Chapter 16

1910 Words
“SALAMAT sa cooperation n’yo. Tatawagan na lang ulit namin kayo para sa panibagong mga update.” Sabay na tumayo mula sa harapan ng Punong Baranggay ang buong pamilya Perez at pamilya Dela Cruz. Nagpasalamat sila sa mga opisyal ng Baranggay sa mabilis na aksyon hinggil sa nangyaring panloloob sa pamilya Perez kagabi. Saglit pa na nag-usap ang mga matatanda kaya nagpasya sina Knoxx at Nyxie na mauna na sa paglabas ng Hall. Agad silang sinalubong nina Addy, Tan at Sab na batid nilang kanina pa na naghihintay sa labas. Lumapit ang mga ito at nakibalita sa mga nangyari sa loob. “Grabe rin ‘yong nangyari sa inyong dalawa kagabi. Mabuti na lang talaga at kasama mo si Knoxx, Nyxie. ‘Pag nagkataon, ewan ko na lang kung anong nangyari sa ‘yo,” umiiling na sambit ni Tan at nauna na sa pagpasok sa loob ng sasakyan. Sumunod na rin sila rito. “Oo nga, Nyxie. ‘Buti na lang talaga at ligtas ka,” naiiyak naman na sambit ni Sab at mahigpit na niyakap ang dalaga. Agad na nabaling ang tingin ni Knoxx sa gilid nang maramdaman ang pagtapik ni Addy sa kanyang braso. Ngumiti ito na agad niyang tinugunan. “Salamat sa pagligtas mo kay Nyxie, Knoxx. Hindi talaga ako nagkamali na tawagan ka kagabi.” “Hindi mo kailangang magpasalamat, Addy. Ginawa ko lang ang sa tingin ko’y tama,” sagot niya. “Knoxx at Nyxie, sasabay ba sa atin ang mga magulang n’yo o mag co-commute na lang sila? Medyo late na rin kasi tayo sa School. Ang paalam ko kasi kay Sir Kevin ay hanggang nine AM lang tayo ma la-late. Baka markahan na niya tayo ng absent ‘pag nahuli pa tayo ng ilang minuto,” wika ni Tan. Dumako ang paningin ni Knoxx sa labas ng bintana. Hindi pa rin lumalabas ng Hall ang mga magulang nilang dalawa ni Nyxie kaya nagpasya na siyang balikan ang mga ito. “Ma.” “Oh, Neo. Bakit?” “Akala ko ba Knoxx ang pangalan nitong anak mo, Viola? Bakit Neo?” nagtatakang tanong ng Mama ni Nyxie. “Knoxx Neo ang buo niyang pangalan. Nasanay lang ako na Neo ang itawag sa kanya,” paliwanag ng kanyang ina. “Gano’n ba? Nga pala, Knoxx. Hindi pa ako nagpapasalamat sa ginawa mong pagligtas sa anak namin. Maraming salamat. Kung hindi dahil sa ‘yo, baka kung ano na ang nangyari kay Nyxie,” sabi ng Mama ni Nyxie bago inabot ang kanyang kamay. Mahigpit itong hinawakan ng Ginang bagay na ikinangiti ni Knoxx. “Walang anuman po, Tita. Magkaibigan po kaming dalawa ni Nyxie kaya ginawa ko lang po ang nararapat.” “Pero salamat pa rin. Pumunta ka minsan sa bahay, ipagluluto kita ng paborito kong pinakbit.” “Opo, salamat po.” “Pero alam n’yo, napapansin ko. Itong batang ‘to ay parang may kaunting hawig kay Sir Kevin, ‘yong adviser nila. Tingin n’yo?” Agad na dumako ang paningin ni Knoxx sa ina nang bigla itong maubo. Hinimas niya ang likuran nito. Marahil ay masyado na naman itong nasubsob sa trabaho. Hindi na niya hihintayin pa na lumala ang nararamdaman ng ina at igagawa niya agad ito ng tsaa mamaya pag-uwi para kahit papaano ay gumanda ang pakiramdam nito. “Hindi ba may pasok pa kayo? Sige na, mauna ka na. Mag bu-bus na lang ako mamaya,” sabi ng ina at marahang hinaplos ang kanyang pisngi. Tumango si Knoxx at nagpaalam na sa ina gano’n din sa mga magulang ni Nyxie. Dumeretso na agad sila sa Eastville Academy. At dahil sa katatapos lang na eksaminasyon at palapit na bakasyon ay hindi na nagbigay pa ng aralin ang kanilang mga guro. “Masaya ako dahil mataas ang nakuha nating MPS ngayong semester. Marami sa inyo ang nag-improve at pinilit na makaabot sa passing score ng examination. Dahil d’yan ay mayro’n akong good news sa inyong lahat.” “Woah! Ano po ‘yon, Sir Kevin?” tanong ng isa sa mga kaklase nila. “Manlilibre po ba kayo, Sir?” “Sana matuloy na po ngayong bakasyon ang plano nating camping sa Albay,” turan ng isa pa nilang kaklase na agad na sinang-ayunan ng lahat. “Sasabihin ko lang sana, na hindi muna ako magbibigay ng output para sa loob ng dalawang linggong bakasyon n’yo. Kasi gusto kong sulitin n’yo nang husto ang bakasyon n’yo at bumalik next semester nang masaya.” Sabay-sabay na naghiyawan ang buong Class 4C sa sinabi ni Teacher Kevin. Bagaman malayo ito sa hinihingi ng buong klase pero mababakas pa rin ang tuwa at pananabik sa mukha ng mga ito dahil sa sinabi ng guro. “Siya, ipamimigay ko na ang mga answer sheets ninyo. Make sure na mag re-review pa rin kayo kahit papaano.” “Opo, Sir Kevin!” sabay-sabay nilang sagot. “Timothy Andrei Navarro.” Tumayo si Tan at agad na lumapit sa gitna. Nanlaki ang mga mata nito nang makita ang mga nakuha nitong marka. Tuwang-tuwang itong bumalik sa upuan at sumenyas na pasado lahat ng test nito. “Sabrina Noble.” Sunod na tumayo si Sab at kinuha ang answer sheets nito. Gaya ni Tan ay abot-tainga rin ang ngiti ng dalaga kaya nabatid agad nila na pasado rin ang mga exam nito. Nabaling ang tingin ni Knoxx sa katabing si Nyxie. Kanina pa ito hindi mapakali at panay ang paghugot ng malalim na paghinga. Batid niyang natatakot ito sa magiging resulta ng eksaminasyon lalo na’t alam niya kung gaano nito pinaghandaan at pinaghirapan ang lahat. “Okay ka lang ba?” bulong niya dahilan para mabaling ang tingin nito sa kanya. “Kinakabahan ako,” pag-amin nito. “Huwag kang kabahan. Anuman ang magiging resulta ng test mo, tandaan mong pinaghirapan mo ‘yon.” Tumango si Nyxie at agad na ngumiti. Muling itinuon ni Knoxx ang kanyang paningin sa harapan. Nakuha na rin ni Addy ang answer sheets nito at dahil nakangiti ang kaibigan ay hindi rin napigilan ni Knoxx ang mapangiti. Masayang-masaya siya para sa mga ito. “Knoxx Neo Dela Cruz.” Agad na tumayo si Knoxx nang tawagin ang kanyang pangalan. Lumapit siya kay Teacher Kevin na agad siyang sinalubong ng matamis na ngiti. “Halos naperfect mo ang lahat ng mga test mo. Ngayon pa lang ay nakikita ko na ang magandang kinabukasan na naghihintay sa ‘yo. You made me proud, Knoxx,” sambit ng guro saka siya mahinang tinapik sa balikat. Mahina lang ang pagkakasabi nito at tanging silang dalawa lamang ang nakarinig. “Salamat, Sir Kevin.” “Walang anuman. Ipapaalala ko lang ulit ang tungkol sa review natin. Bukas na ako pupunta sa bahay n’yo,” dagdag pa nito. “Opo, Sir Kevin. Hindi ko po nakakalimutan ang tungkol doon,” aniya at nagpasya na bumalik sa kanyang upuan. “Let’s give a hand to Nyxie Perez. Sobrang laki ng improvement niya ngayon. She almost pass all her test bagay na hindi niya nagagawa noon. Good job, Miss Perez.” Napangiti si Knoxx at agad na kinalabit ang natulalang si Nyxie. Umulan ng palakpakan mula sa kanilang mga kaklase pero hindi pa rin gumagalaw ang dalaga. Muli itong kinalabit ni Knoxx. Nang tuluyang maintindihan ang sinabi ng guro ay nagmadali itong tumayo at kinuha ang answer sheets nito. Gulat na gulat ang reaksyon nito nang makabalik sa upuan. “Kita mo na? Walang imposible basta ginagawa mo ang best mo,” aniya at ginulo ang buhok nito. Nang matapos sa pamimigay ng answer sheets ay nagpaalam na rin si Teacher Kevin. Pinagbigyan sila nitong umuwi ng maaga lalo na’t batid nitong sabik na silang lahat na umuwi at ibalita sa mga magulang nila ang resulta ng eksaminasyon. “Congrats, Nyx. Sabi ko na nga ba, papasa ka.” “Salamat, Tan. Hindi lang talaga ako makapaniwala na halos naipasa ko ang lahat ng mga test ko,” nakangiting sabi ni Nyxie bago hinarap ang tahimik na si Knoxx. Palabas na sila ng Akademiya at ayon kay Tan ay ililibre sila nito ng meryenda. “Ikaw talaga ang totoong dahilan kung bakit ko nagawa ‘to, Knoxx. Salamat, ah.” “Huwag kang magpasalamat sa akin, Nyxie. Magpasalamat ka sa sarili mo. Ikaw ang nagpakahirap na makapasa, hindi ako.” “Pero salamat pa rin.” Napangiti na lamang si Knoxx at bahagyang ginulo ang buhok nito. Nagpatuloy na sila sa paglalakad hanggang sa makalabas ng Akademiya. Agad silang pumasok sa nakaparadang sasakyan ng pamilya ni Tan at nagpahatid sa paboritong kainan ng mga ito. ABOT-TAINGA ang ngiti ni Nyxie nang pumasok siya sa pintuan ng kanilang bahay. Agad niyang natanaw ang ina na abala sa kusina habang nagbabasa naman ng pahayagan ang kanyang ama sa sala. Dahan-dahan siyang naglakad at nang mapansin ng ama ang pagdating niya ay agad nitong ibinaba ang hawak na pahayagan at tinawag ang kanyang ina. “Mukhang maganda ang ngiti mo, anak,” bungad ng kanyang ama. Naupo si Nyxie sa tabi nito at agad na niyakap ang Papa niya. Alam nitong nagpapalambing siya kaya mainit nitong tinugunan ang kanyang yakap. “Pa, lumabas na po ang resulta ng exam namin.” “Oh? Kumusta?” Sumimangot si Nyxie kaya ngumiti ang ama. Hinaplos nito ang kanyang buhok at sinabing tanggap nito ang resulta ng kanyang test. Halos sanay na rin ito na palagi siyang bagsak kaya wala siyang narinig na kahit ano mula rito. “Gusto mo bang kumain tayo sa labas?” “Papa, dapat n’yo po talaga akong i-treat. Kasi halos pasado po lahat ng exam ko.” “Alam ko— teka, ano’ng sabi mo, anak? Pasado ka?” hindi makapaniwalang sambit ng kanyang ama. Ngumiti si Nyxie at sunod-sunod na tumango. Nang marinig ng ina ang kanyang sinabi ay nagmadali itong lumapit sa kanilang puwesto. Inilabas ni Nyxie ang kanyang mga answer sheets at agad na inabot sa mga magulang. Parehong namilog ang mga mata ng mga ito habang tinitingnan ang resulta ng kanyang eksaminasyon. “Ang galing talaga ng anak ko,” tuwang-tuwang sabi ng kanyang ama saka siya niyakap nang mahigpit. Dumako ang paningin ni Nyxie sa ina at kitang-kita niya ang ngiti na rumihestro sa mukha nito. “Natutuwa ako at naipasa mo ang exam mo. Gaya ng ipinangako ko noon, ibabalik ko na ang mga libro mo. Pero— kapag bumagsak ka ulit, mapipilitan akong kunin ulit ang mga ‘yon sa ‘yo. Naiintindihan mo ba?” Ngumiti si Nyxie at agad na nilapitan ang ina. Pinaulanan niya ito ng mga halik sa pisngi at mahigpit na yakap. “Promise, Ma. Hindi ko na po pababayaan ang pag-aaral ko. Thank you po talaga,” masayang-masaya wika niya. “Siya, kumain na tayo. Bukas n’yo na pag-usapan kung saan kayo pupunta at kakain bukas. Lalamig na itong mga niluto ko,” sabi nito at hinanda na ang mesa. “Hindi ka ba sasama bukas, Honey? First time na nakapasa ang anak mo. Kailangan nating mag-celebrate,” sabi ng ama. “Siyempre, sasama ako. Pero dahil ikaw ang nagyaya, ikaw rin ang magbabayad sa gastos.” “Ano?” Sabay silang natawa ng ina sa naging reaksyon ng Papa niya. Natahimik si Nyxie at pinagmasdan ang mga magulang. Sa loob ng maraming taon, ngayon lang ulit sila sumaya nang ganito. Kung dati ay tahimik silang kumakain, ngayon ay may napagkukuwentuhan na sila. ‘Sana, palagi na lang kaming ganito,’ aniya at muling napangiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD