Chapter 21

1800 Words
NAALIMPUNGATAN si Knoxx nang marinig ang pagtunog ng alarm clock na nakapatong sa ibabaw ng side table. Nakapikit ang mga matang inabot niya ito at agad na pinatay. Sa halip na bumangon ay bumalik siya sa pagkakahiga. Wala pa ring pasok kaya kahit maglaan pa siya ng ilang oras sa ibabaw ng kama ay walang problema. Tatlong araw ang lumipas matapos ang nangyaring Quiz Bee. Maliban sa pagsu-swimming ay nag-slumber party rin sila sa bahay nina Tan. Masayang-masaya ang araw na ‘yon para kay Knoxx. Hindi lang siya nag-enjoy, ramdam din niya kung gaano siya kasuwerte na nagkaroon ng mga kaibigan. Halos sampung minuto ring nakahilata sa ibabaw ng kama si Knoxx nang marinig ang pagtunog ang kanyang cell phone na nakapatong sa kanyang tabi. Nagpasya siyang bumangon at saglit na humikab bago ito inabot. “Hello?” “Knoxx, good news ako. May nakuha na akong impormasyon tungkol sa Papa mo. Ayon sa mga source ko, nasa kabilang Bayan lang daw siya. Maghanda ka na, dadaanan kita r’yan. Pupuntahan natin ang Papa mo.” Parang tinakasan ng antok si Knoxx sa narinig. Biglang bumilis sa pagtibok ang kanyang puso at halos hindi mahagilap ang isasagot sa kaibigan. “O-oo, Tan. S-salamat,” tanging naisambit niya at mabilis na tumalon pababa ng kama. Nagmadali siyang lumabas ng kuwarto at dire-diretsong pumasok sa loob ng banyo. Halos limang minuto lang siyang nagbabad sa tubig at agad na lumabas. Sobrang bilis ng mga kilos niya. Mabuti na lang at nakaalis na papuntang trabaho ang Mama niya kaya hindi nito nakita kung paano siya mataranta. Hindi na hinintay pa ni Knoxx ang pagdating ni Tan at agad na umalis ng bahay. Nag-abang siya sa labasan at nang matanaw ang paparating nitong sasakyan ay mas lalong lumawak ang kanyang pagkakangiti. Masayang-masaya siya dahil sa wakas ay makikita na rin niya ang kanyang ama na buong buhay niyang hindi nakasama. Pakiramdam niya ay isa sa mga pangarap niya ang matutupad ngayong araw. “Knoxx!” Tulad niya ay masigla rin ang awra ni Tan na sumalubong sa kanya. Binati niya ito pabalik at agad na pumasok sa loob ng sasakyan. “Excited na akong makita ang Papa mo!” “Ako rin, Tan. Salamat sa tulong mo. Kung hindi dahil sa ‘yo, baka hindi ko rin mahahanap ang Papa ko,” nakangiti niyang sagot. “Wala ‘yon. Daanan muna natin ang iba. Tinawagan ko na sila kanina at inaabangan na raw ang pagdating natin. Excited din ang mga ‘yon.” Tumango si Knoxx at itinuon ang pansin sa labas ng bintana. Una nilang dinaanan sina Addy at Nyxie na nakaabang na sa harapan ng bahay ng mga ito. “Knoxx, mukhang magkikita na rin kayo ng Papa mo,” bulong ni Nyxie nang makaupo sa kanyang tabi. Maganda ang ngiti ng dalaga kaya hindi niya napigilan ang mapangiti. “Oo nga, salamat kasi sumama kayo,” aniya. Nagpatuloy sila sa biyahe. Sunod nilang dinaanan si Sab na nakaabang sa bus stop. Nang makumpleto silang lima ay agad nilang tinahak ang direksyon na ibinigay ng source ni Tan. Mabuti na lang at hindi kalayuan ang lugar kaya nakarating din agad sila roon. “Ito na ba ‘yon?” tanong ni Addy habang iginagala ang paningin sa buong lugar. Maliit lang ang lugar at masikip din ang eskinita papasok. Kapansin-pansin naman ang mga maangas na lalaki na nakatambay sa gilid. Umagang-umaga pero may mga hawak na bote ang mga ito, halatang lango na sa alak. “Knoxx.” Nabaling ang tingin ni Knoxx kay Nyxie nang maramdaman ang kamay nito na kumapit sa kanyang braso. Nagsumiksik ang dalaga sa kanyang tabi kaya tinapunan niya ng tingin si Addy na nagkataong nakatingin din sa kanilang dalawa. Napansin din niya ang pagkapit ni Sab kay Tan. Halatang takot na takot ang dalawang babae sa lugar na napuntahan nila. Bitbit si Nyxie ay naunang naglakad si Knoxx, sumunod sina Tan at Sab at nahuli naman si Addy. Habang papasok ng eskinita ay kapansin-pansin ang mga tingin na ipinupukol sa kanila. Ipinagpatuloy ni Knoxx ang paglalakad nang biglang matigilan dahil sa biglang pagharang ng tatlong maangas na lalaki. Parehong nakahubad ang mga lalaki at may mga tatu sa katawan. “Saan ang punta n’yo?” tanong ng isa sa mga ito. Nagkatinginan silang lima. “Hinahanap namin si Billy Galvez. May natanggap kasi kaming impormasyon na sa lugar na ‘to raw siya nakatira,” sagot ni Tan. “Tama, taga-rito nga siya. Hahayaan namin kaming magpatuloy pero sa isang kondisyon,” sabat naman ng isa pa. “Anong kondisyon?” tanong ni Addy. Ngumisi ang mga lalaki at sabay-sabay na nabaling ang tingin kay Nyxie na mahigpit pa rin na nakakapit kay Knoxx. “Iwan n’yo sa amin ang isa n’yong kasama. Kapag tapos na kayo kay Billy ay saka n’yo na siya makukuha sa amin.” Kumuyom ang mga kamay ni Knoxx sa narinig. Inusog niya nang kaunti si Nyxie at bahagyang itinago sa kanyang likuran. Napansin ‘yon ng mga lalaki kaya tumalim ang tingin ng mga ito. “Bakit? Ayaw n’yo? Simple lang naman ang gusto namin. Iwan n’yo ang magandang babaeng kasama n’yo at puwede na kayong tumuloy kay Billy. O, baka naman, naghahanap kayo ng sakit ng katawan.” Agad na kumilos sina Tan at Addy para pumosisyon. Nakatalikod silang tatlo sa isa’t isa habang pinoprotektahan ang dalawang babae. “Knoxx, may plano ka ba?” bulong ni Tan. Muli silang napaurong nang makita ang paglabas ng ilan pang kalalakihan saka sila mabilis na pinalibutan. Humigpit ang pagkakakuyom ng mga kamao ni Knoxx. Sa dami ng mga ito, paniguradong hindi na sila makakatakas pa. “Ano? Ibibigay n’yo ba ang babae o magkakagulo tayo rito?” “Wala kaming ibibigay na kahit na sino sa inyo!” matigas na wika ni Tan. Ngumisi ang lalaki at inutusan ang mga kasama na sugurin sila. Napasigaw sina Nyxie at Sab nang makita ang paglapit ng mga lalaki. Hinanda ni Knoxx ang kanyang sarili. Anuman ang mangyari, kailangan niyang protektahan ang mga kaibigan. “Tigil!” Hindi natuloy ang pagsugod ng mga lalaki nang marinig ang sigaw ng isa pang lalaki. Sabay-sabay na dumako ang paningin nila sa harapan. Nakatayo roon ang isang matandang lalaki na kung pagbabasihan ang itsura at tindig ay nasa singkuwenta na ang edad. “Oska, ano na naman itong gulong pinasok n’yo?! Nakikita n’yo ba ang mga ‘yan?! Puro mga bata ‘yan! Pati mga bata talaga ay kailangan n’yong patulan!” Dumagundong ang boses nito na naging dahilan para matahimik ang mga lalaki. Nagsimula na ring lisanin ng iba sa mga kasamahan nito ang lugar kaya kahit papaano ay nakahinga nang maluwag si Knoxx, gano’n din ang mga kaibigan niya. “Pasensiya na, Boss,” tanging naisagot ng lalaking nagngangalang Oska bago sinenyasan ang mga kasama na umalis na. “At kayo naman! Ano’ng kailangan n’yo sa lugar na ‘to?! Sa susunod na pumunta kayo rito, ‘wag na ‘wag kayong magsasama ng mga babae lalo na kung magaganda!” sigaw nito. “Pasensiya na po pero hinahanap lang po namin si Billy Galvez. Alam n’yo po ba kung saan siya rito nakatira?” tanong ni Addy. “Oh? Hinahanap n’yo si Billy? Tara, samahan ko na kayo. Baka hindi na kayo makalabas pa nang buhay rito,” sabi ng matanda na agad nilang sinundan. “Thank you po sa pagtulong n’yo sa amin. Bakit nga po pala Boss ang tawag nila sa inyo? Kayo po ba ang—” “Boss ang pangalan ko. Boss Del Pilar. Isa akong dating pulis na ang hangarin ay panatilihin ang kaayusan dito sa lugar namin. Kaya ‘wag kayong matakot. Hangga’t kasama n’yo ako, magiging ligtas kayo sa lugar na ‘to. Ito ang bahay ni Billy. Halikayo sa loob.” Natigilan si Knoxx at pinagmasdan ang buong lugar. Kung maliit ang bahay nila ay mas maliit ang bahay nito. “Kinakabahan ka ba? ‘Wag kang kabahan. Nandito lang kami para sa ‘yo,” sabi ni Addy saka siya tinapik sa balikat. “Pasensiya na kayo sa mga nangyari. Nang dahil sa akin, muntik na kayong mapahama—” “Ano ka ba naman, Knoxx. Hindi ito ang tamang panahon para d’yan. Sige na, pumasok ka na. Hinihintay ka na ng Papa mo,” putol ni Tan sa sasabihin niya. “Tama si Tan, Knoxx. Hindi mo kailangang humingi ng tawad. Walang may gusto sa mga nangyari. Ang isipin mo na lang sa ngayon ay ang Papa mo na naghihintay sa ‘yo,” nakangiting sabi naman ni Sab. Tumango si Knoxx at nauna ng pumasok sa loob ng maliit na bahay. Bumungad sa kanila ang isang matandang lalaki na nakahiga sa kama at halos hindi na makagalaw pa. Tulala na rin ito at hirap ng magsalita. “Ito si Billy. Mahigit otsenta na ang edad niya at mag-isang inaalagaan ng pamangkin niyang si Linda. Bakit n’yo nga pala hinahanap si Billy? Ano ba ang kailangan n’yo sa kanya?” Sabay-sabay silang nagkatinginan sa sinabi ni Manong Boss. Dinukot ni Knoxx ang litrato ng ama na nasa loob ng bulsa ng kanyang pantalon. Pinagmasdan niya ito, gano’n din ang lalaking nakahiga. Walang pagkakahawig ang dalawa kaya alam niyang hindi ito ang taong hinahanap nila. “Ah, kasi po itong kaibigan namin ay hinahanap si Billy Galvez, ang Papa niya,” sagot ni Tan. “Imposible ‘yang sinasabi n’yo. Isinilang na may espesyal na kondisyon itong si Billy. Hindi ito kailanman nakalabas dito sa bahay nila kaya imposibleng mayro’n itong anak,” paliwanag ni Boss. “Tan.” “Hindi ko alam. Ang sabi kasi ng source ko, may taong nagngangalang Billy Galvez daw ang nakatira dito.” “Mga bata, maraming Billy Galvez ang nabubuhay sa mundo. Baka nagkamali lang kayo ng pinuntahan. Kilala ko itong si Billy, alam kong wala itong naging karelasyon noon.” “Knoxx.” “Pasensiya na rin po sa abala. Mukhang mali nga po ang taong napuntahan namin.” Yumuko si Knoxx at agad na nagpaalam. Nauna na siyang lumabas na agad na sinundan ng apat. “Knoxx, sorry. Hindi ko alam na ibang Billy Galvez pala ang nakatira dito. Kasalanan ko ‘to—” “Wala kang kasalanan, Tan. Ang mahalaga, sinubukan nating maghanap. Tama si Manong Boss, marami ngang Billy Galvez sa mundo at kung kinakailangan na isa-isahin ko silang lahat mahanap ko lang ang Papa ko ay gagawin ko.” “At kasama mo kami sa paghahanap mo, Knoxx. Walang iwanan,” nakangiting sabi ni Addy saka siya inakbayan. “Tama si Addy, hinding-hindi ka namin iiwan, Knoxx,” sambit naman ni Nyxie. Tumango sina Tan at Sab kaya napangiti si Knoxx. Nagpasalamat siya sa mga ito at niyayang lisanin na ang lugar.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD