Chapter 7

1959 Words
MAAGANG nagising si Knoxx. Tulog pa ang mga kaibigan nang bumangon siya kaya naisipan niyang mag-iwan ng sulat sa ibabaw ng mesa upang ipaalam sa mga ito na umuwi na siya. Bago lumabas ng pinto ay tinapunan niya ng tingin ang mga kaibigan na mahimbing pa rin na natutulog sa sahig. Hanggang sa tumigil ang kanyang paningin kay Nyxie. Hindi niya napigilan ang mapangiti nang masilip ang magulo nitong itsura. Pasado alas dos na rin ng madaling araw nang gisingin niya ito at inalalayan papasok ng bahay. Panay pa ang reklamo nito dahil hindi niya ito binuhat. Iyon daw kasi ang madalas na gawin ni Addy kapag nakatulog ito kung saan-saan. Muling napangiti si Knoxx at nagpasya nang umalis. Mabuti na lang at hindi kalayuan ang Bus Stop sa bahay nina Addy kaya nakauwi siya agad. Pagdating sa bahay ay naabutan niya ang ina na abala sa pagluluto ng agahan. Tumulong na siya sa paghahanda lalo na’t alam niyang may trabaho rin ito. Pagkatapos kumain ay naghanda na rin si Knoxx sa pagpasok at nagpaalam na aalis na. Sumakay siya ng bus at muli siyang napangiti nang maalala ang araw na nakasabay niya si Nyxie. Parang nakikita pa rin niya ang nakaismid nitong mukha habang nakatingin sa kanya. Isinawalang-bahala na lamang niya ‘yon at tahimik na tumingin sa labas ng bintana hanggang sa makarating siya sa Eastville Academy. Agad na dumeretso si Knoxx sa kanilang silid. Saglit siyang natigilan nang makita ang mga nakapatong na bagay sa ibabaw ng kanyang mesa. Kumunot ang kanyang noo at agad na ininspeksyon ang mga ito. Nang pagbalingan niya ng tingin ang mga kaklase ay ngumiti lamang ang mga ito at mukhang tuwang-tuwang pa sa kanya. “Uy, ano ‘yan? Andami naman.” Napalingon si Knoxx nang marinig ang boses ni Nyxie. Kasabay nitong pumasok sa loob ng silid sina Addy, Tan at Sab. Natawa si Tan sa nakita at agad siyang nilapitan. Inakbayan siya nito at napapailing na pinagmasdan ang kanyang mukha. “Bakit?” nagtataka niyang tanong. “Ang dami mong manliligaw. Ang hirap maging guwapo, ‘di ba?” kantiyaw nito at tinapik siya sa balikat. “Tama si Tan. Andami mong admirer. Akin na lang ‘to, ah.” Nabaling ang tingin niya kay Nyxie. May hawak itong tsokolate na agad nitong binalatan at kinain. Nang tumunog ang bell ay bumalik na sila sa kani-kanilang upuan. Wala na ring nagawa pa si Knoxx kundi ang linisin ang ibabaw ng kanyang mesa. Tsokolate, teddy bears at sulat. Hinakot niya ang mga ito saka ipinasok sa ilalim ng mesa. Tawang-tawa naman si Nyxie at panay ang dukot ng tsokolate sa desk niya. Umiling na lamang siya at hindi na ito pinansin pa. “This summer ay magkakaroon ulit tayo ng Science at Math Quiz Bee. Pumayag na si Addy na sumali sa Science Quiz pero kulang pa rin tayo ng participant. Sino sa class 4C ang gustong maging representative sa Math Quiz? Anyone?” Natahimik ang lahat sa sinabi ni Teacher Kevin. Umayos ng upo si Knoxx at naghintay ng sagot mula sa mga kaklase niya pero wala siyang narinig. Nang pagbalingan niya ng tingin ang guro ay ngumiti ito. Huminga siya nang malalim bago nag-angat ng kamay. Nakuha niya ang atensyon ng lahat kaya sabay-sabay na nagsipagpalakpakan ang mga ito. “And we have a new representative. Dumaan ka sa Teacher’s Office mamaya, Knoxx. Ibibigay ko sa ‘yo ang mga reviewer mo. Eyes on the board, everyone. Today, we will discuss about the distance between. . .” Nabaling ang tingin ni Knoxx kay Nyxie nang maramdaman niya ang pagsipa nito sa kanyang paa. Ngumiti ang dalaga saka siya siniko. “Kaya mo ‘yan. Ikaw pa ba,” sabi nito. Gumanti ng ngiti si Knoxx. Hindi na ulit siya nagsalita pa at itinuon na lamang ang pansin sa gitna ng pisara. “DEAR Knoxx, unang tingin pa lang ay nahulog na agad ang loob ko sa ‘yo. Para kang anghel na hinulog ng langit para sa akin. Sana pansinin mo ako. Love, Denise.” Muling umalpas ang malakas na tawa mula sa puwesto nila matapos basahin ni Tan ang liham na natanggap ni Knoxx. Namula ang kanyang pisngi sa hiya at agad na inagaw ang hawak na sulat ni Tan saka ito itinago sa loob ng kanyang bag. “Ito pang isa. Dear Knoxx, sa ganda ng iyong ngiti ay nabihag mo ang puso kong ito. Please pansinin mo ako, and I’ll give my heart to you.” Natakpan ni Knoxx ang kanyang mukha nang muli siyang pagtawanan ng apat. Kahit ang mga kaklase nila na nakikinig sa kanilang pag-uusap ay panay rin ang halakhak. “Iba talaga ang karisma mo, Knoxx. Natalo mo na si Addy sa lahat-lahat,” hagikhik na sabi ni Nyxie. Tinapunan niya ng tingin ang tahimik na si Addy. Yumuko ito at ipinagpatuloy ang pagsusulat. “Tama na nga ‘yan. Mag-aral na kayo,” singhal niya sa mga ito. Muli niyang pinagbalingan ng tingin si Addy. Hindi man ito magsalita pero alam niyang apektado ito sa mga nangyayari. Hindi niya nais na isipin ni Addy na inaagaw niya ang lahat ng mayro’n ito. “Nga pala, Knoxx. ‘Yong tungkol sa inalok mong tutorial, tuloy pa ba ‘yon?” tanong ni Nyxie kaya natuon ang pansin niya rito. “Oo, naman. Kung gusto mo, simulan na natin agad mamaya,” nakangiti niyang sagot. “Talaga?! ‘Buti na lang at tuloy pa ‘yon. Sasama ako mamaya sa bahay niyo. Doon tayo mag-aaral.” “Huh? Sa bahay? Bakit sa bahay namin? Puwede naman sa inyo,” kunot-noong tanong ni Knoxx. Hindi sinasadya na nahagip ang paningin niya ang tahimik na si Addy. Kumuyom ang mga kamay nito at agad na tumayo. Lumabas ito ng silid kaya sinundan niya ito ng tingin. “Masyadong maingay ang Mama ko kaya hindi tayo puwede sa bahay.” “Gano’n ba? Sandali, may pupuntahan muna ako,” paalam niya at agad na sinundan si Addy. Naabutan niya itong naglalakad sa gitna ng hallway. Sinabayan niya ang kaibigan kaya napatingin ito sa kanya. “May problema ba?” tanong niya. “Wala. Bakit mo naitanong?” “Napansin ko lang kasi na masyado kang tahimik ngayong araw.” “Normal lang sa akin ang pagiging tahimik.” “Addy, galit ka ba sa akin?” Huminto sa paglalakad si Addy kaya huminto rin si Knoxx. Humarap ito sa kanya. Agad niyang napansin ang pag-igting ng mga panga nito kaya alam niya na nagpipigil ito ng galit. “Addy—” “Hindi ako galit sa ‘yo, Knoxx. Wala namang dahilan para magalit ako.” Muli siya nitong tinalikuran kaya walang nagawa si Knoxx kundi ang huminga nang malalim. Bumalik na rin siya sa kanilang silid dahil mayamaya lamang ay magsisimula na ulit ang klase. HUMIGPIT ang pagkakahawak ni Addy sa kanyang ballpen habang nakatingin sa nakatalikod na si Nyxie at tuwang-tuwang nakikipag kuwentuhan kay Knoxx. Hindi niya akalain na darating ang araw na maiinggit siya nang ganito. Buong buhay niya ay sa kanya lamang nakatuon ang pansin ng dalaga. Halos hindi ito makagalaw noon nang wala siya. Siya ang takbuhan, kakulitan at katawanan nito. Kaya kahit na malapit si Nyxie kay Tan ay hindi siya nakaramdam ng inggit dahil batid niya na mas matimbang si Sab kay Tan kaysa kay Nyxie. Pero simula nang dumating si Knoxx ay nagbago na rin ang lahat. Halos hindi na siya nito napapansin. Napabuga nang malalim na paghinga si Addy bago ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. Saktong tumunog ang kanyang cell phone kaya agad niya itong sinilip. Nasapo niya ang kanyang noo nang makita ang liham mula sa ina. Gusto nitong makipagkita pagkatapos ng klase. Ibinulsa na lamang ni Addy ang kanyang cell phone at muling itinuon ang pansin sa harapan ng pisara. Kailangan niyang makinig nang mabuti. Tatlong araw na lang at eksaminasyon na. “Addy, tara sa labas. Kain tayo.” Hindi pinansin ni Addy ang sinabi ni Tan at nagmadaling iligpit ang kanyang mga gamit. Katatapos lang ng klase kaya kailangan niyang makaalis agad. Ayaw pa naman ng Mama niya ang naghihintay nang matagal. Nang makalabas ng Akademya at agad na nagpara ng taxi si Addy. Gaya nang dati ay tumigil siya sa harapan ng isang mamahaling restaurant. “Sit down.” Agad na naupo si Addy sa harapan ng ina. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang sopistikada nitong damit at mga mamahaling alahas. Agaw-pansin din ang malaki nitong shades kaya hindi napigilan ni Addy na ibaling ang tingin sa buong restaurant. May mga iilan na nakatingin sa gawi nila at may iilan naman na kinukunan ng litrato ang kanyang ina. “Ma. . .” “It’s Mommy,” pagtatama nito sa kanya. “Kumusta ang mga grado mo? Remember, kailangan mong maging Valedictorian this closing. Hindi ka puwedeng magpabaya,” sabi nito bago inangat ang tasa ng kape na nasa harapan nito. “Kailangan po ba talaga na ang grades ko agad ang pag-usapan natin sa tuwing nagkikita tayo?” “Ano pa ba ang dapat nating pag-usapan? Tinawagan ko na ang private tutor mo. Pumunta ka agad sa kanya pagkatapos nito. Malaki ang ibinabayad ko kaya ayusin mo ang pag-aaral mo. Lilipad na rin agad ako papuntang Laos para sa Play namin. Iiwan na kita sa tutor mo at gusto ko na pagbalik ko rito ay pasado lahat ng exam mo, malinaw?” Marahang tumango si Addy. Inubos na ng ina ang kape nito bago tumayo at lumabas ng restaurant. Sinalubong ito ng dalawang bodyguard at iginaya papasok ng sasakyan. Napabuga nang malalim na paghinga si Addy saka sumandal sa upuan. Dinukot niya ang kanyang cell phone saka tinawagan ang ama. “Pa.” “Oh, Addy. Kumusta na ang anak ko? Matagal ko ring hindi narinig ang boses mo. Pasensiya ka na, anak. Abala lang talaga ang Papa mo sa trabaho. Tapos na ba ang klase mo? Tamang-tama, kalalabas ko lang sa site. Gusto mo bang kumain tayo?” “Ouhm. Nandito po ako sa restaurant na madalas puntahan ni Mama.” “Naku, anak. Mamahalin ‘yang restaurant na ‘yan. Hindi pa kasi nakakasahod ang Papa m—” “Huwag niyo na pong isipin ang tungkol doon. Hihintayin ko po kayo rito,” nakangiti niyang sabi bago ibinaba ang tawag. Hindi niya napigilan ang magpakawala ng malalim na paghinga. Nagtatrabaho bilang Musical Director ang kanyang ina sa mga Theater Play at kilala ito sa tawag na Miss Victoria. Hiwalay ito sa kanyang ama na isa namang construction worker. Sa murang edad ay namulat na si Addy na tumayo nang mag-isa sa sariling mga paa. Hindi niya madalas na makasama ang ina dahil sa trabaho nito at kung magkita man silang dalawa ay puro pag-aaral niya ang laman ng usapan nila. Nakabukod din ito ng bahay sa kanya lulan na rin sa magulo nitong buhay. Nagpapadala lamang ito ng pera buwan-buwan para matustusan ang mga pangangailangan niya. May iba na ring kinakasama ang kanyang ama, pero wala itong anak. Madalas niyang niyayayang mamasyal ang ama at bagaman, mga simpleng bagay lamang ang kaya nitong ibigay sa kanya pero masaya siya sa tuwing kasama ito. Hindi katulad ng ina ay wala itong pakialam sa mga grado niya. Ang palagi lamang nitong bilin ay mag-aral siya nang mabuti. Kahit hindi siya ang maging Valedictorian ng kanilang klase, ang mahalaga ay may natutunan siya. Muling napabuga ng malalim na paghinga si Addy. Ngayon na dumating na si Knoxx sa kanilang klase ay kailangan na rin niyang maglaan ng dagdag na oras sa pag-aaral. Alam niyang kaibigan niya ito pero hindi rin niya puwedeng biguin ang kanyang ina. Umaasa ito na magtatapos siya ngayong taon bilang Class Valedictorian.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD