Chapter 12

1897 Words
UMIKOT ang paningin ni Knoxx sa kabuuan ng bahay nina Tan. Naiwang nakanganga ang kanyang bibig habang manghang pinagmamasdan ang mga mamahaling gamit na naka-display sa paligid. Malinis ang buong bahay at organisadong tingnan ang bawat mga gamit. Halos lahat ay nasa kanya-kanyang mga puwesto. "Tara sa itaas," pagyayaya ni Tan at agad na pumanhik sa ikalawang palapag. Naipilig ni Knoxx ang kanyang ulo. Ayon sa sinabi ni Tan ay isang beses lang sa isang buwan kung umuwi ang mga magulang nito. Ibig sabihin ba no'n ay mag-isa lang ito na nakatira sa ganito kalaking bahay? "Hoy! Tara na. Kanina ka pa tahimik d'yan." Kinalabit siya ni Nyxie kaya walang nagawa si Knoxx kundi ang sundan ang mga ito paakyat ng hagdan. Mukhang sanay na rin sina Nyxie at Sab sa bahay ng kaibigan. Nang makarating sa ikalawang palapag ay agad silang pumasok sa pinakadulong silid. Hindi nakaligtas sa paningin ni Knoxx ang mga mamahaling gadgets na nakakalat kung saan-saan. Tama ang sinabi ni Tan, hindi nga nito nagagamit ang lahat ng mga gadget na mayro'n ito. "Ano'ng gusto niyong gawin natin? Mag-swimming tayo?" pagyayaya ni Tan na agad na sinang-ayunan ng dalawang babae. Tumikhim si Knoxx kaya nabaling ang tingin ng mga ito sa kanya. "Pumunta tayo rito para mag-aral, hindi para mag-swimming," seryosong sabi niya. "Ang KJ mo talaga, Knoxx. Minsan lang naman, eh," nakabusangot na sabi ni Nyxie saka siya mahinang sinuntok sa braso. Sinamaan niya ito ng tingin kaya walang nagawa ang dalaga kundi ang maupo at ilabas ang mga kuwaderno nito. "Mag-aral na rin kayong dalawa. Tandaan niyo, bukas na ang exam. Kapag hindi kayo nakapas—" "Yes, Master. Mag-aaral na po," sabat ni Tan at agad na pinaghila ng upuan si Sab. Nagsimula na ring magpaliwanag si Knoxx kaya natuon ang pansin ng mga ito sa kanya. Math at Science lang ang tinutukan nila dahil madali na lang ang ibang asignatura. Gumawa siya ng summary at ibinigay 'yon sa tatlo. Mas lalong mahihirapan ang mga ito kapag naghalo-halo na lahat ng mga pinag-aaralan nila. Mas mainam rin na alam ng mga ito kung saan lamang mag fo-focus. "Knoxx, paano 'to? Bakit hindi ko maintindihan?" "Knoxx, puwede ba kapag ganitong formula ang gamitin ko?" "Knoxx, check mo nga kung tama 'tong ginagawa ko." Nagpabalik-balik si Knoxx sa tatlong kaibigan. Kahit mag-isa lamang siya ay sinigurado niya na nabibigyan niya ng sapat na atensyon ang mga ito. Ilang mga tips na rin ang ibinigay niya sa tatlo para mas madaling maintindihan ng mga ito ang mga pinag-aaralan nila. Bukas na ang araw ng eksaminasyon kaya seryoso na rin siya sa pagtuturo sa mga ito. "Sir Tan." Sabay silang nag-angat ng tingin nang pumasok mula sa pinto ang isa sa mga katulong nina Tan at may bitbit na meryenda. Agad na nabaling ang tingin ni Knoxx sa kanyang relo. Pasado alas onse na pala ng tanghali. Masyado silang naging abala sa pag-aaral kaya hindi na rin nila napansin pa ang paglipas ng oras. "Sir Tan, kanina pa po kayo nag-aaral. Mag-meryenda po muna kayo. Nagluluto na rin po sina Manang Lucille. Baka mayamaya lang po ay manananghalian na rin kayo," nakangiting sabi ng katulong. "Thank you, Manang Rena." "Walang anuman, Sir. Ihahatid ko na lang po rito mamaya ang mga pagkain n'yo." "Hindi na po kailangan, Manang Rena. Sa baba na po kami kakain mamaya." "Sige po, Sir. Tatawagin ko na lang po kayo kapag nakahanda na ang lahat." Lumabas na ang katulong kaya nag-unahan na rin sa paglantak ng pagkain ang tatlo. Hindi na siya magtataka pa, alam niyang gutom na gutom ang mga ito matapos makipag bakbakan sa pag-aaral. Natutuwa siya dahil paunti-unti ay nakikita niyang natututo na ang mga ito. "Magpahinga na muna tayo. Mamayang one pm na lang tayo bumalik sa pag-aaral," sabi ni Knoxx at nagsimula na ring kumain. Kahit siya ay ramdam din ang sobrang gutom. "Alam n'yo bang ngayon ko lang lubos na naintindihan ang mga topic na pinag-aralan natin noong nakaraang araw? Ang galing talagang magturo ni Knoxx." Napangiti si Knoxx sa sinabi ni Sab. "Oo, nga. Para nga siyang si Sir Kevin kung magturo. Siguro, pangarap mo ring maging teacher, 'no?" tanong ni Nyxie. Hindi siya nagsalita. Sa totoo lang ay kakaiba ang sayang nararamdaman ni Knoxx sa tuwing may natuturuan siya. Pakiramdam niya ay matagal na niyang gustong gawin ang bagay na 'to. Marahil, hilig talaga niya ang pagtuturo. Nang matapos kumain ay nagyaya ang mga ito na manood ng TV. Napagpasyahan nilang mahiga sa kama at hindi napigilan ni Knoxx ang ipikit ang kanyang mga mata nang makaramdam ng antok. Marahil dahil sa puyat at pagod ay hindi niya napansing nakatulog na pala siya. "KNOXX. . . Knoxx." Dahan-dahang iminulat ni Knoxx ang kanyang mga mata nang maramdaman ang pagyugyog sa kanyang balikat. Agad na bumungad sa kanya ang sobrang lapit na mukha ni Nyxie. Natigilan siya at napatitig sa kabuuan ng mukha nito. 'Ang kyut niya,' aniya at bahagyang napangiti. Ipinagpatuloy niya ang pagtitig dito hanggang sa bumaba ang kanyang paningin sa mapupula nitong labi. Agad na nanlaki ang kanyang mga mata nang mapagtanto ang lahat. Sa sobrang gulat niya ay mabilis siyang bumangon at agad na lumayo sa dalaga. "Okay ka lang ba?" tanong nito at binalak siyang lapitan pero agad siyang umatras. "Huwag ka kasing manakot!" bulyaw niya. "Teka, hindi naman kita tinatakot, ah! Ginigising lang kita kasi kanina ka pa natutulog!" "Bakit kailangang gano'n kalapit ang mukha mo?! Mukha ka kayang multo sa malapitan. Tama si Tan, mukha ka ng zombie," dagdag pa niya at umakto na wari'y kinikilabutan. "Ang sama mo!" Umismid ito at agad siyang tinalikuran. Nakamot ni Knoxx ang kanyang batok. Hindi niya alam kung bakit niya sinabi 'yon. Paniguradong magtatampo na naman si Nyxie sa kanya. "Sandali." Hinarangan niya ang dalaga. Nag-angat ito ng tingin at tinitigan siya nang masama. Napatingin si Knoxx sa kawalan habang nag-iisip ng magandang sasabihin dito. Nang wala siyang masabi ay umikot ang mga mata ni Nyxie. Akmang lalagpasan siya nito nang mabilis niya itong nahawakan sa braso. Walang nagawa ang dalaga kundi ang huminto at tumingin sa kanya. "Tapos mo na bang basahin ang Bridges of Love?" Agad na kumunot ang noo ni Nyxie sa tanong niya. Kahit si Knoxx ay napakamot rin sa kanyang batok. Wala na siyang maisip sabihin. Alam niyang gustong-gusto ni Nyxie ang pagbabasa kaya baka magbago ang reaksyon nito kapag nagtanong siya tungkol sa mga libro. "Binasa ko kasi noon ang libro mo kaya lang 'di ko natapos, kaya kung puwede ko sanang mahiram. . ." "Hindi ko pa tapos basahin pero ibibigay ko agad sa 'yo 'pag natapos ko na. Binasa mo talaga 'yon? Ano? Maganda, 'di ba?" Napangiti si Knoxx nang biglang magbago ang ekspresyon ng mukha ni Nyxie. Ngumiti ito at kumapit sa kanyang braso. Wala na siyang nagawa pa nang hilahin siya nito palabas ng silid. Tama nga siya, magbabago ang reaksyon nito kapag libro na ang pinag-uusapan. Panay lang ang tango ni Knoxx sa mga tanong nito kahit ang totoo ay wala naman talaga siyang naiintindihan. Nang makababa sa hagdan ay agad siyang natigilan nang matanaw ang nakatinging si Addy. Matalim ang tingin nitong nakatitig sa kamay ni Nyxie na nakahawak sa kanyang braso. Kaya nagpasya si Knoxx na hawakan ang kamay ni Nyxie at dahan-dahang tinanggal mula sa pagkakahawak sa kanya. "Bakit?" Tumigil sa pagkukuwento si Nyxie at agad na nabaling ang tingin sa unahan. Nang makita ang nakatayong si Addy ay agad itong tumakbo papunta sa kaibigan. Ipinagpatuloy na rin ni Knoxx ang paglalakad palapit sa mga ito at agad na naupo sa harapan ng mesa. Nakahanda na ang kanilang tanghalian. "Mabuti naman at nandito ka, Addy. Alam mo bang pinahihirapan ako ni Knoxx? Lahat ng mga mahihirapan na tanong, sa 'kin niya binibigyan. Pero alam mo, marunong na akong mag-solve ngayon. Naiintindihan ko na ang mga lesson natin. Tapos bati na rin kaming dalawa ni Mama. Niyayaya nga niya si Knoxx na pumunta sa bahay, eh," pagkukuwento nito. Nabaling ang tingin ni Addy sa kanya pero agad din 'yong binawi ng binata. Ngumiti ito at bahagyang ginulo ang buhok ni Nyxie. "Mabuti naman kung gano'n." Nag-abot ng kanin si Addy at agad na nilagyan ang plato ni Nyxie. Nagsimula na silang kumain. Tahimik lang na nakikinig si Knoxx sa pinag-uusapan ng mga ito. Magsasalita lang siya sa tuwing tinatanong o kaya'y kinakausap, pero pagkatapos no'n ay muli siyang matatahimik. "Nga pala, Addy. Alam mo bang hinahanap ni Knoxx ang Papa niya? Sumama ka sa paghahanap namin. Gusto ko nga this summer ay umpisahan na natin ang paghahanap." Nabaling ang tingin ni Addy sa kanya nang marinig ang sinabi ni Tan. "Knoxx, bakit mo nga pala hinahanap ang Papa mo?" tanong ni Sab. Ngumiti si Knoxx at ibinaba ang hawak na kutsara. "Hindi ko kasi siya nakilala simula noong ipinanganak ako. Sabi ni Mama, lumayo raw siya noon sa halip na panagutan kami," sagot niya. "Paniguradong hindi 'yon naging madali para sa 'yo, Knoxx. Mahirap kayang lumaki ng walang Papa," komento ni Sab. "Tama. Kaya 'wag kang mag-alala, Knoxx. Hahanapin natin ang Papa mo anuman ang mangyari." Ngumiti si Knoxx at nagpasalamat sa mga kaibigan. Nang matapos silang kumain ay agad na nagpaalam si Tan. Nauna itong umakyat sa silid nito kaya naiwan silang apat sa living room. Napagpasyahan nilang manood ng TV. Mayamaya pa ay nagpaalam rin ang dalawang babae na pupunta sa CR kaya naiwan silang dalawa ni Addy sa sala. Agad na nabaling ang tingin ni Knoxx kay Addy na seryosong nakatuon ang pansin sa TV. Sinilip niya ang direksyon na pinuntahan nina Nyxie at Sab. Mukhang matatagalan pa naman ang mga 'yon kaya puwede pa niyang makausap si Addy. "Pasensiya ka na sa mga nangyari." Agad na napalingon si Knoxx nang marinig ang sinabi ni Addy. Tumingin ito sa kanya at tipid na ngumiti. Hindi niya alam ang isasagot kaya saglit siyang natigilan. "Ang totoo n'yan, naingit ako sa 'yo. Pakiramdam ko kasi, lahat ng gusto kong makuha ay na sa 'yo na. Matalino ka, mabait, mahilig makipagkaibigan. Kahit si Nyxie, agad na napalapit sa 'yo. Alam mo bang, muntik na kitang kamuhian, Knoxx? Not until, I heard your story. 'Yong tungkol sa Papa mo, alam kong hindi madali ang bagay na 'yon. Naisip ko, hindi pala talaga worth it na kainggitan kita. Kasi pagdating sa mga Papa, mas masuwerte pa rin ako kaysa sa 'yo. I've been with my father all my life. Kahit kailan, hindi niya ako iniwan. Alam ko na mahal na mahal niya ako." Tumigil si Addy sa pagsasalita at humugot ng malalim na paghinga. Ngumiti ito at sa pagkakataong ito ay alam niyang tunay na ang ngiting nakikita niya sa mga labi nito. "Patawarin mo sana ako sa mga inakto ko nitong nakaraan. Kinain lang ako ng inggit at immaturity. Gusto pa rin kitang maging kaibigan kaya sana'y gano'n ka rin," nakangiting sabi ni Addy bago nito nilahad ang palad sa kanyang harapan. Gumanti ng ngiti si Knoxx at agad na inabot ang kamay nito. "Patawarin mo rin ako. Hindi ko gusto na makaramdam ka ng inggit. Magkaibigan pa rin tayo, Addy. Walang nagbago ro'n," sagot ni Knoxx. "Kalimutan na lang natin ang mga nangyari. Magtulungan na lang tayo para mahanap ang Papa mo at para na rin kay Nyxie." Ngumiti si Knoxx at sunod-sunod na tumango. Masaya siya at bati na rin silang dalawa ni Addy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD