Chapter 11

1843 Words
"SAAN ka nanggaling?" Napahinto si Nyxie sa pagpasok sa kanyang silid nang marinig ang boses ng ina na nagsalita mula sa kanyang likuran. Maingat na nga ang ginawa niyang paglalakad sa pagbabakasakaling hindi siya nito mapapansin subalit nagkamali siya. Marahil ay kanina pa nito inaabangan ang kanyang pag-uwi. Imposible namang hindi nito napansin na buong araw siyang wala sa bahay. "Huwag kang magsisinungaling. Buong araw kang wala rito sa loob ng bahay, gano'n din kina Addy kaya sabihin mo, saan ka na naman nagpupunta. Hindi mo ako maloloko, Nyxie. Kilalang-kilala kita," dagdag pa nito kaya napilitang lumingon si Nyxie at harapin ito. "Sa bahay po ng kaibigan ko," sagot niya. Natahimik ang ina at matagal siyang pinagmasdan. Ilang beses niya itong narinig na humugot ng malalim na paghinga. "Nag-aaral lang naman po kami. Hindi po kami gumala," dagdag niya. "Aral? Sigurado ka?" Tumango si Nyxie. Alam niyang hindi kumbinsido ang kanyang ina kaya nagpasya siyang maupo sa sofa. Inilabas niya mula sa kanyang backpack ang kuwaderno niya pati na ang ginawang summary ni Knoxx. May mga naiwan pang mga tanong si Knoxx kanina na hindi niya natapos sagutan dahil gumagabi na. Kaya ang ginawa ni Nyxie ay sinagutan niya ang mga ito sa mismong harapan ng ina. Ilang oras din silang nag-aral kanina. At bagaman, hirap na hirap siya sa pagsagot sa mga ibinigay nitong tanong, paunti-unti ay nakukuha na rin niya ang tamang proseso sa pagsagot sa kanilang mga gawain. Ayon pa sa komento ni Knoxx kanina, gumagaling na raw siya. "Ano'ng ginagawa n'yo?" Nag-angat ng tingin si Nyxie nang marinig ang boses ng kanyang ama. Sa sobrang tutok niya sa ginagawa ay hindi niya napansin na nakaupo na rin pala ang kanyang ina sa tabi niya at bahagyang sinisilip ang kanyang ginagawa. "Oh, ang galing mo naman, anak," nakangiting sabi ng Papa niya at naupo na rin sa tabi niya. Ipinagpatuloy niya ang ginagawa hanggang sa matapos siya. Sunod niya itong inabot sa kanyang ina. "Sino ang nagturo sa 'yo nito? Alam kong hindi si Addy dahil nakita ko siyang sinundo ng tutor niya kanina," tanong ng ina matapos nitong tingnan ang kanyang mga sagot. "Si Knoxx po, 'yong bago naming kaklase na galing sa Westward Academy. Top student po siya sa Westward at isa sa mga representative ng Class 4C sa nalalapit na Quiz Bee," paliwanag ni Nyxie. "Gano'n ba? Sige, itago mo na 'to. Magbihis ka na at ipaghahanda kita ng hapunan." Tumayo na ito at agad na pumasok sa kusina kaya nagkatinginan silang dalawa ng ama. "Gumagaling ka na, anak. Ipagpatuloy mo lang ang pag-aaral mo at paniguradong magiging mabait na ang Mama mo sa 'yo." "Opo, Papa." Hindi napigilan ni Nyxie ang mapangiti habang papasok sa kanyang silid. Ito yata ang unang beses na hindi siya pinagalitan ng Mama niya. Mukhang tama nga ang sabi ni Knoxx na kapag tumaas ang kanyang grades ay magiging okay rin silang dalawa ng Mama niya. Pagkatapos magbihis ay agad na pumanhik si Nyxie sa dining area. Nakahanda na ang mesa nang makarating siya kaya wala na siyang iba pang ginawa kundi ang maupo. "Kumain ka nang marami, anak. Masarap ngayon ang nilutong ulam ng Mama mo," nakangiting sabi ng Papa niya saka nilagyan ng kanin ang kanyang plato. "Tuwing kailan kayo nag-aaral ng Knoxx ba 'yon?" tanong ng kanyang ina nang sandaling makaupo ito. "Kahapon lang po kami nagsimula. Pumunta po ako sa bahay nila nang uwian," paliwanag niya. "Ano? Pumunta ka sa bahay nila? Anak, delikado 'yon. Babae ka at lalaki siya," biglang singit ng kanyang ama. "Pa, pumupunta rin naman po ako kina Addy." "Iba pa rin 'yon. Matagal na nating kilala si Addy at alam natin na mabait ang batang 'yon. Isa pa, magkaibigan kayo ni Addy." "Mabait din naman po si Knoxx at kaibigan ko rin po siya." "Huwag na kayong magtalo. Nyxie, papuntahin mo rito sa bahay 'yang si Knoxx. Gusto ko siyang makausap." "Opo." Hindi na ulit nagsalita pa si Nyxie. Ipinagpatuloy na lamang niya ang pagkain. "Nga pala, 'yong tungkol sa nangyari noong isang araw. Pasensiya ka na kung nasigawan kita. Hindi ko naman talaga intensyon na saktan ka." Nabulunan si Nyxie nang marinig ang sinabi ng kanyang ina. Dali-dali siyang kumuha ng tubig at agad na uminom. Malaki ang mga mata na tinapunan niya ito ng tingin. "Hindi ko naman talaga sinunog ang mga libro mo, itinago ko lang muna pansamantala. Kapag matataas ang mga marka mo this semester, ibabalik ko ang mga 'yon." Mas lalong nanlaki ang mga mata ni Nyxie at agad na tumayo. Lumapit siya sa Mama niya at agad itong niyakap. Masayang-masaya siya sa mga narinig. "Pangako po, pagbubutihan ko po ang pag-aaral. Thank you po," tuwang-tuwang sabi niya. Gumanti ito ng ngiti at inutusan siyang bumalik na sa kanyang upuan. "Bakit ba kasi puro pagbabasa ang ginagawa mo? Kung ginagawa mo lang sana ng tama ang mga priorities mo, hindi na sana tayo aabot sa ganito." "Ang totoo po kasi n'yan, pangarap ko pong maging writer. Kaya po ako nagbabasa ng mga nobela dahil doon po ako kumukuha ng mga ideya at inspirasyon. Sorry po kung naaapektuhan no'n ang pag-aaral ko. Pangako, simula ngayon, mag-aaral po muna ako nang mabuti. Sa susunod na lang po 'yang sulat-sulat kapag nakapagtapos na ako," nakangiting sabi niya. Parehong natulala ang kanyang mga magulang sa sinabi niya at saglit pang nagkatinginan. "W-writer? Gusto mong maging writer?" Tumango si Nyxie sa sinabi ng ina. Napansin niya ang biglang pagputla ng mukha nito. "Bakit po?" "Ah, ang mabuti pa. Kumain na lang tayo. Tingnan n'yo, lumalamig na ang pagkain," pag-iiba ng ama sa usapan. Hindi na lamang nagsalita pa si Nyxie at ipinagpatuloy na ang pagkain. HINDI mabura-bura ang ngiti ni Nyxie habang nakaupo sa harapan ng kanyang side table. Natapos na rin niyang sagutan ang lahat ng mga tanong na ibinigay sa kanya ni Knoxx kanina. Hindi siya sigurado kung tama ang mga sagot niya pero masaya siya dahil paunti-unti ay natuto na siyang tumayo nang mag-isa. Para sa kanya ay isang himala ang pagdating ni Knoxx sa buhay niya. Nang walang maisip gawin ay agad na inabot ni Nyxie ang kanyang cell phone. Nakuha niya ang numero ni Knoxx kanina kaya tinawagan niya ito. "Hello?" "Knoxx, ako 'to si Nyxie." "Oh, Nyxie. Bakit ka napatawag? Tapos na ba ang ibinigay kong assignment sa 'yo?" "Oo, tapos na. Nga pala, Knoxx, may ibabalita ako sa 'yo. Okay na kami ng Mama ko. Nagkabati na rin kaming dalawa," nakangiti niyang sabi. "Magandang balita nga 'yan." "Sinabi ko kasi sa kanya na nag-aaral na ako nang mabuti kaya hindi na rin siya nagalit. Ang totoo n'yan, nalaman niyang tinuturuan mo ako kaya gusto ka raw niyang makilala. Iniimbitahan ka niyang pumunta rito sa bahay," dagdag pa niya. "Sige, walang problema sa akin 'yon." "Knoxx, thank you talaga, ah. Nang dahil sa 'yo, naging okay na kami ng Mama ko. At alam mo ba, hindi pala totoo na sinunog niya ang mga libro ko. Tinago lang raw niya pansamantala pero ibabalik din daw niya kapag tumaas na ang grades ko. Bigla tuloy akong ginanahang mag-aral." Tumayo si Nyxie mula sa pagkakaupo at naglakad papunta sa kanyang kama. Agad siyang sumampa at ipinagpatuloy ang pakikipagkuwentuhan kay Knoxx. Mabuti na lang talaga at mayro'n na itong cell phone. Kahit anong oras ay puwede na niya itong makausap. "Hindi ka pa ba matutulog? Gumagabi na." Dumako ang paningin ni Nyxie sa orasan na nakapatong sa side table. Pasado alas diyes na ng gabi. Hindi niya namalayan ang paglipas ng oras. Masyadong napasarap ang pakikipagkuwentuhan niya kay Knoxx. "Sige, matutulog na ako. Good night." "Uhm. Good night." Nauna ng ibaba ni Nyxie ang tawag. Agad niyang ipinatong ang kanyang cell phone sa ibabaw ng side table at bumalik sa pagkakahiga. Ipinikit na niya ang kanyang mga mata hanggang sa nakatulog na rin siya. MATAGAL na natuon ang pansin ni Addy sa babaeng mannequin na nakadisplay sa loob ng isang boutique. Pinagmamasdan niya ang kulay rosas na fitted dress nitong suot. Si Nyxie ang una niyang naalala nang makita ang damit. Alam niyang matagal na nitong gustong bilhin ang damit kaso nga lang ay wala itong pera. Isang buwan mula ngayon ay kaarawan na nito. Napangiti siya nang maisip na maganda itong panregalo para sa dalaga. Nagpasya si Addy na pumasok sa loob ng boutique. Binili niya ang damit at agad na ipinabalot. Alam niyang isang buwan pa bago ang kaarawan nito pero mahirap na at baka may makauna pa sa gustong damit ni Nyxie. "Salamat," sabi ni Addy nang iabot sa kanya ang nakabalot na damit. Nakangiti siyang lumabas ng boutique. Ngunit agad ding nawala ang ngiting iyon nang matanaw niya mula sa hindi kalayuan ang nakangiting mukha ni Nyxie. Kasama nito si Knoxx. Humigpit ang pagkakahawak niya sa damit at agad na tumalikod. Nagkubli siya sa gilid ng pader hanggang sa malagpasan siya ng mga ito. Hindi niya napigilang sundan ng tingin ang dalawa. Mukhang tuluyan ng inangkin ni Knoxx ang puwesto niya sa buhay ni Nyxie. Ito na ngayon ang bago nitong best friend. Naikuyom niya ang kanyang mga kamay. Hinding-hindi siya papayag na basta-basta na lamang kunin ni Knoxx ang lahat ng mayro'n sa kanya. Pagiging top sa klase at lalong-lalo na si Nyxie. Kailangan niyang gumawa ng paraan para muling mapalapit sa dalaga. "Addy!" Agad na napalingon si Addy nang marinig ang boses ng kanyang tutor. Sumenyas ito na sumunod na siya sapagkat sisimulan na nila ang kanilang pag-aaral. Tumango si Addy at tinapunan ng tingin sa huling pagkakataon ang papalayong sina Nyxie at Knoxx. Sumunod na rin siya sa kanyang tutor na pumasok sa loob ng gusali na madalas nilang puntahan. Pinilit ni Addy na maintindihan ang lahat ng mga itinuro ng kanyang tutor. Mahigit tatlong oras din silang nanatili sa loob ng gusali hanggang sa matapos ang kanilang session. Ngumiti na ito at agad na nagpaalam sapagkat mayro'n pa itong gagawin. Naiwang mag-isa si Addy sa lugar. Sa halip na iligpit ang kanyang mga gamit ay nagpatuloy siya sa pag-aaral. Wala siyang sinayang na oras. Kailangan niyang masigurado na makukuha niyang muli ang highest rank this semester. Alam niyang huli na sa pagdating sa klase si Knoxx kaya mas lamang pa rin siya rito kahit papaano. Hinding-hindi siya papayag na sa isang iglap lamang ay nasa kay Knoxx na ang lahat ng mga pinaghirapan niya. Nang mapagod sa ginagawa ay agad na dinukot ni Addy ang kanyang cell phone. "Addy, mabuti naman at tumawag ka," bungad ni Tan sa kabilang linya. "Magkasama ba kayo ni Nyxie?" "Oo, nasa bahay kami ngayon. Nandito rin sina Sab at Knoxx. Ano? Gusto mo rin bang pumunta rito? Sige na, pumunta ka na. Miss na miss ka na namin." Napangiti si Addy sa sinabi nito at agad na tumango. "Pupunta ako r'yan." "Yes! Sige, hihintayin ka namin dito." Napabuga nang malalim na paghinga si Addy matapos niyang maibaba ang tawag. Nagmadali siyang iligpit ang kanyang mga gamit. Kailangan niyang maging malapit ulit sa mga kaibigan. Sa gano'ng paraan ay mababantayan din niya ang mga kilos ni Knoxx.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD