Chapter 15

1976 Words
PASADO alas otso ng gabi nang matapos si Knoxx sa mga gawain sa loob ng kusina. Maayos niyang naibalik sa dating puwesto ang mga kagamitan na ginamit niya kanina sa pagluluto. Tapos na rin siyang maghugas ng pinggan kaya naghugas na rin siya ng kanyang kamay bago hinubad ang suot na apron. Lumingon siya at agad na nahuli ng kanyang paningin ang tahimik na si Nyxie. Nakaupo ito sa couch at nanonood ng TV sa living room. Humugot ng malalim na paghinga si Knoxx bago nagpasyang lumapit dito. Naupo siya sa tabi ng dalaga na agad na natigilan nang maramdaman ang kanyang presensya. Pareho silang natahimik. Kahit hindi magsalita ay alam ni Knoxx na naiilang pa rin si Nyxie sa mga nangyari kanina. Kahit siya ay naiilang din naman. Pero wala namang ibang ibig sabihin ang nangyaring ‘yon. Magkaibigan silang dalawa at mananatili silang magkaibigan. “Nyxie. . .” “Ouhm?” Kitang-kita niya ang gulat nito nang marinig ang kanyang boses. Lumingon ito sa kanyang gawi pero agad din na umiwas ng tingin. “Huwag mo ng isipin ang mga nangyari kanina. Hindi ka pa ba matutulog? Gumagabi na rin.” “Uh, matutulog na. Sige, good night.” Mabilis itong tumayo at agad na pumasok sa loob ng silid nito nang hindi man lamang siya nililingon. Naiwan nitong nakabukas ang TV kaya walang nagawa si Knoxx kundi ang patayin ito. Inayos na rin niya ang couch at agad na nahiga. Hindi niya ipagkakailang hindi siya napagod ngayong araw na ito. Maliban sa nangyaring eksaminasyon ay subsob na rin siya sa pag re-review para sa papalapit na Math contest. Nasilip na niya kanina ang mga ibinigay na reviewer ni Teacher Kevin. Kahit papaano ay hindi naman gano’n kahirap ang mga ‘yon. Pero hindi pa rin siya puwedeng maging kampante, kailangan pa rin niyang maghanda. “Knoxx.” Napabalikwas ng bangon si Knoxx nang marinig ang boses ni Nyxie na nagsalita sa kanyang tabi. Agad na dumako ang kanyang paningin sa hawak nitong unan at kumot. Pilit itong ngumiti at nagsumiksik sa kanyang tabi. “Hindi ako makatulog. Pakiramdam ko, may nakatingin sa akin. Doon ka na sa kabilang couch, ako na rito.” Bahagya siya nitong itinulak palayo, kaya walang nagawa si Knoxx kundi ang iligpit ang kanyang mga gamit. Lumipat siya sa kabilang couch at muling nahiga. Nagtalukbong na rin ng kumot si Nyxie kaya hindi na lamang niya ito pinansin. Lumipas ang kalahating oras. Sunod-sunod na ang paghikab ni Knoxx. Malapit ng bumigay ang talukap ng kanyang mga mata kaya bago pa man tuluyang makatulog ay tumayo na siya at ininspeksyon ang pinto. Sinigurado niyang naka-lock ito, gano’n din ang mga bintana. Nang masigurong okay na ang lahat ay tinapunan niya ng tingin si Nyxie. Mukhang nakatulog na rin ito kaya pinatay na niya ang ilaw bago bumalik sa pagkakahiga. Muli siyang humikab at hinayaan ang sarili na tangayin ng antok. “KNOXX! Knoxx!” Naimulat ni Knoxx ang kanyang mga mata nang maramdaman ang malakas na pagyugyog sa kanyang balikat. Agad na bumungad sa kanya ang namumutlang mukha ni Nyxie. Nagsumiksik ito sa kanyang tabi kaya agad siyang bumangon. “Ano’ng—” “Shush. . . M-may mga tao sa labas. Kanina ko pa naririnig ang mga yabag nila.” Agad na tumayo si Knoxx at kinapa ang baseball bat na nakuha niya kanina sa pader. Mabilis naman na kumapit ang dalaga sa kanyang braso. “Saan ka pupunta?” tanong nito nang magsimula siyang humakbang. “Dito ka lang. Titingnan ko lang kung may tao ba talaga sa labas,” sagot niya. “Huwag na. Baka mapaano ka.” “Okay lang ako, magtiwala ka.” “Eh, ‘wag na sabi.” “Sisilipin ko lang sa bintana.” Matagal na natahimik ang dalaga. Kahit labag sa loob nito ay napilitan itong bitawan siya. Dahan-dahan na ring lumapit sa bintana si Knoxx. Malakas ang tahol ng mga aso kaya batid niya na may kakaibang nangyayari sa paligid. Nang silipin niya ang bintana ay agad na bumungad sa kanyang paningin ang ilang ng mga lalaki na nakatayo sa labas ng bahay. Hula niya ay nasa anim ang mga ito. Agad niyang isinara ang bintana at bumalik sa puwesto ni Nyxie. “Tama ka, may tao nga sa labas.” “Sabi ko na, eh. Ano na ngayon ang gagawin natin?” Natahimik si Knoxx. Kailangan niyang mag-isip ng paraan. Paano kung tama ang sinabi ni Nyxie tungkol sa mga magnanakaw at bigla na lamang silang pasukin? May alam naman siya sa pakikipaglaban pero hindi siya sigurado kung kakayanin ba niya ang mga ito. Maliban sa mga malalaking lalaki ay hindi rin siya sigurado kung may dala bang armas ang mga ito. “Wala bang mga tanod na rumoronda rito sa lugar n’yo?” “Mayro’n. Sandali, mayro’n yatang number si Tanod Jose rito sa mga gamit ni Mama.” Nagsimulang maghalungkat sa loob ng cabinet si Nyxie kaya nagpasya si Knoxx na muling sinilip ang mga lalaki sa labas. Batid niyang mahihirapan ang mga ito na pasukin ang bahay. Maliban sa sinigurado niyang naka-lock ang pinto at mga bintana ay mataas din ang kinaroroonan ng verandah. Walang daan para akyatin ito. “Ito, number ni Tanod Jose.” Inabot ni Knoxx ang maliit na papel na hawak ni Nyxie. Dinukot niya ang kanyang cell phone saka tinawagan ang numero. Nakailang ring din ito bago sinagot. “Hello?” “Hello po. Galing po ito sa bahay ng mga Perez. Puwede po ba kayong magpadala ng mga tanod dito? Mayro’ng anim na lalaki ang kanina pa palakad-lakad sa labas ng bahay. Mukhang may binabalak po silang gawin,” paliwanag ni Knoxx. “Teka, sino ba ‘tong kausap ko? Ang pagkakaalam ko ay hindi nakauwi ngayong gabi sina Pareng Niko at Mareng Kendall. Nasaan si Nyxie?” “Ako po si Knoxx at kasama ko po si Nyxie. ‘Wag po kayong mag-alala, ligtas po siya sa akin. Magpadala na lang po agad kayo ng mga tanod dito.” “Sige, maghintay kayo. Papunta na kami.” “Ano’ng sabi?” agad na tanong ni Nyxie nang maibaba niya ang tawag. “Papunta na sila rito. ‘Wag ka ng mag-alala,” sagot niya. Tumango ito at maingat na naupo sa couch. Takot pa rin itong lumikha ng kahit na anong ingay. Sabay silang nagkatinginan ni Nyxie nang biglang gumalaw ang doorknob ng pinto na wari’y pinipilit itong buksan. Agad na tumayo ang dalaga at nagtago sa kanyang likuran. Humigpit ang pagkakahawak ni Knoxx sa baseball bat habang papalapit sa pinto. Halos mapunit na rin ang damit niya sa kakahila ni Nyxie. “Knoxx, ‘wag kang lumapit,” bulong nito at muling hinila ang kanyang damit. “Sandali lang. Kumalma ka muna r’yan. Ako na ang bahala rito,” aniya at muling humakbang. Saglit na natigilan si Knoxx nang marinig ang tunog ng napunit niyang damit. Lumingon siya at agad na nakita ang naluluhang si Nyxie. Hindi ito mapalagay at mas lalo pang hinigpitan ang pagkakahawak sa damit niya. “Nyxie. . .” Napabuga siya ng malalim na paghinga saka hinarap ang dalaga. Maingat niyang hinawakan ang magkabila nitong pisngi saka marahang pinunasan ang mga luha nito. “Bakit ka ba umiiyak? Nandito naman ako, eh. Hinding-hindi kita pababayaan,” pag-aalo niya rito. Muling nabaling ang paningin nilang dalawa sa pinto nang magpatuloy ito sa paggalaw. Binitawan ni Knoxx si Nyxie saka pinaupo sa couch. Inutusan niya itong manatili roon habang pabalik naman siya sa pinto. Hinawakan ni Knoxx ang doorknob. Tumigil ito sa paggalaw kaya saglit siyang nakiramdam. Mukhang wala ng tao sa labas. Nabaling ang tingin niya kay Nyxie na tahimik na nakaupo sa couch habang nakatingin sa kanya. Agad na nahuli ng kanyang paningin ang dahan-dahang pagbukas ng bintana sa mismong likuran ng dalaga. Nanlaki ang kanyang mga mata nang may dumungaw na ulo mula rito. Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon at agad na tumakbo palapit kay Nyxie. Hinablot niya ang kamay nito at agad na hinila patayo. Alam niyang nagulat ito sa ginawa niya pero hindi na ito nakapagsalita pa nang makita ang dahan-dahang pagpasok ng lalaking nakaitim sa loob ng bahay. “Knoxx, ano’ng gagawin natin?” Kinuyog siya nito. Nakapuwesto ang dalaga sa likuran niya at mahigpit na nakakapit sa manggas ng kanyang damit. “Huwag kang mag-alala. Ako ang bahala sa ‘yo,” aniya at hinarap ang lalaki. Kahit madilim ang paligid ay alam niyang napansin sila nito. Dahan-dahan itong humakbang papunta sa kanila kaya sabay din silang napaurong ni Nyxie. Naglabas ito ng patalim kaya agad na napasigaw si Nyxie nang makita ang hawak nitong armas. “Hoy! Ano’ng ginagawa n’yo?” Natigilan silang tatlo at napatingin sa pinto. Mukhang dumating na ang mga tanod. Bago pa man makakilos ang lalaki ay mabilis na binuksan ni Knoxx ang pinto. Napaatras ang lalaki nang sunod-sunod na pumasok ang mga tanod sa loob ng bahay. Binalak pa nitong tumakbo palabas pero agad din itong nahuli ng mga tanod. “Pati mga bata, dinadamay n’yo!” malakas na sigaw ng isa sa mga tanod at agad na inutusan ang mga kasamahan na ilabas ang lalaki. Nang makalabas ang mga ito ay agad na dumako ang paningin ng tanod sa kanilang dalawa ni Nyxie. Lumapit ito at sinabing kontralado na ng mga ito ang sitwasyon. “Ikaw ba si Knoxx?” tanong nito na agad niyang tinugunan ng sunod-sunod na tango. “Magaling ang ginawa mo. Ilang araw na rin naming hinahanap ang mga ‘yan pero masyadong mailap. Nyxie, okay ka lang ba?” “O-opo, Tanod Jose. Okay lang po ako,” sagot ng dalaga na nanatili pa ring nakakubli sa kanyang likuran. “Ikaw na bata ka, ha. Alam ba ng mga magulang mo na may kasama kang lalaki rito sa loob ng bahay n’yo? Hindi mo sinasabi, may boyfriend ka na pala.” Sabay silang nag-react ni Nyxie sa sinabi nito. “Nagkakamali po kayo, Tanod Jose. Magkaibigan lang po kami ni Knoxx.” “Tama, magkaibigan lang po kaming dalawa. Katulad ni Addy, kaibigan ko lang si Nyxie.” Tumango ang tanod at mukhang naniwala naman ito sa kanilang dalawa. “Siya, magpahinga na kayong dalawa. Mag-iiwan ako ng mga tanod dito na magbabantay sa inyo. Bukas na bukas din, pumunta kayo sa Baranggay. Isama niyo ang mga magulang n’yo para mapag-usapan natin ang mga dapat gawin hinggil sa nangyari ngayong gabi. ‘Wag na kayong mag-alala, nasa labas lang ang mga tanod natin.” “Salamat po.” Hinatid na ni Knoxx sa pinto si Tanod Jose. Gaya ng sinabi nito ay may mga tanod na nagpaiwan sa labas ng bahay. Nakahinga na rin nang maluwag si Knoxx at agad na bumalik sa loob ng bahay. Naabutan niya si Nyxie na nakaupo sa couch. Bakas pa rin ang takot at pag-alala sa mukha nito kaya dumeretso siya sa kusina at agad na kumuha ng tubig. Inabot niya ito sa dalaga at naupo sa tabi nito. “Okay ka lang ba?” Tumango ito. Sumandal si Knoxx sa couch at ipinikit ang kanyang mga mata. Mukhang hindi na ulit siya makakatulog pa. “Uy, sorry. Napunit ‘yong damit mo.” Naimulat niya ang kanyang mga mata nang maramdaman ang kamay ni Nyxie na humawak sa laylayan ng kanyang damit. Kapagkuwan ay tumayo ito at tumungo sa silid ng mga magulang. Paglabas nito ay mayro’n na itong dalang T-shirt. “Ito lang ang nahanap kong pinaka maliit na damit ni Papa. Hiramin mo na muna. Mukha namang kasya sa ‘yo,” sabi nito saka inabot ang dalang T-shirt sa kanya. “Tumalikod ka. Bawal manilip,” aniya dahilan para umikot ang mga mata nito. Napangiti na lamang siya nang tumalikod ito. Hinubad na rin ni Knoxx ang kanyang damit at nagpalit ng bago.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD