Chapter 14

1843 Words
NAPAATRAS si Nyxie at agad na naghanap ng pamalo. Nagpatuloy ang mga katok sa labas ng pinto kaya mas lalong bumilis sa pagtibok ang kanyang puso. Wala na siyang ibang maasahan sa ngayon kundi ang kanyang sarili. Nang walang mahanap na kahit na anong pamalo ay mabilis siyang tumakbo pupunta sa kusina. Kinuha niya ang kawali at mahigpit itong hinawakan. Naglakad siya pabalik sa pinto at dahan-dahang hinawakan ang doorknob. Ilang beses siyang napalunok habang paunti-unting itong binubuksan. “AH!” malakas niyang sigaw at agad na hinampas ang hawak na kawali. “Nyxie!” Natigilan siya nang marinig ang pamilyar na boses na tumawag sa kanyang pangalan. Bumungad sa kanya ang magkasalubong na mga kilay ni Knoxx habang hawak-hawak ang kamay niyang may hawak na kawali. “Ano’ng ginagawa mo? Bakit mo ako gustong hampasin ng kawali?” nagtataka nitong tanong at agad na inagaw ang kawali mula sa kanyang kamay. Naramdaman ni Nyxie ang pag-init ng kanyang mga mata. Hindi na niya napigilan pa ang kanyang sarili at mabilis na niyakap ang kaibigan. Natigilan si Knoxx sa ginawa niya at hindi agad na nakagalaw. Takot na takot siya. Buong akala niya ay mga magnanakaw na ang kumakatok sa kanilang pinto. Akala niya ay mapapahamak na siya. Mabuti na lang at si Knoxx ang dumating, kahit papaano ay panatag na ang kanyang loob. “Sorry, ah. Akala ko kasi magnanakaw ka,” sabi niya at niyaya itong pumasok sa loob ng bahay. Sinigurado niyang naka-lock nang mabuti ang pinto bago naglakad pabalik sa living room. “May magnanakaw bang kumakatok sa pinto?” asik nito at tumungo sa kusina para ibalik ang hawak nitong kawali. “Sorry na nga, eh. Ano nga pala ang ginagawa mo rito?” “Tinawagan kasi ako ni Addy. Wala ka raw kasama ngayong gabi. Nasaan ba ang mga magulang mo?” Hindi napigilan ni Nyxie ang mapangiti. Akala niya ay pinabayaan na siya ni Addy. Mabuti na lang at tinawagan nito si Knoxx para samahan siya. Masuwerte talaga siya sa kanyang mga kaibigan. “Ah, pupunta raw kasi sa probinsya sina Mama at Papa. Na-ospital daw si Lola kaya kailangan nilang dumalaw,” paliwanag niya. Tumango ito at sinilip ang suot niyang backpack. “Saan ka pupunta? Bakit ka may dalang bag?” “Ah, doon kasi sana ako makikitulog kina Sab. Pero okay na, nandito ka naman, eh,” nakangiti niyang sabi bago itinapon ang dalang bag sa ibabaw ng couch. “Ginawa mo pa akong baby sitter. Sige na, matulog ka na. Dito na lang ako sa couch—” “Teka! Walang gan’yanan! Hindi pa kaya ako kumakain tapos patutulugin mo na ako? Ayoko nga!” “Hindi ka pa kumakain? Bakit hindi ka nagluto?” “Paano ako magluluto? Eh, hindi ako marunong magluto,” pag-amin niya. Tinapunan siya ng tingin ni Knoxx at mayamaya pa’y bigla itong umiling. Lumapit ito sa fridge at naghalungkat ng makakain. Naglabas ito ng mga gulay at lumapit sa lababo. Hinubad nito ang suot na hoddie bago hinugasan ang mga nakuhang gulay. “Magluluto ka?” tuwang-tuwang tanong ni Nyxie at agad itong nilapitan. “Gusto mo, ikaw na?” Agad siyang umiling. Inutusan siya nitong tumabi at maupo na lang kung wala rin naman siyang gagawin. Habang hinahanda ni Knoxx ng mga gamit sa pagluluto ay napatingin si Nyxie sa mga gulay na nakalatag sa kanyang harapan. Inabot niya ang kutsilyo at hiniwa ang mga ito. May alam rin naman siya kahit papaano. “Ano ‘yan?” Nag-angat ng tingin si Nyxie nang marinig ang boses ni Knoxx. Nakatingin ito sa mga hiniwa niyang gulay. “Bakit?” “Anong bakit? Hindi kasi gan’yan ang tamang paghiwa ng mga gulay. Akin na. Maupo ka na lang kasi r’yan.” Kinuha nito ang hawak niyang kutsilyo at ipinagpatuloy ang paghiwa sa mga gulay. Hindi sinasadyang nabaling ang tingin niya sa braso nito. Makinis ang balat ni Knoxx at halata rin ang mga maninipis nitong balahibo. Malaki rin ang mga braso nito, halatang sanay na sanay na sa mga mabibigat na gawain. Hindi na siya magtataka pa. Lumaki si Knoxx na walang ama kaya marahil, bata pa lamang ay ginampanan na nito ang mga responsabilidad ng isang ama sa loob ng bahay. Marahil ay sinanay na nito ang sarili sa mga mabibigat na gawain nang sa gano’n ay makatulong ito sa Mama nito. Kahit nga ang pagluluto ay gamay na gamay na nito. “May iba ka bang gustong kainin? Ang tahimik mo yata masyado,” puna ni Knoxx sa pananahimik niya. Agad na umiling si Nyxie at pinanood ito sa ginagawa. Nang malapit ng matapos sa pagluluto si Knoxx ay inayos na rin niya ang mesa. “Ang bango naman niyan,” nakangiti niyang sabi at agad na naupo. Sumandok siya ng kanin at agad na tinikman ang niluto nito. “Ang sarap!” bulalas niya. “Kumain ka nang marami.” “Nga pala, Knoxx. Paano ang Mama mo? Mag-isa lang ba siya sa bahay n’yo?” Tumigil sa pagsubo si Knoxx at tinapunan siya ng tingin. Kapagkuwan ay tumango ito. Bumagsak ang mga balikat ni Nyxie sa nalaman. Bigla siyang nakonsenya. Nagawang iwan ni Knoxx ang Mama nito para lang samahan siya. Parang biglang bumigat ang pakiramdam niya dahil doon. “Huwag mo ng isipin si Mama. Hinabilin ko naman siya sa kapitbahay namin bago ako umalis,” sabi nito at inutusan siyang kumain nang marami. Tumango si Nyxie at agad na nilantakan ang niluto nito. NASAPO ni Nyxie ang kanyang sikmura nang maubos ang laman ng kanyang plato. Sumandal siya sa upuan at ipinikit ang kanyang mga mata. Bigla siyang nakaramdam ng antok. Agad na naimulat ni Nyxie ang kanyang mga mata nang marinig ang malakas na kalabog mula sa silid ng kanyang mga magulang. Tumingin siya kay Knoxx na nagkataong nakatingin din sa kanya. Nang tumayo ang binata ay agad siyang sumunod. Napakapit siya sa braso nito nang dahan-dahang itong naglakad papunta sa silid ng kanyang mga magulang. “Knoxx, noong isang araw pa may kumakalat na balita tungkol sa mga magnanakaw na umaaligid dito sa lugar namin. Paano kung nandito sila?” bulong niya. Tinapunan siya ng tingin ng kaibigan bago inabot ang kanyang kamay. Hinawakan ito ni Knoxx nang mahigpit bago inabot ang baseball bat ng kanyang ama na nasa gilid ng pader. Bumaba ang tingin ni Nyxie sa kamay ni Knoxx na nakahawak sa kamay niya. Hindi niya alam pero bigla siyang napangiti. Baliw na yata siya. Nasa gitna sila ng ganitong sitwasyon pero pakiramdam niya ay lumundag sa tuwa ang kanyang puso. “Dito ka lang. Ako na ang papasok sa loob.” “Pero—” “Mahihirapan akong gumalaw kapag nakakapit ka sa akin. Ito, gamitin mo.” Inabot nito sa kanya ang vase na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Tumango na lamang si Nyxie at pinanood itong pumasok sa loob ng silid ng mga magulang. Dumungaw siya sa pinto. Agad na dumako ang kanyang paningin sa mga nahulog na libro. Pinulot iyon ni Knoxx at ipinatong sa mesa. Sunod nitong tiningnan ang mga bintana. “Wala namang kahina-hinala. Baka nahulog lang talaga ang mga ‘yan sa sahig.” Lumingon ito sa kanya. Nagpasya na rin si Nyxie na pumasok sa loob ng silid. Ibinaba niya ang hawak na vase saka inangat ang mga nahulog na libro. “Sino si Kendall Romero?” “Si Mama. Bakit?” “Sigurado ka?” Nag-angat ng tingin si Nyxie at agad na napatingin sa hawak na libro ni Knoxx. Sinilip niya ito at agad na kumunot ang kanyang noo nang makita ang pangalan ng kanyang ina na nakasulat sa mismong cover ng libro. “Author?” hindi makapaniwalang sambit niya at agad na inagaw ang libro mula sa kamay ng kaibigan. Binuklat niya ito at mas lalong nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang isa itong nobela. Ano ang ibig sabihin nito? “Hindi ba nasabi ng Mama mo? Mukhang isa siyang writer noon.” Nanatiling nakaawang ang bibig ni Nyxie habang nakatingin sa hawak na libro. Sunod niyang tiningnan ang iba pang mga libro. Nasapo niya ang kanyang bibig nang makitang hindi lamang isa kundi tatlong libro ang nakasulat mismo sa pangalan nito. Tama si Knoxx, mukhang writer nga ang Mama niya noon. Bigla niyang naalala ang araw na sinabi niyang pangarap niyang maging writer. Kitang-kita niyang namutla nang husto ang pisngi ng ina. Parang bigla itong natakot sa sinabi niya. “Ang kyut mo rito.” Nabaling ang tingin niya Knoxx. Muling nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang hawak nito ang litrato niya noong limang taong gulang pa lamang siya. Marahil ay nakaipit sa isa sa mga libro ang litratong iyon kaya nakita ng kaibigan. “Akin na ‘yan,” sabi niya at pilit na inagaw ang hawak na litrato. Inaangat ni Knoxx ang kamay nito kaya napilitan siyang tumalon. “Sandali lang. Patingin muna.” “Knoxx! Akin na sabi!” Muli siyang lumundag at inabot ang kamay nito pero masyado itong mataas. Kung hindi lang sana siya mukhang kawawa sa litrato ay hahayaan niya itong pagmasdan ang kanyang itsura. Kaso panget siya noong bata pa siya kaya nahihiya siya nang husto. “Knoxx!” gigil na gigil niyang sabi bago tumalon at hinablot ang braso nito. Sabay na nanlaki ang kanilang mga mata nang bumagsak si Nyxie sa ibabaw ng kama. Dahil sa hila-hila niya ito ay napasama ito at bumagsak sa kanyang ibabaw. Pareho silang natigilan at napatitig sa isa’t isa. Ilang beses na napalunok si Nyxie habang nakatitig sa malalim at kulay tsokolate nitong mga mata. Napansin din niya ang paggalaw ng Adam’s apple nito habang nakatitig sa kanya. Bumaba ang paningin nito sa kanyang labi kaya doon na natauhan si Nyxie. Mabilis niya itong itinulak palayo at agad na bumangon. Ibinaling niya ang tingin sa kabilang direksyon. Hindi niya ito magawang tingnan. “Ah. . . Hindi pa pala naliligpit ang mesa,” paalam nito at agad na lumabas ng silid. Nasapo ni Nyxie ang kanyang dibdib. Bakit siya kinakabahan? Hindi naman bago sa kanya ang may kasamang lalaki pero bakit ganito ang nararamdaman niya? Ilang taon na niyang kasama sina Addy at Tan. Halos katabi na niyang natutulog ang mga ito pero kahit kailan ay hindi pa siya nakaramdam ng ganito. Bakit kaya pagdating kay Knoxx ay nagwawala ang kanyang puso? Natatakot ba siya rito? Ipinilig niya ang kanyang ulo at nagpasyang iligpit ang mga libro. Inayos niya ang pagkakasalansan ng mga ito. Ipinasok na rin niya sa loob ng kabinet ang litrato na pinag-aagawan nilang dalawa ni Knoxx kanina. Nang matapos sa ginagawa ay saglit na inayos ni Nyxie ang kanyang sarili. Sumilip siya mula sa pinto at nakita niya si Knoxx na abala sa paghuhugas ng pinggan sa lababo. Muli siyang huminga nang malalim bago lumabas ng silid. Nilapitan niya ito at naupo sa stool. Lumingon ito pero agad ding ibinalik ang tingin sa paghuhugas. Napasimangot si Nyxie. Baka dahil sa nangyari ay hindi na ulit siya papansinin pa ni Knoxx. Ano’ng gagawin niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD