Chapter 6

1849 Words
HINDI napigilan ni Knoxx ang mapangiti habang pinapakinggan ang pag-awit ni Tan. Kasalukuyan na silang pabalik sa bahay nina Addy at hindi niya maipagkakailang labis itong nalilibang sa pag bi-bisikleta. Malakas ang boses nito at halos lahat na nadadaanan nila ay napapatingin sa kanilang gawi. Pero hindi iyon alintana ng kaibigan, ang mahalaga ay masaya ito. Tumigil si Knoxx sa pag bi-bisikleta nang biglang huminto si Tan sa gilid ng isang Ice Cream Shop. Akala niya ay bibili ito ng ice cream, pero nagtaka siya nang maglabas ito ng dalawang pack ng biskuwit, isang loaf ng tinapay at dalawang mineral water mula sa mga pinamili nila. Bumaba ito sa bisikleta at lumapit sa dalawang pulubi na nakahiga sa gilid ng Shop. Inabot nito ang mga nakuhang pagkain at saglit pang nakipag-kuwentuhan. Hindi napigilan ni Knoxx ang mapangiti habang pinapanood ito. Hindi niya akalain na may ganitong klase ng ugali si Tan. Kahit anak-mayaman ito ay mayro'n pa rin itong busilak na puso. Masaya siya at naging kaibigan niya ito. Nagpatuloy na sila sa pag bi-bisikleta hanggang sa makarating sila sa bahay nina Addy. Naghanda na rin sa pagluto si Addy kaya tinulungan na ito ni Knoxx. Naiwan naman si Tan sa living room at binantayan ang dalawang babae. "Gaano na ba kayo katagal na magkaibigan?" tanong ni Knoxx habang abala sa paghihiwa ng mga sangkap para sa chicken curry na ni-request ni Nyxie. "Matagal na rin. Siguro, mahigit tatlong taon na rin. Nasa iisang school kasi kami noong Elementary. Magkakilala na kami noon pa man pero hindi pa kami gano'n ka-close. Noong first year High School lang talaga kami naging malapit sa isa't isa," pagkukuwento nito. "Antagal niyo na palang magkaibigan. Siguro, kilalang-kilala niyo na ang isa't isa. Sa tagal ba naman ng pinagsamahan niyo. Eh, kayong dalawa ni Nyxie? Kailan kayo naging malapit sa isa't isa? Halata kasi na mas close kayong dalawa kaysa kina Tan at Sab." "Kindergarten pa lang ay magkakilala na kaming dalawa ni Nyxie. Lumipat kasi kami rito sa lugar nila noong pitong taong gulang pa lamang ako. Nagkataong puro matatanda ang mga kapitbahay namin at kaming dalawa lamang ang magkasing-edad kaya kami naging magkaibigan." Tumango si Knoxx at inabot kay Addy ang mga nahiwang sangkap. Nagsimula na itong magluto kaya sunod na hinanda ni Knoxx ang lulutuing gulay. Hinugasan niya ang mga ito at hiniwa ayon sa angkop na laki. Sunod niyang hinanda ang kawali at naglagay ng kaunting mantika. Iginisa niya ang bawang at sibuyas. "Marunong ka rin palang magluto," puna ni Addy habang nakatingin sa ginagawa niya. Ngumiti si Knoxx at sunod na nilagay ang mga hinandang gulay. "Mayro'n kasi kaming maliit na kainan noon at katulong ako ni Mama sa pagluluto, kaya ako natuto." "Ano'ng nangyari?" "Hindi kalaunan, nalugi ang kainan. Halos wala na rin kasing mga kumakain sa amin simula nang magbukas ang mga mamahaling Eatery sa tabi ng puwesto namin. Hindi kinaya ni Mama na pagandahin ang kainan kaya napilitan siyang isara na lang ito at maghanap ng bagong trabaho," paglalahad niya. Ngumiti si Addy at mahina siyang tinapik sa balikat. "Gan'yan talaga ang buhay. Hindi sa lahat ng oras ay nasusunod ang mga gusto natin," sabi nito at ipinagpatuloy ang ginagawa. Halos inabot din sila ng mahigit kalahating oras bago natapos sa ginagawa. Si Addy na ang naghanda ng mesa at inutusan na lamang siya na tawagin na ang tatlo para makapaghapunan na rin sila. Pagbalik sa living room ay agad na natigilan si Knoxx nang maabutan ang tatlong kaibigan. Bukas ang telebisyon subalit natutulog sa sofa ang mga ito. Nakasandal sa magkabilang balikat ni Tan sina Nyxie at Sab. Halos sabay-sabay pa sa paghilik ang mga ito. "Nasaan na sila?" Napalingon si Knoxx nang marinig ang boses ni Addy na nagsalita sa kanyang likuran. Dumako ang paningin nito sa tatlong kaibigan. Kapagkuwan ay lumapit ito sa tatlo, ginising at ipinagtulakan papunta sa dining area. Naiwan sa sofa si Nyxie at muling nahiga. Akmang lalapitan ito ni Knoxx nang biglang sumulpot si Addy at agad na binuhat ang dalaga papunta sa dining room. "Kumain muna kayo bago matulog," sabi ni Addy saka nilagyan ng pagkain ang plato ni Nyxie. Halatang alam na alam nito ang mga gusto at ayaw kainin ng dalaga. Naupo na rin si Knoxx at nagsandok ng kanin. Sunod na nabaling ang tingin niya kay Tan na todo asikaso naman kay Sab. Lihim siyang napangiti. Masuwerte sina Nyxie at Sab dahil nagkaroon ang mga ito ng mga mababait at mapag-alagang mga kaibigan. "Kumain kayo nang marami. Nyxie, kumain ka ng gulay. Tingnan mo 'yang mukha mo, namumutla na kakapuyat sa pagbabasa ng mga libro. Mukha ka ng zombie," natatawang sabi ni Tan. Agad na namula ang pisngi ni Nyxie saka binatukan ng kutsara sa ulo si Tan. "May naisip ako. Ngayon na kaibigan na rin natin si Knoxx ay hindi na rin mahihirapan pa si Addy na tulungan tayong tatlo sa pag-aaral. Mayro'n na tayong dalawang matatalinong mga kaibigan," abot-tainga ang ngiting sabi ni Tan. Natigilan naman sina Nyxie at Sab at sabay-sabay na tumango. Sunod na nagkatinginan sina Knoxx at Addy. Sabay rin silang nagkibit-balikat. "Ganito, since mas matalino si Knoxx ay ibibigay natin si Nyxie sa kanya. Then kaming dalawa ni Sab ay kay Addy. Ano? Okay ba? Si Nyxie lang naman ang may pinaka matigas na ulo sa 'ting lahat kaya kailangan niyang tutukan nang husto—" "Ang sama mo talaga sa 'kin, Tan! Bakit ako na lang palagi ang nakikita mo?!" asik ni Nyxie. "Bakit? Totoo naman ang sinasabi ko, ah! Matigas talaga ang ulo mo!" "Tama si Tan. Minsan kasi kinukunsinti ni Addy si Nyxie kaya hindi tumatanda. Mas mabuti nga kung ikaw na lang ang bahala sa kanya, Knoxx," singit naman ni Sab. Nabaling ang tingin ni Knoxx kay Addy. Kitang-kita niya ang biglang pagbago ng mukha nito. Pilit 'yong ikinubli ng binata. Kahit na tumango ito ay alam pa rin niyang hindi bukal sa loob nito ang pagpayag. Halatang napipilitan lamang ito. "Addy—" "Matigas ang ulo ni Nyxie. Hindi 'yan basta-basta makikinig sa 'yo. Hirap din 'yang makaintindi kaya kailangan, limang beses mong ipapaliwanag sa kanya ang isang bagay bago niya ito maintindihan. Halos hirap 'yan sa lahat ng subject kaya kailangan mo talaga ng matinding pasensiya. Kapag nawala na siya sa mood, huwag mo ng pilitin pa dahil wala talagang papasok sa utak n'yan. Ikaw na sana ang. . . bahala sa kanya," paliwanag nito bago sinalubong ang kanyang tingin. Wala sa sarili na nabaling ang tingin ni Knoxx sa tumatakbong si Nyxie habang nakikipaghabulan kay Tan. Sana'y hindi siya maging mitsa para masira ang pagkakaibigang matagal na iningatan nina Addy at Nyxie. Pagkatapos kumain ay nagtipon silang lima sa sala. Binuhat ni Addy ang center table saka itinabi. Sunod itong naglatag ng higaan at agad na nag-unahan sa paghiga. Napangiti na lamang si Knoxx habang nakatingin sa mga ito. Nakahiga sa dulo si Addy at katabi nito si Nyxie. Nasa gilid naman ni Nyxie si Sab at si Tan. Nang hindi gumalaw si Knoxx para samahan ang mga ito ay biglang bumangon si Tan saka pinagpag ang espasyo sa tabi nito. Ngumiti siya at agad na tumabi sa kaibigan. "Sab, huwag mo ng isipin ang tungkol sa Papa mo. Matatauhan din 'yon at maiisip na mali ang mga ginawa niya," sabi ni Nyxie saka niyakap si Sab. "Ikaw rin, Nyxie. Dahan-dahan lang sa pagbabasa ng mga libro para hindi ka palaging pinapagalitan ng Mama mo," sagot naman ni Sab. Natigilan si Knoxx at nabaling ang kanyang tingin sa bag na nakapatong sa ibabaw ng couch. Nasa kanya pa rin ang libro ni Nyxie at kung tama siya ay 'yon na lamang ang natitira nitong libro. Matagal siyang natahimik habang nakatingin sa puting kisame. Nang pagbalingan niya ng tingin ang apat ay nakatulog na ang mga ito. Ngumiti na lamang siya at ipinikit na rin ang kanyang mga mata. ISANG malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Knoxx bago umayos ng higa. Wala sa sarili na napatingin siya sa kanyang relo. Alas dose na ng hatinggabi pero hindi pa rin siya makatulog. Maliban sa iniisip niya ang kanyang ina ay naninibago rin siya sa bahay nina Addy. Kanina pa niya ipinipikit ang kanyang mga mata subalit hirap talaga siyang makatulog. Muling napabuga nang malalim na paghinga si Knoxx bago nagpasyang bumangon. Saglit siyang natigilan nang makitang wala si Nyxie sa higaan nito. Kanina pa siya gising subalit hindi niya ito naramdamang bumangon. Mabilis siyang kumilos at agad na hinanap ang dalaga. Wala ito sa kusina, gano'n din sa banyo kaya nagpasya siyang lumabas ng bahay. Napahinto siya sa paglalakad nang maabutan itong nakaupo sa Verandah. Akmang lalapitan niya ito nang muling matigilan. Narinig niya ang mahina nitong paghikbi. Matagal na nakatitig lang si Knoxx sa nakatalikod na si Nyxie. Mayamaya pa ay dahan-dahang humakbang ang kanyang mga paa palapit dito. Tahimik siyang naupo sa tabi ng dalaga at marahang hinaplos ang likod nito. Natigilan si Nyxie sa paghikbi at pinagbalingan siya ng tingin. Ngumiti siya kaya muling bumalong ang mga luha sa pisngi nito. Hindi siya nagsalita at tahimik na pinakinggan ang bawat paghikbi ng dalaga. Kahit hindi ito magsalita ay batid niyang labis itong nasasaktan sa mga nangyari. Nang mapagod sa pag-iyak ay tumahimik na rin si Nyxie. Tuminghala ito at pinagmasdan ang madilim na kalangitan. Sinilip ni Knoxx ang mukha ng dalaga. Namamaga na ang mga mata nito at namumula na rin ang ilong. Ngumiti siya at inilabas mula sa loob ng kanyang jacket ang libro nito. Inabot niya ito kay Nyxie. "Ano 'to?" namamaos nitong tanong. "Alam kong 'yan na lang ang natitira mong libro kaya ibabalik ko na sa 'yo." Natahimik si Nyxie at matagal siyang tinitigan. Muling bumalong ang mga luha nito pero nagpigil ito ng iyak. Ngumiti ito saka siya niyakap nang mahigpit. Natigilan si Knoxx at bumaba ang tingin kay Nyxie na nakayakap sa kanya. Hindi niya alam ang gagawin kaya nanatili siyang hindi gumagalaw hanggang sa bumitaw ito. Muli itong ngumiti kaya saglit na natigilan si Knoxx habang nakatingin sa maganda nitong mukha. Bigla siyang kinabahan kaya wala sa sarili na napahawak siya sa kanyang dibdib. 'Bakit ako kinakabahan?' tanong niya sa sarili. "Salamat, Knoxx. Sa pagbalik ng libro ko at pagsama sa akin dito. Pasensiya ka na kung naging masungit ako sa 'yo noong unang araw na nagkakilala tayo. Gusto ko sanang kalimutan na lang natin ang mga nangyari at magsimula ng bago. Magkaibigan na tayo ngayon, 'di ba?" nakangiti nitong tanong. Tumango si Knoxx at sunod na inilahad ang kanyang palad. Pinagmasdan naman ito ni Nyxie. "Knoxx Neo Dela Cruz," pakilala niya rito. Ngumiti ang dalaga at agad na inabot ang kanyang kamay. "Nyxie Perez," ganting sabi nito. Pareho silang natawa sa ginawa. Umayos ng upo si Nyxie at muling nag-angat ng tingin. Tuminghala na rin si Knoxx at pinagmasdan ang mga mumunting bituin na kumikinang sa kalangitan. Muling nabaling ang tingin niya kay Nyxie nang maramdamang sumandal ito sa kanyang balikat. Hindi na siya nagsalita pa at pinagpatuloy ang pagtanaw sa itaas. Hanggang sa hindi na nila namalayang pareho na silang nakatulog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD