Chapter 22

1686 Words
HINDI mabura-bura ang ngiti ni Flynn habang nakaupo sa loob ng isang mamahaling restaurant at matamang pinagmamasdan ang mga taong dumaraan. Hanggang ngayon ay naiisip pa rin niya ang nangyaring kompetisyon. Inaamin niyang nagalit siya nang husto sa naging resulta nito pero wala na siyang magagawa pa. Ang kailangan na lamang niyang pagtuunan ng pansin ay ang mga hakbang kung paano niya masisira ang mortal na kaaway. Simula noon hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matalo-talo si Knoxx. Kahit nilisan na nito ang kanilang Akademiya ay hindi pa rin nabura ang mga iniwan nito sa Westward Academy. Marami sa mga estudyanteng nag-aaral sa Akademiya ang ikinukumpara ang kanyang pamumuno bilang Student Council President sa mga magagawa ni Knoxx kung sakaling ito ang nanalo noon sa Presidential Election. Kawalang respeto ‘yon para kay Flynn. Hindi lang naman si Knoxx ang naghirap, gano’n din siya. Buong buhay niya ay nakadepende siya sa magiging pasiya ng kanyang ama. Anuman ang sabihin at iutos nito ay kailangan niyang sundin. Wala siyang kalayaan. Kahit kailan ay hindi siya naging malaya. Gusto rin naman niyang maging kaibigan si Knoxx noon. Mabait ito at mapagkumbaba. Ngunit nagkataon lang na ito mismo ang tinaguriang pinaka matalino sa kanilang klase kaya napilitan siyang kalabanin ito. Sa paglipas ng panahon, halos nakasanayan na niya na palagi itong ipahiya at pahirapan. Tuluyang binura ng kanyang inggit ang kagustuhan niyang maging kaibigan ito. Ngayong wala na si Knoxx sa Westward ay hindi pa tapos ang p**********p niya rito. Kahit malayo na ito ay patuloy pa rin niya itong guguluhin at sisirain. Gagawin niya iyon hanggang sa magsawa siya. “Boss.” Napapitlag si Flynn nang marinig ang boses ng taong nagsalita sa kanyang tabi. Pinagbalingan niya ito ng tingin. Nakatayo mismo sa kanyang gilid ang taong kanina pa niya hinihintay. Inutusan niya itong maupo at tahimik na hinintay ang sasabihin nito. “Boss, nagsimula na po ang paghahanap nila sa Papa ni Knoxx. At gaya po ng inutos n’yo ay ibinigay po namin sa kanila ang mga impormasyong galing mismo sa inyo.” Napangiti si Flynn sa narinig. “Good. Ipagpatuloy n’yo lang ang pagbibigay ng maling impormasyon sa kanila. Hayaan n’yong umasa si Knoxx na mahahanap pa niya ang Papa niya.” Natawa siya sa sinabi. Ang totoo, matagal na niyang alam kung saan mismo nakatira ang Papa ni Knoxx. Matagal-tagal din niyang inimbistigahan ang tungkol doon sa kagustuhang gamitin ang mga nakuhang impormasyon para mapasunod si Knoxx sa kanyang mga gusto. Pero mukhang hindi na niya kailangan ‘yon sa ngayon. Mas gusto niya ang ideyang maghihirap si Knoxx habang hinahanap nito ang sariling ama. “Magpapadala ako ng mga panibagong impormasyon sa mga susunod na araw. ‘Yon mismo ang ibibigay n’yo sa mga tangang ‘yon.” “Opo, Boss.” Mula sa loob ng kanyang bag ay naglabas ng isang sobre si Flynn. Inabot niya ito sa kausap na agad nitong tinanggap at sinilip. Lumawak ang pagkakangiti ng lalaki nang makita ang laman nitong pera. “Salamat, Boss.” “Mas malaki pa ang makukuha n’yo kapag sinunod n’yo ang mga iuutos ko. Isipin n’yo na lang, maliban sa nakukuha n’yong pera kay Tan ay may nakukuha rin kayo sa akin. Talagang napaka suwerte n’yo,” aniya. “Opo, Boss. Salamat po ulit.” Nagpaalam na ang lalaki kaya muling natuon ang pansin ni Flynn sa labas. Hindi niya napigilan ang mapangiti. Paniguradong magmumukhang tanga si Knoxx sa paghahanap nito sa sariling ama. “KNOXX.” Dali-daling naibulsa ni Knoxx ang litrato ng ama nang marinig ang boses ni Nyxie na nagsalita sa kanyang likuran. Naupo sa kanyang tabi ang dalaga at bahagyang sinilip ang kanyang mukha. “Okay ka lang ba?” Agad siyang tumango kahit ang totoo ay nanghihinayang pa rin siya matapos ang ginawa nilang paghahanap sa ama. Bagaman hindi sila nagtagumpay na mahanap ito ngayong araw, hindi ibig sabihin no’n na susuko na lamang siya. Ipagpapatuloy niya ang paghahanap sa ama. Naniniwala siyang darating din ang araw na mahahanap din niya ito. “Knoxx, ‘wag ka sanang panghinaan ng loob. Narito pa naman kami. Hinding-hindi ka namin iiwan. Tutulungan ka namin hanggang sa mahanap natin ang Papa mo.” Napangiti si Knoxx sa sinabi nito. Isa ‘yon sa mga dahilan kung bakit hindi siya puwedeng sumuko. Katuwang niya ang kanyang mga kaibigan kaya kailangan niyang pahalagahan ang paghihirap ng mga ito para sa kanya. Hangga’t kasama niya ang mga ito ay patuloy siyang lalaban. “Salamat, Nyxie. ‘Wag kang mag-alala, wala akong balak na sumuko. Labing-anim na taon akong umasa na mahahanap ko ang Papa ko. Ngayon pa ba ako susuko kung kailan nandito kayo para tulungan ako?” “Ako nga dapat ang nagpapasalamat sa ‘yo, Knoxx. Thank you sa ginawa mo kanina. Ipinagtanggol mo ako.” Hindi napigilan ni Knoxx ang mapangiti nang masaksihan ang pagrosas ng pisngi ni Nyxie. Dumagdag iyon sa ganda ng dalaga na matagal niyang pinagmasdan “Uy, bakit gan’yan ka makatingin?” tanong nito nang mapansin ang pagtitig niya. “Akala mo siguro, pababayaan na kita kanina ‘no? Kahit hindi pa dumating si Manong Boss para tulungan tayo, hinding-hindi pa rin kita ibibigay sa mga lalaking ‘yon. Kaibigan kita Nyxie at poprotektahan kita. . . anuman ang mangyari.” Nanlaki ang mga mata ni Nyxie sa sinabi niya at mas lalo pang namula ang pisngi. Bigla nitong hinampas ang kanyang braso at parang baliw na ngumiti habang hinahawi patalikod ang ilang hibla ng buhok nito. Mahinang natawa si Knoxx sa ginawa nito bago itinuon ang pansin kina Tan, Sab at Addy na nakaupo sa gilid ng ilog hindi kalayuan sa puwesto nila. Nang pauwi na galing sa lugar nina Manong Boss ay may nadaanan silang ilog at nagpasya na tumigil saglit. Tumungo sa ilog ang tatlo habang naiwan naman silang dalawa ni Nyxie sa gilid ng kalsada kung saan nakaparada ang kanilang sasakyan. “Ayaw mo bang pumunta doon? Malamig ang tubig, sarap mag-swimming,” pagyayaya ni Nyxie. Pinagbalingan niya ito ng tingin. Namumula pa rin ang pisngi nito pero hindi gaya kanina ay mas lalong lumawak ang pagkakangiti nito. “Tirik na tirik ang araw tapos gusto mong mag-swimming. May bitbit ka bang pamalit diyan?” “Wala,” diretso nitong sagot. Napailing na lamang si Knoxx. Marahil ay epekto pa rin ng mga sinabi niya kanina kaya parang bigla itong nawala sa sarili. Sa susunod ay mag-iingat na siya sa kanyang mga sasabihin. Hindi niya gusto na tuluyang mabaliw si Nyxie. Muling nagyaya ang dalaga na puntahan ang tatlong kaibigan kaya wala na siyang nagawa pa kundi ang samahan ito. Madulas ang daan pababa kaya kinuha niya ang kamay nito at agad na inalalayan hanggang sa makarating sila sa kinaroroonan ng tatlo. “Nyx, napaano ka? Bakit namumula ang magkabila mong pisngi? May allergy ka ba?” nag-aalalang tanong ni Tan nang mapansin ang pamumula ng pisngi ni Nyxie. Agad naman na lumapit si Addy at inaangat ang mukha ng dalaga. “May nakain ka bang maanghang? Bakit ka namumula?” “W-wala lang ‘to. O-okay lang ako.” Inalis nito ang pagkakahawak ni Addy at agad na hinila si Sab palayo. Sinundan nilang tatlo ng tingin ang dalawang babae. “Knoxx, ano’ng nangyari kay Nyxie? Bakit ‘yon nagkagan’on?” tanong ni Tan. “Wala namang nangyari sa kanya.” “Sigurado ka ba? Kayong dalawa lang ang magkasama kanina. Wala ka bang napansin na may kinain siyang kahit na anong maanghang?” tanong din ni Addy. Umiling si Knoxx. “Baka dahil lang sa init ng panahon. Kung mag piknik kaya tayo rito? Tingin n’yo?” “Wala tayong mga dalang gamit at pagkain,” sagot ni Addy. “Madali lang ‘yan. Teka, tatawagan ko si Manang Rena. Magpapahatid ako ng mga pagkain at gamit dito.” “Hindi natin kabisado ang lugar na ito, Tan. Baka bigla tayong mapahamak,” wika ni Knoxx. Tahimik ang buong lugar. Malawak ang patag na lupa at hindi rin gano’n kataas ang mga d**o sa paligid. Kung tutuusin, perpekto ang lugar para maglatag ng tent at mag-camping. Magkagan’on man ay hindi pa rin ligtas ang lugar mula sa mga mababangis na hayop. Baka bigla silang atakehin ng mga hayop na nakakubli sa lugar dahil pinakialam nila ang teritorio ng mga ito. “Guys, ‘wag kayong nega. Minsan lang kaya natin ginagawa ‘to. Sige na, tatawagan ko na si Manang Rena. Maghanap kayo ng magandang puwesto kung saan tayo puwedeng maglatag ng kumot. Hindi naman tayo magpapagabi. Uuwi agad tayo bago dumilim.” Nagkatinginan sina Knoxx at Addy bago sabay na nagkibit-balikat. Umalis na ito kaya naghanap na silang dalawa ng malawak na espasyo. Pinili nila ang ligtas na lugar at hindi masyadong madamo. “Naiisip mo pa rin ba ang mga nangyari kanina?” Tumigil si Knoxx sa paglalakad at nilingon si Addy. Ngumiti siya at hinintay na pumantay ito sa kanya. “Sa totoo lang, nasaktan ako kanina nang malaman kong hindi pala iyon ang Papa ko. Bago ako umalis sa bahay ay inisip ko na makikita ko na talaga siya. Malaki ang tiwala ko na matatapos ang araw na ito na kasama ko na ang Papa ko.” Tumigil si Knoxx sa pagsasalita saka pinagmasdan ang kaibigan. “Pero gano’n talaga. Hindi lahat ng hinihiling natin ay binibigay agad. Siguro senyales ito na mas pagbutihan ko pa ang paghahanap sa kanya,” nakangiti niyang wika. Ngumiti si Addy saka siya inakbayan. “Gan’yan ang Knoxx na kilala ko, hindi sumusuko. ‘Wag kang mag-alala. Palagi lang kaming naririto para sa ‘yo. Pero maitanong ko lang, ano ba talaga ang nangyari kay Nyxie kanina? Hindi siya mamumula nang gano’n kung walang dahilan. May ginawa ka ba sa kanya?” “Addy, naman. Ano naman ang gagawin ko sa kanya?” “Then bakit siya namumula? Hinalikan mo ba siya?” “Ano?! Hindi, ah! Ewan ko sa ‘yo, parang wala ka na rin yata sa sarili mo,” nakangiting sabi ni Knoxx bago tumalikod. Iniwan niyang mag-isa si Addy at binalikan ang iba pang mga kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD