang sundan ito ng tingin. Inanunsyo na ang mga nanalo. Nakuha ng Westward Academy ang ikatlong puwesto, pumangalawa naman ang Northeast Academy at ang Eastville Academy ang tinaguriang kampeon sa Quiz Bee. Halos walang masidlan ang tuwang nararamdaman ni Knoxx habang hawak-hawak ang tropiyo. Sinalubong siya ng mga kaibigan pati na ni Teacher Kevin nang makababa siya sa entablado. “You made it! Ang galing ng ginawa mo, Knoxx!” tuwang-tuwang sabi ni Teacher Kevin. “Salamat, Sir Kevin. Dahil din po ito sa inyo. Kung hindi po kayo naging matiyaga na tulungan ako sa pagre-review, baka hindi rin po ako nanalo. Thank you, Sir,” nakangiting ganti niya sa guro. “Another achievement na naman para sa Eastville. Salamat sa pag-uwi ng tropiyo, Knoxx.” “Salamat, Addy.” “Ang galing-galing mo talaga, Knoxx. Dahil d’yan, ililibre ko kayo!” Sabay-sabay silang naghiyawan sa sinabi ni Tan. Nagyaya na agad itong umalis kaya pinauna na sila ni Teacher Kevin. May dadaanan daw muna ito saglit pero susunod din agad ito sa kanila. Lulan ng sasakyan ni Tan ay tumungo sila sa Luxurious Hotel. Kilala ang Hotel bilang isa sa pinakamagarang Hotel sa kanilang lugar. Karamihan sa mga pumapasok sa lugar ay mga kilalang personalidad sa kanilang Distrito tulad na lamang ng pamilya ni Tan. “Tan, puwede naman tayong kumain sa fast-food chain lang. Parang ang sosyal naman dito masyado,” bulong ni Knoxx habang papasok sila sa loob ng Hotel. Agaw-pansin ang mga mayayamang personalidad na kumakain sa lugar. “Ano ka ba, malaking achievement kaya ang ginawa n’yong dalawa ni Addy.” “Oo nga, Knoxx. Minsan lang naman ‘to kaya hayaan mo na,” nakangiting sabi ni Nyxie. Napagpasyahan nilang maupo malapit sa pinto upang makita sila agad ni Teacher Kevin oras na dumating na ito. Lumapit ang waiter at agad na nag-abot ng menu. Si Tan na ang pinag-order ni Knoxx dahil wala siyang alam sa mga pagkain na hinahain ng mga ito. “Tapos na ang contest n’yo. Tatawagan ko ulit mamaya ang mga contact ko upang itanong kung may balita na sila sa Papa ni Knoxx. Kapag mayro’n na, hanapin na agad natin siya,” sabi ni Tan habang nasa gitna ng pagkain. “Salamat, Tan. Malaking tulong talaga kayo sa paghahanap ko sa Papa ko,” sabi ni Knoxx. “Magkakaibigan tayo rito, Knoxx. Anuman ang mangyari, tutulungan ka namin na mahanap ang Papa mo,” wika ni Addy. Ngumiti si Knoxx saka nagpasalamat sa mga kaibigan. “Guys, nag-text si Sir Kevin. Hindi raw siya makakapunta rito. Nagka-emergency raw kasi,” sabi ni Tan habang nakatingin sa cell phone nito. “Sayang naman,” nanghihinayang na sambit ni Sab. “Ano’ng gusto n’yong gawin pagkatapos nito? Mag-unwind tayo,” pagyayaya ni Tan. “Maligo tayo sa pool n’yo,” suhestiyon ni Nyxie. Nagkatinginan sila at sabay-sabay na tumango. Makalipas ang mahigit kalahating oras na pananatili sa Hotel ay nagpasya na rin silang umuwi. Pasado alas tres pa lang ng hapon kaya nagkayayaan silang pumunta na agad sa bahay nina Tan para mag-swimming. Dumaan lang sila saglit sa Mall dahil gustong mamili nina Nyxie at Sab ng mga damit na gagamitin sa pagsu-swimming. Pagdating sa bahay nina Tan ay agad na dumeretso sa kuwarto ng kaibigan sina Knoxx at Addy. Nagbigay ng swimming trunks si Tan na agad naman nilang isinuot ni Addy. “Woah, Knoxx. Grabe, ang laki ng muscles mo sa katawan. Tingnan mo kaming dalawa ni Addy, puro mantika lang ang mayro’n.” Tinitigan ni Knoxx ang kanyang katawan, gano’n din ang kina Tan at Addy. Nakamot niya ang kanyang batok. Tama nga ito, malayong-malayo nga ang hugis ng kanyang katawan kaysa sa mga ito. “Ano’ng ginagawa mo para ma-achieve ang gan’yang katawan? Bigyan mo naman kami ng tips,” nakangiting sabi ni Tan saka siya inakbayan. “Oo nga, Knoxx. Ano’ng sikreto mo?” tanong naman ni Addy at inakbayan din siya sa kabilang balikat. Inipit siya ng dalawa at kahit mas malaki siya kaysa sa mga ito ay nahirapan siyang gumalaw. “Wala naman akong sikreto. Basta, mga gawaing bahay lang. Pag-iigib, pagsisibak ng kahoy, pag-aayos ng mga sira sa bahay. Mga gano’ng bagay.” “Workout? Nag wo-workout ka ba?” tanong ulit ni Tan. “Tuwing weekend. Kaunting exercise lang.” Nagkatinginan sina Tan at Addy sa sinabi niya. “Addy, papayag ka ba na masapawan tayo ni Knoxx pagdating sa kakisigan?” Umiling si Addy. “Hinding-hindi.” Sabay na napangisi ang dalawa kaya naipilig ni Knoxx ang kanyang ulo. Hindi niya alam kung ano ba ang tumatakbo sa isipan ng dalawa. “Tara, Addy!” Hindi napigilan ni Knoxx ang matawa nang makitang sabay na dumapa ang dalawa at nag-unahan sa pag push-up. Napailing siya at naupo sa gilid ng kama habang pinapanood ang mga ito. “Ano’ng ginagawa n’yo?” Sabay silang napalingon nang marinig ang pagbukas ng pinto. Nawalan ng balanse si Tan at malakas na bumagsak sa sahig nang makita ang nakatayong si Sab. Sabay namang napatayo nang tuwid sina Knoxx at Addy na wari’y mga sundalo sa ayos ng mga ito. “Bakit nandito pa kayo? Kanina pa kaya kami naghihintay sa ibaba,” asik ni Nyxie. Pareho silang natahimik at saglit na nagkatinginan. Hindi sinasadyang nabaling ang tingin ni Knoxx kay Nyxie. Nakasuot ito ng kulay itim na sleeveless at maikling shorts. Lantad ang maliliit nitong mga braso at mahabang paa. Pareho lang ang suot ng dalawang babae pero mas nakukuha ni Nyxie ang kanyang atensiyon. Mas gusto niya itong titigan. “Knoxx, ang laki ng katawan mo,” manghang sabi ni Sab. Mabilis na tumayo si Tan at agad na tinakpan ang mga mata ng babae. Pareho silang natawa si Addy sa ginawa ng kaibigan. “Huwag mo siyang titigan, Sab. Payatot kaya ‘yan. Mas sexy pa ako r’yan, eh,” nakabusangot na sabi ni Tan bago itulak ang babae palabas ng silid. “Nyxie,” sabay nilang tawag ni Addy. Nagkatinginan silang dalawa at kapagkuwan ay napangiti. “Mauna ka na, Nyxie. Sabay na lang kaming dalawa ni Knoxx.” Tumango si Knoxx. “Okay. Para rin kayong sina Tan at Sab. Baka mamaya niyan, maging magjowa na kayong dalawa,” hirit ni Nyxie bago lumabas ng silid. Muling nagkatinginan sina Knoxx at Addy. “Knoxx, may gusto ka ba kay Nyxie?” Natigilan si Knoxx at agad na nabaling ang tingin kay Addy. Seryoso ang mukha nitong nakatingin sa kanya kaya alam niyang hindi ito nagbibiro. Huminga ng malalim si Knoxx saka kinapa ang damdamin para kay Nyxie. Aaminin niyang may kakaiba itong impact sa kanya pero hindi siya sigurado kung ano ang tawag sa nararamdaman niyang iyon. Masaya siya tuwing kasama niya ito. Kapag hindi naman niya ito kasama ay palagi niyang hinahanap-hanap. Wari’y hindi kompleto ang araw niya kapag hindi ito nakikita ng kanyang paningin. Sapat na ba ang nararamdaman niyang iyon para masabing may gusto na siya rito? “Gustong-gusto ko si Nyxie. Bata pa lang kami, gusto ko na siya.” “Addy—” “Alam kong may nararamdaman ka rin para sa kanya. Kahit hindi mo sabihin, nakikita ko ‘yon sa mga kilos mo. Knoxx, hindi ko gusto na si Nyxie ang magiging dahilan para sumama ang loob natin sa isa’t isa. Kaya mangako ka sa ‘kin. Sinuman sa atin ang magugustuhan niya, tatanggapin nating pareho ang desisyon niyang ‘yon. Walang samaan ng loob, okay?” Naglahad ito ng kamay at matagal iyong tinitigan ni Knoxx. Mayamaya pa ay ngumiti siya at inabot ang kamay nito. “Walang samaan ng loob,” sagot niya at nakipagkamay rito. Sabay silang ngumiti ni Addy at nagpasyang lumabas ng silid. Tumungo sila sa pool area kung saan naghihintay ang tatlong kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD