Chapter 19

1872 Words
NANATILING tahimik si Knoxx habang pinapanood si Addy na kasalukuyang nasa gitna ng entablado. Tapos na ang elimination round para sa Science Quiz Bee at isa ang kaibigan sa mga nakapasok sa susunod na round. Mamaya pa gaganapin ang Math Quiz Bee kaya may oras pa si Knoxx para maghanda. Ngunit sa halip na mag-relax ay naging ukopado ang kanyang isipan ng mga sinabi ni Flynn kanina. Flynn Ramos, dating kaklase ni Knoxx si Westward Academy. Mayaman ang pamilya nito at ito mismo ang anak ng Principal ng kanilang eskuwelahan. Itinuturing siya na mortal na kaaway ni Flynn dahil mas magaling siya sa klase kumpara rito. Mas lalo pang lumaki ang galit ni Flynn sa kanya nang mailuklok siya ng mga kaklase na tumakbo bilang Student Council President sa Westward Academy. Naging kalaban niya si Flynn sa posisyon at bagaman tahimik ito noong una, ngunit nang palapit na ang araw ng eleksiyon at nakikita nitong tagilid ito laban sa kanya ay nagsimula na ang mga pananakot nito. Gusto ni Flynn na mag back out siya at ibigay rito ang posisyon. Ngunit dahil alam ni Knoxx na isa si Flynn sa mga kilalang bully sa kanilang eskuwelahan ay mas lalo siyang naging pursigido na manalo. Ngunit dahil makapangyarihan at may pera ay gumawa ng paraan si Flynn para siraan siya. Wala siyang nagawa noon at hindi kalaunan ay binitawan rin ang posisyon. Sunod niyang inayos ang kanyang mga dokumento at nagpaalam na lilipat na lamang ng ibang eskuwelahan. Sa totoo lang ay walang ginawang mali si Knoxx noon. Hindi siya umalis sa Westward Academy dahil guilty siya sa mga bagay na ibinibintang sa kanya kundi dahil hindi na rin niya kinaya pa ang mga ginagawa ni Fynn. Masyado ng masikip ang Westward Academy para sa kanilang dalawa. Ngayon na muling nagkrus ang kanilang mga landas ay hindi makapaniwala si Knoxx na ginagamit ulit ni Flynn ang mga hawak na alas noon laban sa kanya. Nais nitong magpatalo siya sa kompetisyon. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Knoxx bago muling ibinaling ang tingin sa gitna ng entablado. Mukhang matatagalan pa bago matapos ang Science Quiz Bee kaya nagpasya muna siyang pumunta sa banyo. Naghuhugas na ng kamay si Knoxx nang biglang matigilan dahil sa pagpasok ni Flynn sa loob ng banyo. Ipinagpatuloy niya ang kanyang ginagawa at hindi na lamang ito pinansin. Nang matapos ay agad siyang tumungo sa pinto. “Sandali.” Tumigil si Knoxx sa paglalakad saka nilingon ang nagsalitang si Flynn. Ayaw niyang maging bastos kaya kahit hindi niya ito gustong kausapin ay wala siyang pagpipilian. “Ipapaalala ko lang ang usapan natin kanina, Knoxx. Kapag hindi ka nagpatalo sa Quiz Bee, mapipilitan akong ilabas ang baho mo. Kakalat sa buong Eastville ang mga ginawa mo noo—” “Bakit hindi ka na lang lumaban ng patas, Flynn? ‘Wag mong sabihin na hanggang ngayon ay natatakot ka pa rin sa ‘kin? Takot kang matalo, tama?” seryosong tanong niya. Namilog ang mga mata nito at bahagyang namula ang magkabilang pisngi. “Ano’ng sabi mo? Ako? Matatakot sa isang basurang katulad mo? Nagpapatawa ka ba, Knoxx?” “Kung gano’n—” “Ano’ng sabi mo?! Tinawag mong basura ang kaibigan ko?!” Sabay na napalingon sina Knoxx at Flynn nang marinig ang malakas na sigaw na umalingawngaw sa buong banyo. Mula sa loob ng cubicle ay lumabas ang seryosong mukha ni Tan. Lumapit ito sa kanilang dalawa at pinasadahan ng tingin si Flynn mula ulo hanggang paa. “Tan,” awat ni Knoxx sa kaibigan nang mas lalong tumalim ang paningin nito. Alam niyang nagalit ito sa mga narinig. Hindi lang siya sanay na ganito ito lalo na’t madalas niyang nakikitang nakangiti at masaya si Tan. “Huwag na huwag mong tatawaging basura si Knoxx. Hindi siya basura, kaibigan ko siya!” tiim ang bagang na sabi nito. Nakita niyang natulala si Flynn habang nakatingin sa mukha ng kaibigan. Marahil ay nakilala nito si Tan. “Anak ka ng mga Navarro, ‘di ba? ‘Yong pinakamayamang pamilya sa buong Distrito?” hindi makapaniwalang tanong nito. Sa halip na sumagot ay mas lalong nandilim ang mukha ni Tan kaya muli itong pinakalma ni Knoxx. Hindi niya gustong mag-away pa ang mga ito nang dahil sa kanya. “Ako si Flynn Ramos. Mayaman din ang pamilya ko. I guess, mas magkakaintindihan tayong dalawa since pareho ang mundong ginagalawan natin,” pakilala ni Flynn at naglahad ng kamay. Hindi ito tinanggap ni Tan kaya alanganin itong ngumiti. “Alam mo ba kung ano ang mga ginawa ni Knoxx noon sa Westward kaya siya lumipat ng eskuwelahan? Kung inaakala mong matino ang isang ‘yan, d’yan ka nagkakamali. Hayaan mong ipaliwanag ko ang lahat,” nakangising wika ni Flynn bago inilabas ang cell phone nito. Inabot nito sa kaibigan at hindi napigilan ni Knoxx ang mapailing nang muling masilip ang mga pinaggagawa ni Flynn sa kanya noon. “Bago ang araw ng eksaminasyon ay nakita mismo sa loob ng bag ni Knoxx ang mga test questionnaires na gagamitin para sa final examination. Ninakaw niya ang mga ‘yon sa Principal’s Office dahil gusto niyang maging top one sa klase,” paliwanag nito. Hindi totoong ginawa iyon ni Knoxx. Sa kanilang dalawa ni Flynn, mas may potential ito na makuha ang mga test questionnaires dahil madalas itong namamalagi sa Principal’s Office. Alam niyang si Flynn ang totoong mastermind at pinagbintangan lamang siya nito upang siraan sa lahat. Batid din niya na palihim nitong ipinasok ang mga test questionnaires sa kanyang bag at ito pa mismo ang nagsumbong sa kanilang guro. Nang lumabas ang issue na ‘yon tungkol sa kanya ay sinubukan niyang magpaliwanag ngunit dahil nasa panig nito ang ama na kasalukuyang Punong-guro ng eskuwelahan ay mas lalo lamang siyang nadiin. May mga nagalit noon sa mga nangyari pero mayro’n ding naniwala na hindi niya iyon ginawa. Paulit-ulit na ginamit ni Flynn na pananakot sa kanya ang mga nangyari noon hanggang sa dumating sa puntong naapektuhan na ang kanyang pag-aaral. Dahil dito ay kinausap niya ang ina at hininging lumipat na lamang sa ibang eskuwelahan. “Nagkakamali ka kung inaakala mong malinis ‘yang si Knoxx. Sa totoo lang, marami pa ‘yang mga tinatagong bah—” “Bobo lang ang maniniwala sa mga sinasabi mo. Bakit naman nanakawin ni Knoxx ang mga test questionnaires gayong kayang-kaya naman niyang ipasa ang exam kahit nakapikit?” walang ganang tanong ni Tan. Bakas sa mukha ng kaibigan ang bagot habang nakikinig sa mga sinasabi ni Flynn. “Dahil ganid siya! Gusto niyang maging number one!” galit na galit na sagot nito bago siya dinuro. “Look, wala akong pakialam sa mga sinasabi mo. Hindi ganid si Knoxx at alam ko ‘yon. Ang totoo, siya ang naging dahilan kung bakit naipasa ko lahat ng exam ko nitong semester. Tinulungan niya kami kaya hindi ganid ang tawag doon. Alam mo, mabuti ring ipinakita mo sa akin ‘tong video mo.” Tumigil si Tan sa pagsasalita. Gumalaw ang daliri nito at isang pindot lamang ay nagawa nitong burahin ang lahat ng mga hawak na alas ni Flynn laban sa kanya. “Tan,” gulat na sambit ni Knoxx. Hindi niya akalaing gagawin ‘yon ng kaibigan. “Ano’ng ginawa mo?!” bulalas naman ni Flynn at agad na hinablot ang cell phone na hawak ni Tan. Mas lalo itong namula sa galit nang malamang ubos na lahat ng mga ebidensya nito. “Wala kang karapatang utusan si Knoxx na magpatalo sa Quiz Bee. Hindi mo alam kung gaano niya pinaghirapan ang pagre-review. Kung takot kang matalo, dapat nag-aral ka nang mabuti, hindi ‘yong mananakot ka o kaya ay gamitin ang kahinaan ng iba para lang makuha ang gusto mo.” Matagal na natahimik si Flynn. Alam niyang napahiya ito sa mga sinabi ni Tan. Pero tama naman ang kaibigan, mali na maghangad itong manalo sa maling pamamaraan. Kung tutuusin, kayang-kaya namang manalo ni Flynn sa mabuting paraan. Alam niyang matalino ito at malaki ang potensyal. Nagkataon lang na mali ang paraan nito para umangat sa iba. “Mukhang marami ka na ring mga natutunan, Knoxx. Maganda ‘yan. Ngayon pa lang, maghanap ka ng makakapitan mo dahil hindi pa rito magtatapos ang lahat. May araw ka rin sa akin, Knoxx. Babalikan kita at sisiguraduhin ko na pagsisisihan mong nakilala mo pa ako.” Umigting ang panga nito bago sila tinalikuran. Nagmadali itong lumabas ng banyo. “Okay ka lang ba?” Agad na tumango si Knoxx sa tanong ni Tan. Inakbayan niya ito at inakay palabas. Kailangan na rin nilang bumalik sa venue dahil anumang oras ay magsisimula na ang Math Quiz Bee. “Salamat sa ginawa mo, Tan.” “Ano ka ba? Wala ‘yon. ‘Wag mo ng isipin ang sinabi ng isang ‘yon. Galingan mo sa Quiz Bee. Kapag may ginawa ang Flynn na ‘yon sa ‘yo, ako mismo ang makakalaban ng lalaking ‘yon,” nangigigil na sabi ni Tan. Saktong pagbalik ni Knoxx sa back stage ay narinig niya ang anunsyong magsisimula na ang Math Quiz Bee. Mayamaya pa ay naramdaman niya ang paglapit ni Teacher Kevin sa kinatatayuan niya. “Saan ka nanggaling? Kanina pa kita hinahanap,” tanong ng guro. “Sa banyo lang po, Sir Kevin. Pasensiya na po kung hindi ako nagpaalam,” sagot niya. “Huwag kang kabahan. Anuman ang magiging resulta ng Quiz Bee, achievement pa rin ‘yon para sa buong Eastville,” sagot nito at mahina siyang tinapik sa balikat. Tumango si Knoxx at nagpasalamat sa guro. Inanunsyo na ang mga nanalo sa Science Quiz Bee at pumangalawa si Addy. Nakuha ng Northeast Academy ang unang puwesto at pangatlo naman ang Westward. Hindi na niya pinagtuunan ng pansin ang iba pang nanalo at agad na sinalubong si Addy. Malawak ang ngiti nitong lumapit sa kanilang dalawa ni Teacher Kevin. Isang malalim at mahabang paghinga ang pinakawalan ng kaibigan. “Ang galing ng ginawa mo, Addy. Congrats,” bati niya rito. “Ikaw na ang sunod, Knoxx. Galingan mo,” nakangiting sabi ni Addy saka siya mahinang tinapik sa balikat. Tumango si Knoxx at nang tawagin na ang mga kalahok para sa Math Quiz Bee ay muli niyang tinapunan ng tingin ang guro pati na ang kaibigan. “Kaya mo ‘yan, Knoxx. ‘Wag kang kabahan,” wika ni Teacher Kevin. “Nandito lang kami sa likuran mo. Susuportahan ka namin,” sambit naman ni Addy. Nagpakawala ng malalim na paghinga si Knoxx bago naglakad papunta sa gitna ng entablado. Naupo siya sa upuan na ginamit ni Addy kanina kung saan nakalagay sa harapan ang pangalan ng Eastville Academy. Hindi sinasadyang nabaling ang tingin niya kay Flynn na nagkataong nakatingin din sa kanya. Masama pa rin ang timpla ng mukha nito pero hindi na lamang niya ito pinansin. Gagawin ni Knoxx ang makakaya niya para maiuwi ang tropiyo. Marami ang umaasa sa kanya, ang Mama niya, si Teacher Kevin, ang mga kaibigan niya pati na ang buong Class 4C. Hindi niya puwedeng biguin ang mga ito. Sa pagkakataong ito ay hinding-hindi na siya magpapatalo pa kay Flynn. Lalo na ngayon na mayro’n na siyang malakas na armas na wala ito, mga kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD