Chapter 10

2083 Words
MABILIS ang takbo ni Knoxx. Kahit alam niyang malayo na ang distansiya nilang dalawa ni Tan ay hindi siya nag-aksayang huminto para hintayin ito. Pagkatapos niyang sundan ang ina ay nawala na sa kanyang isipan ang tungkol sa usapan nilang dalawa ni Nyxie kahapon. Sana ay hindi pa ito dumarating. Wala naman itong sinabing eksaktong oras ng pagdating nito pero hindi pa kasi siya nakapag-ayos ng bahay. Balak pa sana niyang maglinis muna saglit nang sa gano'n ay maging komportable ito sa pag-aaral nila. Tumigil sa pagtakbo si Knoxx nang makarating sa tapat ng kanilang bahay. Sarado pa rin ang tarangkahan kaya iginala niya ang kanyang paningin. Kumunot ang kanyang noo nang matanaw si Nyxie na nakaupo sa Karinderiya ni Aling Pasing. Agad niya itong nilapitan at halos mahulog ang kanyang panga nang makita ang ilang mangkok ng pagkain sa harapan nito na ngayon ay wala ng laman. Hindi siya sigurado kung may kasabay ba sa pagkain si Nyxie o kung ito mismo ang umubos ng lahat ng laman ng mangkok. "Nyxie, buhay ka pa ba?" Sinundot niya ang pisngi nito. Nagmulat ng mga mata ang dalaga at agad siyang inismiran. May hula na agad siya na galit ito sa kanya. "Saan ka ba galing? Kanina pa kaya ako naghihintay rito. Tingnan mo, malapit ko ng maubos ang lahat ng binibenta ni Aling Pasing!" singhal nito sa kanya. Humingi siya ng tawad. Hindi rin naman niya ipagkakaila na may kasalanan siya rito. "Woah, Nyx! Naubos mo talaga ang lahat ng 'yan? Hayop ka talaga sa kainan." Biglang sulpot ni Tan sa kanilang tabi at agad na pinagtawaanan ang dalaga. Muli itong umismid at hindi sila pinansin. Nagyaya si Tan na maupo muna saglit. Hindi pa rin daw ito nag a-almusal kaya nag-order ito ng dalawang kanin para sa kanilang dalawa. Halos hindi na rin makagalaw sa kabusugan si Nyxie kaya hinayaan na muna nila itong magpahinga habang kumakain silang dalawa ni Tan. "Uy, Tan. Ano nga pala ang ginagawa mo rito?" tanong ni Nyxie. "Sasabay ako sa pag-aaral sa inyo. Hindi kasi sumasagot si Addy at wala rin naman akong magawa sa bahay kaya naisip ko si Knoxx," paliwanag nito. "Medyo abala nga si Addy ngayon. Kumuha kasi ng private tutor ang Mama niya kaya wala siyang ibang choice kundi ang mag-aral. Nakausap ko rin siya kanina. Ang totoo niyan, kaya siya umalis ng maaga kahapon kasi dumating ang Mama niya. Nagmadali siyang kitain ito dahil aalis din agad ito papunta sa ibang bansa." Nag-angat ng tingin si Knoxx. Ngayon ay malinaw na sa kanya ang tunay na dahilan kung bakit gano'n ang mga inakto ni Addy kahapon. Kahit papaano ay nakahinga siya nang maluwag. Buong akala pa naman niya ay galit ito sa kanya. Kailangan na talaga niya itong makausap para makahingi ng paumanhin. Mali na hinusgahan niya agad ito. "At ikaw naman, Knoxx. Saan ka ba nagpunta at ang tagal-tagal mo? Halos pumuti na ang mga mata ko kakahintay sa 'yo." "Pasensiya na, may importante lang akong ginawa." Hindi napigilan ni Knoxx ang mapabuga ng malalim na paghinga nang maalala ang ginawang pagsunod sa ina. Alam na niya kung saan ito nagtatrabaho o kung anong klaseng trabaho ang pinasok nito. Namimigay ng flyers ang kanyang ina sa mga dumaraang tao sa buong bahagi ng Kalye Ino. Nagtatrabaho ito sa ilalim ng tirik na araw pero halos walang pumapansin dito. Nakausap din niya ang isa sa mga kasamahan ng ina na nagkataong napadaan sa kanyang tabi. Ayon dito ay nagtatrabaho rin ang Mama niya bilang taga-linis ng banyo pagkatapos nitong mamigay ng flyers. Naawa siya sa kanyang ina. Alam niyang hindi madali ang mga ginagawa nito para lang matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Kaya kailangang gumawa ng paraan ni Knoxx para matulungan ito. "Nga pala, tatawagan ko si Sab. Papupuntahin ko siya rito para sabay-sabay na tayong mag-aral. Medyo masama pa rin ang loob ng isang 'yon dahil sa nangyari sa mga magulang niya. Mas mabuti na rin 'yong makapamasyal siya at makahinga nang maluwag," sabi ni Nyxie na agad na sinang-ayunan ni Tan. Nang matapos kumain ay pumasok na sila sa loob ng bahay. Unang beses ni Tan na pumasok sa bahay nila kaya pinagbigyan muna nila itong maglibot-libot. Tumungo na rin sa kusina sina Knoxx at Nyxie para maghanda ng kanilang meryenda. "Kumusta na nga pala kayo ng Mama mo?" "Hindi pa rin okay. Medyo nagtatampo pa rin ako sa kanya," nakabusangot na sagot ni Nyxie. "Sorry nga pala, ah. Nang dahil sa ginawa ko, nag-away tuloy kayo ng Mama mo. Huwag kang mag-alala. Gagawin ko ang lahat para tumaas ang grades mo this quarter. Kapag nangyari 'yon, matutuwa na rin ang Mama mo," aniya. "Tingin mo ba mangyayari 'yon?" "Oo, naman. 'Wag mo kasing isipin na mahirap." Hindi nagsalita si Nyxie. Nauna na itong lumabas at tumungo sa likod ng bahay. Tinawag na rin ni Knoxx si Tan at niyaya sa kubo. "Ang lakas ng hampas ng hangin. Parang ang sarap tumira rito," nakangiting sabi ni Tan at bahagya pang pumikit habang ini-enjoy ang sariwang hangin. "Nga pala, Tan. Alam mo bang hinahanap ni Knoxx ang Papa niya? Hindi raw niya ito nakita simula noong baby pa siya pero mayro'n siyang picture. 'Di ba, marami kang mga koneksyon? Baka naman magawan mo ng paraan para mapabilis ang paghahanap natin sa Papa niya," sabi ni Nyxie na ikinaangat ng tingin ni Knoxx. Pinagbalingan niya ng tingin si Tan na agad na tumango. Hiningi nito ang litrato ng kanyang ama at agad na kinuhanan ng litrato gamit ang cell phone nito. "Huwag kang mag-alala, Knoxx. Tatawagan ko ang mga koneksyon ko, ipapahanap natin ang Papa mo," nakangiting sabi ni Tan. Gumanti ng ngiti si Knoxx at agad na nagpasalamat. Sana talaga ay mahanap nila agad ang Papa niya. Matagal na niya itong hindi nakikita at sabik na sabik na siyang mayakap ito. "Nga pala, may ibibigay ako sa inyo." Mula sa loob ng kanyang bag ay naglabas ng apat na kahon ng cell phone si Tan. Nanlaki ang mga mata ni Nyxie at agad na kumuha ng isa. "Tan, sa 'min talaga 'to? Ang ganda! Matagal ko ng pangarap na magkaroon nito," tuwang-tuwang sabi ng dalaga at pinaghahalikan ang karton. Nabaling ang tingin ni Knoxx kay Tan nang mag-abot ito ng isa sa kanya. Nag-alangan siyang tanggapin ito. "Sige na. Para talaga 'yan sa inyo. Hindi ko rin naman nagagamit kaya tanggapin mo na," pamimilit nito. "Oo, nga. Wala ka raw sariling cell phone sabi ni Aling Pasing. Balak sana kitang tawagan kanina kaya lang nasa Mama mo raw ang cell phone rito sa bahay n'yo. Tanggapin mo na, kahit for emergency cases lang," sabat naman ni Nyxie. Ngumiti si Knoxx bago inabot ang kahon ng cell phone na hawak na Tan. Nagpasalamat siya sa mga ito at agad na binuksan ang kahon. Nakita niya mula sa gilid ng kanyang mga mata ang pag-apir nina Tan at Nyxie. "Kuya Knoxx!" Sabay na nabaling ang tingin nila sa loob ng bahay nang marinig ang pagsigaw ni Boboy. Gumanti ng sigaw si Knoxx at ipinaalam na nasa likod sila ng bahay. Lumabas ito at maangas na lumapit sa kanila. "Oh, Pula," bati ni Tan sa bata. Naaalala niya, magkasama nga pala ang mga ito kanina. "Pumunta lang ako rito para ibigay sa 'yo ang sukli mo. Humingi rin ako ng listahan kay Manang Belen, 'yan lahat ang mga kinain natin kanina. Bilangin mo ang sukli, walang bawas 'yan," sabi nito na may kasama pang hampas ng kamay. "Hindi ko naman hinihingi ang sukli, ah. Sana hinati-hati niyo na lang 'to o kaya pinambili niyo ng ulam," sabi ni Tan. "Hindi naman sa 'min 'yang pera. Isa pa, ayoko rin namang mapag-isipan ng masama kaya mas mabuti ng maibigay ko 'yan sa 'yo. May pera pa akong pambili ng ulam, 'di ko kailangan 'yan," sabi ni Boboy at agad na tumalikod. Sinundan na lamang nila ito ng tingin. "May mali ba sa sinabi ko?" kunot-noong tanong ni Tan. "Unawain mo na lang si Boboy. Lumaki kasi 'yang ulila at ang Lola lamang niya ang nag-aalalaga sa kanya. Pinaghihirapan niya ang bawat sentimong pinambibili nila ng pagkain. Madalas din siyang napag-iisipan ng masama dahil na rin sa hindi siya nakapag-aral at sa estado niya sa buhay. Pero mabait 'yang si Boboy. Palagi siyang tumatambay rito sa kubo lalo na kapag marami siyang ibibidang kuwento sa 'yo. Tinuturuan ko rin siyang magbasa at magsulat kaya kahit papaano, may kaunti na siyang nalalaman sa ngayon," pagkukuwento ni Knoxx. Agad niyang napansin ang pagguhit ng lungkot at awa sa mukha ni Tan. "Sana makatulong ako kay Pula. Ano kaya ang puwede kong gawin?" Nangalumbaba ito at matagal na natahimik. Minsan na niyang nakita ang pagiging matulungin ni Tan lalo na sa mga naghihirap sa buhay. Alam niyang hindi ito makakatulog sa pag-iisip ng paraan para makatulong kay Boboy. Kahit papaano ay natutuwa si Knoxx. Matagal na rin niyang gustong tulungan si Boboy, hindi nga rin niya alam kung paano. "Hello?" "Si Sab!" Automatic na napabangon si Tan nang marinig ang boses ni Sab. Dali-dali itong tumayo at agad na tumakbo papasok ng bahay. Sinundo nito ang isa pang kaibigan. "Alam mo, napapansin ko. May kakaiba r'yan kina Tan at Sab. Sigurado ka ba na magkaibigan lang ang dalawang 'yan?" bulong ni Knoxx kay Nyxie. "Ewan." Nagkibit-balikat si Nyxie na sinimulan ng lantakan ang kanilang meryenda. Pinalo niya ang kamay nito. Hindi pa nga sila nagsisimulang mag-aral pero naubos na nito ang meryenda nila para mamaya. "Bakit ba? Kumakain lang naman ako, eh." Umismid na naman ito. Kinuha ni Knoxx ang kanyang kuwaderno at inabot sa dalaga. "Ayan, para mas madali mong maintindihan ang mga pinag-aaralan natin ay gumawa ako ng summary. Nakahiwalay na rin ang mga problem solving. Mayro'n akong mga pinakitang proseso r'yan sa pagkuha ng tamang sagot. Intindihin mo at pag-aralang mabuti," paliwanag niya. "Summary na ba 'to? Bakit ang hirap pa rin?" "Huwag kasi puro reklamo, basahin mo muna. Dito ka mag-focus sa unang tanong. Subukan mong i-solve." "Puwede ba munang kumain?" Sinamaan niya ito nang tingin kaya walang nagawa ang babae kundi sundin ang utos niya. Nakabalik na rin si Tan kasama si Sab kaya nagsimula na silang mag-aral. Lumipas ang mga oras. Halos malapit na ring matapos si Knoxx sa pagsagot sa kanyang gawain nang mabaling ang tingin niya kay Nyxie. Nakatukod ang kaliwang kamay nito sa pisngi at nakapikit ang mga mata. Mukhang tulog na ito. "Wala ka talagang maasahan kay Nyxie," sambit ni Tan at muling itinuon ang pansin kay Sab. Sabay na nagbabasa ang mga ito. "Tama na muna 'yan. Kumain na muna tayo," pagyayaya ni Knoxx at bumalik sa loob ng bahay para maghanda ng bagong meryenda. Kanina pa naubos ni Nyxie ang mga pagkain nila kaya gagawa na lang ulit siya ng bago. "Paano si Nyxie?" tanong ni Sab nang magsimula silang kumain. "Shush. Tulog pa siya kaya kumain lang kayo," utos ni Knoxx. Muling nabaling ang tingin ni Knoxx sa natutulog na si Nyxie. Paniguradong magwawala ito mamaya oras na malamang nagmeryenda ulit sila. "Good morning, Kamahalan," bungad ni Knoxx nang magising si Nyxie. Kinusot nito ang mga mata at agad na nabaling ang tingin sa mga platong nakalatag sa kanilang harapan. "Kumain kayo? Nasaan ang sa 'kin?" tanong nito at nagpalinga-linga. "Tulog ka kasi kaya inubos na namin," sagot naman ni Tan. "Ang sama niyo! Sab, bakit 'di mo ako ginising?" "Sorry, Nyxie." "Tapos na kaming mag-aral. Pauwi na rin sina Tan at Sab. Mukhang maiiwan ka rito. Tingnan mo, hindi ka pa nga nangangalahati," sabi ni Knoxx. "Eh, gutom kasi ako. Hindi ako makapag-concentrate kapag walang laman ang sikmura ko." "Huwag ka ng magreklamo. Tapusin mo na 'yan." "Guys, what if sa bahay tayo mag-aral bukas?" suhestiyon ni Tan na ikinangiti ng dalawang babae. Hindi maganda ang kutob ni Knoxx. Parang may iba pang pakay ang mga ito. "Ayos. Sige, mauuna na kami. Ako na ang maghahatid kay Sab pauwi. Tatawagan ko na lang kayo bukas." Nagpaalam na ang dalawa. Muling nabaling ang tingin ni Knoxx kay Nyxie. "Knoxx, 'di ba may hinandang pagkain ang Mama mo para sa—" "Mamaya na kapag natapos mo na 'yan. Hinding-hindi ka uuwi hangga't sa hindi mo natatapos 'yang pinapaggawa ko. Malawak itong kubo. Puwede kang matulog dito kung gusto mo. 'Yon nga lang, may nagpaparamdam ditong white lady," pananakot ni Knoxx. Agad na napatili si Nyxie at pinaghahampas siya ng libro. Ayaw raw nitong matulog sa kubo kaya umayos na ito at muling bumalik sa pag-aaral.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD